ALAS DOSE na ng gabi at oras na para maisagawa ang plano. Napakadilim ng gabi ngayon at tanging mga ingay ng insekto lamang ang gumagawa ng ingay at mga bituin lamang ang nagsisilbing mumunting ilaw sa karimlan ng gabi.
Nasa loob na kasi ng matayog na kastilo ang mga kasambahay at mga trabahador ng palasyo at tulog na tulog ang mga kawal na nagbabantay sa mataas na bakod at pintuan nito.
Muling nagdadalawang isip si Kira sa gagawin nila ni Tsukino, nahimasmasan na si Kira noong nakauwi siya kanina. Hindi pa rin niya nailabas sa libro ang sanggol kanina dahil sa sunod-sunod na pagdalaw ng mga sunod-sunurang mga heneral ng hari.
Oo, gusto niyang patayin ang hari para bigyan ng hustisya ang mga nilalang na pinahirapan nito, pero ang iniisip niya ay ang damdamin ni prinsipe Ringo.
"Kira! Huwag mong sabihin ngayon ka pa nagdadalawang isip? Ipinangako mo! At kanina lamang ay sinunog ng buhay si Martha!" Bumalik siya sa wisyo nang marinig ang boses ng kaibigan at muling nanumbalik ang galit nang marinig ang balita.
Hindi man lang nakasama ng sanggol ang kaniyang ina dahil sa buhong na hari.
'Kira, Huwag ka nang maduwag! Kailangan mo itong gawin!' ani niya sa kaniyang isipan.
"May iniisip lang ako, Tsukino. O, ano? Tara na," mahina niyang sabi at mahigpit na hinawakan ang bag na kinalalagyan ng mga lubid, mga gamot pampatulog, ang mapa ng palasyo, isang kutsilyo at ang lason na ginawa ni Tsukino.
"Iyon naman pala! Huwag kang magsisi sa gagawin natin! Kaharian natin at mga ibang kaharian ang nakasalalay dito!" sabi ni Tsukino; puno ng poot ang boses na nauna nang maglakad kay Kira.
Alam ni Kira bakit gusto talaga nitong patayin ang hari at kung hindi pa mamatay ang hari ay baka magaya ito kay Martha.
Tahimik silang naglalakad papunta sa likod ng isang puno ng laurel kung nasaan ang tore.
"Sigurado ka bang mabubuksan natin ang pinto?" nag-aalalangang sabi ni Tsukino.
Hindi sumagot si Kira, bagkus ay kinuha ang isang karayom sa loob ng tela na nasa bulsa niya.
Maingat niyang ipinasok ang karayom sa butas ng susi at maya-maya pa'y nabuksan niya ang lock at tahimik na tinanggal ang mga kadena. Gamit uli ang karayom ay binuksan niya uli ang isa pang lock sa pinto.
"Puwede ka na talagang maging magnanakaw, Kira! Alam na alam mo ang mga ganito," biro ni Tsukino kaya binigyan niya ng masamang tingin ang kaibigan.
Maingat niyang itinulak ang pinto at bumungad sa kanila ang nakabubulag na kadiliman. Hinakawan ni Kira ang isang sulo na nasa dingding at biglang umilaw ang iba pang sulo na nagsilbing liwanag sa dilim. Bumungad ang isang napakahabang hagdan na naka-konekta sa itaas ng tore kung saan nandoon ang tulay.
"Kira, sigurado ka bang sa kriminal ang toreng ito? Bakit parang ang toreng ito ay kwarto ng isang maharlika?" sa sinabi ni Tsukino ay ngayon lang napagtanto ni Kira ang itsura at disenyo ng tore.
Bukod sa ang dingding nito ay may pabalat na pula at ginto at napakaganda nito kahit na nilumaan na ng panahon at binahayan na ng mga gagamba. May mga basag ding salamin sa paligid na may bahid ng dugo at ang hagdan patungo sa itaas ay gawa at kakulay din ng ginto.
"Hindi ko alam, Tsukino. Tanging ang hari lamang ang nakakaalam tungkol dito. Tara na," mahinang sabi ni Kira at naglakad na papunta sa hagdan.
Sumunod naman si Tsukino at tahimik nilang inakyat ang tore hanggang sa nakarating sila sa isang silid, gaya ng nasa baba ay pareho ang pabalat ng dingding nito. Nagkalat ang mga gamit sa paligid at puno ng dugo ang kulay gintong kama na nasa gilid. Ang gintong carpet ay may mga bakas na madugong kamay na para bang may gumapang ditong nilalang na duguan.
"Ano'ng ibig sabihin nito?" mahina at pabulong na sabi ni Tsukino sa nakikita.
Umiling-iling si Kira at pinagmasdan ang paligid. Dumapo ang kaniyang tingin sa isang portrait na larawan ng isang nilalang na hindi makilala dahil sa punit sa bandang mukha nito. Hindi niya napigilang lumapit at pinagmasdan ang larawan.
Dahil sa napunit nga ito, tanging mata lamang nito ang makikita na kulay ginto, at ang buhok nito na kasing kulay ng buhok niya. Makapal ang kilay nito at kahit mata lang ang kita ay alam niyang makisig ang nasa larawan.
"Sino ka? At ano ang ginawa ng hari sa iyo?" tanong niya sa larawan na para bang sasagot ito sa kaniya.
"Kira! Tama na iyan. Kailangan na nating maisagawa ang plano bago mag alas-dos ng madaling araw! Sabi mo ay magigising na ang mga kawal na nilagyan natin ng pampapatulog!"
Bumalik sa wisyo si Kira nang marinig ang sinabi ng kaibigan. Inalis na niya ang kaniyang tingin sa larawan at sumunod sa kaibigan papunta sa parang balkoniya ng tore kung saan naroon ang tulay papunta sa silid ng hari.
Pero sino nga ba ang makisig na kriminal na ikinulong sa toreng ito?
"Mukhang pinahirapan ang kriminal na nasa silid na iyon. Napakaraming dugo sa paligid," ani ni Tsukino habang naglalakad sila sa tulay.
Tumango si Kira. Ganoon ba talaga kawalang puso ang emperador? Binigyan ng magandang silid ang kriminal ngunit labis namang pinahirapan na para bang isang hayop, mas masuwerte pa nga ata ang hayop.
Bakit pa nga ba siya nagtataka kung puro pagpapatay ang ginagawa nito? Pambababoy sa mga kababaihan at ang pagsasa at pagsamsam sa kayamanan ng kaharian.
"Ngunit, hanggang ngayon na lang siya maghahari dahil bukas ay hindi na siya sisinagan ng araw," puno nang poot na sabi ni Tsukino at mahigpit na kinuyom ang kamao.
Nang makarating na sila sa may balkonahe ng silid ng hari ay tahimik na pumasok si Tsukino sa silid habang hawak-hawak ang karayom na may lason, at isang kutsilyo na napakatalim. Naiwan si Kira sa may kurtina at pagmamasdan na lamang ang gagawin ni Tsukino.
Lumapit si Tsukino sa kama ng hari na mahimbing na natutulog. Kinuha niya ang plorera sa may kama at ibinuhos ang tubig sa mukha ng hari.
Agad itong nagising at masama silang tiningnan. "Ano ang ginagawa niyo rito? Mga kawal!" natatarantang sabi nito at tumayo mula sa pagkakahiga.
Blanko lang na tiningnan ni Kira ang hari at ngumiti ng matamis. "Hindi kayo maririnig ng mga kawal niyo, mahal na hari. Sa oras na ito'y lahat sila ay tulog," wika ni Kira na nagpalaki sa mata ng hari.
Rumehistro ang galit sa mga mata nito na kulang na lang sumabog ito. "Huhulihin ko kayo, at ipapagahasa ko kayo sa dalawang daang kawal at mga kabayo nila!"
Ngumisi si Tsukino, "Kung mahuhuli mo kami... tulog ka na, mahal na hari... habangbuhay," sabi ni Tsukino at sa isang iglap ay tinusok ang karayom sa leeg ng hari.
Hindi na nakapalag ang hari at napatingin na lang sa dalawang dilag sa silid habang unti-unti siyang namumutla at sumisikip ang kaniyang dibdib.
"Ngayon na ang oras na pagbabayaran mo lahat ng kasalanan mo," wika ni Kira at pinagmasdan kung paano saksakin ni Tsukino ang dibdib ng hari at dinukot ang puso nito.
Nagkalat ang dugo ng hari sa mga kamay ni Tsukino, tumitibok-tibok pa ang puso nito hanggang sa tumigil at bumulagta ang hari habang nakabuka ang mga mata nitong nakatitig sa dalawang babae.
Tapos na ang kasamaan mo, kamahalan.
Ngunit hindi alam ni Kira na ang desisyon niyang ito ay babago sa takbo ng kaniyang buhay.