webnovel

Chapter 12

"MILES, halika! mag-jogging tayo para lalong ma-in love si Sir Gino sa iyo," yaya niya sa kaibigan na mahimbing na natutulog. Nang nagdaang araw pa niya gustong magpapawis dahil sa inis niya kay Yuan at sa babae nito.

"Hindi ako magdya-jogging para sa kanya. Matutulog na lang ako. Ikaw na lang ang mag-jogging para lalo kang maging sexy at bumait sa iyo si Sir Yuan."

Sinakluban niya ito ng unan sa mukha. "Sige! Matulog ka na lang. Gusto mo pa yatang sirain ang araw ko."

Pagkatapos mag-warm up ay sinimulan na niyang tumakbo. Ramdam na ramdam pa niya ang malamig na hangin sa kanyang balat. Hindi siya nakatulog nang nagdaang gabi dahil paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang paghalik ni Theresa kay Yuan.

"Nakakadiri talaga!" aniyang hinaplos ang braso. Hindi niya inaasahan na maaapektuhan siya nang todo sa kanyang nakita. "Dapat yata, hindi na lang ako sumugod dito para kumuha ng ebidensiya. Dapat sana, iba na lang ang ginawa ko."

Hindi rin niya maintindihan ang sarili niya. Kung titingnan siguro sa dictionary ang kahulugan ng nararamdaman niya, malamang ay bumagsak iyon sa salitang "selos." "Bakit naman ako magseselos sa Yuan na iyon? Mabuti nga, mambabae siya nang mambabae para tuluyan na rin siyang mawala sa buhay ko."

May dumaang kotse sa tabi niya at tumigil di-kalayuan sa kanya. Hindi na siya mapakali nang bumaba si Yuan at mukhang siya ang sadya nito. Pilit siyang ngumiti at bahagyang kumaway. "Good morning, Sir Yuan! Pabalik na siguro kayo sa Manila, `no? Happy trip na lang!" Pagkatapos ay saka niya ito nilagpasan at tuluy-tuloy sa pagtakbo. Pero walang kahirap-hirap na nasambilat nito ang braso niya.

"Hindi ako aalis hangga't hindi kita nakakausap. Nasaan ang mga pictures namin ni Theresa?"

"Bakit? Gusto mo rin ng copy? Sige, ipapa-develop ko para sa iyo."

Humigpit ang pagkakahawak nito sa braso niya. "Ano'ng gagawin mo roon?"

"Isasama ko sa personal collection ko iyong litrato ni Theresa. Iyong sa iyo, ipapanakot ko sa daga."

Isinandal siya nito sa kotse. Nahirapan siyang makahinga. His body was almost pressed against hers. "Ano'ng assurance ko na `di iyan lalabas sa press?" wika nito na binale-wala ang sinabi niya.

"Bakit? Interesado ba sila sa iyo?" Ngumisi siya. Kinakabahan na kasi siya sa sobrang lapit nito sa kanya. "`Di ka naman ganoon kaguwapo. `Di ako kikita sa iyo."

Naningkit ang mga mata nito. "Ano'ng sabi mo?"

Nag-peace sign siya. "Joke lang!"

Pero mukhang hindi ito natuwa sa kanya. Masama pa rin ang timplada ng mukha nito. "Make sure it won't leak to the press. Or you'll regret it."

Inilapit nito ang mukha sa kanya. She could smell his fresh morning breath. Parang nakaka-high na drugs. Paano pa kaya kapag hinalikan siya nito? Napapikit siya. Kung hahalikan mo ako kapag nabuko mo ang ginagawa ko, okay lang sa akin. Sige. Parusahan mo ako.

"Natatakot ka na ba sa akin?"

Dumilat siya. His eyes were still intent, as if guarding her every move. "Natatakot ako sa iyo? Hindi ako natatakot. Wala naman akong ginagawang masama. Bakit ako matatakot?" Malakas ang kaba sa dibdib niya pero hindi iyon takot. Kakaiba ang nararamdaman niya, as if she was anticipating something.

"Sana nga, wala kang ginagawang masama," anito saka lalong itinutok ang mga mata sa kanya. "Dahil oras na mapatunayan kong may plano kang hindi maganda sa akin, huwag na huwag ka nang magpapakita sa akin."

Naglakad ito pakabila sa sasakyan nito. "Wait! Sumosobra ka na. Hindi ko alam kung bakit galit na galit ka sa akin. Why don't you like me?" Pinipilit nga niyang maging mabait dito para hindi siya masyadong paghinalaan nito pero masungit pa rin ito.

"There is something about you that annoys me. You have this air. Parang akala mo kung sino ka."

"Hindi ba, ikaw nga iyong akala mo kung sino?"

His lips pressed tightly. Matamang tinitigan siya nito. "There is something really wrong with you."

"Ano? Mukha ba akong tinutubuan ng pakpak at sungay kapag gabi?" Hindi naman siguro siya mukhang aswang o engkanto. "Tell me!"

Huminga ito nang malalim. "I don't like your hair."

Hinaplos niya ang kanyang mahabang buhok. "What is wrong with my hair?"

Hindi na nito sinagot ang tanong niya at pinaharurot palayo ang sasakyan.

ตอนถัดไป