webnovel

Chapter Forty-Seven

Nang buksan ni Jessica ang kanyang mga mata, una niyang nakita ang puting kisame. Saglit siyang nagulat nang mapansin na may suwero sa kanyang kamay. Bigla niyang naalala kung ano ang nangyari sa kanya kanina sa contest.

'Yung contest!'

Hindi pa tapos ang contest nang umalis siya. Ano na kaya ang nangyari sa contest? Kaagad niyang hinagilap ang kanyang bag, gusto niyang tawagan ang kanilang adviser.

Sakto naman na bumukas ang pinto at pumasok ang adviser nila.

"Jessi, gising ka na. Ano'ng nararamdaman mo? Sumasakit pa ba ang tyan mo?"

"Ma'am, ano na po ang nangyari sa contest?" nag-aalalang tanong ni Jessica.

Natigilan saglit ang guro at bumuntong hininga.

"Tapos na ang contest, pauwi na lahat ng contestants ngayong araw."

"Tapos na po?"

"Oo. Tapos na kahapon."

Kahapon...? Ang ibig sabihin matagal siyang nakatulog.

Tinignan mabuti ni Jessica ang guro nila. Mukha itong disappointed sa nangyaring resulta. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi.

Muling bumukas ang pinto at pumasok sina Tammy at James.

"King!"

"Maayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ni Tammy sa kanya.

Nakaramdam ng guilt si Jessi at tumango. "Tammy, James, I'm sorry. Nang dahil sa nangyari sa akin..."

"Hwag mo nang alalahanin 'yon. Ang mabuti ay okay ka na."

"Pero! Pero... matagal tayong nag-review para sa contest," naluluha na sabi ni Jessica. "Ito na yung chance natin na patunayan na hindi tapunan ang school natin. Tapos ngayon... ngayon... natalo tayo dahil sa'kin. Waaaaaah! Tatawagin na naman nila tayong 'Zero'!" Tuluyan na siyang napa-iyak.

Sa totoo lang, kaya siya sumali sa contest ay dahil gusto niyang patunayan sa kanyang pamilya na nagbago na siya. Dati ay napasali siya sa maling grupo at nasangkot sa isang eskandalo. Labis niya iyong pinagsisisihan. Kaya naman nang malaman niyang naghahanap ng sasali sa contest ang school nila, kaagad siyang sumali. Pero ngayon...

"I'm sorry talaga! Kasalanan ko waaaaah!"

Inayos ni James ang kanyang salamin at tumingin sa kabilang direksyon. Nagpanggap na walang nakikita o naririnig. Tumingin naman si Tammy sa teacher nila.

"Ah! Aasikasuhin ko nga pala ang discharge mo rito sa ospital. Hahaha..." kaagad na lumabas ng silid ang adviser na tila tumatakas.

"Tahan na, Jessica. Wala kang kasalanan."

"King! Huhuhu!"

"At ang isa pa, hindi naman tayo natalo."

"Huhuhu kasala... huh?" Napahinto sa pag-iyak si Jessica.

"James."

Binuksan ni James ang malaking itim na backpack nito. Mula roon ay inilabas nito ang isang gold na trophy. Mukha itong chalice na may dalawang hawakan sa magkabilang gilid, nakatayo ito sa isang matigas na parisukat na kahoy kung saan nakaukit ang mga salitang: 'CHAMPION, National Quiz Bee 20XX'.

Kaagad na natahimik si Jessica at walang masabi... Ngunit ang isip niya ay nagwawala.

Para saan yung malungkot na buntong hininga ng adviser nila kanina?! Para saan ang iyak niya?! Para saan?! Ibalik ninyo ang luha ko! WAAAAH!!!

***

Ang pagkapanalo ng Pendleton High sa Quiz Bee ay naghatid ng malaking sorpresa sa lahat. Ang kinikilalang tapunan ng mga basurang estudyante ay biglang naging kampyon sa contest. Ngayong taon, sila ang nag-uwi ng gintong tropeyo.

Ngunit ang kanilang pagkapanalo ay naghatid rin ng hindi magandang komento mula sa mga tao. Hindi parin sila naniniwala na kayang manalo ng mga zero sa national quiz bee.

Kumalat ang mga opinyon tungkol sa pag-sponsor ng Green Leaf hotel sa contest. Ang may ari ng hotel na ito ay ang Chairman ng Pendleton High. Hindi mapigilan ng mga tao na mag-isip. Ang contest ngayong taon ay maaaring binili upang iangat ang imahe ng school.

Nagkaroon din ng meeting ang ilang tagapamahala ng mga elite schools at organizers ng contest. Para sa kanila, hindi lang ito isang contest. Isa itong business promotion. Paano sila naangatan ng isang school na katulad ng Pendleton High? Wala silang mukha na maiharap sa mga magulang ng kanilang mga estudyante.

Makapasok lang sa contest ay himala na. Makapasok sa top ten ay imposible sa pananaw nila. Ano pa kaya ang maiuwi ang tropeyo? Paano nahigitan ng Pendleton High ang edukasyon na ibinibigay nilang mga elite schools?

Maging sila ay hindi naniniwala na malinis ang pagkapanalo ng school na iyon. Maaaring may nangyari sa likod na hindi nila alam.

Dahil sa mga reklamo sa homepage ng National Quiz Bee, naalarma ang mga organizers at nagsagawa ng meeting. Sa laki ng naging issue, maging ang DepEd ay tinawagan sila.

Ngunit nakalimutan yata ng lahat kung gaano kalaki ang backer ng Pendleton High. Hindi dahil tinawag na basurahan ang eskwelahan ay nagmula na rin sa basurang pamilya ang mga estudyante.

Ngayong harap-harapan ang ginagawang insulto sa kanilang mga anak sa social media, mananahimik ba ang mga magulang ng mga ito? Lalo na ngayon na may pag-asang maging malinis ang reputasyon ng school ng mga anak nila. Sino'ng magulang ang gustong matawag na basurahan ang school na pinapasukan ng mga anak nila. Kung hindi lang dahil gusto nilang mapatino ang mga anak nila, hindi nila pipiliin ang school na ito.

Hindi nagtagal, nalunod ang mga opinionated na mga tao sa social media. Ang mga keyboard warriors ay hindi maikumpara sa mga hired professionals. Ang kanilang logic at grammar ay flawless at ang mga nakabasa ng mga posts at comments nila ay na-convert.

Sa panahon ng crisis, pinatunayan ng Pendleton High kung bakit wolf ang kanilang simbolo.

Nagsilabasan ang mga kilalang alumni ng school. Ang kanilang simpleng congratulatory posts ay umani ng maraming shares at comments.

Ilan sa mga alumni ay sina Senator Jun Morales, Hospital Chief Executive Kyohei Sagara, Green Leaf CEO Jared Dela Cruz, Maunnick Ships Company Captain Jacques Maunnick, WSN Real Estate Corporation CEO Severine Barasque, CENTRA Malls Chairman Romeo D'Arrez at marami pang iba.

Isa itong malaking sampal sa mukha ng mga tumatawag na basura ang mga pumapasok sa Pendleton High. Napakatayog ng reputasyon at posisyon ng mga alumni. Kung basura ang mga ito, kung ganon ano sila?

Ang issue ay unti-unting tumahimik. Ngunit hindi pa tapos ang Pendleton High sa pagsampal sa kanila ng katotohanan.

Inilabas nila ang school records ng tatlong estudyante na sumali sa contest. Isa na rito ang video ng international math competition kung saan sumali si James.

Sa ganitong ebidensya, tuluyang nawala ang mga masasamang opinyon ng mga tao tungkol sa pagkapanalo ng Pendleton High.

Dahil sa nangyari, mas nakilala ang Pendleton High. Nakatulong ang maingay na issue para malinis nang mabuti ang imahe ng eskwelahan.

***

Sa isang kwarto, sa likod ng saradong pinto, maririnig ang pagkabasag ng ilang kagamitan. Ang mga kasambahay ay kaagad na lumayo at naging busy sa ibang bagay. Ngayong araw, nagwawala na naman ang anak ng kanilang amo.

"DAMN YOU! DAMN YOU! DAMN YOU ALL!!!" paulit ulit na sigaw ni Jasmine.

Ang mga mamahaling bote ng pabango ay nagkalat sa sahig. Basag basag na ang mga ito at nag-halo ang iba't-ibang amoy.

"AAAAAAAHHHH!!!"

Paulit-ulit sa isip niya ang eksena na gusto niyang kalimutan.

Pumasok si Jasmine sa isang silid. Nakita niya roon sina Willow, Giselle, ang bestfriend ni Willow at ang teammate nitong lalaki. Nandoon rin ang ilang organizers at advisers ng magkabilang teams.

"Ipinatawag nyo raw po ako?"

"Jasmine, pamilyar ka ba rito?" tanong ng adviser nila. Ipinakita nito ang isang syringe na nasa loob ng isang transparent ziplock bag.

Biglang natakot si Jasmine nang makita iyon. Ganon pa man ay hindi niya ipinahalata at kaagad na itinanggi. "Hindi po, Ma'am. Ano po ba 'yan?"

"Nakita ito sa trashbin ng ladies room. May laman ito'ng chemical na inilagay sa mineral water ni Jessica."

Binundol ng takot at kaba si Jasmine. Bakit ganito ang uri ng tingin na ipinupukol sa kanya? Malinis ang kanyang gawa. Hindi siya tanga upang mag-iwan ng finger prints. Kahit na nakuha nila ang ebidensya na ito, hindi nila ito maiko-konekta sa kanya.

"Hindi ito basta food poisoning lang. Sinadya ito," ang sabi ng organizer na taimtim siyang tinitignan.

"Hindi mo ba talaga ito nakita, Jasmine?" muling tanong sa kanya ng guro.

Bakit ba paulit ulit siyang tinatanong nito? Walang CCTV roon, walang nakakita sa kanya, walang fingerprints. Sigurado siya na walang makakaalam.

Tumingin siya sa iba pang mga estudyante. Tinanong din ba sila nang ganito?

Umiling si Jasmine. "Ngayon ko lang po iyan nakita, Ma'am."

Bumuntong hininga ang adviser na tila disappointed. May kinuha itong isa pang ziplock.

Nanlaki ang mga mata ni Jasmine sa nakita.

"Nakita ito sa trashbin ng hotel room ninyong tatlo. Isa itong resibo na nagsasabi na may bumili ng syringe, isa sa inyong tatlo ang gumawa nito."

Tila nabingi si Jasmine sa narinig nang makita niya ang resibo sa loob ng ziplock. Sa lahat ng bagay naging malinis siya. Hindi niya akalain na ang piraso ng papel na iyon ang magpapahamak sa kanya.

Bwisit na Giselle! Kung hindi lang sana ito nakakulong sa bathroom sana ay naitapon niya ang resibo sa toilet!

"Jasmine, sa'yo ito hindi ba?"

"HINDI! HINDI SA AKIN 'YAN! Bakit ako ang pinagbibintangan ninyo?!"

"Nakahiwalay ng kwarto si Willow at wala siyang hawak na susi ng kwarto ninyo kaya naman inosente siya," paliwanag ng guro. "Si Giselle ang leader ng grupo ninyo at sumali sa head-to-head kaya naman imposibleng siya ang nag-iwan ng bote ng mineral water doon. Sa inyong tatlo, ikaw lang ang may pagkakataon na gumawa nito. Jasmine, sabihin mo ang totoo."

"Hah..." ngumiti si Jasmine. Tinignan niya ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nakikita niyang desidido na ang mga ito na siya nga ang suspect. "Hindi ako ang gumawa nyan. Wala akong aaminin. Hindi ninyo ako mapapaamin! You can't frame me!"

"Jasmine..." bulong ni Giselle.

Kaagad na tumakbo palabas ng silid si Jasmine at bumalik sa kwarto sa hotel. Mabilis niyang kinuha ang kanyang mga gamit at mag-isang nagbyahe pabalik sa city nila.

Kahit na ano'ng gawin nila, hindi siya aamin!

Makalipas ang tatlong araw, pinanood niya kung paano siraan ng mga tao ang Pendleton High. Tuwang tuwa siya habang binabasa ang mga comments. Ngunit hindi rin iyon nagtagal. Mabilis na nailibing ang issue matapos lumabas ng mga alumni.

Kasabay nito, ipinatawag sa school ang kanyang mga magulang. Nakaramdam ng matinding takot si Jasmine.

Bumalik sa bahay na galit na galit ang kanyang Mama. Binigyan siya ng expulsion notice ng St. Celestine High dahil sa nangyaring food poisoning. Ipinaliwanag niya sa kanyang Mama na na-frame up siya ngunit isang sampal ang ibinigay sa kanya nito.

Kahit na frame up pa iyon, kasalanan parin niya. Bakit niya hinayaan na maipit siya sa ganoong sitwasyon. Lalo na ngayon at ang dami nilang pinoproblema sa kompanya, dumagdag pa siya.

Gumuho ang mundo ni Jasmine. Pakiramdam niya ay nawala na sa kanya ang lahat.

At nang muli siyang kausapin ng kanyang Mama, nalaman niya na balak siya nitong i-enroll sa Pendleton High. Sa nakasulat na rason ng St Celestine High kung bakit inalis sa school si Jasmine, may iba pa bang tatanggap sa kanya? Tanging Pendleton High lang ang kanyang option.

Kaagad siyang nag-wala. Mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa pumasok sa basurang eskwelahan na iyon!

"AAAAAAHHHHHH!!!"

Paulit ulit na hinahampas ni Jasmine ang kanyang kama. Kasalanan itong lahat ni Willow. Tama. Si Willow ang may kasalanan ng lahat nang ito. Kung sana lang ay naging mabait ito sa kanya, hindi sana siya hahantong sa ganito! Kasalanan ni Willow ang lahat!

***

Sunud-sunod ang naging pangyayari sa Pendleton High, maging ang mga estudyante at guro ay nahirapan na sundan ito. Ngayong tapos na ang lahat, nagpa-plano sila ng celebration sa pagkapanalo ng team sa contest.

"Good morning, King!"

"Congrats King!"

"King Tammy, hello!"

"Hi King Tammy, congrats!"

Maganda ang atmosphere sa loob ng eskwelahan. Napansin ito ni Tammy habang naglalakad sa corridor.

Inaayos ng school ang gagawing one day celebration. Magiging open ang school para sa mga outsiders at maaaring maki-celebrate kasama sila. Inaayos na ngayon ang field para sa concert. Pati na rin ang mga gagamitin para sa foodfair.

Magaganap ito tatlong araw mula ngayon.

Samantala, hindi pa lumalamig ang issue ay isa na namang post ang naging hot topic. Bigla itong sumabog nang walang warning.

Ang kilalang direktor na nag-uwi ng maraming awards mula sa Oscars na si Director Sunderhaus ay biglang nag-post ng congratulatory message sa blog nito. Para kanino? Hindi para sa isang actor sa Hollywood kung hindi para sa isang Filipina – isang highschool student na nagngangalang Tammy Pendleton!

Next chapter