webnovel

THE ACCIDENTAL HERO

"I CALL upon a demon to be sent up from hell, make them a watcher of this irrevocable spell..." anas na dasal ni Kaye habang mariing nakapikit ang mga mata. Bagong summoning spell iyon na nahanap ulit niya sa internet. Sa tuwing breaktime, iyon ang ginagawa niya. Naghahanap siya ng bagong summoning spell at natuwa siya ng makita iyon. Pin-rint screen niya para kabisaduhin ang spell. Bumili din siya ng mga kakailanganin gaya ng itim na kandila.

Kinailangan din niya ng puso ng itim na pusa at dugo ng isang itim na aso. Nagpunta pa siya sa slaughter house malapit sa tinitirhang apartment. Suwerteng napabigyan siya ng butcher. Tatlong araw ang hinintay niya para doon. Kahit nakakatakot ang butcher dahil kakaiba iyong makatingin, inignora na lang niya. Ang mahalaga, maisagawa niya ang plano. Siningil din siya nito ng mahal dahil sa mga imposibleng request daw niya. Dahil excited to the nth power, binayaran na niya. Nararamdaman ni Kaye, iyon na ang katuparan ng mga pangarap niya!

"I have made up my mind. Give me a demon who will make my dream come true..." dagdag na anas ni Kaye. Mariin siyang pumikit at taimtim na hinintay ang mga susunod na mangyayari.

Ang sabi sa nabasa niyang impormasyon sa internet, kung walang demon na lalabas ay ibig lang sabihin na hindi nito pinauunlakan ang imbitasyon niya kaya kailangan niyang paigtingin ang panalangin. Kailangan pa niyang gawing taimtim ang pagdarasal kaya hayun siya, halos hindi na humihinga habang naghihintay.

Napaigtad si Kaye ng may nabasag sa kusina. Nakiramdam siya at biglang kumabog ang dibdib niya ng makaramdam ng kakaibang presensya. Napalunok siya. Parang umakyat na sa ngalangala ang puso. Pakiramdam niya, mayroong bubulaga sa kanya anumang oras...

"Shit!" tili niya ng biglang tumakbo ang pusa galing kusina tangay ang ulo ng tilapia na ulam niya! Napabuga siya ng hangin. Napailing-iling na lang siya habang kinakalma ang pusong nagwala sa nerbyos.

Nang makabawi ay minabuti ni Kaye na ituon muli ang atensyon sa ginagawa. Magdadasal siya ulit ng biglang mamatay ang itim na kandila. Napakamot na lang tuloy siya ng ulo at minabuting abutin ang posporo na nakalagay sa side table dalawang hakbang mula sa kanya.

Pero natigilan si Kaye ng abutin iyon dahil nakarinig siya ng yabag. Awtomatikong napalingon siya sa kusina dahil doon nanggaling ang tunog. Kunot noo niyang pinakiramdaman iyon at nang walang marinig na tunog ulit ay napailing na lang siya.

"Napapraning ka na, Kaye..." naiiling na anas ni Kaye sa sarili at sinindihan ang kandila. Huminga siya ng malalim ng matapos. Nang masigurong wala ng istorbo, minabuting pumikit ni Kaye at nagdasal ulit.

Anumang yabag o kaluskos ay hindi na pinansin ni Kaye. Tahimik lang siya sa ginagawang ritwal. Hindi siya nawawalan ng pagasa. Ramdam niya, malapit na siya. Kaunting dasal na lang ay darating din ang hinihintay niya...

Lumipas ang maraming minuto, doon nakaramdam ng kakaiba si Kaye. Nakaramdam ulit siya ng yabag hanggang sa tumigil iyon sa harapan. Pakiramdam niya, mayroong tao na talaga sa harapan. Ramdam niya ang init ng presensya nito. Gusto niyang mapangiwi dahil mayroong kakaibang amoy iyon. Amoy alak at sigarilyo. Ito na kaya ang demonyo? Mukhang mabisyo pa ang demon na natawag niya!

Kumabog ng ubod lakas ang dibdib ni Kaye ng maramdaman ang kilos ng demon sa harapan. Hindi pa rin niya magawang imulat ang mga mata. Parang... natatakot siya. Papaano kung may sungay iyon? Papaano kung naglalakihan ang mga pangil? Papaano kung pula ang mga mata at patayin siya sa isang iglap lang? Ah, tapos ang mga pangarap niya...

Pero kung papatayin siya nito, dapat ay kanina pang lumitaw ito. Nakasilip siya ng kaunting pagasa dahil sa naisip. Mukhang kahit demon, makatao ito. Handang makipagusap muna kahit papaano. Huminga ng malalim si Kaye at minabuting harapin ito.

Pigil hiningang dahang-dahang nagmulat ng mga mata si Kaye. Halos hindi na niya naririnig ang sariling hininga dahil sa lakas ng kabog ng dibdib. Pakiramdam niya, nasa tainga na niya ang puso. Napalunok siya para lakasan ang loob.

Kumurap-kurap si Kaye dahil blurred ang vision niya gawa ng matagal na pagkakapikit. May naaninag siyang korte ng tao. Nakaitim iyon. Kumurap-kurap pa siya para luminaw ang paningin.

At napakunot ang noo niya ng makitang maigi ang lalaki sa harapan. All black ang suot nito. Mahawak itong patalim. Kinakabahan siyang napatingala at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya ng makilalang ito ang butcher na pinagbilhan niya ng mga dugo!

Ang mga tingin nito sa kanya ay nakakapanindig balahibo. Nakangisi ito at walang halong katinuan ang mga mata. Bago pa makasigaw, nadaluhong na siya nito at tinakpan ang bibig niya sabay tutok ng patalim sa leeg!

Nangatog siya sa takot at nangilid ang luha. Nagkadailing-iling siya ng singhutin siya ng lalaki. Dahil sa pagkakalapit nila, doon niya napansing namumula ang mga mata nito. Bukod sa obvious na lasing ito sa alak, mukhang high din ito sa droga. Naiyak na lang si Kaye dahil sa ideyang nabubuo sa isip niya kung saan siya mauuwi.

"Hmm... ang bango mo talaga, 'neng... a-alam mo bang ang tagal na kitang ino-obserbahan? Sa tuwing dumadaan ka sa slaughter... lagi kitang pinanonood...mukhang wirdo ka pero mukhang... masarap..." gigil na bulong nito sabay dila sa kanyang tainga!

Nanlaki ang mga mata ni Kaye sa pandidiri at takot! Tumindi iyon ng magsimulang kumilos na ang manyak na lalaki. Idiniin nito ang patalim sa lalamunan niya gamit ang kanang kamay at kinapa ang katawan niya!

"Huwag—!" luhaang bulalas niya ng hawakan nito ang mga maseselang parte ng katawan niya at nabitawan ang bibig. Ginamit niya ang pagkakataong iyon. Dahil sa takot, napatili siya at humingi ng tulong! "Saklolo—!"

"Tumahimik ka!" sigaw nito sabay tarak ng kustilyo sa gilid ng tainga niya. Nanginig siya sa takot! Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Halos hindi na siya humihinga! Aba, kaunting kilos lang, siguradong tapyas ang tainga niya! "Sa susunod, sa mata mo na tatarak ang kutsilyong iyan," gigil na banta nito.

Napabulalas na lang si Kaye ng iyak ng alisin na ng manyak na butcher ang pangitaas nitong damit. Nagmamadali ito. Mukhang gusto na talaga siyang gahasain!

Pero naisip niya, kailangang lumaban siya. Eh, ano kung mamatay siya? Aba! Mas gusto pa niyang mamatay na lumalaban kaysa ang matikman nito bago mamatay! Sigurado naman na hindi na siya nito bubuhayin oras na makuha ang gusto!

Sisinghot-singhot siyang nagisip ng paraan. Naghintay siya ng timing. Nang malingat ito, agad niyang inagaw ang kutsilyo dito pero napatili siya ng mabilis din nitong nabawi iyon at nasugatan siya! Napahiyaw na lang siya sa sakit ng bumulwak ang dugo sa sahig at sa mga gamit niya pang-ritwal!

Isang malakas na sampal ang iginawad nito sa kanya. Napasigaw si Kaye sa sakit. Sa lakas noon, napadausdos siya sa semento at naiyak. Napasigaw na lang siya ng hinila ng lalaki ang pantalon niya pababa habang nakatalikod siya. Sinubukan niyang nanlaban pero naramdaman na lang niyang sinuntok nito ang batok niya.

Hilong napasadsad siya sa semento. Hilo man, ramdam niya ang kababuyan nito sa kanyang katawan. Skinny jeans ang gamit niyang pantalon kaya hirap itong alisin iyon. Pero gayunman, sinamantala pa rin nito ang pagkakataon, hinipuan siya nito habang nahihilo siya.

And it was desperate time, she called for desperate measures. Pakiramdam ni Kaye, walang tutulong sa kanya. Sa huling pagkakataon, sinubukan niyang dasalin ulit ang mga orasyon. Bahala na si batman. Dumating na ang puwedeng dumating sa tawag niya. She put her heart on to it. Dahil iyon na ang huli, ibinuhos niya ang lahat ng paniniwala at pagasa sa dasal na mayroong demon na darating para tulungan siya...

"Damn. I want your soul,"

Kapwa natigilan sina Kaye at butcher ng marinig ang malamig at baritonong boses na iyon. Sa nalalabong paningin, napalingon si Kaye. Mayroon siyang naaninag na lalaking nakatayo sa gitna ng bilog kung saan siya nagdarasal para tumawag ng anghel o demon.

At nawindang siya sa nakitang lalaki. Malaking lalaki ito. Guwapo at misteryoso. Nababalutan ito ng pulang usok. Naamoy din niya ito. Amoy sulfur—amoy na alam niyang taglay ng isang demon dahil iyon din ang amoy ng underworld. Ramdam ni Kaye na hindi ito tao. Dama niya ang itim na aura nito. Kakaiba ang presensya ng lalaki. Nakakasakal at nakakalula.

Ito na ba ang demon na hinahanap niya?

ตอนถัดไป