webnovel

Forgotten Familiar: 1.2

ISANG gabi isinama ako ni Lola sa kuwarto niya, isang sekretong pinto ang binuksan ni Lola. Nakatago ito sa ilalim ng kama niya, may mahabang hagdan paibaba patungo sa isang silid sa ilalim ng lupa.

Habang humahakbang kami paibaba sa hagdan naikuwento sa akin ni Lola ang tungkol dito. Ito ang sekretong silid ng aming pamilya isang silid kung saan gumagawa sila ng mga ritwal at magic potion na kanilang ginagamit. Dito rin sila gumagawa ng gamot kapag may mga taong lumalapit upang magpagamot sa kanila. Bitbit ko ang gasera na nagbibigay liwanag sa aming hinahakbangan sa paibabang hagdan.

Hanggang sa makarating kami sa kaibabaan. Tumambad sa akin ang lumang pinto na gawa sa kahoy. Amoy nilulumot na kahoy ang amoy sa paligid. Binuksan ni lola ang pinto at pumasok kami sa loob.

Maliwanag ang paligid dahil may mga nakasinding kandila sa bawat sulok nito. May kaliitan ito pero, maraming mga kung anu-anong nakalagay sa mahabang mesa sa tabi. May malaking cauldron na lutuan ng mga mangkukulam at mga kasangkapan na mukhang makaluma ang disenyo. May malaki at inaalikabukan na aklat na nakapatong sa mesa. Nilapitan ko ito saka inusisa ang nilalaman ang kaso, hindi ko maintindihan ang mga nakasulat dito.

"Lola ano pong gagawin natin dito? Tuturuan n'yo po ba ako ng magic spells? Gagawa po ba tayo ng potion o gagawa ng kakaibang ritwal?" usisa ko.

Tumawa nang malakas si Lola sa mga tanong ko. "Gagawa ako ng panlunas para sa 'yo, Ellena. Isang magic potion na may natatanging kakayahan."

May pagtataka sa mukha ko pero, sa loob ko na-e-excite akong malaman kung ano ang magic potion na gagawin ni Lola. Nagsimula siya sa pagkuha ng hibla ng buhok ko tapos, may iba't ibang uri ng sangkap na hindi ko ma-take tingnan. Bituka, atay, mga insekto, tuyong dahon at kung anu-ano pa, ew! Gusto kong masuka pero, pinipigilan ko kasi gusto kong makita kung paano ginagawa ni Lola ang magic potion. Matapos ilagay ang lahat ng sangkap sa malaking lutuan na may malakas na apoy sa ilalim kanyang kinuha ang malaking aklat. Ibinuklat niya ito sa parteng gitna, napansin ko ang larawan na nakaguhit sa aklat, isang empty bottle? Nilapitan ko ito, nakita ko ang nakahilerang mga sulat na hindi ko mabasa.

"Ang aklat na ito ay galing pa sa ating ninuno, inuwi ito ng uncle mo no'ng hinatid ka niya rito sa bahay. Dinala ito ni Anna sa Japan, ang buong akala ko nawawala ito, iyon pala itinakas niya mula rito sa lihim na silid. Ayaw kasi ng Mama mo na gumawa pa ako ng mga potion at ritwal pero, maraming tao ang umaasa sa panggagamot ko kaya gumagawa pa rin ako ayon sa kaalaman ko," paliwanag ni Lola.

Kaya pala medyo pamilyar ang aklat, minsan ko na kasing nakita iyon sa taguan ng gamit ni Mama. Napansin ko ang gilid ng aklat parang may bahid na kung ano sa isang pahina. Parang natuyong dugo?

Inusisa ko ito sa bandang dulo bigla akong sinaway ni Lola, naiistorbo ko pala siya sa ginagawa niyang pagbigkas sa orasyong nakasulat sa aklat.

"Siya nga pala, may dumating na sulat galing sa uncle mo kinukumusta niya ang kalagayan mo. Ilang taon na rin simula nang dumating ka rito sa Laguna. Hindi ako makapaniwala noon sa nangyari kay Anna, hindi ko man lang siya nadalaw sa kanyang libingan. Ngayon ang araw ng pagkamatay niya at ng papa mo." Tinapunan ako nang nagtatanong na tingin ni Lola.

Tumango ako bilang tugon ibinaling ni Lola ang pansin sa akin habang hinahalo ang berdeng likido sa loob ng cauldron. Biglang sumagi sa isip ko ang pangyayaring sa nakaraan. Patungo sana kaming mag-anak sa isang hot spring resort nang mawalan ng preno ang sasakyan namin. May kasalubong kaming trak noon, inilihis ni papa ang manebela upang iwasan ang trak ang kaso nahulog ang sinasakyan namin sa isang bangin. Hindi ko alam kung paano ako nakaligtas noon, naikuwento na lamang sa akin ni Uncle Ryusuke kung ano ang lumabas sa imbistigasiyon. Nasa ospital ako nang magkamalay noon, halos mabaliw ako nang malaman ko na ako lang ang nakaligtas sa aming tatlo. Nawalan ako ng ama at ina, nawalan ako ng pamilya. Inisip ko noon na, sana… sana kasama na lang nila akong namatay. Si uncle na lang ang natitira kong kamag-anak pansamantala niya akong kinupkop.

"Kaya siguro wala kang maalala dahil sa aksidente?" Bumalik ang ulirat ko nang magtanong si Lola.

"Ah, s-siguro po! Naalala ko sa ospital, sinabi sa akin ni uncle na nagkaroon daw ako ng brain damage kaya wala akong maalala sa mga pangyayari bago ang aksidente. Naaalala ko naman ang hitsura nina mama at papa, may mangilan-ngilan na alaala ako no'ng kabataan ko kasama sila. Pero, pakiramdam ko may kulang?"

"Dahil sa pagkawala ng alaala mo, nakalimutan mo na rin ang nine-tailed fox na na-summoned mo.

Oh, hayan! Tapos na ang magic potion. Sandali at ihahanda ko lang ang lalagyan."

Nagtungo si Lola sa patungan ng mga bote sa gilid malapit sa hagdan. Napaisip ako na tama nga, marahil ito nga ang dahilan kung bakit hindi ko maalala ang tungkol sa amin ng aking familiar. Dahil sa aksidente ito ang nagpawala sa ilang alaala ko noong kabataan ko, maaari nga kayang naroon ang nawawalang alaala ko tungkol sa kanya?

Lumapit si Lola Amara saka iniabot sa akin ang ginawa niyang magic potion. "Ito ang 'Memory Potion' kunin mo ito at inumin habang bilog ang buwan ngayong gabi. Hindi kaagad-agad ang epekto nito, sa una'y parang wala lang pero, kapag tumalaba na iyan sa isang iglap lang maaalala mo ang lahat!"

"Ibig pong sabihin biglaan ko pong maaalala ang lahat? Walang kasiguraduhan kung kailan?"

"Oo, gano'n na nga, Apo. Nawa'y makatulong iyan para maalala mo ang pangalan ng iyong familiar."

Ininum ko kaagad ang ginawang potion ni Lola, wala itong lasa pero, may amoy na kakaiba. Wala naman akong naramdaman na kahit ano, normal lang din ang katawan ko. Matapos ko itong inumin, tinapik ako ni Lola sa balikat.

"Tayo na sa itaas, naghanda ako ng kaunting pagsasaluhan natin ngayong anibersaryo ng pagkamatay ng mga magulang mo. Ipagtirik natin sila ng kandila."

Tumango ako saka sumunod sa likod ni Lola pabalik sa itaas. Pagkadating namin, nakatayo ang fox spirit sa harap ng mesa. Kanina pa niya ako hinintay, naka-crossed arm siya at nakatitig lang sa mukha ko. Bigla akong nangamba, kapagnaalala ko na ang pangalan niya, matutupad ko na ang pangako ko. Aalis na siya at babalik sa kanilang mundo. Kumirot ang puso ko sa parteng lilisanin na niya ang tabi ko.

GABI nang makasama ko ang fox spirit sa loob ng kakahuyan para manguha ng kahoy na gagamitin ni Lola sa pugon. Nasa anyong tao siya ng mga sandaling ito. Napakamasunurin n'yang familiar, hindi siya nawawala sa tabi ko palagi siyang nakabantay sa akin. Habang naglalakad kami bitbit niya ang mga naipon naming kahoy nang makarating kami sa batis. Kumikinang ito na parang kristal, nagre-reflect ang liwanag ng buwan sa tubig na payapang dumadaloy sa mabato at manipis na lupa.

"Kay ganda!" tipid kong sambit nang pagmasdan ko ang tubig na kumikinang.

"Parang ikaw, Master." Tumingin siya sa akin habang nakangiti.

Napaatras ako ng hakbang hindi ko alam kung saan galing ang mga katagang iyon. Umihip ang malamig na hangin sa gabi, rinig na rinig ang pagkaluskos ng mga dahon sa mga punong nakapaligid sa amin. Humuhuni ang mga gising na hayop at kulisap sa madilim na paligid. Tanging bitbit ko lang na gasera ang nagbibigay liwanag sa aming kinatatayuan. Lalo pang nakadagdag ng ganda sa paligid ang paglitaw ng mga munting alitaptap na dumadapo sa nagkalat na damo sa tabi ng ilog. kumukutikutitap na parang kislap ng mga bituin ang mga ito, sinabayan pa ng paghuni ng mga kuliglig na nagtatago sa mga puno.

"Nakita ko na ang kagandahan ng mundo gano'n din ang kapangitan nito! Ilang beses na akong naging familiar sa mga makapangyarihang mangkukulam dito sa mundo pero, lahat sila parepareho." Bigla siyang nagsalita nang seryoso.

"A-ano kamo?" pagtataka ko nang makita ang lungkot na gumuhit sa kanyang mga mata.

Tumingala siya sa langit saka tinanaw ang bilog na buwan sa saka ipinagpatuloy ang kanyang litanya. Tahimik lang akong nakamasid at nakikiramdam sa tabi niya, naging malungkot ang awra ng paligid naming dalawa.

"Iisa lang ang layunin nila ang gamitin ang mahika sa kasamaan! Palakasin ang kapangyarihan, sakupin ang mundo, alipinin ang mga tao! Isa ako sa nakaranas na maging kasangkapan sa digmaan noong panahon na nagsasakupan ang mga bansa. Ang mga nauna kong master, ipinagamit ako sa mga lider ng iba't ibang bansa para manalo sa gera nangako silang palalayain ako pagkatapos ng digmaan pero—hindi! Hanggang sa mamatay ang una kong master. Na-i-summoned ako ng ikalawa, ikatlo hanggang sa ika-sampu hindi pa rin ako malaya! Iba't iba ang naging pangalan ko, ang lahat ng iyon ay hindi ko gusto. Hindi ko na kilala ang tunay na ako, kaya gusto ko nang magpahinga at bumalik sa tunay kong mundo ang mundo ng mga espiritu! Ang mga taong nakilala, nakasama at naging malapit sa akin… lahat sila, isa-isang namatay. May hangganan ang buhay ng mga mortal na tao, habang ang tulad ko ay wala. Ang sakit na makita isa-isa silang pumapanaw sa mga mga mata ko habang ako… patuloy na naglalakad at sinasabayan ang pagbabago ng mundo."

Katahimikan ang bumalot sa pagitan naming dalawa, naging malungkot ang pag-ihip ng hangin. Parang pangteleserye ang naging buhay ng fox spirit na ito.

Nagi-guilty tuloy ako. Nang marinig ko ang paghakbang ng mga paa niya, isang puting usok ang lumitaw at nang makarating siya sa harapan ko nasa anyong nine-tailed fox na siya. Lumulugay ang mahaba niyang buhok at gumagalaw ang siyam niyang buntot.

"P-pasensiya ka na kung hindi ko maalala ang pangalan mo… dahil sa akin hanggang ngayon nananatili ka pa rin sa mundo ng mga tao." Nag-sorry ako kasi ramdam kong obligasiyon ko siya dahil ako ang master niya.

"Hindi mo kailangan malungkot, Master! Alam kong iba ka sa lahat!" sagot niya.

Nagulat ako nang bigla niya akong buhatin tulad sa mga pelikulang napapanuod ko. "T-teka! A-ano'ng ginagawa mo!"

"Humawak kang mabuti, Master! Pagmamasdan natin ang buong paligid mula sa itaas!"

"A-ano?!!"

Naramdaman ko ang pag-angat naming dalawa, dumadampi sa balat ko ang lakas ng hangin sa aming paglipad sa himpapawid. Nakakapit akong mabuti sa balikat niya. Magkahalong takot at pagkamangha ang naramdaman ko. Ang lapit ng mukha ko sa dibdib niya, naririnig ko ang pagkabog ng sarili kong puso. Naamoy ko siya, amoy… kalikasan nakakapanatag ng kalooban. Ang sarap sumandal sa dibdib niya. Oh, kay init nito.

"Master, tingnan mo mas maganda ang tanawin dito sa itaas, kitang-kita mo ang mga ilaw sa bayan pati ang buong kakahuyan."

Natuon ang pansin ko sa mga ilaw na nagbibigay liwanag sa bayan pero ang mas nakapukaw ng paningin ko ay ang kakahuyan. May kakaibang Berdeng liwanag ang nakapalibot dito, parang sumasayaw na sinag ng liwanag na bumubuhay sa kakahuyan. Parang may sariling buhay ito at humihinga— nakakamangha!

"Ang ganda! Para akong nasa ibang mundo." Natulala ako sa napakagandang tanawin na nakikita ko ngayong gabi.

Natahimik kami pareho hindi ko maintindihan ang sarili ko basta lang ako nakatitig sa masayahin niyang mukha. Sa kabila ng mga pinagdaanan niyang paghihirap at sakit nagagawa pa rin niyang ngumiti at maging masaya sa harap ko. Natuon ang tingin niya sa mga mata ko napansin niyang nakatitig ako sa kanya sa sobrang hiya inilis ko ang tingin sa ibang dereksiyon.

"Master, ang laki ng pinagbago mo mula no'ng una mo akong i-summoned, mas bumigat ka nang husto!" mapang-asar niyang sabi.

Nakanguso ko siyang sinulyapan nang bigla niyang ilapit ang mukha niya sa mukha ko, sobrang lapit na halos makadiki na ang aming mga ilong. Saka siya malokong nagsalita.

"Ang pula ng pisngi mo Master, kasing pula ng labi mo!" Mainit na dumadampi sa mukha ko ang hininga niya. Gusto nang umusok ng magkabilang tainga ko sa sobrang hiya! Ayoko na! Hindi ako mapakali dahil nararamdaman ko ang kamay niyang humahawak sa braso at binti ko. Nagbibigay ito ng kakaibang kuryenteng kumikiliti sa buong katawan ko.

"Gusto kitang halikan… Master!"

Hala! Bigla siyang pumikit at dahan-dahang inilapit ang labi niya. Para akong tuod na nanigas habang bitbit niya. Nangangatal ang labi ko't hindi ako mapakali nang biglang…

"Joke lang!"

"Pshh! Ikaw talaga!"

Tumawa siya nang malakas, sobrang lakas na parang wala nang bukas.

"T-tama na nga! Ang mabuti pa umuwi na tayo! Hinihintay na ni Lola ang mga panggatong!" nawiwindang kong sigaw.

Tawa pa rin siya nang tawa. Hiyang-hiya naman ako sa ginawa niya. Pero, aminin kong… u-umasa rin akong sana… sana natuloy.

Hinayaan ko na lang siya sa trip niya at nagpatangay na lamang sa ganda at hiwaga ng gabing ito.

SUMAPIT ang huling araw ng foundation day sa eskwelahan. Nag-enjoy talaga kami sa ginawa naming hunted house. Sa tatlong araw ng foundation day naging-open ang eskwelahan para sa mga tao, maraming nakiisa at nakisaya sa aming pagdiriwang. Iba-iba ang ginawa ng bawat section may nag-cosplay, maid café at marami pang iba. Ngayon naman oras na para magsaya at mag-party! Ang basketball gym ay nilagyan ng magarang dekorasyon may live performance din ang music club at si Sir James nag-ala DJ. Ito ang isa sa masayang parte ng high school life, masaya ako at naranasan ko itong lahat.

Biglang nagpatugtog si Sir James ng love song, kanya-kanyang harapan ang mga estudyante sa kanilang ka-date. Samantalang ako naiwan sa gitna ng sayawan na walang kapareha, hindi ko mahagilap ang familiar ko. Nang bigla akong hatakin sa bisig ng lalaking nasa gilid ko.

"Ellena! Sayaw naman tayo." Mahigpit ang pagkakakapit niya sa pulso ko kaya't napaigtad ako't humakbang paatras.

"B-Brandon? Sorry kasi may hinahanap ako." Tinalikuran ko siya't naglakad ako palayo nang sundan pa rin niya ako't humarang siya sa harapan ko.

Wala akong balak aksayahin ang oras ko kay Brandon, kilala siyang babaero ng buong school. Varsity captain ng basketball team pero, never akong nagkagusto sa kanya. Umalis ako sa loob ng gym saka hinanap ang fox spirit sa labas. Gabi na kaya madiliman sa parteng hindi naabot ng liwanag mula sa gym. Hanggang sa makarating ako sa school building, bukas ang ilaw sa ground floor. Nang biglang may humatak sa akin, tinakpan ang bibig ko nang malaking kamay na may hawak na panyo. Sinubukan kong magpumiglas pero, ang lakas niya. Mayamaya naramdaman ko na lang na… para akong inaantok…

NAGISING akong nanakit ang katawan nakatali ang magkabilang kamay sa dalawang paa ng silya habang ang dalawang paa ko ay nakatali nang magkadikit. Nakasalampak ako sa sahig, napansin ko ang usot kong dress na nakapatong sa ibabaw ng mesa sa harap ng pisara. Wala akong ibang suot kundi ang panloob kong panty at bra. Gusto kong sumigaw subalit, may nakataling panyo sa bibig ko.

Isang matangkad na lalaki ang lumapit at naupo sa tabi ko si Brandon, ang walang hiya! Nakangisi siya na parang demonyo at nakatitig sa katawan kong nakalantad sa harap niya. Ayaw talaga niyang tumigil sa pangungulit sa akin, ilang beses ko na siyang binasted at sinabihan na huwag na siyang umasa. Hindi ko akalaing may masama pala siyang balak gawin sa akin.

"Ang ganda ng kutis mo, Ellena! Makinis, malambot at sadyang nakakatakam. Maganda rin ang mukha mo, naniningkit na mga mata, matangos na ilong at mapupulang labi. Hmmm… ang bango ng buhok mo. Hindi ka na makakawala pa sa akin ka na ngayon!"

Nanlaki ang mga mata ko nang simulan niyang himasin ang binti ko paakyat sa hita ko. Kakaiba ang binibigay nitong sensasyon—hindi ko gusto! Naiiyak na ako sa sobrang takot, hindi ako makahingi ng tulong. Sa isip lang ako nakakasigaw! Paki-usap, tulungan ninyo ako! Familiar ko—nasaan kana!

Natigil si Brandon sa paghimas sa hita ko nang biglang sumulpot ang nagkalat na usok sa loob ng silid-aralan. Puting usok na parang kumpol ng mga ulap na tumatakip sa paligid. Wala akong makita, naririnig ko si Brandon na umuubo nang malakas. Bigla kong naaninag ang anino ng isang matangkad na lalaking may mabalbong buntot, hindi ako maaaring magkamali—siya ang aking fox spirit!

Hawak niya sa leeg si Brandon, saka itinaas hanggang sa hindi na sumayad sa lupa ang dalawang paa nito. Napansin ko ang pagbabago sa kulay ng mga mata ng fox spirit kong familiar. Ang kulay asul at payapa niyang mga mata ay napalitan ng kulay pulang galit na mga mata. Nag-finger snap siya, narinig kong bumukas ang pinto ng silid. Nakita ko kung paano niya itinapon palabas ang walang malay na katawan ni Brandon.

Nawala ang usok na tumatakip sa loob ng silid, sumara nang kusa ang pinto saka siya lumapit sa akin. Malinaw ko na siyang nakikita, mabilis niyang tinanggal ang mga kamay at paa ko mula sa pagkakatali. Tinanggal niya ang suot niyang mahaba at kulay puting balabal saka ipinatong ito sa magkabilang balikat ko.

"Salamat at dumating ka!" nahihiya at natatakot kong sambit.

Patuloy pa rin ako sa pag-iyak, kagat-labi at humihikbi. "Takot na takot ako! Akala ko tuluyan na niyang magagawa ang gusto niya! Akala ko hindi ka na—"

"Master, Sorry! Sorry kung ngayon lang ako dumating! Hindi kita dapat hinayaang mag-isa patawad!"

Hindi pa man ako tapos sa pagsasalita nang bigla niya akong hatakin at yakapin nang buong higpit. Tumigil ang pagpatak ng mga luha ko, napalitan ito ng kakaibang init… init na nagpapagaan sa aking kalooban. Ramdam ko ang dalawang palad niyang humihimas sa buhok at likod ko. Natahimik ako at dinama ang masarap na pakiramdam na ibinibigay sa akin ng aking familiar.

"Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa 'yo, Master!"

Hiyang-hiya ako sa kanya dahil nalantad ang katawan ko sa ibang lalaki. Wala akong mukhang maiharap, ni tingnan siya ay hindi ko magawa. Hinawakan niya ang pisngi ko saka pinahiran ang mga luhang lumalandas sa aking pisngi.

"Huwag kang mag-alala, pagkagising ng baliw na lalaking iyon, wala siyang maaalala. Hindi ko mapapatawad ang sinumang lumapastangan sa pagkatao mo, Master!" mariin niyang pahayag na nagbigay lakas sa aking katawan. Nagbigay ng ginhawa ang sinabi niyang iyon.

Nang makarinig kami ng malakas na putok sa labas, natuon ang pansin namin sa bintana. Nagkalat ang mga butil ng liwanag sa langit, kinukulayan nito ang madilim na kalangitan ng samo't-saring makukulay na liwanag. Nagsimula na pala ang fireworks display, sunod-sunod ang pagpapaputok nito. A-ang ganda!

"Ikaw ang pinakamaganda sa lahat, Master!" malumanay at malambing niyang bulong sa harap ko.

Naibaling ko ang tingin ko sa mga mata niya. Naglaho ang kulay pula at bumalik ang asul nitong kulay. Sa pagsabog ng mga butil ng liwanag sa langit nagre-reflect ito sa mga mata niya, Nag-i-spark ang buong paligid. Sa sobrang pagkamangha napatitig kaming dalawa sa isa't isa. Unti-unti kong inangat ang ulo ko sabay ipinikit ang aking mga mata. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, kusang kumikilos ang katawan ko papalapit sa kanya. Kay bilis nang tibok ng puso ko, wala akong ibang naririnig kundi ang paglagabog nito. Ikom ang labi ko at handa nang tumanggap ng halik mula sa aking familiar.

Nang maramdaman ko ang pagdampi ng mainit niyang labi sa—noo ko? Napamulat ako bigla, nakapatong ang isa niyang kamay sa likdo ng ulo ko habang nakahalik ang labi niya sa aking noo. Hindi ito ang inaasahan ko pero, bakit ganito? Hindi ako makakilos, para akong estatwang bato na naninigas.

"Malaki ang respeto ko sa 'yo, Master! Tara, umuwi na tayo!" Tumayo siya saka iniabot ang kamay sa harap ko.

Inalalayan niya akong tumayo gamit ang balabal na ginawa kong pantakip sa hubad kong katawan, binuhat niya ako saka siya nag-finger snap. Sa isang iglap nag-teleport kami sa kalangitan na nakalutang. Napakapit ako nang husto sa balikat niya damang-dama ko ang malakas na hangin dito sa himpapawid. Hanggang sa tuluyan na kaming lumipad pauwi sa bahay. Nananatiling mainit pa rin ang aking noo gawa ng kanyang matamis, dalisay at taos-pusong halik.

Next chapter