webnovel

Pinili ang Maging Tapat

Editor: LiberReverieGroup

"Dalhin mo na ako para makita ang old master ngayon," sabi niya sa mababang tinig. Hindi na siya makapaghintay na sabihin sa kanyang ama ang lahat.

"Gusto ka ding makita ni Old Master, dadalhin na kita sa kanya ngayon."

Matapos sumagot ng tsuper, pinaandar na nito ang kotse. Hindi nagtagal, dinala na si He Bin sa He Lan Villa…

Hinintay siya ni He Lan Chang sa sala. Nang makita niya ito, nagsimula na si He Bin na humingi ng tawad, "Paumanhin kung nabigo ako sa aking misyon. Binigo ko ang iyong ekspektasyon."

Ito ang unang beses na nabigo siya sa kanyang misyon, at napakalaki ng kanyang pagkabigo. Wala na siyang lakas ng loob na harapin ang kanyang ama.

Hindi nagalit si He Lan Chang. Tumango ito at mabait na sinabi, "Maupo ka muna at sabihin mo sa akin ang lahat, huwag kang mag-iiwan nang kahit na anong detalye."

"Opo." Naupo sa tapat ng kanyang ama si He Bin at isang katulong ang agad na naghain ng paborito niyang black tea. Sa bawat oras na umuuwi si He Bin mula sa kanyang misyon, ang ama niya ay magpapahanda ng isang baso ng black tea para kay He Bin. Ang katotohanan na may basong naghihintay sa kanya kahit na pumalya siya sa kanyang misyon ay tumimo sa puso ni He Bin.

Nawala ang kanyang pag-iingat at plano na niyang sabihin sa kanyang ama ang lahat.

"Nabigo ang misyon dahil alam ng kabilang partido ang lahat mula sa umpisa na iimbestigahan natin siya, kaya naman naghanda siya ng patibong at hinintay tayong kumilos. Kaya naman, nang dumating ako, agad akong nadiskubre kung hindi ay hindi agad papalpak ang misyong ito," pag-uulat ni He Bin sa nahihirapang tinig.

Naningkit ang mga mata ni He Lan Chang. "Ang ibig mo bang sabihin ay alam nila na kami ang nagpadala sa iyo sa kanila?"

Tumango si He Bin matapos ang maikling hesitasyon. "Oo, tila ba alam na nila ang lahat…"

"Ano ba itong lahat na sinasbai mo?" Ang tinig ni He Lan Chang ay bumaba ng ilang antas, at mayroong dagdag na presyur mula rito.

"Alam nila na iniimbestigahan natin siya at alam nila ang tungkol… sa katauhan ko."

"Alam nila na anak kita?" Direktang tanong ni He Lan Chang.

Mahinang tumango si He Bin. Mayroong kalamigan na kumislap sa mga mata ni He Lan Chang, pero kalmado niyang ipinagpatuloy ang pagtatanong. "Paano nila nalaman ang tungkol doon?"

Dahil hindi marami ang nakakaalam tungkol sa katotohanan na may anak siyang bastardo. Walang paraan na masasabi iyon mula sa pag-oobserba lamang, kaya naman, nakakapagtaka na alam ni Xia Xinghe ang tungkol doon.

Gustong ipaliwanag ni He Bin pero bigla niyang naalala ang duda na nakabalot sa kamatayan ng kanyang ina na nakatala sa mga file ng intelligence agency. Sumulyap siya kay He Lan Chang at gusto talaga niyang itanong kung ito mismo ang pumatay sa kanyang ina.

Gayunpaman, hindi niya makuha itong itanong. Mas pinili niyang maging tapat sa kanyang ama. "Nalaman niya ito mula sa intelligence agency ng bansa. Mayroong talaan doon na ako ang iyong anak sa ahensiya."

Sa pagkakataong ito ay si He Lan Chang ang natigilan. "Sinabi mo na intelligence agency?"

"Oo, ang intelligence agency ng Country R. Wala akong ideya kung bakit nakatala ito doon, pero nalaman na nila ito."

Agad na dumilim ang mukha ni He Lan Chang. "Hindi kaya ang presidente ng dalawang bansa ay nagtutulungan sa dilim?!"

Nagulat si He Bin dahil natuklasan niya ang sapantahang ito na kapani-paniwala din. Nagtataka siya kung bakit napakahusay ni Xia Xinghe, at kung ang presidente ng Country R ang nagbibigay sa kanya ng impormasyon, ang lahat ay nagkaroon na ng saysay ngayon. Marahil ay nagkaroon ng alyansa ang dalawang bansa para kalabanin sila.

Nagsimula nang kabahan si He Bin. "Talaga kayang nagsimula na silang magtulungan? Pero hindi ba't kakampi natin ang Chui family?"

"Ano pa ba ang alam nila?" Hindi na sumagot si He Lan Chang kundi ibinalik ang kanyang tanong. May kasungitan ang kanyang mga mata.

Next chapter