[Translator Note from Misty Cloud Translations: Please note gory descriptions in this Chapter]
Hindi makapaniwala si Qiao Chu at halos lumuwa ang kaniyang mga mata.
"Nanakawan nila tayo?"
Kalmado namang nagsalita si Hua Yao: "Tingin ko ay tama ka."
"Har?" Natigilan si Qiao Chu. Sa sitwasyon nila ngayon, hindi niya alam kung matatawa ba siya o maiiyak. Naaawa siyang tumingin sa grupo, karamihan sa mga ito ay payat na marahil ay dahil sa gutom.
Ngumiti ng payak si Jun Wu Yao habang nakatitig sa malamig na ekspresyon ni Jun Wu Xie.
"Hoy! Naririnig niyo ba ako?! Kung hindi kayo susunod, hindi namin kayo palalampasin!" Nainis ang lalaki nang wala itong nakuhang tugon mula sa grupo. Ang mas nakapagpayamot pa dito ay nang hindi man lang sila nakitaan ng pagkatakot.
"Uncle, pwede bang tigilan mo na 'tong kalokohang ito? Yang payat mong katawan eh hindi kakayanin kapag nilabanan namin kayo. Sinasabi ko na ngayon pa lang, tumigil ka na habang kaya mo pa." Saad ni Fei Yan. Wala itong interes na gumalaw laban sa mga refugee na nasa harapan nila. Kahit pa magsabay-sabay ang mga ito, hindi nila kakayanin na itumba kahit siya lang.
"Lintik ka!" Dahil sa napahiya ang lalaki mas lalo pa itong nainis. Bumwelo itong pupugutin ang ulo ni Fei Yan!
Ngunit nakakadalawang hakbang pa lang siya, nagpakita na ang isang dark purple shadow at tumalon palapit sa kaniya!
"Argh!"
Umalulong ang isang iyak mula sa lalaki.
Isang halimaw ang umatake sa lalaking refugee. Sa isang kisapmata lang ay napunit ang dibdib nito gamit ang matatalas na kuko ng halimaw!
"AHHH! Kinakain siya ng halimaw! Kinakain siya ng halimaw!" Nang masaksihan ng mga kasamahan ng lalaki ang pangyayaring iyon, agad nagtakbuhan ang mga ito sa magkakaibang direksyon.
Ngunit wala pa rin silang takas dahil ilang mga higanteng pigura ang kanilang nakasalubong. Tila kidlat na sila ay tinalunan ng mga higanteng iyon.
Sa isang iglap lang ay tila umuulan ng dugo sa lugar na iyon!
Hindi man lang nagtagal ng isang segundo ang mga refugees sa kamay ng mga halimaw, ang kanilang mga tiyan ay winarak. Kinuha ng mga halimaw ang kanilang mga laman loob at saka kinain!
Ang bilis ng pangyayari, agad naging alerto sina Jun Wu Xie.
"Iyan ang mga Poison Men?" Tumalim ang tingin ni Jun Wu Xie habang nakatingin sa mga Poison Men na may pambihirang lakas at liksi.
"Mukhang iyan na nga." Isang beses lang nakita ni Hua Yao ang Poison Men sa Imperial Capital ng Condor Country. Ang mga Poison Men na iyon ay kung hindi nakalagay sa isang malaking banga, nakakadena ang mga iyon. Ito ang unang beses na makita nilang gumagalaw ang mga Poison Men.
"Tingin ko, nanatili ang mga Poison Men dito at hindi na umalis simula nang atakehin nila ang bayang ito. Nagtatago lang sila para makahanap ng mabibiktima." Malamig na saad ni Fan Zhuo.
Ngumisi naman si Jun Wu Xie pagkatapos ay nagliwanag ang kaniyang katawan ng kulay purple at agad na naglaho!
Habang nakaupo sa lupa at kumakain ng laman loob ang mga Poison Men, bigla silang nakaramdam ng panganib. Nang mag-angat sila ng tingin, isang elegentang pigura ang sumulpot sa kanilang mga harapan!