"ANO? Hiwalay na kayo ni Marlon?" bulalas ni Tamara. Naabutan niya ang kaibigang si Sharon Joy na umiiyak. Tinawagan siya nito na puntahan ito sa bahay nito at dalawin. Di tuloy niyang maiwasang mag-alala dito.
"Pinaalis ko siya dito sa bahay. Tatlong araw na siyang di bumabalik."
"Ano na naman ba ang pinag-awayan ninyo?"
"Kasi gusto daw niya na dito na lang ako sa bahay. Huwag na daw muna akong sumama sa activities ng organization."
Isa itong women's rights group member. Napaka-aktibo nito at handang iwanan ang lahat para lang makasama sa mga rally at organization meetings.
"Bakit hindi ka na lang nakinig sa asawa mo? Natural. Buntis ka. Mag-aalala siya sa iyo. Baka makasama sa inyo ng bata."
"Paano naman ang mga kababaihang naapi sa buhay? Kailangan kong ipaglaban ang mga karapatan nila. At hindi ako papayag na pati ako sikilin ang karapatan sa sarili kong tahanan. Ipaglalaban ko ang karapatan ko!"
Maasim siyang ngumiti. "Hindi naman sinisikil ni Marlon ang karapatan mo."
"Anong tawag mo doon?"
"Iniingatan ka lang niya at ang magiging anak ninyo," malumanay niyang sabi. "It has nothing to do with rights, Shaj!"
"Galit ako sa kanya. Nang mag-text siya kanina, sabi niya di daw siya babalik sa akin hangga't di ako tumitigil sa pagiging feminist ko habang nasa bahay ako. Sawang-sawa na daw siya sa sinasabi ko," anito at humagulgol ulit.
"Kahit naman ako magagalit kung ako ang asawa mo. Sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos, sinesermunan mo siya. Lahat na lang ata ng ipino-protesta mo isinisi mo sa kanya samantalang di naman siya rapist o nang-aabuso n g babae. Ang bait-bait pa mandin ng asawa mo."
"Sana inintindi na lang niya ako dahil buntis nga ako. Hormones."
Humalukipkip siya. "Iyan ang hirap sa iyo. Women's rights ka nang women's rights pero inaabuso mo naman. Kapag may palpak kang ginawa, ikakatwiran mo naman hormones. Huwag ka namang ganyan."
Tumigil ito sa pag-iyak at bakas ang matinding inis sa mukha. "Basta! Kung ayaw na akong balikan ni Marlon, mag-isa kong palalakihin ang anak ko! At hindi na niya makikita ang anak namin kahit na kailan."
"Bahala ka nga sa buhay mo!" iritado niyang sabi.
Wala namang mangyayari kung makikipagtalo siya dito. Mahirap itong paliwanagan. At wala rin itong sinasanto kundi ang sarili lang nito. Huwag lang sanang mamana ng magiging inaanak niya ang topak nito. Kawawang bata.
"Aalis ka na ba?" tanong nito nang tumayo na siya.
"Oo. Kaysa naman makinig ako sa mga drama mo, matutulog na lang ako. HIndi ka naman nakikinig sa mga advice ko."
"Hindi naman kita pinapunta dito para bigyan ako ng advice. May pupuntahan tayo. Kailangan ko ng magmamaneho para sa akin."
"Saan naman tayo pupunta?"
"Somewhere in Tagaytay."
"Magre-relax ka?" tanong niya. "Naku! Daan tayo sa Sonja's Garden. Gusto ko kumain nang kumain ng gulay."
Sana lang ay makapag-isip-isip ito kapag nakalanghap ng sariwang hangin. At sana rin ay mas mangibabaw ang pag-ibig nito sa asawa nito para ma-realize nito na mas importante ang pagmamahalan ng mga ito kaysa sa hormones at paniniwala nito. Sa tingin kasi niya ay dapat ilagay sa lugar ang mga paniniwala ng isang tao.
"Sasamahan mo ako, ha?" lambing nito.
"Oo naman. Di naman kita pwedeng iwan, di ba? Basta dadaan tayo sa Sonja's Garden." It was an exotic garden which served vegetables and even flowers as part of their menu. Magiging maganda ang lugar na iyon para siya naman ang mag-relax. Sa ngayon ay magbe-baby sit muna siya kay Sharon Joy.
PAKANTA-KANTA pa habang nagmamaneho si Tamara. Maya maya pa ay nakita na niya sa view ang Taal Lake at Taal Volcano. "Saan tayo?" tanong niya kay Sharon Joy na tahimik lang habang nagmamaneho siya.
"Sa kaliwa tayo," wika nito at bahagyang ngumiti. Di niya alam kung ano ang nagpaganda sa mood nito. Di tulad kanina na kung di ito nakasimangot ay umiiyak.
Nanlaki ang mata niya nang makita ang sign board na 'This Way to Stallion Riding Club'. "Malapit sa Stallion Riding Club tayo pupunta?"
"No. Sa Stallion Riding Club mismo."
Nilingon niya ito. "Sino naman ang dadalawin natin doon?"
Umangat ang gilid ng labi nito. "Ang mga Stallion Boys mismo."
"Talaga? Nanalo ka ba sa raffle para makadalaw sa Stallion Riding Club?" tanong niya. "Kaya mo siguro inaway si Marlon, no?"
Di ito nagsalita pa habang patuloy sila sa pagbiyahe. She felt excitement kick in her chest. Asawa man niya ang may-ari ng Stallion Riding Club, ni minsan ay di pa siya nakatapak sa lugar. Ilang beses na siyang pinadalhan ng imbitasyon ni Reid para pumunta sa riding club. Kasama na doon inauguration at anniversary ng riding club. She turned them all down. She was an estranged wife after all. Di na niya kailangan pang daluhan ang mga imporanteng okasyon. Hindi naman sila kailangang maging parte ng buhay ng isa't isa.
"Itigil mo sa likod ng van," utos nito nang ilang metro na lang ang layo nila sa gate ng Stallion Riding Club.
"Bakit dito lang tayo?" nagtataka niyang tanong.
"Dito lang naman talaga tayo sa labas ng riding club."
"Anong gagawin natin dito sa labas?"
"Tamara, mabuti naman at naisama ka ni Shaj," anang presidente ng organization nila Sharon Joy na si Girlie. "Mas marami, mas masaya."
"Ipinag-drive ko lang si Shaj," nakangiti niyang sagot. Ano bang mayroon? May excursion ba ang organization nila Shaj sa Stallion Riding Club?
"Simulan na natin," wika ni Shaj at inabot sa kanya ang placard. "Lakasan mo ang pagsigaw, ha?"
Nagulat siya nang mabasa ang nakalagay sa placard. STALLION RIDING CLUB: Haven of Arrogant Lady Killers. REID ALLEJE: King of Women Spoilers.
Magkikita na kaya ulit ang mag-asawa?
Please don't forget to give review, spirit coins and gifts to show your appreciation.