Gayunpaman, hindi niya matagalan na nasa parehong espasyo sila ni Xinghe. Kaya naman, ginawa niya ang lahat para pahirapan ang buhay ng lahat ng naroroon. Sa isang sandali ay magrereklamo siya tungkol sa pagkain, sa susunod naman ay tungkol sa upuan. Kapag hindi nila magawang punan ang hinihingi nito, hindi magdadalawang-isip ito na pagalitan ang pinakamalapit na attendant. Ang mga flight attendant at chef ng eroplano ay hindi na siya matagalan pa, kaya naman humingi ng tulong ang mga ito kay Xinghe at Mubai.
Matapos na marinig ni Ali ang paghingi ng mga ito ng tulong, nainis na siya, "Ang tingin talaga ng babaeng ito ay angat siya, sa tingin ba talaga niya ay isa siyang prinsesa?! Xinghe, huwag na natin siyang pansinin at magkunwari na wala siya dito."
Bahagyang ngumiti si Xinghe. "Paano kaya kung gawin natin iyon? Siya ay, kahit na ano pa ang sabihin, ang ating pinakamahalagang panauhin. Ganito na lang, dahil hindi naman siya nasisiyahan sa kahit anong serbisyo natin, huwag na natin siyang pahirapan ng kahit ano doon? Layuan na lamang ninyo siya at huwag na siyang galitin pa, sa tingin ko ay mas matutuwa pa si Miss Chui sa ganoong paraan."
Agad na naintindihan ni Ali ang ibig sabihin ni Xinghe. Inutusan niya ang mga tao, "Narinig ninyo si Miss Xia, tama? Iwanan ninyo siya para hindi na sumakit pa ang dibdib niya. Sigurado akong alam na ninyo ang gagawin ninyo ngayon!"
"Opo." Ang mga air attendant at chef ay agad na naintindihan ito. Sinasabi ni Xinghe sa kanila na huwag nang papansinin si Chui Ying. Perpekto ito dahil tapos na silang makisalamuha pa sa p*ta na iyon!
Para sa natitira pang oras ng flight, wala nang lumapit para istorbohin si Chui Ying. Nang humingi siya ng tubig, walang dumating, pagkatapos ay humingi siya ng pagkain at wala pa ding sumagot. Kahit na ano pa ang hingin niya, tila wala nang nakakarinig pa sa kanya.
Lalo siyang nagalit nito; ginawa niya ang lahat para pagalitan ng maraming beses si Xinghe pero sa bawat pagkakataon ay pinipigilan siya sa pintuan ng mga bodyguard. Kahit na anong klase ng pagwawala ang gawin niya, hindi siya pinapansin ni Xinghe. Hindi siya natatakot sa kakaiba nitong katauhan.
Kinimkim ni Chui Ying ang galit sa eroplano. Ang una niyang gagawin matapos nilang lumapag ay magreklamo tungkol kay Xinghe sa kanyang tiyuhing presidente. Nahuhulaan naman ni XInghe na may gagawin itong ganito, at hinihiling din niya na gawin ito ni Chui Ying dahil gusto niya makita kung paano kikilos ang presidente.
…
Ang presidente ng Country R, si Chui Qian, ay personal na inimbitahan sila sa isang piging. Tila isa siyang taong mukhang madaling lapitan, pero dahil sa may kakayahan siyang maging presidente, siguradong may kakaiba tungkol sa kanya na natatago sa likod ng mainit niyang mga ngiti.
Habang naghahapunan, ginampanan niya ang papel ng pagiging perpektong host. Wala siyang sinabi na kahit anong salita tungkol sa mga reklamo ni Chui Ying, humingi pa nga ito ng paumanhin kay Xinghe. "Ang pamangkin ko ay masyado pang bata at nakagawa siya ng ilang gulo sa kanyang pagbisita sa Hwa Xia. Gusto kong humingi ng tawad sa kapakanan niya."
Bahagyang ngumiti si Xinghe. "Masyadong sineseryoso ni Presidente Chui ang bagay na ito, hindi naman namin dinibdib ang kasalanan ni Miss Chui kung hindi ay hindi namin personal na ihahatid si Miss Chui pabalik."
Ang mga salita ni Xinghe ay matalim, dahil hayagan niyang sinabi na ang mga ginawa ni Chui Ying ay nakasama ng loob. Maaaring basahin ito na nagalit ang presidente.
Gayunpaman, hindi nagpakita ng kahit na anong galit si Chui Qian. Tumawa ito at sinabi, "Nakikita ko kung bakit si Miss Xia ay tagapagmana ng Shen family sa paraan ng pagdadala mo sa iyong sarili. At, narinig ko din na ang ina ni Miss Xia ay ginugol ang kabataan niya sa isa sa mga ampunan ng Country R?"
"Tama ang narinig ni Presidente Chui. Ayon sa aming imbestigasyon, inampon siya ng ampunan ng He Lan family. Dati, nagpunta ako sa bansa para hanapin siya, at ang young master ng He Lan family na si He Lan Qi, ay inalok ang kanyang tulong, pero wala kaming nahanap. Sa pagkakataong ito ay bumalik kami sa Country R para ipagpatuloy ang paghahanap. Hindi kami titigil hanggang mahanap namin siya," tumingin si Xinghe sa mga mata nito at buong tiwalang ipinahayag.
Bahagyang kumislap ang mga mata ni Chui Qian, at lumalim ang tingin niya kay Xinghe. "Ang pananalig ni Miss Xia ay nakakabagbag ng damdamin. Huwag kang mag-alala dahil makukuha mo ang buo kong suporta sa paghahanap. Sigurado ako na sa tulong ng lahat, hindi magtatagal at mahahanap na natin ang iyong ina at makukumpleto na ang iyong pamilya."
"Salamat, Mr. President. At may sinamahan pa pala kaming isa sa mga kababayan ninyo pabalik dito, ang pangalan niya ay He Bin."