webnovel

CHAPTER 4

▪▪▪

Nagsimulang mahulog ang mga mumunting nyebe. Tila ba nakikisama sa nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam kung paano ka husgahan at maliitin ng isang tao.

''Ang bibig mo, Ate Matilde! Hindi ko gusto ang mga sinasabi mo kay Holly!'' Nakita ko kung paano ikuyom ni Frost ang kanyang mga palad.

''Ayos lang, Frost-''

''Nakita mo, ayos lang sa kanya. Uhm, alam mo ba na ang ganda ng 'yong pangalan? Holly.'' Napapikit pa siya at ngumiti. Huminga siya pagkatapos ay nagmulat. ''Sa pagkaalam ko ay mga mamahaling aso lang ang binibigyan ng magandang pangalan.'' Natatawa pa niyang sabi. Napatingin ako kay Ginoong Maximus na nakayuko lamang, paano siya nakakatagal sa ugali ng mayaman na gaya niya.

Biglang hinawakan ni Frost ang kamay ng kanyang ate. Nakita ko kung paano niya ito pisilin nang mahigpit.

''Bitiwan mo ako! Nasasaktan ako!'' Nagpupumiglas na sabi ng kanyang kapatid.

''Insultuhin mo na ako huwag lang ang babaeng nasa harapan ko! Kung hindi-''

''Kung hindi ano?!'' Inis na bulyaw ng babae. Halos magsalubong ang mga kilay niyang naka-arko.

''Baka makalimutan kong kapatid kita...'' Nanlilisik ang mga matang 'yon ng lalaking kasama ko. Nakakatakot. Ang kulay cerulean niyang mga mata ay tila ba nagdilim. Naging kakaiba rin ang pag-iiba ng kanyang kilos at pananalita.

''Hindi mo na kailangang gawin 'yan, Frost-'' Hindi ko na naman naituloy ang sasabihin ko, hindi niya ako binibigyan ng pagkakataong matapos magsalita. Inilapit niya ang mukha sa may bandang pisngi ng babae. Kahit anong awat ko'y hindi siya nakikinig. Sarado ang kanyang tainga dahil galit siya.

''Umalis ka na kung ayaw mong kaladkarin kita papunta sa karuwahe, mahal kong kapatid.'' May panginginig ang boses na 'yon ni Frost nang masabi sa kapatid.

Tiningnan ko ang babae, tila ba umuusok ang ilong niya dahil sa inis.

''Wala kang galang, Frost! Tingnan mo nga 'yang itsura mo, nakakaawa ka. Nagmamalasakit lang ako!'' Iwinasiwas niya ang kamay ng kapatid na mahigpit na nakahawak sa kamay niya. Ano bang meron sa itsura niya?

''At ikaw babaeng taga-circus, layuan mo ang kapatid ko! Ang mga katulad ninyong hampas-lupa ay hindi dapat dumidikit sa aming mga maharlika! Tandaan mo, binabayaran namin kayo!'' Baling niya sa akin. Hindi na ako sasagot kahit na kanina ko pa gustong ipamukha sa kanya na hindi kami gaya ng iniisip niya.

Nanginginig ang labi ko, pilit ko itong pinipigilan sapamamagitan ng pagkagat ko sa ibabang bahagi ng aking labi. Ang lakas rin ng kabog ng dibdib ko. Hindi ako iiyak kahit na nagsisimulang uminit ang aking mata. Matatag ako... matatag.

''Ate! Bisita sila rito kaya't maging marespeto ka!'' Pasigaw na awat niya sa kanyang kapatid. Hindi nga lang siya pinansin ng babae.

''Ngunit bago ako umalis...'' Binunggo niya ang balikat ng kapatid at nagtangkang lumapit sa akin.

''Anong gagawin mo sa kanya?!'' Lumingon si Frost. Hinarang ang kanang braso pero itinulak lang ito ng babae. Nawala siya sa balanse dahil sa ice skate niyang suot kaya naman napaluhod siya.

''Kay gandang maskara, mukhang mamahalin ang mga dyamanteng nakadikit d'yan.'' Papalapit siya sa 'kin, ni hindi man siya nadudulas sa yelong nilalakaran niya. Naikuyom ko ang aking kamay. Napaatras ako ng kaunti para makabuwelo kung sakaling may gawin siyang hindi maganda.

''Akin na 'to!'' Hinila niya ang maskara sa aking mukha. Napapikit ako. Naputol ang tali nitong nakasuot sa aking ulo. Naramdaman ko ang malakas na paglapat ng tali sa pisngi ko. Uminit ang natamaan, mahapdi. Hindi naman ako nagpapatinag,  hinablot ko ang maskarang hawak na niya. Iniwasan kong tumitig sa kanyang mga mata at tinuon ko na lang sa maskara ang paningin ko. Mas lalo ko pang hinigpitan ang hawak ko rito para hindi niya makuha.

''Hindi mo makukuha 'to! Ibinigay sa akin ito ni ina!''

''Wala akong pakialam!'' Sinipa niya ang talim ng aking ice skate kaya nawala ako sa balanse't napaluhod. Humapdi ang tuhod ko, nagasgas na ata sa yelong kinabagsakan ko. Patuloy kaming nag-aagawan sa aking maskara. Wala na akong pakialam kung matanggal man ang mga dyamente nito.

''Hindi ko ito maaaring hubarin! Maawa ka...'' Para na kaming mga batang nag-aagawan sa isang kendi.

''Holly!'' Hinubad ni Frost ang suot na ice skate at walang anumang pansapin sa paang tumakbo ngunit nadulas siya nang palapit sa akin.

Pero bago pa man niya mahawakan ang kanyang kapatid ay itinulak ako ng babae dahilan para mapahiga ako sa malamig na nagyelong lawa. Naipit ang aking binti. Masakit! Parang napunit ang laman nito. Dahilan ito para lumuwag ang pagkakahawak ko sa aking maskara. Nahila niya na ng tuluyan mula sa aking mga kamay ito. Agad siyang lumayo sa akin at tumalikod. Nakita ko ang ginawang pagharang ni Frost sa kanyang ate pero bigla na lang itong napaluhod.

''Ang maskara ko! Hindi ka ba tinuruan ng tamang asal? 'Wag mong kunin ang hindi naman sa'yo!''

Halo-halong emosyon na ang nararamdaman ko. Ang kaisa-isang alala ng aking ina sa akin ay nawala pa. Napahawak ako sa yelo para makatayo. Dahan-dahan akong tumayo. Humangin nang malakas kasabay ng pag-itim ng ulap. Ang mga bumabagsak na maliliit na nyebe ay tila huminto sa ere. Umuusok ang nakakuyom kong palad na tila ito ang dahilan kung bakit nangingitim ang ulap.

Sabay sabay na bumagsak ang mga nyebe, sa pagbagsak nito sa paligid ay naging matigas na yelo ang anumang madampian nito. Mas lalong kumapal ang yelong nakabalot na sa lawa. Ang mga nyebeng dumampi sa aking balat ay nagyelo. Mas lalo pang umihip ang malamig na hangin.

Wala na ang babae sa aking harapan. Mabilis siyang sumakay sa kanyang karuwahe. Kahit ang mga tumigas na yelo sa karuwaheng 'yon na gawa ng aking nyebe ay hindi ito napigilan para umalis.

Nakita ko na lamang si Frost na nanginginig na't namumula ang balat. Maraming nakadikit sa katawan niyang yelo. Ang iba'y mga nyebeng unti-unti na nagiging yelo. Anong nangyayari sa kanya?

Agad ko siyang nilapitan na hindi tinitingnan.

''P-paano m-mo, n-nagawa 'yon...'' Nanginginig at pautal-utal niya pang tanong sa akin. Nangangatal rin siya't puno ng mapupulang pantal ang kanyang mukha.

Hindi ko muna sinagot ang tanong niya. Agad na lang akong tumakbo sa circus house at tinawag si Alphonse na noo'y nakita kong papasok na sana sa loob.

***

Nang kami'y nasa loob na wala akong ginawa kundi ang tumingin sa baba. Hindi ako nag-aangat ng tingin kahit na kanino sa kanila. Pagkatapos ay ako na ang nagsuot nang makakapal na panlamig kay Frost. Itinapat ko rin siya sa maliit na pugon upang mainitan. Ang kaninang nangangasul na labi at paa ay unti-unti nang bumabalik sa dati. Ngunit ang mga pantal niyang mapupula ay mas lalo pang dumami nang mainitan.

Nakapikit lang siya ngayon. Gusto ko siyang titigan ngunit baka maging yelo siya. Kaya't nakuntento na lamang akong makita siya sa gilid ng aking mata. Umaasa akong magiging maayos na ang kanyang pakiramdaman.

''Baka matunaw ako sa ginagawa mong pagtitig.'' Nakangiti niyang sabi. Nagulat ako, muntik na akong mabulunan dahil sa sarili kong laway. ''Paano mo nasabing nakatitig ako sa 'yo?'' Napanguso na lang ako't napahaimas ng pisngi. Kung saan-saan tuloy ako napatingin; sa kisame, sa pader at sahig. Nakakahiya.

''At sino ang may sabing nakatitig ako sayo? 'Wag mong ipalagay na tinititigan kita kasi...'' Tumingala ako para kunwari ay may tinitingnan ako sa kisame. Wala akong maibigay na dahilan.

''Maang-maangan...'' Para pa siyang nang-aasar sa sinabi niyang 'yon. Ang lakas naman ng pakiramdam niya. Nagmulat na siya pero siya namang talikod ko. Naramdaman ko na naman ang mainit na dumaloy sa buong mukha ko. Ano ba naman 'yan. May masama na ngang nangyari kanina nakuha pa ng mukha ko ang mag-init.

Isinalin ko na lang sa tasa ang mainit na tsaa para sa kanya.

''Pinagmamasdan kita ngayon, hindi ko nakita ang pilat na sinasabi ng 'yong ama. Ang nakikita ko lang ay ang mahahaba mong pilikmata at kung pa'no ito kumislap na parang yelo. Ano ba'ng lihim mo?'' Muntik nang madulas ang tsarerang hawak ko dahil sa biglaan niyang pagtatanong sa akin.

''Lihim? Wala akong inililihim.'' Pagmamaang-maangan ko. Humarap na ako sa kanya at iniabot ang tasa na hindi man lang tumitingin sa kanya. Kinuha niya naman ito at narinig ko ang kanyang paghigop.

''Nakita ko, Holly, ang mga nyebe... parang sumusunod sila sa 'yo.''

Mukhang hindi na ako makapagkakaila sa kanya dahil nakita niya ang nangyari. Nakita niya dahil nasa harapan ko lamang siya kanina. Hindi kasi ako nag-iingat.

''Ano... guniguni mo lang siguro 'yon, Frost. Lumakas na kasi ang pag-ulan ng nyebe kanina. '' Napabuntong hininga siya sa sagot ko.

''Alam mo bang mayro'n akong 'di pangkaraniwang sakit?'' Nakinig ako sa sinasabi niya. Napukaw nito ang attensyon ko't nakokonsensiya dahil sa hindi ko sinabi ang totoo kahit na nakita niya ito mismo.

''Ang sakit ko'y masyadong kumplikado. Alam mo ba ang sakit sa lamig? Sigurado akong nakita mo kanina ang nangyari sa 'kin. Kakaiba hindi ba. Wala pang natutuklasang lunas para rito.

Tumingin siya sa tsaang nasa harap niya.

''Ang tanging gamot lang ay ang pag-iwas sa malalamig na lugar, eh hindi ko naman maiiwasan ang malamig na panahon. Ah, meron pa pala iyong itinuturok sa akin ng doktor para maagapan ang sintomas.

Tiningnan niya ako. Napayuko ako sapagkat hindi ko alam na may gano'n pala siyang pinagdaraanan.

''Hindi ako maaaring manatili nang matagal sa malamig na lugar dahil nagkakaroon ako ng mapupulang pantal. Hindi rin ako maaaring lumangoy sapagkat mas malala pa ang maaaring mangyari sa akin... maaaring bumagsak ang dugo ko't maaaring mamatay...'' Napayuko siya at tiningnan muli ang hawak na tasa. Nahinto siya sandali at sumandal sa malambot niyang inuupuan. Saglit din akong nag-isip.

Kung gano'y tama nga ang kanyang kapatid na layuan ako't huwag ng makipag-kaibigan sa akin. Paano pa kaya kung malaman niya ang tungkol sa aking abilidad, na kaya kong kontrolin ang nyebe.

''Hindi ko alam kung bakit sinasabi ko sa 'yo ito kahit na kakikilala pa lang natin. Simula nang kamayan mo ako'y naramdaman kong parang matagal na tayong magkakilala.

Naramdaman ko ang lamig sa 'yong kamay kahit na makapal ang gwantes kong suot. Sigurado akong may sumagi sa isip ko, parang nakita ko ang nakaraan,'' sabi niya. Nakatayo lang ako sa gilid ng inuupuan niya't nakikinig.

Hindi ko alam ang sasabihin ko.

***

Next chapter