"Whaaaat?!! Nasisiraan ka na ba ng bait, Sandy? Ba't mo ginawa 'yon?!!"
Hindi makapaniwalang naibulalas ni Mj, my highschool bestfriend na itinuri ko naring tunay na kapatid. Napatigil siya sa pagnguya ng pagkain matapos kong sabihin sa kanya ang tungkol sa proposal ko.
"Mj, we made that promise no'ng 4th year college na kami, hindi 'yon laro-laro lang." Anas ko na pilit pinapakalma ang isa.
"Kahit na Sandy! Babae ka, ano nalang ang iisipin ng ibang tao kapag nalaman ang kagagahang ginawa mo? Na desperada kang babae?!! 'Lam mo naman ang mga kapit-bahay natin daig pa ang CCTV camera!"
"O-Okay...okayyyy...nagkamali ako, sabihin na nating naging desperada ako, Mj. Pero nasa tamang edad na kami pareho, isa pa mahal na mahal ko si Liam, matagal siyang nawala sa'kin at ayoko ng palampasin ang pagkakataon na makasama siya habang-buhay."
"Hayyy naku...kung alam ko lang na gagawin mo 'yon kahapon kinaladkad na kita palabas ng E-park o di kaya pinukpok ng bisekleta !"
"Sorry na, ok? Nangyari na ..it's already done."
"Sigurado ka na ba talaga sa desisyon mong 'yan ha? Baka magsisi ka lang nyan sa huli?" Napabuntong-hininga ako ng mapansing kumalma na ang pananalita nito.
"Oo, at alam kung gano'n rin si Liam sa'kin."
"Hmp! Dapat lang talaga ano?!! Limang taon kang naghintay, huwag na huwag ka lang talagang saktan ng lalaking 'yon kung ayaw niyang makipagsuntokan kay kamatayan!" Napangisi ako sa reaksyon ng mukha nito.
"Oo na...highblood mo ah! Kakain ka pa ba?"
"Oo, um-order ka pa!" Napangisi nalang ako habang patungo sa counter para um-order ng pagkain.
"Tita?" Tawag ko sa tiyahin kong nagdidilig ng mga halaman. Simula ng mag-highschool ako siya na ang tumayong magulang ko dahil maaga akong naulila dulot ng pananalanta ng bagyo sa probinsya na tinitirhan namin noon. Nang malaman ng pamilya ng Mama ko ang nangyari agad akong kinupkop ng tiyahin ko at pinalaki na parang tunay na anak.
"Oh, Naknak? Nakapagluto ka na ba?"
"Opo, Tita, halika na po sa loob."
"Oh sige, nak susunod na ako sa'yo tatapusin ko lang sa pagdidilig itong mga bulaklak."
"Okay po Tita." Pagkuwan ay nauna na akong pumasok sa loob ng bahay.
Panay ang sulyap ng tiyahin ko sa'kin, napapansin siguro nito na parang hindi man lang nabawasan ang pagkain sa pinggan ko. Tahimik din ako sa mga oras na 'yon.
"Hindi ba mabuti ang pakiramdam mo, nak?" Aniya na bakas sa mukha ang pag-aalala
"O-Ok lang ako Tita." Tipid kong sagot.
"Hmm...may problema ba? Napansin ko kasi tahimik ka masyado ngayon."
"Uhmm... T-Tita may s-sasabihin kasi ako sa'yo eh." Pautal-utal kong sabi.
"Ano yon nak?"
"K-kasi napagkasunduan namin ni Liam na magpapakasal na kami this year."
Naibaba nito ang kutsara't tinidor, halatang nagulat sa mga katagang binitawan ko. May katandaan na ang Tiyahin ko, siya ang bunso sa apat na magkakapatid at ang pinalad na makapagtapos ng pag-aaral, malapit na itong mag-retiro sa pagtuturo 'yon nga lang siya ang hindi pinalad sa buhay pag-ibig. Oo, isa siyang matandang dalaga.
"Totoo ba 'yan nak?" Mayamaya pa'y unti-unti ko ng nababasa ang reaksyon sa mukha nito. She's not mad at me.
"Opo Tita."
"Nakuuu...aba eh may pagkakaabalahan pala ako this year!" Tuwang-tuwang bulalas nito.
"Hindi po kayo galit?"
"Ba't naman ako magagalit? Masaya akong ikakasal ka na, at least hindi ka magiging kagaya kong sawi sa buhay pag-ibig! Tiyaka sa tagal ba naman ng hinintay mo dapat lang na pakasalan ka niya."
Agad akong napatayo mula sa kinauupuan ko pagkuwan ay niyakap si Tita Mara. Pakiramdam ko ako na ang pinakamasayang tao sa mga sandaling iyon.
"Salamat Tita!" Mangiyak-ngiyak kong naibulalas, gumanti naman siya ng napakahigpit at mainit na yakap.
"Gusto ko lang maging masaya ka, nak." Anito habang hinahagod ang aking likuran.