Alam kong hindi ko malulusutan ito kaya napabuntong hininga na lang ako. Medyo masakit pa din yung parte ng braso ko pero hindi ko na lang pinansin, sinagot ko na lang siya. "Sobrang stressed na ako."
Akala ko magsisimula siyang magsabi ng alam mo ba na masama ang paninigarilyo at kung ano ano pang dahilan pero pumikit lang siya saglit at nagstretch ng leeg, ibinaling niya ang ulo niya ng dalawang beses pakanan at pakaliwa saka niya sinabing, "Kailan pa?"
"Last year," maikling tugon ko.
"Noong nagbreak kayo ni Keith?"
Tumango lang ako.
"Alam mo naman na-" simula niya pero hindi na niya itinuloy at napahawak na lang siya sa batok niya. Feeling ko para akong batang nahuling kumukupit ng perang pambili sa tindihan ng candy. Tahimik lang ako, nag-aabang hanggang sa nagsalita na ulit siya. "Madalas?"
"Hindi," matipid ko uling sagot. Gusto ko pa sanang idagdag na kung madalas edi sana bumili na lang ako ng pack pero hindi ko itinuloy dahil lalong lalala lang ang sitwasyon.
Inilahad niya ang kanyang palad. "Akin na."
Hindi ko na kailangan itanong pa kung ano hinihingi niya dahil naintindihan ko at hindi na din ako nagreact pa dahil hindi ko man masasabi na nag-ooverreact siya sapagkat malamang mas malala pa ang magiging reaksyon kung nagkabaligtad ang aming kinakatayuan. Kinuha ko na sa bulsa ng bag ko ang lighter ko at inabot sa kanya. Isinilid niya ito sa bulsa ng shorts niya.
"Oh, Stan, ikaw pala yan," bati noong isang lalaki na nakapansin sa amin, "Sali ka?"
Itinaas lang niya ng konti ang kanang kamay at umiling ng bahagya. Pagkatapos noon ay wala na uling umimik sa aming dalawa kaya ako napadalawang isip kung i-oopen ko na ba ang topic na pagtransfer ni Keith last year.
"Alam ba nila Aya?" tanong niya bigla.
Nagulat ako ng konti dahil sa nag-iisip pa ako kaya medyo na palakas ang boses ko. "Hindi."
"Walang may alam," dagdag ko agad kaso napatigil ako kasi may bigla akong naalala. "Alam pala ni Lance."
Tiningnan ko siya at napansin ko na parang nag-iba yung tingin ni Stan. Pakiramdam ko tuloy kailangan kong magpaliwanag kaya ayun nasabi ko na nagkataon lang na nakita ako ni Lance. Wala man lang siyang reaksyon so tumahimik na lang ulit ako. Hindi ko alam kung gaano talaga kami katagal nakatayo doon habang nakatingin sa mga naglalaro ng basket ball pero nagsisimula nang mangalay ang binti ko.
"Kung wala na, uuwi na ako. Maaga pa ang gising ko bukas," sabi ko sa kanya pero hindi pa agad ako umalis.
Nag-antay ako ng mahigit tatlumpong segundo bago nagsimulang humakbang at parang tulad ng nangyari kanina saka nagsalita si Stan. "Bakit mo ba ako iniiwasan, Risa?"
Natigilan ako dahil sa totoo lang hindi ko inaasahan na iyon ang itatanong niya. Akala ko tungkol pa din sa isyu ng pagyoyosi ko. At sa dahil bigla akong kinabahan uli, hindi ko nagawang lumingon. Ni hindi ko kayang sagutin ang tanong niya. Malinaw pa din ang pag-iisip ko at kahit nagalit ako kanina, nadala lang ako ng emosyon ko dahil sinasadya niyang tawagin akong Alyssa. Hindi ko pa talaga napag-iisipan ng ayos ang tungkol kay Stan at Keith pero sa kaduduluhan ng utak ko, parang alam ko kung bakit ko tinatakasan. Natatakot akong malaman kung totoo ba lahat ng sinabi ni Keith.
"A...ano, baka kasi magselos yung girlfriend mo," pagdadahilan ko kahit alam kong halatang kasinungalingan lang habang unti-unting humaharap kay Stan.
"Ano pa bang kailangan kong malaman, Risa?"
Tumaas ng konti ang tono ng boses niya na may halong panunumbat. Naging blangko lang ekspresyon ko ng humarap ako sa kanya sa halip na napipilitang ngiti na ihinanda ko bago ko siya nilingon. Hindi ko na kailangan tingnan ang mukha niya para malaman ang gusto niyang iparating.
"Akala ko ba ayos na tayo. Eh bakit nandyan na naman tayo sa dahilan mong yan? Gusto mo ba talagang hiwalayan ko na si Denise? Samantalang noong naging kayo ni Keith, wala kang narinig sakin."
Napaatras ako dahil sa nabigla ako sa sinabi niya. Gusto ko na sana siyang sagutin kaso hindi pa pala siya tapos.
"Ikaw pa ba yung Risa na kilala ko?"