Buong araw at gabi, nakaratay sa kaniyang kama si Jun Qing at nasa bingit ng kamatayan. Bawat manggagamot na sumuri ng kaniyang pulso ay iisa lang ang kanilang natuklasan – nalalabi nalang ang mga oras ni Jun Qing dito sa mundo.
Tila nadagdagan ng sampung taon ang edad ni Jun Xian sa loob lamang ng isang gabi, habang nakaupo ito sa tabi ng anak at sinabihan ang mga manggagamot na magbalik na sa palasyo. Malungkot siyang nakaupo habang tumatangis sa kaniyang mga kamay.
.....
"Totoo ba ang sinasabi mo?" Tahimik na nakikinig ang Emperador mula sa kaniyang silid-tanggapan sa ulat ng manggagamot tungkol sa kalagayan ni Jun Qing. Ang kaniyang mukha, blangko sa anumang emosiyon.
"Ang inyong lingkod ay hindi magagawang magsinungaling sa inyo, Kamahalan. Ang lason sa katawan ni Jun Qing ay tuluyan nang kumalat sa kaniyang katawan, at tinamaan nito ang kaniyang puso." Pagpapatuloy ng manggagamot.
"Isa itong nakagigimbal na balita. Ipahg-utos na magpadala ng Snow Mountain Ginseng at Red Lingzhi sa Tahanan ng mga Lin." Nagpakita ng kagandahang loob ang Emperador. Ang parehong halamang-gamot ay hindi pangkaraniwan na ginagamit pampahaba ng buhay. Malinaw sa lahat na nalalabi na lamang ang mga oras ni Jun Qing.
"Masusunod po, Kamahalan."
"Makaka-alis ka na." Sabi ng Emperador sabay kampay ng kaniyang kamay.
Nang tuluyan nang nakaalis ang manggagamot, sumandal ito sa kaniyang upuan at bumalik sa kaniyang mga pergamino, makikita ang ngiti sa kaniyang mukha.
.....
Napalibutan ng kalungkutan ang buong Palasyo ng Lin habang nakaratay sa kaniyang higaan si Jun Qing, hindi gumagalaw, at halos hindi mapansin ang kaniyang paghinga.
Si Jun Xian ay nananatiling nakaupo sa kaniyang tabi, at namumugto ang mga mata.
"Bakit biglang ganito ang nangyari? Naging maayos ang lahat nang mga nagdaang taon, bakit bigla na lamang kumalat ang lason?" Hindi matanto ni Jun Xian ang mga nangyayari. Ano ang posibleng dahilan ng biglaang pagkalat ng lason?
Nakatikom ng mahigpit ang kamao ng lalaki habang taimtim itong nakatayo sa gilid ng silid.
"Mayroon bang kahinahinalang tauhan na pumasok sa Palasyo kamakailan lang?" Tanong ni Jun Xian.
Umiling lamang ito habang tinitingnan si Jun Qing na nakaratay. Ang kaniyang puso ay nababagabag. Bago himatayin si Jun Qing ay partikular nitong ibinilin na walang dapat makaalam na naroon si Jun Wui Xie bago ang insidente. Anu man ang mangyari, malakas ang paniniwala niyang hindi siya magagawang saktan ni Jun Wu Xie. Para sa kaniya, sa pagkakataong ito ay nagkataon lamang na mapapa-aga ang kaniyang kamatayan. Hindi niya nais madawit ang kaniyang pamangkin sa anumang masamang balak na ipupukol sa Palasyo ng Lin upang lalo itong magdulot ng mas malalang kaguluhan.
Ngunit ngayong batid na ng lahat na wala na siyang natitira pang mga oras, kailangan din ba niyang itago ang kaalamang ito habang-buhay? Siya ay nalilito. Kung ang may kasalanan ay ibang tao maliban kay Jun Wu Xie ay agad niya itong sisiyasatin!
Kung tuluyang mamatay si Jun Qing, tiyak na rin ang pagtatapos ng Palasyo ng Lin.
"Ano… Ano ang nangyari dito?" Isang boses ang kanilang biglang narinig, nalilito.
Lumingon ang lalaki at si Jun Xian sa pintuan at nakita si Jun Wu Xie, akay-akay sa kaniyang bisig ang isang itim na pusa. Makikita sa kaniyang mukha ang pag-aalinlangan.
"Wu Xie…" Ang tanging nasambit ni Jun Xian. Maririnig sa kaniyang tinig ang kalungkutan.
Nanginginig ang kamao ng lalaki habang pilit pinipigilan ang sarili magsalita.
"Ang iyong tiyuhin ay nalason." Dahan-dahang sinabi ni Jun Xian habang ipinipikit ang mata. Ramdam ang kawalan nito ng pag-asa.
Nalason? Bahagyang nagulat si Jun Wu Xie nang marinig ito. Dali-daling nagtungo ito kung nasaan si Jun Qing at sinuri ang kaniyang pulso at hindi pinansin si Jun Xian.
Ang kanyang pulso ay mahina at halos hindi maramdaman. Ang kaniyang mukha ay namumutla at nababalutan ng pawis at likidong maitim. Ang lahat ng mga ito ay mga katangian ng pagkalason.
Mahihinuha na ang kasalukuyang dinaranas ni Jun Qing ay isang malubhang pagkalason, ngunit kay Jun Wu Xie, agad niyang nabatid ang pagkakaiba.
Bagaman at mahina ang pulso ni Jun Qing, ito ay nasa-ayos.
Agad hinila ni Jun Wu Xie ang sapin at inalis ang unan.
"Wu Xie, ano ang ginagawa mo?!"
"Walang problema kay Tiyo." Dahil nakatuon ang buong konsentrasyon ni Jun Wu Xie sa pag-aampat ng lunas kung kaya hindi niya alam na ang kaniyang mga kilos at salita ay may malaking epekto sa mga taong naiwan sa silid.