webnovel

Chapter 39

"GINHIYAP ka han inagi nga adlaw. Ug an himaya nga hingpit gayud." Pumitlag si Aurora nang kalabitin siya ni Alvaro. "Nakikinig ka ba sa akin?"

"Oo naman," nakapangalumbaba niyang sabi. Kinakanta nito ang isang makalumang awiting Waray na kakantahin ni Omar sa dula.

Nasa may batuhan sila sa kabilang parte ng isla para magpahinga mula sa paglalakad. Kinuha nila ang libro na may guhit at larawan ng mga lumang simbahan sa Pilipinas mula sa bahay ni Ma'am Mercy. Iyon ang gagamitin sa disenyo ng stage ayon kay Alvaro..

"Titig ka lang kasi nang titig."

"Naguguwapuhan kasi ako sa iyo." Ayaw niyang alisin ang tingin dito dahil natatakot siya na basta na lang itong maglaho. Buong gabi siyang di makatulog sa kondisyon na hiningi sa kanya ni Omar. Gusto niyang magsumbong kay Alvaro pero wala rin naman itong magagawa para sa kanya. "Sana pag-alis mo dito kantahin mo ang kantang iyan lagi."

"Ano ba talaga ang ibig sabihin ng kanta? Nang tanungin ko si Kenzo, sabi niya masyado daw madrama iyan. Baka umiyak lang ako," natatawa nitong sabi.

"Tungkol iyan sa dalawang taong nagmamahalan pero nagkalayo. Gusto nilang magkasama pero hindi pwede. Kaya sa sobrang sakit parang winawarat ang puso nila."

Nilapitan siya nito at ginagap ang kamay niya. "Maniniwala ka na babalik ako?"

"Kailan?" tanong niya na puno ng pag-asam.

"Hindi ko alam. Pero sa pagbalik ko, pwede kang sumama sa akin sa Maynila. Matutulungan kitang maghanap ng trabaho o kaya magpatuloy ng pag-aaral kung gusto mo. Maraming oportunidad na naghihintay sa iyo."

Bumagsak ang balikat niya. "Alam mo na hindi ganoon kasimple ang lahat, Alvaro. At ikaw mismo hindi mo gusto ang buhay mo doon. Pwede namang dito ka na lang."

Mariing nagdikit ang labi nito. "Sana ganoon lang kasimple ang lahat. Bumalik na tayo." Hindi sapat ang nararamdaman nila para manatili ang binata sa isla. Iiwan din siya nito.

"Pwede bang dito lang muna tayo? Ayoko pang umuwi," pakiusap niya at pinigilan ang kamay nito. Dalawang araw na lang ang nalalabi sa kanila. Kung pwede lang ay huwag na silang maghiwalay hanggang sa makaalis ito.

"Hinihintay na nila tayo," giit ng binata.

"Bakit ba mabilis ang oras kapag magkasama tayo? Hindi ba pwedeng patigilin na lang ang oras."

Kinintalan nito ng halik ang noo niya. "My sentiments exactly but we don't have a choice, do we? Hindi na mahalaga kung hanggang kailan ako dito. Ang mahalaga masaya tayong dalawa."

Pinilit niyang ngumiti kahit na mabigat ang puso niya. Wala silang kibuan habang naglalakad. Sa ilang sandali, iniisip niya kung pwede siyang sumama dito pabalik ng Maynila at kalimutan na lang ang lahat sa isla. Dahil kapag bumalik ito, hindi niya alam kung ano na ang nangyari sa kanya. Malamang ay nagpapanggap siyang nobya pa rin ni Omar. Ang nakakatakot pa doon, paano kung pilitin sila ng magulang nila na magpakasal? May babalikan pa ba si Alvaro? Kung wala si Alvaro sa tabi niya, wala din naman itong magagawa para sa kanya.

"Dito na lang tayo dumaan para mas mabilis," aniya at itinuro ang dawagan na direktang pababa sa bayan. Di na nila kailangang dumaan sa kalsada.

"Paano kung may ahas diyan?" tanong ng binata nang makitang puro damo iyon at mga puno.

"Wala naman. Dito naman talaga ang shortcut namin." Hinawakan niya ang kamay nito. "Ituturo ko lang sa iyo ang pugad ng isang kakaibang ibon. Sa isang klase ng puno lang siya nakatira na ayon sa kay Tiya Manuela ay dito lang sa Isla Juventus makikita."

"An endangered specie? Sige nga. Gusto kong makita iyan. Sakto dahil katsa-charge lang ng cellphone ko. Magandang kuhanan ng picture o video," anang binata na biglang ginanahan.

"Pwede bang ako naman ang kumuha ng video?" tanong niya sa binata at inilahad ang kamay. "Basta huwag tayong maingay para hindi sila mabulabog."

Siya na ang naunang naglakad sa kasukalan at hinahawi ang kadawagan gamit ang mahabang patpat. Maya maya pa ay nakita na nila ang pugad ng ibon na itim ang kulay may kulay asul na palong. Ang nakakatuwa pa doon ay kaya nitong maglakad sa sanga ng puno nang nakatiwarik.

"This is nice," anang si Alvaro habang nakatingala at kinukuhanan ito ng video ni Aurora. Napansin iyon ng binata. "Bakit ako ang kinukuhanan mo ng video?"

"Wala lang. Gusto ko lang makita mo kung gaano ka kasaya habang nandito ka. Para hindi mo makalimutan. Para hindi mo rin ako makalimutan."

Hinapit nito ang baywang niya at kinintalan siya ng halik sa noo. "Hindi kita makakalimutan. I will be back."

Pumikit siya at dinama ang mainit na yakap nito. Sana ay ganoon lang sila kahit na sandali. Kahit limang minuto lang. Subalit biglang nabulabog ang katahimikan nang may marinig silangm sumigaw.

"Ano iyon?" tanong ni Aurora at nagtungo sa pinanggalingan ng sigaw.

"Aurora," angil ni Alvaro na nakasunod sa kanya.

"Ano ba ang problema mo sa nobya ko, Omar? Bakit mo siya sinisiraan sa nanay ko? Akala mo ba hindi ko malalaman na ikaw ang nagkakalat ng hindi magandang balita kay Lupita?"

Biglang napaupo sa likod ng hilera ng malalaking dahon ng gabi si Aurora. Hinila din niya paupo si Alvaro at nakita nila sa di kalayuan si Omar na kausap ng matalik nitong kaibigan na si Bert. Galit na galit ang huli at parang gusto nang sapakin si Omar.

Hindi naman kaila sa kanya ang kumakalat na tsismis tungkol sa nobya ni Bert. Si Lupita ay kababata niya na lubhang mahiyain at mapagbigay. Kaya hindi sila makapaniwala sa sabi-sabi na isa itong mangungupit.

"Nagsasabi lang ako ng totoo," matapang na sabi ni Omar.

"Hindi niya kinupit ang mabangong sabon na iyon sa tindahan. Nakalimutan lang niyang bayaran. At binayaran naman niya dahil may pera siya. Kaya nga siya naglakad pauwi at di naki-angkas sa habal-habal dahil wala na siyang pamasahe pauwi," angil ni Bert. "Bakit sinisira mo siya? Wala naman siyang masamang ginawa sa iyo."

"Baka may gusto si Omar kay Lupita," bulong ni Aurora.

"Do we have to listen to this? Umalis na tayo, Aurora. It is not polite to eavesdrop. Baka mapasama pa tayo kapag nalamang nandito tayo," anang si Alvaro at kinuha ang cellphone mula sa kanya.

Subalit di pa man sila nakakahakbang ay isang pasabog ang narinig nila mula kay Omar. "Dahil inagaw ka niya sa akin. Alam mo namang ikaw ang mahal ko."

ตอนถัดไป