webnovel

Chapter 37

Nang pauwi na sina Aurora at Alvaro ay naghiwalay sila ng daan. Siya sa dalampasigan at ito naman sa niyugan. Ayaw naman niyang magtago sila nang ganito pero kung malalaman ng ama niya, tiyak na paghihiwalayin din sila. Iilang araw na nga lang ang nalalabi sa kanila ni Alvaro.

Pagpasok ng bahay ay nagulat siya dahil nasa loob ng bahay niya ang ama habang nakikipagtawanan kay Omar. "Amay, may bisita pala tayo."

"Mabuti naman at dumating ka na, anak. Saan ka ba nanggaling? Kanina ka pa hinahanap ni Omar. May dala siyang mga alimango at banagan para sa atin na siya pa mismo ang humuli."

Alanganin siyang ngumiti. "S-Salamat."

"Hindi mo na rin kailangang iluto iyan dahil iniluto ko na nang di ka na mahirapan pa." O mas tamang sabihin nang makain ang dala nito ay luto na nang dalhin nito. Simpleng pagpapakulo lang naman ang gagawin doon. Kaya na niyang gawin. Gusto niyang mainsulto. Pagdating kay Omar, hindi siya nakakadama ng pagmamalasakit.

"Magsasaing na lang po ako para dito," anang si Aurora para makalayo dito.

"Hindi na kailangan. Nagsalang na si Soling bago siya umalis. Magkwentuhan lang kayong dalawa dito sa sala. Tutal ikaw naman talaga ang ipinunta ni Omar," sabi ng ama niya at iniwan silang dalawa ng lalaki. Wala siyang nagawa kundi umupo sa kawayang bangko sa tapat ng kababata.

"Saan ka pala nanggaling?" kaswal na tanong ng lalaki.

"Namasyal lang sa paligid." Bumuntong-hininga siya. "Omar, hindi mo naman na kailangang gawin ito. Gusto mo pa rin bang suyuin ako? "

"Gusto ko pa ring suyuin ka. Wala namang nagbago doon," giit ng lalaki. "Nakita mo naman kung gaano kasaya ang tatay mo nang makita niya na magkasama tayo."

"Masaya si Tatay pero masaya ba ako kapag kasama ka? Masaya ba ako sa ganito? Hindi nga tayo magkasundo. Ni wala ka ngang pakialam sa nararamdaman ko. Konting mali ko lang, sinisigawan mo na ako sa harap ng ibang tao. Hindi ganoong klaseng lalaki ang gusto kong makasama. Hindi ko kailangan ng lalaking di ako nirerespeto. Ayoko sa iyo, Omar."

"Mainit lang ang ulo ko noon," malumanay nitong paliwanag habang nakangiti. "Kaya nga ako nandito para bumawi, hindi ba?"

"At sa palagay mo madadaan mo ako sa simpleng alimango at banagan? Ganoon kababa lang ang tingin mo sa nararamdaman ko?" angil niya.

Napamaang ito. "Ano bang problema mo? Hindi ka naman ganyan dati."

"Ang ibig mong sabihin basta na lang akong ngingiti at tatanggapin ang lahat ng pang-iinsulto mo? Hindi na ako ganoon dahil nalaman ko na may mga tao na tumatrato naman sa akin ng tama. Na di ko dapat hayaan ang ibang tao na apak-apakan ako at ngingiti na lang ako pagkatapos."

Dati akala ni Aurora ay kailangan lang niyang tanggapin ang maling pagtrato sa kanya dahil wala naman siyang ibang pagpipilian. Katwiran niya ay hindi naman nakakamatay kung hindi siya pinapahalagahan o nirerespeto. Ngayon niya nalaman na pwede naman pala siyang tumanggi at lumaban. Na dapat niyang mahalin ang sarili niya. Salamat kay Alvaro dahil nalaman niya iyon.

"Bakit di mo pa diretsahin? Ipinagmamalaki mo ba ang lalaking taga-Maynila?" Tumayo ito at namaywang. "Kaya ba malakas ang loob mo na tanggihan lang ako?"

Naggiyagis ang ngipin ni Aurora. "Walang kinalaman si Alvaro dito. Tungkol lang ito sa ating dalawa. Oras na para malaman mo na karapatan kong tratuhin nang tama."

Ngumisi ito. "Hindi ba talaga ito tungkol sa dayong iyon? Akala mo ba hindi ko alam kapag lihim kayong nagtitinginan? Alam ko ang tungkol sa patagong pagkikita ninyo. Ano kaya ang sasabihin ni Manoy Gener oras na malaman ang tungkol sa relasyon nila ng lalaking iyon?"

Namutla si Aurora. Bigla niyang sinikmat ang braso nito. "Hindi mo gagawin iyan. Hindi mo sasabihin kay Tatay ang tungkol sa amin."

Hinawakan nito ang baba niya. "Kung ganoon, maging mabait ka sa akin. Tigilan mo na ang pagtanggi mo sa akin."

Kinilabutan siya at pinalis ang kamay nito. "Bakit ba ginagawa mo ito? Ilang araw na lang si Alvaro dito. Pabayaan mo na kami," pakiusap niya. Ito na nga ba ang ikinakatakot niya, na may makaalam ng tungkol sa lihim nilang pagkikita ni Alvaro. At sa dinami-dami ng makakatuklas ay si Omar pa. Baka sinadya nitong sundan sila ni Alvaro.

"Kapag ba umalis na siya ay magugustuhan mo pa rin ako?"

Nanigas ang buong katawan niya. "Hindi.. Hindi ko maipapangako."

Tumalim ang mata nito. "Pero paano naman ako tatahimik? Kapag umalis siya, ayaw mo pa rin sa akin. Ganito na lang, Aurora. Hindi ko sasabihin ang tungkol sa inyo kung sasagutin mo ako pag-alis niya. Ipakita mo sa mga tao na ako ang mahal mo."

"Nababaliw ka na," angil niya. "Hindi ko kayang magsinungaling. At lalong hindi ko kayang magpanggap na gusto kita kahit hindi naman. Hindi ko kayang lokohin ang sarili ko." Kahit pa para sa kaligayahan ng sarili niyang ama.

"Kung ganoon, sayang naman dahil hindi mo masusulit ang nalalabing araw mo kasama ang dayong taga-Maynila kapag sinabi ko ito kay Manoy Gener."

Mariing nagdikit ang labi ni Aurora. Di niya alam kung ano ang dapat gawin. Ginigipit siya ni Omar at wala siyang magawa. Ayaw niyang bumalik sa isang tabi na tinatratong walang isip at sariling desisyon. Ayaw na niyang linlangin ng sarili niya. Pero paano sila ni Alvaro? Aalis ang binata pero alam niyang babalik ito para sa kanya. Wala na itong babalikan kapag hinayaan niya si Omar na manipulahin siya. Parang sinaksak na rin niya ang sariling puso kapag hinayaan iyon.

ตอนถัดไป