webnovel

Chapter 46

"NANDIYAN si Amay sa labas. Kinakabahan tuloy ako," sabi ni Aurora at sumilip mula sa entablado sa mga manonood sa baba. Nakaupo sa harap ng entablado ang ama niyang si Manoy Gener at katabi pa si Kapitan Robredo. Dress rehearsal nila at kanina pa siya pinagpapawisan sa suot na sinaunang Maria Clara. Pero nanlalamig ang palad ang niya. Hindi karaniwang nanonood ang ama niya ng ensayo niya. Ngayon lang at alam niyang dahil iyon sa kanila ni Alvaro.

"Bakit ka naman kakabahan? Wala naman tayong ginagawang masama," sabi ni Alvaro sa magaang boses.

"Binabantayan niya ang mga kilos natin, Alvaro." At nag-aalala siya na di lang ama niya ang nakatutok sa kanila kundi ang buong Juventus mismo. Anuman ang kilos nila ni Alvaro ay sasabihin sa ama niya. Hindi lang si Omar ang may gusto na magkalayo sila ng binata. Di lingid sa kanya na may ibang babae din na interesado dito.

Hindi naman siya kinakausap ng mga kaibigan tungkol kay Alvaro pero nakikita niya ang malisya sa mata ng mga ito tuwing magkasama sila ng binata.

"Ano naman ang makikita niyang masama dito sa play natin? Palabas lang ito, Aurora. Bakit naman niya pag-iisipan ng masama? Sa stage na iyan, hindi tayo sina Aurora at Alvaro. Tayo sina Joviana at Artus. Mga artista tayo. Naiintindihan mo ba?" paliwanag ni Alvaro at hinawakan ang balikat niya.

"Oo. Pero hindi iyan naiintindihan ni Amay. Paglalayuin niya tayo." Hindi na sila malaya ni Alvaro na makita o makausap ang isa't isa.

"Kung aminin na lang kaya natin sa kanya ang tungkol sa atin? That we have something really special and we like each other. Wala na tayong kailangang itago, hindi ba?"

"Alvaro, parang sabay na rin tayong tumalon sa bangin kapag sinabi natin iyon sa kanya. Lalo lang siyang magagalit sa atin. Lalo na sa akin." Ayaw niyang magalit sa kanya ang ama. Nangako siya sa sarili na hindi ito bibigyan ng sama ng loob. Ito na lang ang nag-iisang magulang niya.

"Hindi pa ba siya galit ngayon na nagtatago tayo?"

"H-Hindi mo siya kilala. Mas malala pa ang pwede niyang gawin kapag inamin natin.."

"At itatago mo na lang ako habambuhay? Ayoko ng ganoon."

"Ayoko lang na mawala ka sa akin o ilayo ka niya sa akin hanggang makaalis ka. At pag-alis mo dito, mag-isa kong haharapin si Amay. Ayokong masira ang tingin sa akin ng ama ko. Naiintindihan mo ba?" Nadagdagan lang ang panahon nila na magkakasama. Ayaw niyang problema ang isipin nila ni Alvaro sa mga panahong iyon. Gusto niyang maging masaya sila. Kaya hangga't kaya niyang itago ang relasyon nila ay itatago niya para sa kabutihan ng lahat.

"Tapos na ba kayo? Pwede na ba tayong magsimula?" sabi ni Ma'am Mercy.

Tumango si Aurora pero dama pa rin niya ang takot sa dibdib. "Focus. Pagtapak mo sa stage, iwan mo dito sa backstage ang mga problema. Iwan mo ang pagiging Aurora mo. Ipakita mo sa kanila na ikaw si Joviana. Maliwanag ba?"

Pinisil ng binata ang kamay niya at tumango siya. Si Alvaro ang unang lumabas ng entablado bilang ang prinsipeng si Artus. Di nagtagal ay siya na ang tumapak sa entablado. Noong una ay kinakabahan siya pero kalaunan ay nagkaroon muli siya ng kompiyansa sa sarili bilang si Joviana.

Tama naman si Alvaro. Makatotohanan ang pagganap nila. Hindi pwedeng lagyan iyon ng malisya ng ama niya. Sa isang banda ay nakokonsensiya din siya. Nagtatago siya ng sekreto sa ama niya at hindi iyon makakabuti sa kanila ni Alvaro. Pero ito ang pinakamabuting desisyon. May mga bagay na kailangang isekreto. Gusto naman niyang isipin ang kaligayahan niya kahit na minsan.

Hanggang humantong sila sa eksena kung saan hahalikan na siya ni Alvaro. Umangat na ang telon para sa kunwari nilang halik. Hindi pa siya hinalikan ng binata kahit minsan sa entablado. Ang katwiran nito, gusto nitong manatiling propesyunal. Kung ang usapan nila ay di totoong halik, iyon ang susundin nito.

Pero habang magkalapit ang mukha nila at ang pagitan lang nila ay ang hinlalaki ng binata para kunwari ay magkadikit ang labi nila ay nakadama si Aurora ng lungkot. Paano kung hanggang entablado na lang niya maaring halikan ang binata? Paano kung di na sila magkakausap pa dahil tuluyan na silang paglalayuin ng ama niya? Hanggang ganito na lang ba sila?

May narinig siyang sigawan nang biglang mawala ang telon. Nang lumingon siya ay hapit nga ma niya sa kamay ang puting tela habang nakatayo sa baba ng entablado. "Itigil ninyo ang kalokohan na ito! Alam ko na pinagloloko lang ninyo ako!" sigaw ni Manoy Gener at ihinampas ang tungkod sa entablado.

"Amay, umaarte lang po kami," tutol ni Aurora. "Huwag naman po kayong manggulo sa pag-eensayo namin."

"Ako pa ang nanggugulo ngayon. Pinoprotektahan lang kita mula sa lalaking iyan." At itinuro nito ang tungkod sa direksyon ni Alvaro.

"Ano po ba ang problema?" tanong ni Ma'am Mercy.

"Hinalikan niya ang anak ko. Totoong halik. May relasyon sila. At kinukunsinti naman ninyo ang kalokohan nila. Malaswa ang palabas na ito!"

"Manoy Gener, hindi po totoo iyan. Kami po mismo ang nakabantay sa nangyayari sa entablado. Daya lang po ang halik na iyon. Arte lang po nila. Ipakita nga ninyo kung paano ginagawa," utos ni Ma'am Mercy sa kanila ni Alvaro. Ipinakita nila kung paanong nangyayari na mukhang magkadikit ang labi nila sa anino kahit na hindi naman talaga.

"Hindi naman po totoo ang halik," depensa ni Bebang.

"Arte lang naman pala," sabi ni Kapitan Robredo. "Wala kang dapat na ikagalit, kumpadre."

"Amay, umuwi na po tayo. Nakakahiya po ang ginagawa ninyo," sabi ni Aurora at bumaba ng entablado. Hindi na talaga niya kaya ang nangyayari. Mag-uusap sila nang mansinsinan ng ama. Hindi pwedeng ganito na lang sila lagi.

"Kailan pa naging nakakahiya ang isang magulang na nagmamalasakit sa anak niya? Ayoko lang na matulad ka sa nanay mo na walang moral at isang malaking sinungaling. Ayokong isipin na naging katulad ka na rin niya na patagong nakikipag-relasyn sa ibang lalaki habang pinagkakatiwalaan kita," sermon ng ama niya.

Nanlaki ang mata ni Aurora. "Amay..."

Hindi naman kaila sa buong isla nila ang pang-iiwan sa kanilang mag-ama ng nanay niya. Pero di siya makapaniwala na ilaladlad pa ng ama niya ang tungkol doon sa harap ng maraming tao.

"Binibigyan mo ako ng dahilan para di ka pagkatiwalaan," angil ni Manoy Gener.

"Mabuti pong babae si Aurora kaya sana po huwag ninyo siyang pagsalitaan ng di maganda," depensa naman ni Alvaro sa kanya. "Kung gusto po ninyo pag-usapan po natin ito sa isang pribadong lugar. Huwag po sa harap ng maraming tao."

"Huwag mo akong turuan sa tamang pagtrato sa anak ko. Dayo ka lang dito."

"Pero gusto ko po si Aurora at handa po akong ipaglaban siya," deklara ni Alvaro.

Natahimik ang buong paligid at pakiramdam ni Aurora ay tumigil sa pag-ikot ang mundo. Sinabi ni Aurora na gusto siya nito. Na ipaglalaban siya nito. Napakasarap pakinggan dahil iyon mismo ang gustong marinig ng isang babaeng gaya niya. Pero alam niyang isang malaking pagkakamali iyon.

"Tama nga ako na hindi ka pagkatiwalaan. Umalis na tayo." Hinaklit ni Manoy Gener ang braoso at napaigik siya sa sakit. "At huwag ka nang makalapit-lapit sa anak ko. Tigilan na ninyo ang walang kwentang dulaang ito. Hindi na magiging bahagi nito ang anak ko dahil kasabwat ninyo ang dayong ito. Hindi ko kayo mapapatawad sa pangungunsinti sa dalawang ito."

ตอนถัดไป