webnovel

Mundong Puno Ng Hiwaga (2)

"Okay ka lang?" mahinang bulong ni Andres nang nakapasok na sila sa kagubatan kung saan sila nanggaling bago sila mapadpad sa Sitio Nawawala. Nahuhuli kasi silang dalawa at alerto ito sa pagalalay sa kaniya. Nang sulyapan niya ito napansin niyang napapatitig ito sa braso niyang may sugat at pasa, galing sa marahas na paghawak sa kaniya kanina ng lalaking danag. Pagkatapos magaan nitong hinaplos ang pisngi niya na mahapdi pa rin hanggang ngayon pero hindi na lang niya pinapansin. "I'm sorry hindi kita nagawang tulungan kanina. I feel so useless."

Nagulat siya sa pagsisisi at frustration na narinig niya sa tono nito. Napasulyap si Ruth kina Selna, Danny at Lukas na nauuna sa kanila ng halos isang metro kaya may palagay siyang hindi sila naririnig ng mga ito. Ibinalik niya ang tingin kay Andres nang haplusin na naman nito ang sugat sa pisngi niya, sa parte kung saan din humaplos ang hinlalaki ni Lukas kanina. Pinilit niyang ngumiti para hindi na ito mag-alala. "Okay lang ako. Ikaw, okay ka lang ba? Walang masakit sa'yo? Wala kang injury?"

Napangiwi ito pero mas mukhang sa pagkapahiya kaysa sa injury. Umiling kasi ito at itinutok na ang tingin sa dinadaanan nila. Matagal na natahimik sila pareho, medyo hinihingal na kasi pataas ang nilalakad nila. Hanggang marating nila ang pamilyar na bangin na inakyat nila kaninang mahulog sila sa lawa. Huminto si Lukas sa pinakatuktok at tumingin sa ibaba. "Naroon ang daan pauwi sa inyo."

"Ha? Sa lawa?" manghang sabi ni Selna na siyang naunang makalapit sa kinatatayuan ng binatilyo.

"Diyan tayo galing 'di ba?" sabi naman ni Danny.

Binilisan ni Ruth ang paglalakad para makalapit sa mga ito. Naramdaman niyang bumilis din ang mga hakbang ni Andres para makaagapay sa kaniya. "Oo. Sa lawa nga. Sorry kung nasa Sitio Nawawala na tayo bago ko narealize na mali tayo ng naging desisyon nang lumayo tayo sa lawa," nakokonsiyensiyang sabi niya. "Hindi pa kasi ako aware noon na nang mahulog tayo sa tubig napunta na tayo sa ibang Tala. Akala ko tamang desisyon ang lumabas ng gubat."

"Paano mo na-figure out na sa lawa ang daan pauwi?" nagtatakang tanong ni Andres.

Sinulyapan niya si Lukas na nakatingin lang sa kanila, para bang hinihintay rin ang sagot niya. "May sinabi siyang clue kanina," tukoy niya kay Lukas. "At…" Naglakad siya papunta sa pinakagilid ng bangin, sumilip sa malaking puno na nasa tabi ng lawa. Nakita niyang naroon pa rin ang puting manok na para bang nakatingala sa kanila. "Naalala ko ang mga sinabi ng Bantay bago tayo makalayo. Sabi niya, 'Huli na para pigilan kayong makaraan. Ang tanong na lang, kung tamang daan ba ang inyong patutunguhan?'

"Hindi ko lang naintindihan that time pero kalaunan narealize ko rin ang ibig sabihin. Ayon sa mga kuwento ugali raw ng Bantay ang pigilan ang mga traveler na makaraan sa binabantayan niyang daan. Kaya ang ginagawa ng mga nakakaengkuwentro sa kaniya, kung hindi tatalikod na lang at magiiba ng direksiyon ay naglalakas loob naman kalabanin ang Bantay. Pero hindi niya tayo pinigilan 'di ba? Kasi mali tayo ng way. At kaya tinanong niya kung tama ba tayo ng patutunguhan kasi alam niyang sa lawa rin ang daan natin pauwi."

"So, ano? Tatalon na naman tayo mula rito?" tanong ni Andres.

"Ganoon na nga," sagot ni Lukas.

"Hindi kami pipigilan ng Bantay?" alanganing tanong ni Danny na nakasilip din sa malaking puno.

"Hindi. Dahil babantayan ko kayo hanggang masiguro kong nasa kabilang Tala na kayo."

"P-para lang sure na walang maiiwan sa atin, puwede bang maghawak kamay tayong apat?" kabadong suhestiyon ni Selna.

Sumangayon silang lahat. Hinawakan ng bestfriend niya ang isang kamay ni Danny at ang isang kamay niya. Pagkatapos alanganin naman niyang inabot ang kamay ni Andres na mabilis na hinigpitan ang hawak sa kaniya. "Ready na kami. Tatalon lang ba kami? Wala na kaming ibang gagawin?" tanong pa nito kay Lukas na tumango naman.

"May sasabihin lang ako bago kayo umuwi," sabi nito at lumapit kay Ruth. Pinagtama nito ang kanilang mga paningin bago ito nagsalita, "May sanggol na isinilang kagabi. Babae."

Nanlaki ang mga mata niya kasi narealize niya agad na ang anak ng ate Faye niya ang tinutukoy nito. Pagkatapos nag-iba na naman ang kulay ng mga mata nito at naramdaman niya ang magkahalong init at kuryente na dumadaloy sa mga ugat niya at nagpapabilis sa tibok ng puso niya. Nang magpatuloy ito sa pagsasalita, narealize niya na naririnig niya ang boses nito sa loob ng isip niya. Hindi kasi bumubuka ang bibig nito.

Katulad mo rin siya. Nakikita niya ang mga hindi nakikita ng iba. At katulad mo mayroon siyang mahalagang papel na gagampanan sa hinaharap, maraming maraming taon mula ngayon. Ibibigay ko sa'yo ang responsibilidad para gabayan siya at ituro sa kaniya ang lahat ng alam mo at malalaman mo pa tungkol sa amin. Sa henerasyon na kalalakihan niya, unti-unting mabubura sa isip ng karamihan ang tungkol sa maraming bagay. Ikaw ang magtuturo sa kaniya na gaano man lumipas ang panahon, ang mundo ay mananatiling puno ng hiwaga.

Pagkatapos biglang bumalik sa normal ang mga mata ni Lukas, ngumiti at magaan na tinapik ang pisngi niya. Napakurap si Ruth, napasinghap na para bang matagal siyang nakalubog sa tubig at ngayon lang uli nakahinga.

"Anong ginawa mo sa kaniya?" galit na tanong ni Andres na itinulak si Lukas palayo sa kanila.

"Hindi mo na kailangan malaman." Umatras ang lalaki hanggang napasinghap sila nang bigla itong nahulog sa bangin. Napatingin sila agad sa ibaba at nakita nilang nakatayo na ito sa tabi ng malaking puno, kasama na ang Bantay na mukha nang matandang matandang lalaki at hindi puting manok. Sumenyas ito sa kanila na tumalon. Nagkatinginan silang magkakaibigan.

"Ready? Magbibilang ako," sabi ni Andres.

Tumango sila. Si Ruth sumilip sa baba, kay Lukas. Nakatingala pa rin ito sa kanila. May naramdaman siyang kudlit sa puso niya kasi ni hindi siya makapagpaalam at makapagpasalamat ng maayos dito. Kung hindi dahil dito baka hindi sila naka-survive sa buong magdamag.

"Isa… dalawa…"

Huminga siya ng malalim at humigpit ang hawak sa kamay nina Selna at Andres. Walang oras para kausapin pa si Lukas. Kailangan na nila umuwi.

"Tatlo!"

Sabay-sabay silang tumalon. Pumikit si Ruth hanggang maramdaman na niyang bumagsak sila sa tubig. Sa lakas ng puwersa muntik na niya mabitawan ang mga kamay na hawak niya. Pinilit niyang lumangoy paangat bago siya kapusin ng hangin. Hindi sila nahirapan. Katunayan nang dumilat siya narealize niyang hanggang balakang lang nila ang tubig. Ang malaki at malalim na lawa kanina, ngayon ay maliit at mababaw na lang. Mukhang nalito rin ang mga kaibigan niya sa biglang pagbabago ng kapaligiran nila kasi nang umahon sila mula sa tubig iginala nilang lahat ang tingin sa paligid.

"Wala rito ang malaking puno kung nasaan ang tinatawag mong Bantay, Ruth," manghang komento ni Danny.

Lumingon silang lahat. Batuhan ang puwesto kung nasaan ang malaking puno sa Tala na napuntahan nila. Tumingala si Ruth sa bangin na kinabagsakan nila. Hindi rin iyon kasing tarik at mas lalong hindi kasing taas nang kanina.

Narinig niyang suminghap si Selna sabay sigaw, "Guys, tumingin kayo sa tubig, dali!"

Lumapit silang tatlo sa gilid ng lawa. Kalmado na ang tubig kaya nagmukhang salamin ang surface niyon. Nakikita na kasi ang repleksiyon ng mga nagtataasang puno na nakapaligid. Pero nang matitigan ni Ruth nang maigi ay narealize niyang hindi iyon mga puno ng Tala kung nasaan sila. Ang lugar kung saan sila galing ang nakikita nila ngayon sa tubig. Kasi naroon ang malaking puno at nakaupo sa katawan niyon ang Bantay na kasalukuyang naka-anyong matandang lalaki.

"So ito talaga ang daan papunta sa kabila," manghang sabi ni Andres.

Pagkatapos biglang lumitaw sa repleksiyon si Lukas. Naiimagine ni Ruth na nakasungaw rin ito sa tubig na katulad nila. Nagulat silang lahat nang bigla itong magsalita at kahit malabo ang boses nito ay naintindihan pa rin nila ang sinasabi nito. "Umakyat kayo sa bangin na nandiyan. Hindi katulad dito, may trail sa gubat kung nasaan kayo. Sundan niyo iyon at makakalabas kayo. At huwag niyo tangkain bumalik at hanapin ang lawa kung nasaan kayo ngayon. Kasi hindi niyo na makikita 'yan kahit anong hanap ang gawin ninyo."

"Okay. Tara na at umuwi," sabi ni Andres.

Humakbang palayo sa tubig ang mga kaibigan niya pero si Ruth nanatiling nakatunghay kay Lukas. Lumunok siya at lakas loob na sinabi ang kanina pa niya gustong sabihin. "Salamat. Utang namin sa'yo ang buhay namin."

Tumaas ang mga kilay nito at may gumuhit na misteryosong ngiti sa mga labi. "Mag-iingat ka sa mga sinasabi mo. Ang utang, binabayaran. Baka hindi niyo kayang ibigay ang kabayaran na hihingin ko balang araw. Kaya isipin mo na lang na wala kayong utang sa akin."

"Pero –"

"Ruth." Napasinghap siya kasi iyon ang unang beses na tinawag siya ni Lukas sa pangalan niya. Mukhang nagulat din ang mga kaibigan niya. "Alam mo kung ano ako hindi ba?" Kumabog ang dibdib niya at tumango. Umangat ang gilid ng mga labi nito. "Kung ganoon dapat alam mo na hindi ka dapat gumagawa ng kasunduan sa isang katulad ko. Paano kung kaluluwa mo ang kabayaran na hingin ko? Wala kang magagawa kapag ginusto kong maningil."

Bumuka ang bibig niya, magsasalita pa sana. Pero biglang hinawakan nina Danny at Selna ang magkabilang braso niya at pinihit siya patalikod sa repleksiyon ni Lukas.

"Umuwi na tayo, Ruth," sabi ni Andres na lumapat ang palad sa likod niya, marahan siyang itinutulak palayo sa lawa.Wala na tuloy siyang nagawa kung hindi ang umagapay sa mabilis na paglalakad ng mga ito.

Makalipas ang ilang minutong pagsunod sa trail, nakalabas na sila sa kagubatan. Nakarating sila sa maluwag na dirt road, katulad din nang nakita nila sa ibang Tala. Pero dito mas may buhay ang paligid. May mga baka at kambing na nanginginain sa damuhan. May mangilan-ngilang bahay silang natatanaw sa malayo. At higit sa lahat, ilang sandali pa lang sila nakatayo roon may narinig na silang parating na sasakyan. Nagulat sila nang mamukhaan na isa sa mga service vehicle ng munisipyo nila ang parating. Nagkatinginan silang magkakaibigan. Napabuntong hininga at relieved na napangiti. Kasi sa wakas, totoong nakauwi na sila.

Next chapter