"Siyempre, ituring mo na lamang na kabutihan ko itong pagpapaalala sa iyo. Maliban dito, hihintayin kita sa state hall, huwag mo akong paghintayin ng matagal."
Matapos noon ay ibinaba na ni Aliyah ang telepono.
Halos madurog ni Philip ang telepono niya. Sinalubong niya ang nanunuring mga mata ni Mubai at sinabi, "Si Aliyah iyon, gusto niyang magdesisyon na ako ngayon."
"Pero, hindi pa din natin malaman kung ano ang kondisyon ng asawa mo ngayon," sabi ni Mubai.
Kaya naman, hindi makagawa ng desisyon si Philip. Kung ligtas si Kelly, madali ang desisyon niya. Alas, kung hindi ito ang kaso…
Nag-aalalang bumaling si Philip kay Xinghe. "Wala pa ding palatandaan na nakita na siya?"
Hindi sumagot si Xinghe bagkus ay buong atensiyon nito ay nabuhos sa trabaho. Tiningnan niya ang napakaraming surveillance camera, ang mga kamay niya ay walang tigil na tumitipa sa keyboard, hinahack ang bawat lugar ng surveillance. Matapos ang mabibilis at sunud-sunod na aksyon, biglang tumigil si Xinghe sa isang screen!
"Nakita ko na siya!" Nagpakawala siya ng buntung-hininga.
Nanlaki ang mga mata nina Philip at Mubai sa parehong oras habang pinagmamasdan nila si Kelly sa screen. Si Kelly ay nakatago sa isang maliit na silid. Namamaluktot siya na tila isang bola sa isang sulok ng kanyang kama. Walang buhay na nakatitig ito sa kawalan. Naalala ni Xinghe si Xiao Lin sa katauhan nito noong una niya itong nakita.
Napuno ng sakit ang puso ni Philip nang makita niya ito.
Napahigpit ang pagtiim niya ng kanyang kamao. "Ano ang ginawa nila sa kanya? Hindi ganito si Kelly; siya ang pinakamasiyahing tao na kilala ko sa buong mundo, pero ito…"
Ang babae na nasa screen ay tila isang manekin na nawalan ng kaluluwa. Kung hindi dahil sa isang nakakasindak na pangyayari, ang isang tao ay hindi magbabago ng husto tulad nito.
Halos isang taon na mula nang dukutin si Kelly ng IV Syndicate. Ganoon katagal na hindi nakita ni Philip ang kanyang asawa. Hindi niya gustong isipin kung ano ang naging buhay nito sa loob ng isang taong ito, natatakot siya na baka mabaliw siya. Hindi niya alam na ang katotohanan ay mas masahol pa kaysa sa kanyang pinaka kinatatakutang bangungot…
"Malapit na natin siyang mailigtas. Ang kailangan mong gawin ngayon ay sabihin sa kanila na handa kang makipagtulungan," maliwanag na bilin sa kanya ni Xinghe. Ang kanyang boses ang nag-alis sa kanya sa masakit na alaala niya.
"Tama ka." Ang hitsura ni Philip ay dumilim. Bumaling siya kay Mubai at seryosong sinabi, "Pupunta na ako sa state hall. Maaaring hindi ako makaalis doon ng ilang araw, kaya naman hindi ko na mapapangunahan pa ang operasyong ito. Kaya naman, iiwanan ko ang pamumuno nito sa iyong mga kamay. Pakiusap, iligtas mo ang aking asawa!"
Tumayo si Mubai at ibinalik dito ang kaseryosohan niya. "Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya."
"Salamat!" Sinaluduhan siya ni Philip bago ito tumalikod para umalis. Pupunta na siya sa state hall para maghanda sa nalalapit na eleksiyon.
Ang kapalaran ng kanyang asawa at ng buong Country Y ay nakabitin.
Wala siyang alam kung ang kanyang pagpili ay tama o hindi, pero sa ngayon, wala na siyang pagpipilian pa kundi maniwala sa kanyang pakiramdam. Ito ang pinakamalaking pusta ni Philip na ginawa niya sa tanang buhay niya. Gayunpaman, buo ang kanyang tiwala dito; naniniwala siya kina Xinghe at Mubai na magagawa nila ito ng matagumpay sa huli.
Umalis si Philip matapos ayusin ang lahat.
Nagtipon si Mubai at ang iba pa para pag-usapan ang nalalapit na misyon.
"Kailangang personal kong puntahan ang pinakakuta ng IV Syndicate, ang misyong pagliligtas na ito ay napakaimportante. Hindi tayo maaaring makagawa ng kahit anong pagkakamali," anunsiyo ni Mubai.
Tumingin si Xinghe sa kanya at mariing sinabi, "Sasama din ako; ako ang magbibigay ng kinakailangang suporta."
"Pupunta din kami!' Sabay-sabay na sabi ng grupo ni Sam.