webnovel

Legend of the Bladed Hand

This is a Filipino serialized story about an ordinary teenage girl who learns about her extraordinary lineage when she gets admitted into a secret school for the Maginoo class and falls in love with the top student who holds the alarming truth about the death of her mother - the keeper of the Bladed Hand. ~oOo~ Status: Ongoing Updates weekly Also seen on Wattpad

intimidos · Fantasia
Classificações insuficientes
26 Chs

Prologo

WALANG ORDINARYONG ARAW kung ikaw ang pangulo ng Pilipinas.

Dahil nakatutok ang lahat sa lider ng bansa, bawat oras at bawat galaw, tantyado. Nariyang magkakaroon ng pulong sa mga may-ari ng kumpanya sa isang magarang hotel. O kaya nama'y magbibigay ng talumpati para sa mga empleyado ng pamahalaan sa isang probinsiya. O 'di kaya'y sasagot sa interbyu ng media mula sa ibang bansa.

Kaya naman todo-trabaho rin ang kanyang kanang-kamay sa paglilista ng mga gawain ng pangulo.

Kahit pa isulat sa notebook o itala sa computer ang schedule ng presidente, magkakaroon at magkakaroon pa rin ng mga pagbabago sa mga gawain niya.

Pero sa kabila ng lahat, higit pa sa kakaiba ang araw na ito.

Hindi pa nagbubukang-liwayway nang tumawag ang pangulo sa kanyang kanang-kamay. Nais nitong lumisan ng Malacañang bago sumikat ang araw. Malayo raw ang kanilang lalakbayin.

Alas tres pa lamang ng madaling-araw.

Kaya hindi na rin nasuklay ng sekretarya ang kanyang mahabang buhok. Dali-dali siyang nag-utos sa kusina na magtimpla ng kape para sa pangulo. 'Yung mapait at walang asukal. Ito ang laging hinihingi sa kanya ng pangulo mula noong nagsimula siyang magtrabaho sa palasyo, tatlong taon na ang nakakaraan.

Napansin ng sekretarya ang isang puting kotseng nakaparada. Ito ba ang sasakyan ng pangulo? Bakit hindi opisyal na sasakyan ang gagamitin?

Hindi niya nakuhang magtanong sa presidente dahil sa ayaw rin naman ng presidente na siya'y tinatanong. Hinayaan na rin niya ang agam-agam dahil dalawa namang guwardiya ng pangulo ang nagtse-tsek sa sasakyan.

Habang ginagawa ito, isang lalaki na may katangkaran ang nakatayo sa gilid ng kotse. Nagmamasid. Hindi siya nakasuot ng barong, tulad ng mga guwardiya ng pangulo. Mahaba ang itim na pang-itaas ng lalaki na may dekorasyong makinang na ginto at pilak. Tila Adarna ang disenyo nito. Samantalang ang kanyang pang-ibabang pantalon ay masikip kaya nahahalatang mahaba ang kanyang mga binti.

Kung susuriin ang morenong mukha ng lalaki, wala pa itong dalawampung taong gulang. May hitsura kahit pa may kakapalan ang mga labi. May hikaw ang isang butas ng ilong at mukhang diamante naman ang suot na singsing. Higit sa lahat, maitim ang bilog ng mga mata. Nakalulusaw ang titig.

Hindi pa man dumarating ang order niyang kape ay lumabas na ang pangulo sa palasyo. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay sa mga guwardiya, na parang sinasabing, huwag na kayong sumama, at ako na ang bahala.

"Datu," ang tawag ng pangulo sa guwapong teenager. Lumapit ito sa mga guwardiya at may ibinigay na kuwintas na may malaking pendant na pilak. Tila nagkaintindihan naman sila ng mga guwardiya kaya hinayaan na nila ang pangulo na sumakay sa kotse. Sumakay na rin sa driver's seat ang guwapong binata.

Bumaba ang bintana ng kotse at nakita ng sekretarya ang pagod na mukha ng pangulo na nakatunghay.

"Ms. Dela Rosa," ang tawag sa kanya ng presidente. Bumukas ang pinto sa passenger seat upang papasukin ang sekretarya.

"Yes sir," ang sagot ng sekretarya, sabay pasok at tabi sa driver. Sinipat ng sekretarya ang pangulo mula sa salamin sa kanyang harapan. Ngayon lang niya napagmasdan ang katandaan ng pinuno ng bansa – oo, halos pitumpu't anim na taong gulang na ang presidente, ngunit mas lalo yata itong tumanda ngayon. Baka sa malamlam na ilaw ng kotse lang ito?

"We're ready, Mr. President," ang sabi ng driver gamit ang malamig na boses. Tumingin ito sa sekretarya. Walang emosyon. "We're going, Ms. Dela Rosa."

"Teka, 'yung coffee ni sir."

"No worries," sabad ng pangulo. "Tara na, Datu at baka tayo gabihin."

Gabihin? Hindi pa nga sumisikat ang araw!

"I suggest that you go to sleep," sabi ng pangulo sa sekretarya. "Medyo mahaba-haba ang biyahe."

"Okay lang po, ako, sir," sagot ni Ms. Dela Rosa, ngunit hindi pa man sila nakakalayo sa Malacañang, ay nakatulog na ang sekretarya.

PAGGISING NIYA AY magtatakip-silim na. Nakaparada sa dead-end ang sasakyan. Hindi sementado ang daanan. Napaliligiran sila ng matatayog na puno.

Nakatayo ang pangulo sa harap ng isang daanan papasok sa gubat. Ngayon lang nakakita si Ms. Dela Rosa ng ganitong klaseng lagusan. Tila isang malaking arko ang dalawang narra na magkayakap ang mga sanga.

Tig-isang kabayo ang nakaukit sa bawat kawa ng dalawang puno. Ang buhok at buntot ng mga kabayo ay kumikinang na ginto. Napatitig si Ms. Dela Rosa sa mga kabayo at napagtanto niyang may katawan ito na parang tao. Mga tikbalang ang mga nakaukit sa arko!

Bumaba ng kotse si Ms. Dela Rosa at lumapit sa pangulo.

"Sir?" ang tawag niya. Nanginginig ang kanyang boses.

"I'll be fine. May meeting lang ako sa loob," sagot ng pangulo na tila naintindihan ang nararamdaman ng sekretarya. "Don't worry. Stay in the car. Datu will be with you."

Hinanap ni Ms. Dela Rosa kung nasaan si Datu at nakita niya ang binata na nakataas ang mga kamay, tila nagdarasal sa mga puno.

"See you later," ang paalam ng pangulo. Kinuha nito mula sa kanyang bulsa ang isang kuwintas na may nakasabit na gintong pangil. Itinutok niya iyon sa arko saka siya pumasok.

Tiningnan ng pangulo ang kanyang sekretarya na bumalik na sa kotse at nagbukas ng laptop. Inaayos na nito ang kanyang schedule.

Saka naglakad ang pangulo papasok sa kagubatan. Sa magkabilang gilid niya ay nagsisipagtungo ang mga puno ng kawayan, gumagawa ng silong na tila arko.

Naglakad nang naglakad ang pangulo. Tila walang katapusan ang lagusan. Ngunit hindi siya nangamba. Mukhang hindi ito ang una niyang pagpunta sa lugar na ito.

Ilang kilometro pa ang nilakad ng pangulo hanggang sa salubungin siya ng isang kalesa na hatak ng isang puting kabayo. Sumakay ang pangulo at awtomatikong lumakad ang kabayo papasok sa isang matayog na puno ng balete.

Tila kurtina na naghiwalay sa gitna ang mga sanga ng puno upang papasukin ang kalesa. Nabalot ang kadiliman ang daan, at ilang sandali pa ay nakita ng pangulo ang liwanag mula sa buwan.

Tumambad sa kanyang harapan ang mga matatayog puno na mayroong mga bahay na konektado ng mga bakal na hagdan. Tila natural na umusbong ang mga bahay na iyon – mukhang mga kubo ang mga ito, parang mga bahay ng mga engkanto.

Narinig din ng pangulo ang lagaslas ng tubig. Napapaligiran ang mga puno na may mga bahay ng isang ilog. At sa dulo ng ilog, isang talon. Kumikinang ang tubig na galling dito dahil sa mga naglipanang alitaptap.

Tumigil ang kalesa sa gitna ng mga puno. Isang matandang lalaki ang naghihintay sa pangulo. Magkatulad sila ng suot ni Datu, ngunit ang lalaking ito ay may nakapulupot na telang kulay ginto sa ulo. Importante ang taong ito.

"Rene," ang tawag ng matanda sa pangulo. Pagbaba ng presidente ay nagmano ito sa matanda.

"Dr. Agtayabun," sagot ng pangulo. Sumagot si Agtayabun ng isang matipid na ngiti, saka naglakad patungo sa isang puno kung saan naroon ang kanyang opisina. Sumunod naman sa kanya ang presidente.

Tumawid ang dalawa sa isang nakabiting tulay sa dalawang matatarik na puno. Ang opisina ng guro ay isang malaking kubo na nakapalibot sa kawa ng narra. Malamlam ang dilaw na liwanag na nagmumula sa mga lamparang nakasabit sa bintana ng kubo.

Pinaupo ni Agtayabun ang pangulo sa isang silyang pinakinis at pinakintab na kahoy. Napatitig ang pangulo sa kampilan na nakasabit sa dingding sa likod ng lamesa ng guro.

"Nalalapit na ang panahon, Rene," ang sabi ng guro na bumasag sa malalim na pag-iisip ng presidente. "Papasok na sa Linangan ang bagong pinuno. Labing-pitong taong gulang na siya."

"Saan siya manggagaling? Kailangan ba ng convoy?"

"Kami na ang bahala roon. Lalo lang magiging magulo kung pakikialaman pa ng mga taga-labas ang pagpasok ng bagong pinuno sa Linangan. Takaw-pansin lang ang mga sasakyan ninyo,"

Hindi nagustuhan ng pangulo ang tonong ginamit ng guro.

"Posible bang hindi matuloy? Ayoko ng gulo," may pag-aalinlangan ang tinig ng pangulo.

"Hinahangad ba namin ang gulo? Ano ba ang tingin mo sa aming mga Maginoo? Tandaan mo, Rene, kami ang tumulong sa iyo kaya ka naluklok sa puwesto. Salapi at kapangyarihan naming ang nagdala sa iyo kaya ka nahalal," ang pangungutya ni Agtayabun.

Natahimik ang pangulo. Tila batang kinagagalitan ng magulang.

"Pinatawag kita upang sabihan ka lamang," dagdag ng guro. "Hindi mo kailangang isipin pa kung kailangan ng mga sundalo para lamang sa pagpasok ng bagong pinuno. Ang hinihiling lang namin ay manatiling tahimik ka, at ganoon pa rin – ilihim mo ang mga nalalaman mo tungkol sa mundo namin, at asahan mong mabibigyan ka namin ng proteksyon."

Kinuha ni Agtayabun ang isang tasang gawa sa kahoy at naglagay siya rito ng maitim na tsaa.

"Nakakasiguro akong maglalabasan ang mga Silakbo," ang sabi ng pangulo, habang hinihipan ang tsaa. "Dadanak na naman ang dugo… Marami na namang maaapektuhan na taumbayan dahil sa mga tiwalag ninyo."

"Maglilitawan silang parang mga daga na ginalaw ang lungga," ang sagot ni Agtayabun. "At hindi lang ang mga tiwalag ang inaalala ko."

Napatingin ang pangulo sa guro. Mayroon pa bang mas malaking problema?

"May mga sabi-sabi, mga ibinubulong ng mga dahon at ng hangin…"

Napakunot ng noo ang pangulo.

"Sa Linangan… darating ang tagapagmana ng kamay na punyal."

"Sa tingin mo ba…" Nanginginig ang boses ng pangulo. "Totoo ang mga haka-hakang iyan?"

"Hindi ko alam," ang sabi ng guro habang nakatitig sa kampilan. "Kung sakali mang dumating ang tagapagmana rito sa Linangan… Malalagay sa panganib ang buhay ng mga mag-aaral… Kaya Rene, ang hiling ko lang mula sa gobyerno mo, ang pagmamatyag. Gagawin namin ang lahat nang makakaya namin, pero sa labas, kung saan ikaw ang batas, habulin mo ang mga tiwalag at ikulong, hangga't may oras pa."

~oOo~