Walang pumansin kay Lance. Alam kong sa sobrang tindi ng pagkailang namin ni Stan sa isa't isa, ang hirap para kay Lance gumawa ng pag-uusapan. Halatang pilit ang ngiti niya at tila gusto niyang sabihin sa akin na magsalita na ako.
"Sige, tol, kukunin ko lang muna sa loob," sabi ni Stan pero kay Lance siya nakatingin.
Hindi naman nakasagot si Lance. Tiningnan niya si Stan at ako. At ang mga mata niya ay mas matindi ang pag-uudyok niya na magsalita na ako.
Huminga ako ng malalim pero mahina pa din ang pagkakalabas ng boses ko. "Stan."
Kahit hindi siya sumagot, tumigil naman siya sa pagbubukas ng gate nila.
"Ah," biglang sabi ni Lance. "Tol, saka ko na lang dadaanan mukhang may pag-uusapan pa kayo ni Risa."
Bago pa makaalis si Lance, hinablot ko ang laylayan ng t-shirt niya at sinabi ko sa mga mata ko na iiwan mo na lang ako dito. Napakunot naman siya na parang gusto niyang sabihin na alangan namang manuod siya habang nag-uusap kami pero hindi ko pa din siya binitawan. Napabuntong hininga na lang siya.
"Stan, sorry na. Pwede bang pansinin mo na ulit ako?"
Mas lalong humigpit ang hawak ko sa t-shirt ni Lance at sa wakas tiningnan na ako ng diretso ni Stan. Ang ekspresyon ay katulad noong gabi ng kaarawan ko. Unti-unti akong nanghina at tila ang puso ko ay nasa kamay na naman niya habang dahan-dahang hinihigpitan ang hawak dito. I was at his mercy and even if his face was filled with sorrow and regrets, he would still crush my heart.
Bago pa niya nagawa iyon, ngumiti ako. "Hinding hindi na ulit mangyayari yun. Kalimutan na lang natin ang lahat. So please, bumalik na lang tayo sa dati. Kahit hindi ngayon, kahit sa pasukan pa."
"Pero Risa." Tumigil siya at napahawak sa noo niya.
"Ano ka ba Stanley?" masiglang pagkakasabi ko kaya napatunghay siya. "Tamo kami ni Lance."
Hinigit ko si Lance at itinulak sa harap ko. Nasa gitna siya naming dalawa ni Stan. Sumilip ako sa tagiliran saka ako nagpatuloy. "Mas lalo kaming naging close pagkatapos niya akong tanggihan. 'Wag kang mag-alala, buburahin ko ang lahat at sa ganda kong 'to, maraming magkakagusto sa akin."
Tumayo na ako ng tuwid at sa likod na ni Lance ako nakaharap. Hawak ko pa din sa dalawang braso si Lance at sa higpit ng kapit ko ay nanginginig ako. "I'll always be your best friend, Stan. Nothing more, nothing less. Promise."
What happened after that was a mystery.
Ang alam ko lang naglakad kami ni Lance pauwi sa amin ng parang sobrang tagal habang umiiyak ako. Kung may makakikita siguro sa aming dalawa, ang iisipin ay siya ang nagpaiyak sa akin. Wala siyang ginawa kundi sabayan akong maglakad.
Bumangon na akong ng pagkakahiga ko sa sofa. Nag-inat ako ng konti. "Anong flavor yan?"
"Rocky road at cookies and cream," sagot ni Lance.
Kinuha ko na agad sa kanya yung plastic ng ice cream at dumiretso na ako sa kusina. Habang kumukuha ako ng baso, tinanong niya ulit ako kung sa na kay na Chester ba yung tatlo. Tinanguan ko lang siya kasi may kutsara pa sa bibig ko.
Dahil aalis na si ate kaya madalas sa amin si Lance. Okay lang naman kay na Mama at okay din naman sa akin. Lagi kasi siyang may dalang pagkain. Tipong ang dating ay nanliligaw pa din kay ate. Wala naman silang ibang ginagawa kundi mag-usap o di kaya manuod ng tv pag wala silang date. Syempre hindi pwedeng umakyat si Lance sa kwarto ni ate.
"Ang tagal naman ata ng ate mo," sabi ni Lance noong natapos ko ng kainin yung ice cream.
Nanonood kami ng tv habang nag-aantay siya. "Hindi makakababa yun. Noong dumaan ako kanina sa kwarto niya, sobrang daming tambak na gamit. Bat hindi ka na lang umakyat?"
Nasa may kalagitnaan na kami ng hagdan saka nagdalawang isip si Lance. "'Wag na lang kaya. Baka magalit sina Tita."
"Ano ka ba? Para namang may gagawin kang masama kay ate." Nilingon ko siya. "Unless may iba kang iniisp at tsaka kasama niyo naman kaya ako."
Narinig kong bumulong siya ng sabi ko nga tapos nang nasa huling baitang na ako nagsalita pa ulit siya. "Nanaba ka ata Risa, wala ka kasing ibang ginagawa. Laki ng hita mo oh."
Napatakip naman ako ng hita ko dahil naka-shorts lang ako. Tiningnan ko siya ng masama. "Grabe ka! Sumbong kita kay ate eh. Pinagmamasdan mo ang legs ko."
"Feeling mo naman. Sabagay libre ang mangarap," sagot naman niya sa akin habang todo nakangiti.