Nasapo ni Dafhny ang noo nang marinig ang boses ni Roland. Ano naman ang ginagawa nito sa kuwarto niya sa disoras ng gabi? Wala na ba talaga siyang katahimikan? Una ay si Gianpaolo. Ngayon ay ito naman.
Nasa kabilang wing ng mansion ang kuwarto nito. Hiwa-hiwalay sila ng kuwarto dahil iilan lang ang matitinong kuwarto sa Casa Rojo na pwedeng gamitin.
"Walang problema!" sagot niya. Heto pa ang isang makulit. Hindi pa nga niya naii-dispatsa si Gianpaolo ay dadagdag pa ito. Makukulot ang utak niya sa mga ito.
"Buksan mo ang pinto. Gusto kitang I-check."
"Hindi na kailangan. Okay lang ako. Matutulog na ako. Goodnight."
Hindi nito pwedeng malaman na nasa kuwarto niya si Gianpaolo. Ayaw niya ng eskandalo kung saka-sakali. God, spare her from stupid males!
"Please open the door. I just want to make sure that you are okay. Hindi ako aalis dito hangga't hindi mo binubuksan ang pinto," giit nito.
"Okay," aniya at naglakad papunta sa pinto. Plano niyang maliit lang ang awing na ibukas sa pinto para di nito makita si Gianpaolo.
Bago pa siya makapasok ay inunahan siya ni Gianpaolo na buksan ang pinto. "Bakit? Anong kailangan mo?" tanong nito at ibinuka pa ang dalawang kamay saka itinukod sa hamba ng pinto. Parang si Bernardo Carpio ito na pinipigilan ang pagbabanggaan ng dalawang bundok.
Nakita niya ang bakas ng pagkagulat sa mukha ni Roland. "I just want to check on Dafhny. A-Anong ginagawa mo dito sa kuwarto niya?"
Isinandal ni Gianpaolo ang balikat sa hamba. "Binabantayan ko siya. Ang totoo naghahanda na nga kaming matulog."
Mariin siyang pumikit. Ano bang sinasabi ni Gianpaolo? Kulang na lang ay ipagsigawan nito sa buong mundo na magkasama sila sa kuwarto. Masasakal na talaga niya ito. Konti na lang. Konting-konti na lang.
"Dito ka matutulog?" bulalas ni Roland. "Pero…"
"Ano namang masama kung dito ako matutulog? Paano ko mababantayan si Dafhny kung nasa kabilang kuwarto ako?" Inakbayan siya ni Gianpaolo saka hinaplos-haplos ang buhok niya. "Kaya huwag ka nang mag-alala. Walang mangyayaring masama kay Dafhny habang magkasama kami."
"Dafhny, papayagan mo talagang samahan ka niyang matulog?" tanong ni Roland sa mataas na boses.
"Bakit naman hindi siya papayag? Ano ba sa iyo kung magkasama kaming matulog? Kaano-ano mo ba siya? Boyfriend ka ba niya?" tanong ni Gianpaolo.
"Ano… kami ni Dafhny…" Di alam ni Roland kung paano sasagot. Wala na nga naman silang relasyon. He ruined it.
"Sige na, Roland. Ako na ang bahala kay Gianpaolo. Magpahinga ka na. Maaga pa ang trabaho natin natin bukas," sabi niya para matapos lang ang gulo.
At mas lalong mahabang pagtatalo kapag ipinagtabuyan niya si Gianpaolo sa harap ni Roland. After all, she wanted to get rid of Roland first.
"Sigurado ka na iiwanan kita sa kanya?" paniniyak ni Roland.
"Oo. Goodnight, Roland." Saka niya isinara ang pinto. Subalit di pa siya umalis sa pagkakatayo sa tabi ng pinto hangga't di niya naririnig ang papalayong yabag ni Roland na nasa kabilang wing ng mansion ang kuwarto.
Hinawakan siya Gianpaolo sa balikat. "Matulog na tayo."
Ito naman ang hinarap niya. "Oo. Matutulog na tayo pero sa magkahiwalay na kuwarto. Bumalik ka na sa kuwarto mo."
"Kung ako ang tatanungin, mas mabuting dito ako matulog."
She smiled sweetly. "Sige. Dito ka matulog pero aminin mo muna sa akin na natatakot kang makakita ng white lady sa kuwarto mo."
Hinamig nito ang mga gamit na bitbit. "Ayaw pa kasing umamin na natatakot. Laging bukas ang kuwarto ko para sa iyo. Katukin mo lang ako." Napasinghap siya nang kintalan nito ng halik ang labi niya. "Goodnight."
Nakatulala siya hanggang makaalis ito. He kissed her goodnight. Sa labi pa. Nautakan siya nito. Sa palagay niya ay babangungutin siya sa gabing iyon.
Gusto mo bang mabasa ang iba pang Stallion Boys in print with signature? Order here:
Facebook: My Precious Treasures
Shopee: www.shopee.ph/sofiaphr