webnovel

Kabanata 6

SAMANTALA sa bahay ng pamilya Avella.

Bago tumungo sa kuwarto nilang mag-asawa, dumaan muna si Mabel sa kuwarto ng bunsong anak. Kumatok siya sa pinto pero walang sagot mula sa anak.

"Franki, gising ka pa ba?" Muling kumatok sa pinto si Mabel. Pinihit niya ang door knob, hindi ito naka-locked.

Tuluyan niyang binuksan ang pinto at sinilip ang anak. Nakahiga ito sa kama at balot ng kumot ang buong katawan, mukhang himbing ng natutulog.

Patungo sa sariling kuwarto si Francine nang mapansin nito ang ina sa labas ng kuwarto ng kapatid.

"Mom!" tawag pansin ni Francine sa ina nang akmang papasok sa loob ng kuwarto ni Franki.

Natigil sa paghakbang si Mabel nang marinig ang boses ng panganay na anak. "Ikaw pala, anak. Sinilip ko lang ang kapatid mo."

"Balak mo ba siyang kausapin, Mom?" tukoy ni Francine sa kapatid.

"Sana, anak."

"Mom, I think, this is not the right time, para kausapin si Franki. Masama ang loob ng kapatid ko. Mabuti pa, bukas mo na lang po siya kausapin," mahabang turan ni Francine.

"Sige," tipid na sagot na lamang ni Mabel, kasunod ng buntónghiningá.

"Mom, ihatid ko na kayo sa kuwarto n'yo ni Dad."

"Huwag na," tanggi ni Mabel sa anak. Maingat na muli niyang isinara ang pinto ng kuwarto ng bunsong anak.

"Sige po, punta na ako sa kuwarto ko," paalam ng dalaga sa ina. "Goodnight, Mom!"

"Goodnight, anak."

Humalik muna si Francine sa pisngi ng ina bago nagsimulang humakbang patungo sa kuwarto nito.

Tinapunan ng malungkot na tingin ni Mabel, ang nakasarang pinto ng kuwarto ng bunsong anak. Kung may magagawa nga lang siya para pigilan ang kanyang asawa sa plano nito para sa kanilang anak. Ngunit kilala niya ang kanyang asawa, ayaw nitong nagpapamando kahit kanino, maging sa kanya na asawa nito.

Para kay Frederico, ito lang ang may karapatan gumawa ng desisyon para sa kanilang pamilya, dahil ito ang nagtatrabaho at namamahala ng kanilang kumpanya.

Samantalang siya bilang may-bahay, nasa bahay lang upang tumulong sa mga kasambahay sa pagluluto ng pagkain nilang mag-anak. Gusto niyang tumulong sa asawa pero ayaw nito. Katuwiran nito, ang asawang babae ay dapat nasa bahay lang upang alagaan ang mga anak at asawa.

Mabait naman ang kanyang asawa, hindi madamot. Lahat ng pangangailangan nilang mag-ina, binibigay nito. 'Yun nga lang ay may pagka-ekstrikto ito at ayaw na sinusuway ang mga gusto.

Umiiling ang ulo na nagsimula nang humakbang si Mabel, upang tumungo sa kuwarto nilang mag asawa.

ALAS-SIYETE palang ng umaga ay gising na silang magkaibigan. Breakfast in bed, upang maiwasan na makita sila ng kuya ni Angela.

Naunang matapos kumain si Angela, agad na hinalukay nito ang isang may katamtamang laki na kabinet kung saan nakatago ang mga wig, cosmetic at mga palamuti nito sa katawan. Pati mga pinaglumaan na mga damit ay kinuha upang ibigay kay Franki.

"Pati ba naman mga damit?" puna ni Franki sa kaibigan.

"Oo. Para hindi mo na kailangan bumili ng mga bagong kasuotan. Ang magiging sahod mo sa trabaho, ipunin mo. Magagamit mo iyon sa maliit na business," anitong abala pa rin sa paghahalungkat ng mga ibibigay nito sa kanya.

"Hindi pa nga ako nag-uumpisa sa trabaho ko, ang advance mo nang mag-isip. Hindi pa naman sigurado na magtatagal ako sa bahay ng kaibigan ng kuya mo."

Lumingon sa kanya si Angela.

"Inuunahan na kita mag-isip. Palpak ka pa naman lagi sa mga plano mo," prangka nitong sabi, nakangiti naman sa kanya.

Napasimangot siya sa sinabi nito. "Grabe ka, nakakasakit ka na," kunwa'y nagtatampong turan niya.

"Totoo naman kasi sinasabi ko," sagot pa nito. "Basta, tanggapin mo lahat ng ibibigay ko sa iyo."

"Pakiramdam ko tuloy ngayon sobrang kaawa-awa ako," malungkot niyang saad.

Totoo ang sinabi niya. Kahit siya sa sarili, hindi inaasahan na mangyayari 'yon sa kanya. Lumalayas siya at magtatrabaho bilang kasambahay sa kagustuhan na makalayo sa kanyang mahal na pamilya. Lalo na sa kanyang ama, na hindi man lang iniisip ang nararamdaman niya para sa plano nitong arranged marriage para sa kanya.

"Puwede ka naman mag-back out. Tutulungan kita maghanap ng trabaho," sabi ni Angela at umupo sa tabi niya.

Nag-angat siya ng mukha. "Seryoso ako sa sinabi ko. Mamamasukan akong kasambahay. Marangal naman na trabaho 'yon. Basta, dadalawin mo ako paminsan-minsan para hindi ako malungkot doon."

Umakbay sa kanya ang kaibigan. "Kahit hindi mo sabihin, talagang dadalawin kita."

"Thanks." Nginitian niya ito. Pinilit niyang pasiglahin ang awra.

"Bilisan mo na kumain at maliligo pa tayo. Mukhang hindi mo na kailangan bumili ng mga kagamitan para sa binabalak mong pag-di-disguise. Ako nang bahala sa iyo!" tila pagyayabang na sabi nito at kumindat pa sa kanya.

"Weh?" react niya.

"Trust me!" Tumayo si Angela at muling lumapit sa kabinet. Kinuha ng dalaga ang mga bagay na tingin nito ay magagamit ni Franki.

Minadali na rin ni Franki ang pagkain. Naalala niyang sa tuwing mag-aalmusal sila, dapat kumpleto silang pamilya sa hapag kainan. Mabibisto siya na wala sa kanyang kuwarto at kapag nagkataon, pupuntahan agad ng mga ito ang bahay ng kaibigan niya.

PAMILYA Avella.

Nasa hapag kainan ang mag-asawang sina Mabel at Frederico. Hinihintay ang dalawang anak upang sabay na kumain ng almusal.

"Good morning, Mom, Dad!" bati ni Francine sa mga magulang pagpasok nito sa komedor. Halatang kagigising lang ng dalaga.

"Nasaan na ang kapatid mo?" tanong ni Mabel sa anak.

Kumibit ng balikat si Francine kasabay ng paghila ng isang silya at naupo. "Baka natutulog pa rin."

"Teresa," tawag ni Frederico sa isang kasambahay, palabas na sana ito ng komedor.

"May ipag-uutos po ba kayo, sir?" tanong ng kasambahay.

"Pasuyo, puntahan mo sa kanyang kuwarto si Franki. Kanina pa nakahain ang pagkain hindi pa rin siya bumababa," seryoso ang mukha na utos nito sa kasambahay.

"Masusunod po, sir!" Lumabas na ng komedor ang kasambahay.

"Iyang bunso mo, nakakalimot na yata sa mga patakaran dito sa loob ng bahay." Si Frederico.

Natigil si Mabel sa paglalagay ng sinangag na kanin sa pinggan ng asawa. "Intindihin mo na lang muna ang anak mo."

Gusto sanang sabihin ni Mabel sa asawa na masama ang loob ng bunso nilang anak, dahil disgusto ito sa plano ng kanyang asawa na maikasal sa lalaking hindi naman nito mahal. Pero mas pinili na lang niyang sarilinin upang maiwasan ang bangayan sa harap ng grasya. Sigurado namang hindi siya papakinggan ng asawa.

Next chapter