webnovel

Kambal ng kamatayan

Napakapayapa ng gabi. Ang mga munting dahon na sumasabay sa mahinang ihip ng hangin ang tanging maririnig. Nagniningningan ang mga tala sa kalangitan at ang sikat ng buwan ay nagsisilbing liwanag sa maliit na nayon ngunit sa isang iglap ay nasira ang katahimikan, nabulabog ang bawat tao sa nayon dahil sa napakalakas na tunog. Ang mga ilaw sa bawat kabahayan ay unti-unting bumukas. Nagsilabasan ang mga tao sa kanilang mga tahanan. Ang kanilang mga mata ay napuno ng takot sapagkat isang kakila-kilabot na tanawin ang makikita sa himpapawid. Halos hindi mabilang na umaaapoy na bagay ang bumabagsak mula sa kalangitan. Para itong mga maliliit na bulalakaw na napapalibutan ng maitim na usok at nagliliyab na apoy.

Balisang tumatakbo sina Hukluban at ang kanyang asawa habang kalong sa kanilang kamay ang magkambal nilang sanggol. Nasa kanya ang sanggol nilang babae at hawak-hawak naman ng kanyang asawa ang sanggol nilang lalaki. Ang mga umaapoy na bulalakaw na kasinglaki ng bola ay nagsimula ng magbagsakan, mabilis naman nila itong naiilagan. Nagsimula naring matupok ng apoy ang bawat punong kanilang nadadaanan. Kakasilang pa lamang niya sa magkambal ng lumitaw ang mga nagliliyab na bato, mabuti na lamang at kaagad silang nakaalis sa nayon. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang mga bulalakaw ngunit nakakasiguro siyang nahanap na ni Sitan ang kanilang kinaroroonan. Matagal na panahon na rin siyang namuhay sa mundo ng mga mortal ngunit kailanman ay hindi pa nangyayari ang bagay na ito. Madali sana silang makakaalis sa islang ito kung hindi naubos ang kanyang lakas upang gumamit ng mahika ngunit habang tumatagal ay mas lalong nawawalan siya ng lakas. Napansin niyang unti-unting nawawala ang kanyang mahika ng isilang niya ang magkambal. Kailangang makaalis sila sa isla at mailayo ang magkambal nilang anak sa kamay ni Sitan lalong-lalo na sa kanyang mga kapwa mang-aalagad.

Mga dalawang kilometro na ang layo nila mula sa nayon, kailangan nilang makarating sa dalampasigan at mula roon ay gagamitin niya ang kanyang natitirang lakas para gumamit ng mahika upang mabilis silang makatawid sa karagatan sapagkat ang mga bulalakaw ay tanging bumabagsak lamang sa isla. Patuloy silang tumatakbo at umiilag sa bawat umaapoy na batong paparoon sa kanila. Sa wakas ay narating na nila ang dalampasigan, sa kanilang pagrating ay tila misteryosong huminto sa pagbagsak ang mga ito. Mabilis silang tumapak sa napakaputing buhangin, sa kanilang likuran ay makikitang tinutupok ng apoy ang mga naglalakihang puno.

Papunta na sana sila sa karagatan ngunit sinalubong sila ng isang kakaibang nilalang. Lumitaw ito sa kanilang harapan galing sa kawalan. Hugis tao ang anyo ngunit nakasuot ng napakaitim na balabal, ang huling bahagi ng damit ay tila inililipad ng hangin na napapalibutan ng maitim na usok at nagbabagang mga abo. Hindi nakikita ang itsura nito at may hawak-hawak na isang mahabang tungkod na sa dulo ay may nakakabit na napakatulis na espada. Ang espada ay nagliliyab ng bughaw na apoy. Nakatitiyak siyang ito ay ang Witawit, ang tagapagsundo ng kamatayan.

Kaagad silang napahinto. Napalingon siya sa kanyang asawa na nasa kanyang likuran, kalong sa kamay ang kanilang sanggol na lalaki. Makikita sa mga mata nito ang pangamba sapagkat alam nitong hindi niya kakayaning makipaglaban pa sa nilalang na sumalubong sa kanila. Dahan-dahan niyang ibinigay rito ang anak nilang babae, maingat na tinanggap naman nito sa kanyang kaliwang kamay ang sanggol sapagkat nasa kanang kamay nito ang kanilang anak na lalaki. Parehong mahimbing na natutulog ang mga ito habang nakabalot ng puting tela ang katawan at tanging mukha lamang ang makikita. Matagal silang nagkakatitigan na may pag-aalala sa kanilang mga mata at maya-maya ay hinarap niya ang witawit na nakatayo sa kanilang harapan.

"Oras na upang kunin ang kahduwa ng iyong kambal na sanggol." garalgal na sabi ng witawit.

"Imposibleng mangyari ang bagay na sinasabi mo!" seryosong tugon niya.

"Kapwa na nakatadhanang mamatay ang iyong sanggol sa araw na ito at narito ako upang tuparin ang aking tungkulin."

Napangiti lamang siya sa sinabi nito.

"Kailanman ay hindi mangyayari ang ninanais mo sapagkat narito ako upang pigilan ka."

"Hindi mo mababago ang kapalaran at kahit magtagumpay ka mang pigilan ako ay patuloy parin silang hahabulin ng kanilang tadhana."

"Naniniwala akong bawat isa ay may kapangyarihang baguhin ang kanilang tadhana dahil kahit ang mga diyos sa kalangitan ay pwede ring magbago." aniya.

"Hindi ko aakalaing maririnig ko sa iyo ang mga salitang yan… Ikaw si Hukluban, ang diyosa ng kamatayan at isa sa pinakamalakas na alagad ni Sitan ngunit tila tuluyan ka nang binago ng isang hamak na mortal."

"Ipinagpalit mo lamang ang iyong kapangyarihan sa isang walang kwentang bagay." dagdag na saad ng witawit. Mas lalong gumaralgal ang boses nito.

"Wala kang karapatan na pagsabihan ako ng ganyan… Walang sinuman ang makakapigil sa desisyong nais kong gawin!"

"Ngayon nasa iyo ang desisyon… Ibibigay mo sa akin ang iyong sanggol at bibigyan ko kayo ng awa o…" napahinto ito sa huling salita at itinuro nito ang mahabang sandata sa kanyang kinaroroonan.

"Puwersang kukunin ko ang iyong kahduwa kasama ng iyong kambal na sanggol pati narin ang iyong mahal na asawa at maghihirap kayo sa nayon ng kasanaan."

Mas lalong naging seryoso ang kanyang mukha.

"Baluti ng kamatayan!" mahinang bigkas niya sa kanyang bibig, kasabay nun ay napalitan ang kanyang suot na napakahabang manggas ng isang pandigmang kasuotan. Ang kanyang damit pandigma ay napapalibutan ng hugis balahibo na tulad ng isang ibon at gawa sa kumikinang na metal, lalong hinubog nito ang hugis ng kanyang katawan. Ang kanyang pakurbang buhok na umaabot hanggang beywang ay biglang naging tuwid at ang mata niyang dating kulay itim ay naging kulay kahel. Inihakbang niya ang kanyang kanang paa at inihanda na ang mga kamay upang makipaglaban.

"Tila nakapagdesisyon ka na." saad ng witawit.

Parehong nakatayo at magkaharap sila sa isa't-isa, limang metro lamang ang layo. Ang kanyang asawa ay nakatayo lamang sa kanyang likuran, kalong sa mga kamay ang kambal nilang sanggol.

"Kahong pangproteksiyon." mahinang bigkas niya. Lumitaw ang isang malaking kahon, napakalinaw nito at kulay kahel. Makikitang nakapaloob ang kanyang asawa mula rito. Ito ang magsisilbing proteksiyon sa kanyang asawa at sa kanilang kambal habang abala siya sa pakikipaglaban. Handang-handa na siyang harapin ang witawit. Sa oras na iyun ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Unti-unti nitong inalis ang nagliliyab na apoy sa bawat punong nasa kanilang likuran at gayun rin ang makapal na usok sa kapaligiran.

"Kahit na sino ay handang magbuwis ng buhay para sa kanilang mga minamahal." seryoso niyang saad.

Garalgal na napatawa ang witawit sa kanyang harapan.

"Pagmamahal… Yan ang nagbibigay sayo ng kahinaan."

Napangiti siya.

"Nagkakamali ka… Yan ang nagbibigay sa'kin ng lakas!" malakas niyang sigaw. Ibinukas niya ang kanyang kanang kamay, mula rito ay lumabas ang kulay kahel na apoy.

Kaagad siyang sumugod sa kalaban, tumalon siya ng napakalakas papunta rito habang ang witawit ay nanatiling nakatayo lamang sa kanyang dating pwesto ngunit di niya akalaing kaya nitong dumami. Mula rito ay lumabas ang apat pang nilalang na kasingwangis nito, bawat isa ay may hawak-hawak ring sandata. Ang apat na nilalang na ginawa nito ay tumalon rin papunta sa kanya.

"Sirkulong apoy!" mula sa himpapawid ay itinaas niya ang kanyang kanang kamay, ang kulay kahel na apoy ay biglang naging kulay itim. Pumaligid ito sa kanya. Gumawa ng napakalaking bilog kung saan ay nasa loob siya nito na naging dahilan ng pagkasunog ng apat na nilalang na ginawa ng kalaban. Kaagad na naging maitim na abo ang mga ito.

"Humanda ka!" ang apoy na nakapalibot sa kanya ay pumunta lahat sa kanyang kanang kamay. Mas lalong nagliyab ang maitim na apoy. Hindi kumikibo ang witawit, nanatiling nakatayo parin ito sa kanyang posisyon kahit na papunta na siya rito. Mula sa himpapawid ay dalawang metro na lamang ang layo niya rito ng biglang may lumabas na napakalaking kamay sa lupa. Lumabas ito mula mismo sa harapan ng kalaban, maitim ang kulay ngunit nagliliyab ng asul na apoy. Tinamaan siya nito at kaagad siyang napatalsik palayo.

"Hukluban!" malakas na sigaw ng kanyang asawa, nakapaloob parin ito sa ginawa niyang kahong pangproteksiyon. Ang kambal nilang sanggl ay mahimbing paring natutulog.

Napahandusay siya sa puting buhangin, maya-maya ay biglang napasuka siya ng dugo. Medyo napalayo siya sa kinaroroonan ng kanyang asawa sapagkat napakalakas ng pagkatama sa kanya ng malaki at nagliliyab na kamay. Pumapatak parin ang butil ng ulan sa mga oras na iyun. Dahan-dahan siyang napatayo, mapapansing nanginginig ang kanyang mga paa habang pinipilit niya ang sariling makatayo. Ang witawit ay nakatayo parin sa harapan ng kanyang asawa. Napapagitnaan nila ang asawa niya ngayon.

Maya-maya ay makikitang unti-unting nawala ang malaking kamay na ginawa ng kalaban, pumunta ito pabalik sa ilalim ng lupa. Nagulat siya ng biglang tumalon ang witawit sa kinaroroonan ng kanyang asawa. Kaagad niyang ibinukas ang kanyang kanang kamay.

"Walang hanggang apoy!" malakas niyang sigaw at mula sa kanyang kanang kamay ay lumabas muli ang nagliliyab na apoy. Naghalo ang kulay ng kahel at itim sa apoy na kanyang ginawa. Bilog ang hugis ng apoy, ang ulan na pumapatak sa kalangitan ay humalo rin rito gayun rin ang napakalakas na hangin. Kaagad niya itong inihagis, kasimbilis ito tulad ng bala papunta sa kalaban na sa oras ring iyun ay nasa himpapawid parin at itinuon ang mahabang sandata sa kanyang asawa. Tinamaan ang witawit at biglang napatalsik palayo. Sa paglapag ng katawan nito ay unti-unti itong naging abo.

Hindi siya makapaniwalang matatalo niya agad ang Witawit sapagkat konti na lamang ang kapangyarihang mayroon siya. Pero ang Witawit na ito ay isa lamang sa libo-libong tagapagsundo ng mga kaluluwa at posibleng sa pagdating ng panahon ay lilitaw na naman ang mga kauri nito upang kunin ang kahduwa ng kanyang kambal na sanggol.

Ibinaling niya ang atensiyon sa kanyang asawa, kaagad siyang tumakbo sa kinaroroonan nito. Habang tumatakbo ay ipinitik niya ang kanyang mga daliri, kasabay nun ay nawala ang kahong pangproteksiyon. Ang malakas na ulan ay bigla ring huminto.

"Kailangan mong gamutin." pag-aalalang saad ng kanyang asawa ng tuluyan na siyang makalapit rito. Napangiti siya at umiling-iling lamang bilang tugon sapagkat nawala na ang kanyang kapangyarihang gamutin ang kanyang sarili. Hindi niya magagawa pang gamutin ang malaking sugat na nasa kanyang tiyan.

Napatingin siya sa magkambal nilang sanggol na mahimbing paring natutulog. Ang mukha ng kanilang magkambal ay tila hinati sa kanilang dalawa. Ang matangos nitong ilong, ang mamula-mula at hugis-pusong mga labi ay kuhang-kuha sa kanilang mga mukha. Hindi niya namalayang nagsimula ng pumatak ang maliliit na butil ng luha sa kaniyang mga mata. Alam niyang hindi magiging madali ang buhay na mararanasan ng kaniyang mga anak, kung hindi lamang labag sa mundong kaniyang kinabibilangan ang umibig ng isang mortal ay di sana mangyayari ang bagay na ito.

Kaagad niyang pinutol ang malalim na pag-iisip. Hindi pa pala nila nabibigyan ng pangalan ang magkambal.

"Hindi pa natin sila nabibigyan ng pangalan…" mahinang sabi niya at dahan-dahang hinaplos ang mukha ng sanggol nilang lalaki.

"Dark… yan ang iyong magiging pangalan."

"Ang iyong pangalan ay magsisilbing ala-ala sa madilim kung pinagmulan."

Dahan-dahan naman niyang hinaplos ang mukha ng sanggol nilang babae.

"Light… yan naman ang iyong magiging pangalan. Ang iyong pangalan ay magsisilbing ala-ala sa aking pagbabago at pagtalikod sa madilim kung pinagmulan patungo sa pakikipaglaban para sa kabutihan."

Muli siyang napatingin siya sa kanyang asawa, nagsimula na siyang umiyak. Hinawakan niya ang mukha nito. Pareho nang pumatak ang mga luha sa kanilang mga mata.

"Sariman, mahal kong asawa…"

"Alagaan mo sila ng maayos at palakihin mo sila ng may pagmamahal." malambing niyang saad rito. Bahagyang nangunot ang noo ng kanyang asawa sa mga salitang kanyang binigkas.

"Matulog ka." sambit niya habang ang mga kamay ay nasa mukha parin nito.

"Huk…" putol na saad ng kanyang asawa. Sa salitang kanyang sinabi ay ipinikit nito ang mga mata. Maya-maya ay lumutang ito sa hangin habang natutulog, makikitang kalong parin ang dalawa nilang sanggol.

"Ginintuang salimbal." kasabay ng paghampas ng mga alon sa dalampasigan ay biglang lumitaw ang isang malaking barko. Bawat sulok ng barko ay gawa sa gintong kahoy. Ang ginintuang salimbal ay mukhang isang sasakyang pandagat ngunit ito ay isang sasakyan para sa kalangitan.

Ang kanyang asawa na nakalutang sa hangin at mahimbing na natutulog, gayun rin ang kanilang dalawang sanggol ay papunta sa ginintuang salimbal. Dahan-dahan itong lumapag sa barko. Kinalaunan ay unti-unting pumaibabaw ang barko mula sa kalmadong dagat. Naiwan siyang lumuluha sa dalampasigan at tinangnan na lamang ang ginintuang salimbal na tuluyan ng nakalipad sa himpapawid.

MAKALIPAS ANG LABING-LIMANG TAON

"Heto na ang baon niyo." masiglang sambit ni Sariman habang hawak-hawak ang mga pagkaing nakalagay sa plastik.

"Heto ang paborito nyong sinigang at maanghang na dinuguan." ibinigay niya sa magkambal ang ulam gayun rin ang kanin na nakalagay sa magkaibang lalagyan. Kaagad naman itong tinanggap.

Nasa hapag kainan sila sa oras na yun. Ika-anim pa lamang ng umaga at kakatapos palang nilang mag-agahan. Gaya ng kanyang nakasanayan ay inimpake niya na ang mga dadalhing pagkain ng magkambal.

"At higit sa lahat ay ang matamis na matamis na matamis na matamis…" paulit-ulit niyang sabi. Sumasabay naman si Dark na sabihin ang huling salita na paulit-ulit niyang binigbigkas. Nakangiting sinasabi pa nila ito samantalang si Light ay napakaseryoso ng mukha habang pinakikinggan silang dalawa.

"Oo na… Ang matamis na mangga." seryosong saad ni Light at kaagad na kinuha sa kanya ang tatlong pirasong mangga na nakabalot sa supot mula sa kanyang kanang kamay.

Madali talaga itong mairita lalong-lalo na sa kapilyuhang ginagawa nila ni Dark. Mas malapit siya kay Dark kaysa kay Light dahil siguro ay mas madali niyang naiintindihan ang kanyang anak na lalaki. Parehong labing-limang taong gulang ang edad ng dalawa samantalang siya naman ay dalawampu't walo na.

"Pupunta na kami." saad ni Light at binuksan na nito ang pintuan. Ngumiti naman sa kanya si Dark bago lumabas. Nauna nang lumabas si Light rito.

"Mag-iingat kayo." malakas niyang sigaw sa dalawa

Masaya niyang tinatanaw ang magkambal habang nakatayo siya sa nakabukas nilang pintuan. Mula sa paanan ng kanilang bahay ay makikita na agad ang kalsada. Sa kanan papunta si Dark at sa kaliwa naman patungo si Light. Nakasuot ng pampaaralang uniporme si Dark samantalang si Light naman ay nakajacket na mayroong hood at pantalon bilang pang-ibaba nito. Siya naman ay suot ang paborito niyang puting T-shirt at basketball short.

"Kayo rin papa… Palagi kayong mag-iingat." masayang tugon ni Dark sa kanya. Bigla itong humarap sa kinaroroonan ni Light.

"Ikaw rin maganda kong kakambal… Wag mong kakalimutan ang pandagdag ng iyong flat na likod." tumawa pa ng malakas si Dark sa sinabi kahit alam nitong madaling maasar ang kanyang kakambal. Ang tinutukoy nito ay ang sabihin na nating di pinagpalang-dibdib ni Light na palagi nitong sinasabi tuwing gusto nitong mang-asar sa kapatid.

Pumula agad ang pisngi ni Light sa narinig. Humarap ito kay Dark at tiningnan ang kanyang kakambal na napakatalim ng mata.

"Hehe… Biro lang naman." agad na bawi ni Dark sa sinabi dahil alam nitong malalagot siya rito.

Mahilig pa naman itong manakit, may mga oras ngang kahit konting biro lang rito ay parang sumali na ang dalawa sa wrestling competition at mahigit dalawang araw ring hindi nakapasok si Dark sa paaralan ng dahil medyo napilay ang kanang kamay at paa nito.

Tumawa na lamang si Sariman sa ikinikilos ng magkambal. Simula ng maganap ang trahedya ay ipinangako niyang papalakihin ng maayos ang dalawa hindi lamang sa kanyang kapakanan kundi upang tuparin ang huling salitang inihabilin sa kanya ng kanyang asawa at masaya siyang lumaking malapit ang dalawa sa isa't-isa ngunit simula na maganap ang pangyayari noon ay hindi niya na muling nakita si Hukluban at kahit ang kinaroroonan nito ngayon. Hindi niya maiwasang isipin na mas masaya sigurong kapwa nilang nakitang lumaki ang kanilang mga anak ngunit wala siyang magagawa, ang tanging magagawa lamang niya ay magbagong buhay kasama ng kanilang kambal na anak.

"Good morning." ngiting sabi ng bagong guro sa dalampu't apat na mga estyudyante na nasa ikasampung baitang at isa si Dark sa mga ito.

Napatingin ng maigi si Dark sa bago nilang guro na nakatayo sa kanilang harapan, dumako ang kanyang mata rito mula ulo hanggang paa. Hindi niya maiwasang humanga. Parang napakabata pa nitong tingnan, sa kanyang palagay nga ay tila kaedad lamang nila ito. Maganda, napakatangkad at maganda rin ang kurba ng katawan na talaga namang bumagay sa suot nitong uniporme. Siguradong marami na namang kalalakihan sa kanilang klase ang magkakagusto rito, kahit siya ay hindi niya mapigilang humanga sa mukha nito. Kung may isa mang kantang pwede niyang ikumpara rito, marahil ay ang kantang "hindi ka nakakasawang tingnan" sapagkat napakamala-anghel ng mukha nito.

"My name is Ms. Diana Sapphire and I will be your new mathematics teacher…"

Pagkatapos ay may kinuha itong isang papel sa mesa, nakakasisiguro siyang ito ang listahan ng kanilang mga pangalan.

"To make this exciting… I'll ask a question and then you'll introduce yourselves."

Napabuntong-hininga na lamang siya sa narinig. Siguradong maiinip na naman siya sa klase.

"Mabuting matulog na lamang ako…" saad niya sa isipan.

Nagsimula nang magbigay ng katanungan si Ms. Sapphire, pagkatapos sagutin ang tanong nito ay nagpakilala rin ang mga estyudyante. Alam niyang isa itong istratehiya ng kanilang bagong guro upang maiba ang kanilang unang pagkikita.

Isinuot niya ang kanyang kulay itim na headphone, ipinikit ang mga mata at mahimbing na natulog sa mesa. Alam niyang bawal pero nasanay narin siyang pagalitan ng mga guro sapagkat itinuturing naman siyang pinakapasaway na estyudyante sa kanilang klase. Tanging siya lamang ang hindi nakikinig kay Ms. Sapphire sa oras na iyun.

"Dark Rage…" tawag ng guro sa kanyang pangalan. Tumahimik ang buong klase.

"Sino sa inyo si Dark Rage?..."

Lahat ng mga estyudyante ay napatingin sa kanyang kinaroroonan, mahimbing parin siyang natutulog sa kanyang mesa habang suot ang headphone sa tenga. Napansin ni Ms. Sapphire na lahat ng mga estyudyante ay nakatuon ang tingin sa kanya. Dahan-dahan itong lumapit papunta sa kanyang mesa.

"Mr. Dark Rage…" tawag nito. Nakatayo na ito sa kanyang harapan.

Tatlong beses na siyang tinawag ni Ms. Sapphire ngunit nanatili parin siyang tulog. Dinagdagan pa niya ng paghilik ng malakas na mas lalong ikinainis pa nito ng husto. Dahan-dahang kinuha nito ang headphone at medyo sumigaw malapit sa kanyang tenga na ikinagulat niya. Sa pagbukas ng kanyang mata ay nakita niya itong nakangiti sa kanyang harapan. Bigla siyang napatayo.

"If I'm not wrong… You're Mr. Dark Rage?" taas kilay at malambing na tanong sa kanya ni Ms. Sapphire habang hawak ang papel na may listahan ng kanilang mga pangalan.

"Ummmm… Yes Ma'am." aniya. Napansin niyang mas lalo pa pala itong maganda sa malapitan.

"Why are you sleeping in my class?"

"Ummmm… Because…" hindi niya na alam ang susunod na sasabihin mahina pa namang gumana ng kanyang utak pagdating sa English. Mapapadugo na naman ang kanyang ilong sa kaka-explain. Naisip na lamang niya na sumagot ng tagalog.

"Dahil lahat ng tao ay kailangan ng sapat na tulog at ayon sa mga eksperto ang mga kabataang katulad namin ay kinakailangang higit sa walong oras ang tulog." napakalapad pa ng kanyang ngiti ng sabihin iyun kay Ms. Sapphire

Halatang nagulat si Ms. Sapphire sa kanyang sinabi. Ang ibang estyudyante ay nagsimula naring magtawanan.

"At ano namang koneksiyon nun?"

"Natulog po kasi ako ng ikasiyam ng gabi at nagising ako ng ikaapat ng umaga, bale ang isang oras ng aking pagtulog ay ilalaan ko na lamang sa ating klase."

Mas lalong tumaas ang kilay nito ng marinig kanyang sinabi pero makikitang nakangiti ito sa kanya.

"Is it true that your last name was Rage?"

"Yes Ma'am."

Napangiti ito.

"Mukhang napakaiba ata ng iyong apelyido sa ugali mo. Napakagaling mong mambola. Well… Tamang-tama dahil may kailangan kang sagutan." ngiting sabi sa kanya ni Ms. Sapphire

Napatingin siya sa sinabi nito. Halos matumba siya sa kinatatayuan dahil napakaraming solving problems ang nakasulat sa blackboard.

"Lahat yan?" kunot-noong tanong niya

"Of course… Magsabi ka lang kung hindi mo kaya dahil bibigyan kita ng mas higit na mahirap pa diyan?"

Napangiti siya sa sinabi nito.

"Lahat ng bagay ay may dahilan, lahat ng humihinga ay kumikilos, lahat ng pagkakamali ay pwedeng itama at lahat ng problema ay may solusyon… Kaya walang imposible sa mundong ating ginagalawan." napasigaw pa siya ng malakas sa huling salitang kanyang sinabi pagkatapos ay napatingin siya sa lahat ng kanyang mga kapwa kamag-aral. Nakatunganga ang mga ito lalong-lalo na si Ms. Sapphire.

"Ano bang pinagsasabi mo?"

Tumawa siya.

"Ibig sabihin po nun Ma'am… Sasagutan ko na."

Kaagad siyang pumunta sa harapan. Kumuha ng isang pirasang chalk at nagsimula ng magsulat sa blackboard. Para siyang hinahabol ng tatlong aso sa kanyang pagsagot at sa napakaraming solving problems na nakasulat doon ay kaagad niya itong nasagutan sa tatlong minuto lamang. Saktong natapos niyang isulat ang huling sagot ng tumunog ang bell para sa kanilang recess. Napanganga ang lahat sa kanyang ginawa. Napangiti na lamang siya sa mukha ng mga ito.

Nag-iisang nakaupo sa rooftop ng kanilang paaralan si Dark. Nakagawian niya ng kumain dun sa oras ng kanilang recess. Mahirap mang sabihin pero kahit ni isa ay wala siyang naging kaibigan sa kanilang paaralan. Pinipilit niyang ilayo ang sarili mula sa nakakarami dahil yun ang palaging ipinagbabawal sa kanila ng kanilang ama simula ng maglimang taong gulang pa lamang sila. Sa kanyang pagiging masiyahin ay inaakala ng iba na mayroon siyang napakaraming kaibigan ngunit nagkakamali sila. Sa lahat ng oras ay palagi siyang nag-iisa, ang kanyang ama at si Light lamang ang itinuturing niyang pamilya at tangi niyang kaibigan.

Medyo makulimlim ang panahon kaya hindi gaanong ramdam ang init ng araw. Mula sa itaas ay makikita ang napakahabang field ng basketball. Masaya niyang tinitingnan ang mga naglalaro roon.

Sa kanyang tabi ay kinuha niya ang kanyang bag. Binuksan niya ito at kinuha ang mga pagkain na nakabalot sa dilaw na plastic.

"Mmmmm… Ang sarap naman nito." masaya niyang sabi habang sinimulan nang kainin ang masarap na ulam na inihanda ng kanyang ama. Dali-dali niyang naubos ang ulam niyang sinigang at maanghang na dinuguan pati narin ang napakadaming kanin. Naisip niyang tawagan si Light kaya kinuha niya ang cellphone na nasa kanyang bag at nagsimula ng kontakin ang numero ng kambal. Marahil sa oras na ito ay kumakain rin.

Nagtratrabaho bilang waiter si Light sa isang sikat na restaurant. Isa rin sa kanilang ipinagtataka dahil hindi nais ng kanilang ama na pag-aralin si Light samantalang siya ay nakapag-aral. Simula ng maglimang taon ay maraming ipinagbabawal ang kanilang ama, isa na rito ang hindi pagkakaroon ng koneksiyon sa ibang tao maliban sa kanila at hindi pagpasok ni Light sa paaralan. Kutob niyang alam ni Light ang dahilan ngunit hindi na siya nag-abala pang tanungin ito pero kung pagbabasehan ang kanilang katalinuhan ay mas higit na matalino si Light sa kanya kahit ang ama lamang nila ang nagtuturo nito simula ng maglimang taong gulang si Light.

"Hello…" ang malambing na boses ni Light sa kabilang linya

"Hello kambal… kumain ka na ba?" tanong niya

"Kakatapos ko palang… Ba't ka napatawag?"

"Napakasungit mo talaga! Bakit bawal ba akong tumawag?" tawang tanong niya rito

Matagal na hindi ito nakasagot. Alam niyang nag-iisa rin ito ngayon. Hindi man nito sinasabi ngunit ramdam niya ang nararamdaman nito.

"Napakasarap ng ulam nating sinigang at maanghang na dinuguan… Hindi ba?"

"Hmmmm…" tanging sagot lamang ni Light

"Ano bang klaseng sagot yan." kunot-noong saad niya pero hindi parin nawawala ang ngiti sa mga labi habang hawak ang cellphone malapit sa kanyang tenga.

Kinalaunan ay napabuntong-hininga siya habang tinitingnan ang mga taong nasa ibaba. Hindi parin umiimik si Light sa kabilang linya. Alam niyang nahihirapan narin ito sa kondisyon nito pero wala siyang magagawa.

Maya-maya ay nagulat siya sa isang napakalakas na sigaw. Mula sa itaas ay nakita niya ang isang babae na pilit na dinadala ng limang kalalakihan. Mabilis na tumatakbo ang mga ito palabas ng paaralan habang dinadala sa balikat ng isa sa mga kasama nito ang babaeng walang tigil sa pagsigaw. Hindi niya gaanong mamukhaan ang limang kalalakihan sapagkat lahat ay nakatakip ang mukha ngunit nagulat siya ng mamukhaan ang babae, ito ay si Ms. Sapphire. Ang tatlong gwardiya ng kanilang paaralan ay humahabol narin rito ngunit malalakas na suntok lamang ang inabot ng mga ito. Sa di kalayuan ay makikita ang napakaraming mga estudyante na nagkukumpulan sa labas ngunit wala man lang ginawa ang mga ito kundi kunan ng litrato at video ang pangyayari.

"Light, tatawag ako mamaya." madali niyang saad sa kanyang kambal at biglang pinutol ang tawag rito.

Kaagad niyang kinuha ang bag, inilagay roon ang lalagyan ng pagkain, ang kanyang cellphone at kumaripas ng takbo pababa. Nasa ikatlong palapag siya kaya naman pumapatak ang kanyang pawis at parang asong humihingal ng tuluyan siyang makalabas sa gate ng kanilang paaralan. Sa di kalayuan ay nakita niyang pwersang ipinapasok sa loob ng pulang kotse si Ms. Sapphire.

"Hoy… tumigil kayo!" sigaw niya

Kahit na mabilis ang kanyang pagtakbo ay hindi parin niya naabutan ang mga ito dahil umalis na ang kotse palayo. Hingal na napahinto siya. Napalingon siya sa kanyang kanan, nakita niya ang isang bisekleta roon. Walang pag-aalinlangang ginamit niya ito at hinabol ang sasakyang dumukot kay Ms. Sapphire.

Halos ilipad niya ang kanyang bisekleta sa pagpapatakbo kahit napakaraming sasakyan ang sumalubong sa kanya kaya naman madali niyang nasundan ang pulang kotse. Sa kanyang bilis ay di niya halos napansing hinahabol na siya ng mga pulis. Tatlong sasakyan ng mga pulis ang umalingawngaw mula sa kanyang likuran. Hindi niya pinansin ang mga ito at patuloy parin sa paghabol sa sasakyang dumukot kay Ms. Sapphire.

Di kalaunan ay nakita niyang may isang tao mula sa kotseng kanyang sinusundan ang lumabas sa itaas ng sasakyan. Nanlaki ang kanyang mga mata ng inilabas nito ang isang basuka. Ipinaputok nito ang basuka patungo sa kinaroroonan niya. Mabuti na lamang at kaagad niya itong nailagan ngunit tinamaan ang isang sasakyan ng mga pulis, tumilapon at kaagad na gumawa ng malaking pagsabog. Ang dalawa pang sasakyan ng mga pulis ay biglang napahinto. Ang mga tao sa paligid ay nagsimula naring magsigawan.

Mas lalo niyang binilisan ang pagpapatakbo ng bisikleta. Nasa kanan na siya ng sasakyan at makikita sa backseat sa salamin ng kotse na pilit kumawala si Ms. Sapphire sa dalawang lalaking nakahawak rito. Maya-maya ay binuksan nito ang salamin at itinutok sa kanya ang isang baril. Nagpaputok ito ng tatlong beses at nailagan naman niya ito ng mabilis ngunit napahina ang kanyang pagpapatakbo ng bisikleta at di niya na gaanong nasundan ang sasakyan. Nagpatuloy parin siya sa paghabol rito.

Di nagtagal mula sa malayo ay natanaw niyang inihagis ng mga ito pababa ng kotse si Ms. Sapphire. Gumulong-gulong ito sa kalsada, kaagad niya itong pinuntahan.

Nang tuluyan na siyang makalapit rito ay inihinto na niya sa paaan nito ang bisikleta. Nakatali ang mga kamay at paa nito.

"Ms. Sapphire!" malakas niyang sigaw rito.

Dali-dali niyang kinuha ang cutter sa kanyang bag. Ito ang kanyang ginamit upang putulin ang tali sa kamay at paa ni Ms. Sapphire. Nang tuluyan ng maputol ang tali ay inaalalayan niya itong dahan-dahang tumayo.

"Okay lang po ba kayo?" pag-aalalang tanong niya rito. Napalinga-linga siya sa paligid. Wala ng sasakyang dumadaan sa kalsada sa mga oras na iyun at tanging silang dalawa lamang ang naroon.

"Maraming salamat sa pagligtas mo sa'kin." ani Ms. Sapphire sa mahinang boses.

"Walang anuman po."

Nakayuko si Ms. Sapphire sa pagkakataong iyun. Nang tumingin ito sa kanya ay nagtataka siya kung bakit tila nagbago ang kulay ng mga mata nito. Naging kulay pula ang mga mata nito at biglang hinawakan ang kanyang braso.

"Anong…" putol na saad niya dahil biglang nag-iba ang anyo ng lugar. Mula sa kawalan ay biglang lumitaw sa himpapawid ang di mabilang na mga tao. Mahimbing na natutulog ang mga ito habang nakalutang sa himpapawid.

Napatingin siya kay Ms. Sapphire. Ngumiti lamang ito sa kanya. Biglang naghilam ang kanyang paningin hanggang tuluyan na siyang nawalan ng malay.

"The number you have dialed is out of coverage area…" ani ng boses ng telepono ni Light. Mahigit labing-limang beses na siyang napatawag sa numero ng kanyang kambal ngunit di ito sumasagot. Hindi niya alam ngunit pakiramdam niya ay tila may masamang nangyari rito. Napatingin siya sa oras, labing-dalawa na rin ng umaga. Kaninang labing-isa pa siyang nakatayo sa harapan ng kanilang restaurant. Nakasanayan na niyang maghintay roon kay Dark tuwing matatapos na ang kanyang shift sa kanyang trinatrabahuan at sabay na silang umuwi sa kanilang bahay sapagkat morning session lang naman ang klase ng kanyang kambal.

Maya-maya ay napatawag siya sa kanyang ama, hindi rin ito sumasagot. Hindi na siya mapakali. Pumara na lamang siya ng taxi.

Kinalaunan ay nakarating narin siya sa kanilang bahay. Huminto ang taxi at binayaran niya ito. Dali-dali siyang pumunta sa pintuan ng kanilang bahay. Kaagad siyang pumasok sa loob.

"Pa… Narito na ako." malakas niyang sabi, ngunit walang sumasagot. Naisip niyang baka natutulog ang kanilang ama sa kwarto nito gayun rin si Dark dahil kapag napaaga ng uwi ang kanyang kambal ay kaagad itong natutulog sa kanyang kwarto. Inilagay niya ang kanyang bag sa kanilang sofa. Pumunta siya sa kusina, binuksan niya ang kawali. Inamoy niya ang masarap na kare-kare, may sinaing narin. Naisip niyang umakyat sa ikalawang palapag ng kanilang bahay dahil naroon ang tig isa-isa nilang kwarto, gigisingin niya si Dark pati narin ang kanilang ama.

"Dark… Nandiyan ka ba? Alas-dose na kakain na tayo." unang kumatok si Light sa kwarto ng kanyang kambal ngunit walang sumasagot.

Napaisip siya na baka napakahimbing ng tulog nito. Napagdesisyunan na lamang niyang buksan ang pintuan ng kanyang kambal ngunit nagulat siya ng tuluyang makapasok sa loob ng kwarto nito. Wala si Dark roon. Kaagad siyang tumungo sa kwarto ng kanyang ama ngunit wala rin ito roon. Mas lalong lumakas ang kanyang kutob na mayroong nangyari sa kanyang kapatid pati narin sa kanilang ama.

Nagpasya siyang lumabas na lamang ng bahay para hanapin ang kanilang ama at si Dark. Agad siyang bumaba ng hagdan, kinuha ang kulay asul niyang bag at tinungo ang pintuan. Nasa labas na siya ng bahay ng mapansin niyang parang may kakaiba sa paligid, wala siyang makitang tao sa bawat sulok ng kalsada at kahit isang sasakyan. Tila naging ambandonado na ang buong lugar. Nagpatuloy siya sa kakatakbo ngunit wala parin siyang makitang tao sa buong paligid, nagiging balisa na siya at tinatanong sa sarili kung anong nangyayari. Napagod na lamang siya sa kakatakbo at napahinto sa gitna ng kalsada. Nasa gitna siya ng kalsada sa mga oras na iyun ng tumunog ang kanyang telepono. Isang di kilalang numero ang tumatawag. Kaagad niya itong sinagot.

"Hello… Dark ikaw ba to?" hinihingal na sabi niya ngunit walang sumasagot sa kabilang linya. Mga ilang minuto ay isang di kilalang boses ang sumagot. Napakabariton ang tunog ng boses nito.

"Tumingin ka sa itaas…"

Napatanong man sa sarili ngunit sinunod niya ang sinabi nito. Nagulat siya ng makita ang napakaraming taong lumulutang sa himpapawid. Lumulutang ang mga ito habang natutulog. Hindi man siya sigurado ngunit pakiramdam niya ay ito ang mga tao sa siyudad. Hindi maipagtataka kung bakit ang buong siyudad ay tila naging ambandonado.

"Kailangan mong sumama sakin kung nais mo pang makita ang kapatid mo…" dagdag na sabi sa kabilang linya

Di nagtagal ay nakarinig siya ng lagatak ng sapatos mula sa kanyang likuran. Kaagad niyang ibinaba ang telepono at napalingon sa pinanggalingan ng tunog. Isang lalaki na nakasuot ng black suite ang kanyang nakita. Nakasuot rin ito ng salamin.

"Sino ka?"

"Ako ang iyong kahapon at kinabukasan… Matagal na kitang hinahanap magandang binibini pati ang kakambal mo." sabay ngiti sa huling sinabi nito

"Ikaw ba ang dahilan kung bakit nawawala sina ama at si Dark?" seryosong tanong niya rito ngunit isang napakalakas na tawa lamang ang itinugon nito

"Nakikita mo ba ang mga tao sa itaas… Sabihin na nating posibleng nandiyan ang ama mo ngunit hindi ako nakakasigurong nandiyan rin ang iyong kakambal."

Tinanaw niya ang mga taong nasa itaas at nakita niya agad ang kinaroroonan ng kanyang ama. Kasama nga ito sa mga taong natutulog at nakalutang sa himpapawid ngunit hindi niya makita si Dark.

"Sumama ka sa'kin at ituturo ko sayo ang kinaroroonan ng iyong kapatid."

"Bago yan ay kailangan mo munang ibaba ang aking ama."

"Hindi ako ang may dahilan kung bakit nandiyan sa himpapawid ang iyong ama."

"Pero ikaw ang dahilan kung bakit nawawala ang aking kapatid… Tama ba?"

"Nagkakamali ka… Siguro ay kailangan ko munang pormal na ipapakilala ang aking sarili." seryosong saad nito sabay hawak ng suot na salamin

"Ako nga pala si Amanikable… Ang diyos ng mangangaso."

"Isang diyos!? Nagpapatawa kaba?" ngiting tanong niya rito

"Mukha bang nakakatawa ang mga taong nakikita mo sa himpapawid… Sumama ka na sa'kin dahil maliit na lamang ang oras na mayroon tayo…"

"Pa'no kung sabihin ko sayong ayoko… Sabihin mo na lamang ang kinaroroonan ng aking…" putol na sabi niya dahil biglang sumulpot sa kanyang mismong harapan ang nagpakikilalang diyos ng mangangaso. Hinawakan nito ang kanyang kanang kamay at bigla-biglang nagbago ang anyo ng paligid. Sa isang iglap ay nawala sa kanayang paniningin ang mga matatayog na gusali gayun na rin ang mga nakalutang na tao sa himpapawid napalitan ito ng napakalawak na disyerto.

Próximo capítulo