Vito Cruz Station
Sabay-sabay ang bugso ng tao na bumababa sa may LRT station. May nagtutulakan at nagbabalyahan. Mayroon din namang nagsisigawan sa bagal maglakad ng iba.
Isang matandang uugod-ugod ang biglang bumagsak sa hagdan. Gumulong ito pabagsak at nawalan ng malay.
Medyo may kalayuan pa sila Raphael sa distansya ng station pero dahil nga sa nangyayari sakanya nitong mga nakaraang araw, dahil sa kaluluwa ng bata, pati na rin ang linaw ng kanyang mata ay mabilis niyang nakita ang matanda na nakahandusay.
Tinakbo niya agad nang sobrang bilis ang station at hapong-hapong dumating dito. Sinalat ang pulso ng matanda habang hindi pinapansin ang bulungan sakanyang paligid. Sabagay, puro lang naman ito mga negatibong komento, kumukuha ng larawan at video pero walang gustong tumulong.
"Sigurado ka ba na doctor ka?"
"Baka mapatay mo lang yan!?"
"Tumawag kaya kayo ng emergency?" sa pagkakataong ito ay mas kailangan niyang mag-focus sa pulso ng matanda kesa makinig sa mga puro lang salita ng tao na nasa kanyang paligid.
Maya-maya pa ay gumamit na siya ng CPR bagamat nagdidilim ang kanyang paningin. Papikit-pikit siya, at habang nahihilo ay bumabalik nang unti-unti ang kanyang alaala. Siya si Raphael, ang anghel na nagpapagaling, ginagamot niya ang karamdaman ng mga tao sa lupa. Hindi siya makapaniwala, matagal-tagal na rin nang huli siyang nagkamalay.
Siguro nga ay naparusahan siya ng Panginoon dahil sa pangingialam niya sa buhay ng tao sa isip-isip niya. Ang katawan na gamit niya rin ngayon ay katawan ni Miguel na kanyang pinagaling. Abot ng kanyang memorya ang bagong Raphael ngayon, kung gaano ito kabuti. Hindi na siya nag-alinlangan pa at agad na tinulungan ang matanda, saka na lang poproblemahin ang problema kapag natapos na ito.
Binuhat niya ang matanda papalayo sa mga tao.
"Tabi, tabi, tabi! Makikiraan." sambit nito habang dumadaan sa kumpol ng tao para pumunta sa stock room ng LRT.
"Manong pwede ko bang magamit ang room niyo habang hinihintay ang ambulansya?"
"Pero sir hindi kasi--"
"Mamamatay na yung matanda bawal pa rin?" tanong niya. Kaya naman dali-daling binuksan ng guard ang pinto at isinara agad. Ganon pa rin ang mga tao, naki-usyoso pa rin sila.
Huminga ng malalim si Raphael, alam niya na himala na lang ang makagagamot kay Lolo dahil hindi na ito kaya ng opera. Himala na lang na kung didinggin siya ng Panginoon.
Sinubukan niyang gamitin ang kanyang mahika pero hindi ito gumagana. Tinawag na rin niya ang mga anghel na kasama niya dati pero wala pa ring nangyayari.
Maya-maya pa ay biglang bumukas ang pinto. Bumungad sakanya si Faye, ang mortal na dati niyang tinulungan.
"Raphael?" nagitla si Faye sakanyang nakita, ibang awra ng Raphael ang tumambad sakanya. Ito ang awra na naramdaman niya dati noong na sa may bahay siya nila Miguel. Isa pa, kamukhang-mukha siya ni Miguel. Katawan, mukha, lahat ng ito ay gayang-gaya.
"Tulungan mo muna ako." sambit ni Raphael.
"Sino ka ba talaga?" naguguluhan na siya dahil paiba-iba ang personalidad nito, dati kasi ay sumasanib-sanib siya kay Miguel para lang makausap si Faye dahil nga nagkakagusto na siya sa mortal na si Faye, pagkasambit nito ni Faye ay biglang may lumabas sa likod ni Raphael, kumikinang ito, isang napakaputing pakpak.
"Anghel ako..." mabilis na naramdaman ni Raphael ang kanyang kapangyarihan, pero hindi gaano kalakas katulad ng dati kaya sinubukan niyang pagalingin ang matanda. Humugot siya ng isang pakpak sa kanyng likod at hinipan ito, sa isang iglap ay naging alikabok ito at bumagsak sa katawan ng matanda na ngayo'y nakadilat na.
Hindi makapaniwala si Faye sa nasaksihan niya. Kaya pala sobrang galing na doctor nito, dahil isa pala siyang anghel. Marami, marami siyang katanungan na dati pa lang ay gumugulo sa kanyang isipan. Tama ang hinala niya na hindi siya nag-iisa, na may anghel na nagbabantay sakanya, pero bakit?
Kaysa mag-isip nga naman ay minabuti muna ni Faye na tulungan muna ang matanda, tinayo nila ito at pinainom ng tubig. Lalabas na sila, pero paano ang pakpak ni Raphael, hindi pa niya ito nababalik sa dating anyo, paano kung makita ng mga tao sa isip-isip niya.
"Ako na lang ang maglalabas kay Lolo maiwan ka diyan." banggit ni Faye habang inaalalayan palabas ang matanda.
Naiwan nga si Raphael habang nag-iisip ng paraan kung paano mawawala ang pakpak
"Shete! Bakit naman ngayon pa oh!" aniya habang sinusuntok-suntok ang pader.
Sa labas ay napuno ng hiyawan at palakpakan ang mga tao, hinahanap nila ang lalaki, ang doctor na gumamot sa matanda pero wala ito.
"Buhay ang matanda oh!"
"Oo nga noh, eh nasaan na yung binata kanina?"
"Hindi kaya siya yung sikat na doctor na kumakalat sa internet?"
"Alin? Yung nakasuot ng itim lahat tapos naka cap?"
"Oo yun nga!" tiningnan nila sa internet ang larawan ni Raphael, siya nga ito ang sikat na doctor na pinaghahahanap at ngayon ay na sa harapan na nila. Magkasing-tangkad, katawan lalo na ang buhok nito.
Nakahanda ng kumuha ng larawan ang mga tao habang hinihintay ang paglabas ni Raphael, maya-maya pa ay bumukas na ang pinto at naglakad pababa ng station si Raphael. Mas mabuti nang makita nila ang kanyang mukha, kesa makita siya na may pakpak sa isip-isip niya.
"Doc, pwede ho bang makuha ang number niyo?"
"Doc, pwede po magpapicture?"
Pero lahat ng ito ay hindi pinapansin ni Raphael, dumiretso lang siya kay Faye at hinawakan ang kamay nito at naglakad papalayo.
Samantala, sa bahay nila Don Joaquin ay tahimik na nanonood ang mag-asawa. Hindi sila makapaniwala na buhay pa si Miguel, ang alam nila ay patay na ito. Delikado ang negosyo nila pag nagkataon dahil si Miguel lang ang nakaaalam ng illegal nilang gawain.