Paano kung ang dating kagustuhan ni Gelli na manatiling single na lang ay nagbago dahil sa kanyang boss na si Renz? Pipigilan niya bang mahalin ito o hahayaan niyang papasukin ito sa puso niya? Sundan natin ang buhay pag-ibig ni Gelli at kung paano niya nalampasan ang lahat ng pagsubok na darating sa kanyang buhay pati na ang muling magpapagulo sa kanyang puso't isip. Copyright 2018 Ms. Hanuelkim
Love is...
Love is...Afraid of the dark.
Love is a drug.
Love is like oxygen.
Love is such a good thing.
Love is an arrow.
Love is a sweetest thing.
And love is the saddest thing you can feel if you lost someone you love.
"Miss na miss na kita Bren," mahinang bulong ko habang tahimik na lumuluha sa kama sa loob ng aking kuwarto.
Ang dating masaya at makulay na buhay ko ay nawala dahil sa kanya. Matagal na rin simula ang pangyayaring hindi ko inaasahan sa'ming dalawa ng kasintahan ko. Magpapakasal na sana kami kung... Naputol ang pagmumuni ko nang biglang nagsalita si mommy.
"Gelli Cruz, tumayo ka na riyan sa kama mo gabi na huwag ka ng magmukmok dito sa kuwarto mo. Malulungkot si Bren kapag ganyan na palagi kang nakakulong dito," rinig kong sabi ni Mommy Luz sa'kin kaya napatingin ako sa direksyon niya. Nakita kong nakatayo siya malapit sa pinto ng aking kuwarto.
Hilam sa luhang sumagot ako habang nakahiga pa rin sa aking malambot na kama at nakatalukbong ng kumot hanggang sa aking bibig."Mo-mommy, ano pong gagawin ko kung sa bawat minutong lumipas naiisip ko si Bre-Bren! Mommy ang sakit, hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na wala na siya. Pakiramdam ko hindi ako makahinga at may kulang palagi sa buhay ko. Gusto ko ulit siya makasama hanggang sa pagtanda namin. Bakit kasi kailangang maaksidente at mamatay siya? Ano ba kasing nagawa ko para parusahan ng ganito?"
Naaninag ko ang lungkot sa kanyang mukha mula sa aking sinabi habang yakap ang kanyang sarili na nakatingin sa akin.
"A-anak, ayaw namin ng daddy mong nakikita ka ng ganyan. Ayaw mong lumabas ng kuwarto, hindi kumakain, at ni hindi ka na nag-aayos ng sarili mo. Gelli, anim na buwan na rin ang lumipas mula noong mamatay si Bren mula sa car accident. Hindi naman namin hinihinging kalimutan mo siya, anak. Ang hinihingi lang namin ay ayusin mo ang buhay mo at hindi ganito na nagmumukmok ka lang lagi sa kuwarto mo. Nandito pa kami ng daddy mo, mga kaibigan at may kompanya ka pang dapat pagtrabahuan na naghihintay sa pagbabalik mo. Kaya sana anak huwag mong kalimutan na may natitira pang nagmamahal sa'yo. Huwag mo sanang isarado ang puso mo at isipin na nawala na ang lahat sa 'yo," naluluhang sabi niya bago mabilis na naglakad papalayo sa kuwarto ko.
Pakiramdam ko para akong sinampal ni mommy mula sa simpleng sinabi niya sa akin. Kaya nagpasya akong tumayo sa aking higaan para habulin siya at kausapin. Pero nakita kong pumasok na siya sa silid nila ni daddy kaya malungkot akong bumalik sa aking higaan at naisip kong ipagpabukas na lang ang pagkausap sa kanya.
Pinunasan ko ang luha sa aking pisngi habang iniisip ang sinabi ni mommy kani-kanina lang. Tama nga siguro ang sinabi niya na huwag magmukmok at magkulong dito kakaisip sa'yo Bren.
Simula bukas, aayusin ko na ang sarili ko at papasok na rin ako sa trabaho ko para hindi ako masyadong malungkot sa pagkawala mo, Bren. Bukas sisikapin kong maging maayos ang lahat. Kahit wala ka sa tabi ko ay palagi ka lang nasa puso ko. Wala ng ibang papalit sa'yo rito at ayoko na rin kasing mag-alala sina mommy at daddy sa 'kin.
"Hindi naman lahat ng sumusuko ay mahina at talunan. May mga bagay at tao lang talaga na dapat sukuan para hindi ka na masaktan.," sa isiping 'yon ay hindi ko namalayang unti-unti ng bumabagsak ang talukap ng aking mga mata.