webnovel

Chapter 6

"Anak ng tinapa," malakas na hampas ni Phelan sa manibela ng kotse saka tila naasar na bumaba ng sasakyan para kausapin ang mga lalaking nakaharang sa daraanan namin.

Pakiramdam ko'y nabawasan ang pagkahilo ko dahil sa sitwasyon. I even shook my head para lang magising. Alam kong hindi si Phelan ang pakay ng mga outcross kundi kami ni Ara lalong-lalo na ako. Tingin ko'y naramdaman nila ang presensya ko nang kaninang nagpigil akong magising ang dugo ng liwanag sa aking sistema. Pero ang ipinagtataka ko, hindi naman ako naging ganap na urion kaya papaano nila malalamang may isang uncrowned urion ang gumagala sa Diamond Hills?

Kaiba sa mga crowned beings, ang mga uncrowned urions ang pangunahing target ng mga nagkalat na human outcross. Kamakailan lang naging talamak ang pag-hunt sa mga uncrowned dahil sa hindi pa nalalamang dahilan. Ang tanging alam ko lang, mas pinupuntirya nila ang mga kagaya naming uncrowned dahil sa tingin nila'y mas madali kaming dakpin. Ang unang dahilan, hindi pa kami ganoong kalakas kumpara sa mga crowned.

Kasalanan ko 'to. Nadamay ko na naman si Ara at pati ang inosenteng nilalang na si Phelan. Siguro nga hindi na inosente ang pag-iisip ng lalaki dahil nagawa na nitong nakawan ako ng halik, pero sa mundo ng liwanag at dilim ay maituturing siyang inosente at walang kamuwang-muwang. He's on the base of the food chain, the weakest kind, kaya kailangan namin siyang protektahan dahil sa oras na may madamay na tao sa tagpong ito, tiyak na ipapatawag na naman kami ng LOU at baka bawiin ang naghihintay na korona misyon na dapat ay ipapatong na saakin dahil nakapasa na ako sa pagsusulit. Tiyak na sasabog na naman ang tainga ko sa mga sermon ni Friedan at hahaba na naman ang panahon mananatili ako sa poder niya.

Napakapit ako kay Ara at sinubukang yugyugin ang balikat nito. "Ara, s-shuntokin m-mo ako."

"What?" histerikal na reaksyon ng babae dahil sa suhestiyon ko. "You know I can't hurt my bestfriend. I can't do that!"

"H-huwag kang O.A Ara Tala, suntukin mo ako para magising ako. Hindi nagigising ang urion sa katawan ko."

"Ba't ka ba kasi inantok ng ganyan sis? First time yan ah. Baka bad breath naman yang si Phelan Vargas kaya nahilo ka ng ganyan!" muling usal nito.

Gusto ko sanang sabihin na mabango ang hininga ng lalaki at parang nakalagok ng isang boteng mouthwash pero wala nang oras pa. Baka usisain pa ako ng babae tungkol sa halik ni Phelan Vargas. "S-suntukin mo na ako sabi eh! 'Yong malakas!"

"Kiera, Are you sure?" tanong nito saakin.

Bago pa ako makasagot ay dumapo na sa mukha ko ang kanang kamao ng babae. Malakas ito sumuntok kumpara sa ordinaryong tao. Marahil ay nagising na rin ang dugong urion nito. Naramdaman ko ang lakas ng kamao nito na tila nayanig at naalog ang buo kong katawan. Tumulo ang mainit na likido sa aking pisngi kasabay ng pagkalat ng kirot sa aking mukha. Nagising ako pansamantala pero kaagad bumalik ang antok sa katawan ko. "I-isa pa Ara!"

"What? You sure?" Tanong uli nito sabay sapak sa ibaba ng panga ko kahit hindi pa ako nakakasagot sa tanong niya. Halos basagin ng kamao nito ang mukha ko pero hindi parin ako nagising. Pinilit kong labanan ang antok pero sadyang makapangyarihan ang espirito ng antok sa katawan ko.

"Ohhh!" usal ko habang nilalabanan ang antok. Napansin kong tila umiinit na ang usapan ni Phelan at ng limang lalaki. "K-kutsilyo! Give me my damn dagger Ara!"

"Antok ka pa, lalaban ka ng ganyan? Anong dagger? Wala kang dalang ganoon! Wait here. Ako na muna ang bahala Kiera." Nasambit nito saka mabilis na inalis ang seatbelt. Nauntog pa ako sa headboard ng sasakyan nang walang pasabi niya akong binitawan at mabilis na binuksan ang pintuan ng kotse. Habang sinusubukan kong makaupo ng diretso ay napansin ko ang pagpalag ni Phelan nang hawakan siya sa braso ng lalaking kalbo at may malaking katawan. Mabilis din itong nakailag nang tangkain siyang sipain ng parehong lalaking humawak sa kanya. Kaagad na nakalapit sa kanila si Ara na sa tingin ko'y nasa anyong urion na ang mga mata. Alam kong kulay asul na ang mga mata nito. Sa katauhang meron siya ngayon, alam kong hindi na siya ang matatakutin at kikay na Ara na tinatakasan si Phelan Vargas noong nagdaang araw.

Nagulat si Phelan nang humarang si Ara sa harapan nito at mabilis na yumukod sabay tapon ng magkakambal na uppercut sa dalawang lalaking kaharap ng binata.

Napaatras si Phelan pero hindi siya nilubayan ng isa pang outcross. Tinapunan niya ng suntok sa sikmura si Phelan at sa kasamaang palad ay napuruhan ito. Malaki ang katawan ng lalaking sumuntok sa kanya kaya halos maduwal ito nang tamaan ang kanyang sikmura. Napansin kong nagsiunahan sa paglabas ang laway at likido sa bibig nito dahil sa sobrang lakas ng pagkakasuntok sa kanya. Hawak ang nananakit na sikmura, napaluhod ang gwapong binata. Tatadyakan pa sana ito ng sumuntok sa kanyang kalbong outcross nang mabilis namang sumulpot sa likuran ng kalaban si Ara. Halos sampong talampakan ang taas ng tinalon nito mula sa kalabang oucross na nambugbog kay Phelan. Nakita kong lumutang pa sa ere ang babae habang kumikinang ang asul niyang mata. Napakapit ako sa upuan ng kotse nang paikot na pinalakbay ni Ara ang kanang binti saka inipon ang pwersa sa bukong ng kanyang paa. Isang round-house kick ang gagawin ng dalaga.

"Haaayaaahh!" sigaw ng babae bago pakawalan ang ang isang mabigat na paa padapo sa batok ng kalaban. Mabilis ang naging pagtugon ng target na outcross. Nasalo nito ang binti ni Ara na nasa ere. Mabilis niyang nahawakan ang kanan nitong paa at walang pakundangang iwinasiwas paikot ang babae na parang isang laruan saka malakas na ibinalibag sa isang matandang puno ilang metro lang ang layo.

"Shit! Ara!" napasigaw ako saka mabilis na dinukot ang bag ng babae. Inaantok pa ako at tila lutang. Kailangan kong gisingin ang sarili ko. Kung kinakailangan sugatan ko ang katawan ko para tuluyang magising, gagawin ko.

"Fuck this cr-" hindi na natapos ni Phelan ang pagsigaw nang tangkain nitong sumugod dahil nasapok na naman siya sa pisngi ng isa pang kalaban. Nakamatyag lang ang dalawang lalaki na nasa likuran ng tatlong kalaban na tila aliw na aliw sa pinapanood.

Mukhang hindi pangkaraniwan ang mga human-outcross na humarang saamin. Nagawa nilang talunin si Ara ng wala ni isang patak ng dugo o pawis. Kahit na pagsamahin pa ang lakas namin ni Ara, sa tingin ko'y mahihirapan kaming pabagsakin sila. Hindi mga newborn outcross ang nasa harapan ko ngayon. Sa tantiya ko'y kakailanganin ng isang galit na Astrid para matalo ang mga kalaban. Pero hindi ko pwedeng ipaalam sa lalaki ang sitwasyon dahil malilintikan na naman ako no'n. Shit! Shit, shit uli Kiera. Nagsimula lang naman magulo ang mundo mo dahil kay Phelan.

Naghihimutok ako at pilit na nilalabanan ang antok. Pinilit ko pang pihitin ang bukasan ng pinto ng kotse pero sadyang lutang ang buong katawan ko at tila ilang sandali na lang ay babagsak na ang mga talukap ko. Bigla, natigilan ako. Nakapa ko ang manicure kit ni Ara. Naghanap ako ng matulis na bagay na naroon. Gumawa pa iyon ng ingay nang hanapin ko ang nail pusher. Sa wakas ay nakapa ko ang matulis na nail pusher na halatang hindi pa gaanong gamit. Mabilis ko iyong dinukot mula sa bag ni Ara. Mahigpit ko itong hinawakan habang nakatutok ang matulis na dulo nito sa nanlalambot kong binti. Sinubukan kong itarak ang dulo ng pusher pero hindi ko man lang nagawang punitin ang tela ng suot kong jeans.

"Aray!" narinig kong sigaw ni Ara na noo'y nakalutang habang hawak sa buhok ng isang matangkad at malaki ang pangangatawan na lalaki. Ramdam ko ang halos pagkapunit ng anit nito. "Aray!" pag uulit ng babae. Malakas. Nakakabingi.

Wala nang malay si Phelan matapos makatanggap ng malalakas na suntok.

Napahigpit ang hawak ko sa pusher. Pigil ang aking paghinga at halos magdurugan ang mga bagang ko nang malakas kong itinarak ang matulis na metal na 'yon sa kaliwa kong binti. Nanunuot ang kirot sa bawat lamang dinaanan nito. Napapikit ako habang ninanamnam ang kirot na tila kumalat sa buo kong katawan. Hindi sapat 'yon para manatili akong gising. Hinugot ko ang pusher saka mabilis na kinapa ang sanitizer sa bag ni Ara. Walang pigil kong binuhusan ang sugat ko ng malamig na sanitizer at halos mapasigaw ako sa sobrang hapdi nito. Nanginginig kong binitawan ang pusher at bote ng sanitizer saka ko pinihit ang bukasan ng kotse. Naramdaman ko na ang pagdaloy ng mainit na likido sa sugatan kong binti pero ipinagsawalang bahala ko na 'yon. Kailangang may gawin ako kundi pare-parehas kaming madadakip dito.

"Kiera!" tawag saakin ni Ara na pumapalag habang hawak ng malaking mama ang ulo nito. Hindi na nakaapak ang mga paa nito sa lupa simula kanina.

Wala na akong narinig pagkatapos no'n. Tanging ang malakas at papabilis ng papabilis na kabog ng aking dibdib ang narinig ko. Nakikita ko ang pagbuka ng bawat bibig ni Ara at ng mga outcross habang nagsasalita pero hindi ko na narinig pa ang mga tinig nito dahil sinakop na ng malakas na kabog ng aking puso. Mistulang bahagi ng isang makina ang pagtakbo ng dugo ng liwanag sa aking mga ugat. Nagising na ang nakatulog kong dugo na kanina'y pinilit kong pigilan. Bahala na kung ano man ang kahinatnan nito. Ang mahalaga, mailigtas ko si Ara at si Phelan.

Bahala na –yan ang tanging salitang nakapa ko bago ko hinayaang sakupin ng pangalawa kong pagkatao ang aking katawan. Naramdaman ko ang mabilisang kirot na nanalaytay sa mga mata ko. Mula sa dark brown kong mga mata, alam kong nagbago na naman ang anyo ng mga ito't naging kulay diyamante. Isang hudyat na ang katawan ko'y isa nang ganap na urion.

Mabilis na naghilom ang sugat ko sa binti hanggang sa wala na akong maramdaman kundi ang mainit na dugong dumadaloy sa iba't ibang bahagi ng aking katawan.

Tila nagulat naman ang mga kalaban sa pagbabago ng itsura ko. Wala na ang babaeng nakasalamin na halatang lalampa-lampa kanina habang pinapanood ang mga kaibigan sa kanilang paghihirap. Gaya ng dati, mas naging malakas ang pang-amoy ko at pandinig pati na ang aking paningin. Mas malakas ang naging pandama ko sa kapahamakan mula sa lahi ng mga outcross. Sa isang kilos lang ng paa, pagtaas ng kilay, pagkuyom ng mga palad, galaw ng mga mata at pati ang paghinga nababasa ko ang susunod na kilos ng isang halimaw na gaya nila. Isa itong pambihirang kakayahan na tinataglay ng bawat anak ng liwanag bukod sa espesyal na kakayahan ng bawat isang urion.

Bawat urion ay may kakaibang kakayahang sila lamang ang nakakagawa. Marahil ang iba'y may pagkakatulad pero mas higit ang pagkakaiba sa bawat espesyal na kakayahan. Kayang burahin ni Ara ang memorya ng isang tao, kayang kumilos ng mabilis ni Vega, kayang manggamot ni Astrid sa kapwa urion at marami pa. Bukod sa isang kakayahang hindi ko kontrolado, masasabi kong ang hightened senses ang laging nakakatulong saakin sa mga ganitong oras.

Muling napasigaw ng malakas si Ara.

Biglang humigpit ang hawak ng matangkad na lalaki sa ulo ni Ara. Mabilis niyong itinapon paharap ang babae. Kaagad ko itong nasalo dahil alam kong gagawin niya 'yon hindi pa man humihiwalay ang kamay nito sa ulo ni Ara.

"Ang sakit ng anit ko," reklamo ng babae nang maibaba ko ito. Kusa naman itong tumayo at humanda sa pakikipagbakbakan namin.

Sabay kaming napalingon ni Ara sa nakahandusay na si Phelan bago sumugod sa tatlong lalaking nakataas na ang mga kamao. Dalawa ang sumalubong saakin samantalang isa naman kay Ara. Matulin akong napadausdos sa damuhan habang nakatupi ang aking binti at nakaliyad. Nakabwelo sa likuran ko ang aking kamao kasabay ng pagtantiya kung alin sa dalawa ang uunahin ko. Sabay na naglabas ng espada ang dalawang outcross saka akmang hahatiin ang nakaliyad kong katawan. Napadiin ang hawak ng kamay kong nakatukod patalikod. Naipon ko ang malakas na pwersa sa aking bisig na nakakapit sa mamasa-masang lupa saka ako mabilis na nagpalit ng pwesto. Malakas ang ginawa kong pagpadyak sa lupa upang maiangat ang aking katawan sa ere. I somersaulted as I lifted my body. Nagulat ang dalawang kalaban sa ginawa ko na kaagad napatingala sa kinaroroonan ko. Sinamantala ko ang pagkakataong iyon upang ihagis ang hawak kong putik na dinukot ko kanina.

Sapol ang dalawang mama na tila nawalan ng konsentrasyon dahil sa napuwing nilang mga mata. Pagbaba ko ay mabilis kong pinaghahampas ang mga braso nitong may hawak na espada. Nakarinig ako ng tunog ng baling mga buto dahil sa malakas kong pag-chop sa mga bisig nila. Nabitawan nila ang kanilang armas. Nang mahawakan ko ang handle ng isang espada ay mabilis kong tinawag ang atensyon ni Ara saka hinagis ito patungo sa kinaroroonan niya.

Nang mahawakan ng kaibigan ko ang espada ay mabilis nitong naitarak sa dibdib ang dulo ng espada at kalaunan ay agad niyang nahugot iyon saka tinapyas ang leeg ng outcross. Bumulwak ang masaganang dugo mula sa naputol na leeg ng kalaban.

Hindi naman ako nagsayang ng oras dahil habang pinapanood ko si Ara ay mabilis ko namang pinadaan pahalaang ang matulis na sandata sa ulo ng mga human-outcross. Nahati ang ulo ng dalawang kalaban kasabay ng paglundag ng mga utak nito sa lupa kinalaunan. Tumalsik pa ang malansang dugo ng mga ito sa aking pisngi.

"I am so amazing!" hinihingal na usal ni Ara na tila nagulat sa bilis ng pangyayari. Kaagad itong lumapit saakin upang muling harapin ang dalawang lalaking natitira. "Now let's cut these two into pieces."

"Take the black guy and I will take the blonde." Suhestiyon ko sa babae.

"Okay madam Kiera AKA Lucy." Anito sabay tango.

Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ko bago ko hawakan ng mahigpit espada. Napansin ko ang paghakbang ng dalawang kalaban palapit saamin. Sa pressure na nasa mga paa nito ay tila naghahanda sila ng isang mabilis na pagkilos. Napansin din iyon ni Ara kaya bahagya itong napaatras.

Hindi ako nagkamali dahil sa loob ng maiksing oras, mabilis na lumusob ang dalawang lalaki patungo saamin. Kasabay ng mabilis nilang takbo ang biglaang pagtubo ng baril sa magkabilang kamay ng mga ito.

"Level two!" sigaw ni Ara. Isang level two ang tawag sa mga human-outcross na may kakayahang gawing sandata ang iba't ibang bahagi ng kanilang katawan.

Mga highly mutated outcross! Sigaw ng utak ko. Ito ang unang beses na makakaenkwentro ako ng level two outcross. Nagkabungguan kami ni Ara nang sabay kaming napaatras habang nakatutok ang bunganga ng mga baril saamin na tumubo sa kamay ng mga kalaban.

Sa pagputok ng mga 'yon, akmang dadapa na kaming pareho sa lupa nang isang anino ang biglaang sumulpot sa harapan namin. Hindi natigil ang pagputok ng mga pulbura pero hindi rin kami tinamaan dahil sa isang malaking metallic shield na hawak ng misteryosong anino.

"Zilla!" mahina kong tawag sa lalaking may hawak ng metallic shield na gawa sa Vibranium, isang matibay na metal na siya lang ang may kakayahang humawak. Napalingon ng bahagya ang lalaki at tila nginitian kami ni Ara kahit na natatakpan ang mukha nito ng isang itim na baluti.

Si Zilla ang kilalang The Shadow sa League of Urions. Siya ang ang 11th urion na madalang magpakita sa mga pagpupulong at bigla-bigla na lang sumusulpot kung kailan niya gusto.

Natigil ang pagbabalik tanaw ko ng bigla tumahimik ang paligid. Napakurap ako. Ang mabilis na pagkakataong 'yon ang naging paraan para muling mawala si Zilla. Bumungad na lang saamin ang nakahandusay na katawan ng dalawang level two outcross na durog na ang katawan.

"My goodness Kiera. Is that Z-Zilla?" takang tanong ni Ara na biglang nanlaki ang singkit na mga mata. "Oh that mysterious eleventh!" Kinikilig nitong sabi na parang walang nangyari.

"Ni hindi mo pa nga nakikita ang mukha no'ng tao kinikilig ka na?" napapailing kong sabi habang pinapagpag ang nadumihan kong jeans. Tiyak na mapapansin ito ni Friedan kapag naabutan ko siya sa sala mamayang pag-uwi ko. Ewan ko pero parang sinasadya nitong sa sala umupo tuwing oras na ng uwian ko. Kung hindi ako nito papansinin o kakamustahin man lang, sisitahin naman ako nito sa suot ko oh sa mga bagay-bagay na nalaman niya habang nasa labas ako. Isang 24/7 CCTV ang lalaki at wala akong takas sa lahat ng kapalpakan ko dahil bilang nito ang lahat. Isa lang naman ang hindi nito kayang basahin, 'yon ay ang nilalaman ng puso ko.

"Urrggh!" biglang himutok ni Phelan sa aming likuran. Sapo nito ang duguang mukha at parang nahihirapan itong makabangon.

"Shocks sis, a-anong ipapaliwanag natin diyan?" mahinag bulong ni Ara na nagsimula na namang kabahan sa muling pagkagising ni Phelan Vargas.

"W-what happened? Where are those bad guys?" usisa ng lalaki na halos hindi na maimulat ang mga mata dahil sa pamamaga ng mga ito. "I saw both of you holding a sword. Then I saw you, the pianist, you were flying? Oh was I dreaming?"diretsong sabi ng lalaki. Gwapo nga ito pero minsan nakakapikon na rin sa sobrang pag-e-English.

"Magtagalog ka nga kuyang pogi!" ani Ara na naiirita na rin pala sa ka-conyohan ng lalaki. "Hindi nakakabawas ng sex appeal ang pagtatagalog!"

###

ตอนถัดไป