"What are you doing?" untag ni Baldassare kay Maricon. Napalingon muna siya sa ina na abala sa kusina bago ito sinagot. Sila naman ni Baldassare ay nakaupo sa carpet at sa center table siya nagsusulat. Nagkalat doon ang mga notebooks, dictionaries at kung anu-anong magagamit sa paggawa ng draft. Nang makitang hindi siya pansin ng ina ay hinarap na niya ang lalaki. Bigla na lang itong sumulpot sa tabi niya at hindi na siya nagulat. Nasasanay na rin siya sa biglaan nitong pagdating.
Araw ng Linggo. Pinagluluto na ni Maita si Maricon para hindi na siya maabala kapag hinarap na niya ang pagsusulat. Sa tuwing pumapasyal ito sa condo ay ganoon ang ginagawa nito. Kahit pigilan niya ay mapilit pa rin. Bawi na raw nito iyon sa mga panahong magkalayo sila.
"Gumagawa ako ng draft para sa susunod na manuscript na isusulat ko," bulong na sagot ni Maricon.
Napatango si Baldassare. "May maitutulong ba ako?"
Napangiti si Maricon. "Okay lang ako. Steady ka lang d'yan," aniya at hinarap na ang ginagawa.
Tumahimik na ang demon at hinayaan na siyang magtrabaho. Laging ganoon ang mga ginagawa nila magmula nang magkaayos sila. Naging masunurin si Baldassare. Kapag sinabi niyang maupo lang, uupo lang ito. Lagi siyang pinagbibigyan.
Natigilan na lang si Maricon nang maramdamang isinuksok ni Baldassare ang buhok niya sa tainga. Nanigas na siya sa kinauupuan dahil sa kuryenteng bigla na lang bumulusok sa katawan. Parang nakiliti rin ang gulgulod niya sa ginawa nito.
"I can't see your face," paliwanag nito.
Namula ang mga pisngi ni Maricon. "A-Ano ka ba? Ano bang mayroon sa mukha ko na gusto mong tingnan?"
"Tinatanong pa ba 'yan? Of course I want to stare at your cute face."
Tumibok nang mabilis ang puso ni Maricon dahil sa hayagang papuri ni Baldassare. Bigla siyang hindi mapakali. Lalo siyang hindi napalagay nang titigan lang nito hanggang sa ihilamos niya ang palad sa mukha nito.
Napaigtad si Baldassare at napabungisngis si Maricon. Obviously ay hindi inaasahan ni Baldassare iyon hanggang sa natawa na rin.
Si Maricon naman ang natulala sa kapogian ni Baldassare. Ngayon lang niya ito nakitang tumawa ng ganoon. Halos mawala na ang mga mata sa katatawa. Kumikislap sa tuwa ang mga mata. Nagkaroon ng kaunting wrinkles sa gilid ng mga mata nito. He seemed energetic. Full of life. The dark aura suddenly vanished.
"A-Ang pogi mo talaga..." wala sa sariling anas ni Maricon habang nakapangalumbaba at dreamy na nakatitig kay Baldassare. Hindi na niya nakikita ito bilang demon kundi isang lalaking dapat hangaan.
"Maricon, stop staring," babala ni Baldassare na namumula ang tainga!
Napamaang si Maricon. Mukhang hindi ito sanay! Muntik na siyang matawa nang malakas!
"Naiilang ka?" nakangising tanong ni Maricon.
"Yes!" gigil na asik ni Baldassare at napalingon sa malayo.
Napabungisngis na naman si Maricon. Pinigilan niyang huwag mapalakas iyon. Kaunti na lang, maririnig na siya ng ina na busy pa rin sa kusina.
"Maricon!" nagtitimping awat ni Baldassare. This time, pati mukha ay namumula na rin.
"Oo na," naaliw na sagot ni Maricon.
"Kapag hindi ka tumigil, hahalikan kita," banta nito at kahit naiilang, alam ni Maricon na gagawin ni Baldassare. Iyon ang sinasabi ng mga mata nitong matiim na nakatitig sa labi niya!
Napalunok si Maricon. She suddenly felt excited and thought about the kiss. Masarap kayang humalik si Baldassare? Magaling? Mawawala kaya siya sa sarili? Makakalimutan kaya niya ang pangalan?
"You are really thinking about the kiss," nakangising bulong ni Baldassare.
Nanayo ang mga balahibo ni Maricon. Nagkatunog ang ngisi ni Baldassare. This time, ito na ang naaliw sa nakikitang reaksyon niya.
"Just tell me, Maricon. Isang salita mo lang naman. Mangyayari ang lahat ng gusto mo..." nangaakit na bulong ni Baldassare.
Muntik nang mahimatay ang puso ni Maricon. Pinigilan lang niya ang sarili. Kahit nakakatukso, kalma lang siya. Aba, ano na lang ang iisipin nito kapag bumigay siya?
"Sira. T-Tumahimik ka na nga lang para matapos ko na ito," aniya sabay irap saka hinarap na ang ginagawa.
Natawa si Baldassare nang makitang nanginginig ang mga kamay niya at hindi makapagsulat nang maayos. Pambihira naman kasi. Nakakaloka ang mga pinagusapan nila kaya hirap siyang umastang natural.
"Baldassare!" angil niya.
"Okay, okay. Work now," suko nito at hinayaan na siyang magtrabaho. Hindi nagtagal ay natapos na rin niya ang draft.
Doon naman lumapit si Maita. Nakangiting hinarap niya ito. "Yes, 'ma?"
"Huwag mo na akong ihatid sa terminal. Magta-taxi na lang ako." panimula nito.
"Sure kayo?" seryosong tanong ni Maricon.
Tumango ito. "Hindi ka na tinatawagan ni Jocelyn, ano?"
Natigilan si Maricon at napatango. Napabuntong hininga si Maita. "Sinugod niya ako isang araw. Bakit daw hindi ka niya matawagan. Kinukuha rin niya ang bago mong number. Galit na galit pa rin. Hanggang ngayon ay sinisisi ka pa rin niya sa pagkamatay ni Joaquin." napapailing na saad nito.
Napabuntong hininga si Maricon. Binalot ulit ng lungkot ang puso niya nang maalala ang kaibigan. "Hindi niya ako mapatawad,"
Inakbayan siya ng ina. "Anak, lilipas din ang lahat. Hindi ka man mapatawad ni Jocelyn ngayon, darating din ang araw na mapapatawad ka niya. Kagaya na lang ng nangyari sa amin ng daddy mo. Noong mamatay siya, nagalit din sa akin ang pamilya nila. Taon ang dumaan bago nila natanggap ang lahat. Hindi na baleng matagalan at kainip-inip. Ang mahalaga ay mapatawad ka niya kahit gaano pa iyon katagal." masuyo nitong saad.
Malungkot siyang ngumiti. Hinaplos nito ang buhok niya. "Natutuwa ako na hindi ka na nade-depress kagaya noon. Kaya nga ako nagpunta rito dahil nagaalala ako. Sa nakikita ko ngayon, mukhang wala naman akong dapat na ipagalala."
Tumango si Maricon. Lihim siyang napahinga nang malalim at pasimpleng napatingin kay Baldassare na tahimik na nakaupo sa tabi niya. Ito ang dahilan kung bakit iba na ang disposisyon niya.
Saglit pa silang nagusap na magina hanggang sa magpasyang magsalo sa tanghalian. Nagkwentuhan sila hanggang sa matapos. Si Baldassare naman ay aali-aligid lang at patango-tango kay Maricon. Sa ganoong paraan ay ipinararamdam na okay lang ito.
Hindi nagtagal ay nagpaalam na rin si Maita. Nagyakap ang mag-ina bago ito tuluyang umalis. Agad siyang nilapitan ni Baldassare.
"Work now. I'll just stay here." anito.
Tumango si Maricon. Magaan ang kalooban niyang nagtrabaho.