webnovel

Chapter 8

Matapos maisaayos sa higaan ang tatlong babae ay muli niyang nilapatan ng mga halamang gamot ang sugat ng mga ito. Naghintay pa ulit siya ng limang minuto bago muling oinalitan ang mga dahong itinapal doon. Habang ginagawa niya iyon ay patuloy lamang siya sa kaniyang mga usal at orasyon.

Bukod pa rito ay inaalam din niya sa mga alaala nito ang mga naganap sa ilog. Ayon sa kaniyang mga pangitain ay masayang naglalaba ang mga ito sa ilog. Nagtatawanan habang nagkukuwentuhan pa ang mga ito. Sa gitna ng kanilang pagsasaya ay bigla silang napatahimik nang makarinig sila ng pag-aangil sa kanilang likuran. Noong una ay hindi pa nila ito pinansin dahil baka aso lamang iyon na may nilalarong hayop. Ngunit kalauna'y nilingon din nila ito dahil habang tumatagal ay tila ba palapit ng palapit sa kanila ang mga angil na iyon.

Subalit paglingon nila ay bigla namang hinatak kung saan ang dalawa nilang kasama. At sila naman ay biglang sinunggaban ng mga nilalang. Napakunot ang noo ni Mina dahil noon lamang siya nakakita ng ganoong klaseng aswang. Kadalasan niyang nakikita ay maiitim ang balat o di kaya naman ay maihahalintulad mo sa putik. Ngunit ang mga nilalang na iyon ay mapuputi na para isdang ibinabad mo sa suka.

Nang makabalik na siya sa kanyang huwisyo ay nakita niyang nakatayo na si Isagani sa pintuan.

"Naipaliwanag na sa akin niang Berto ang sitwasyon. Kung aswang nga ang gumawa nito siguradong babalik sila mamaya. " Wika ni Isagani.

"Kompirmadong aswang, pero napakalaki ng kaibahan nito sa mga aswang. Hindi ko maipaliwanag, tila ba may halo silang engkanto at kung ano pa."

"Malalaman natin yan mamaya. Ireserba mo ang lakas mo para mamayang gabi. " Turan ni Isagani at lumabas muna ito ng bahay tanggapan. Napabunting hininga lang naman si Mina.

Kinagabihan nga ay naglagay na sila ng mga pangontra. May iilan din magsasaka ang nagpresentang magbabantay sa loob ng bahay habang nasa labas sila. Hindi naman tumutol doon si Mina dahil alam niyang magiging ligtas naman ang mga ito sa loob ng bahay dahil sa mga pangontrang inilibot niya roon.

Bukod sa pantaboy sa mga aswang ay naglagay rin siya ng pangontra sa engkanto ang kung ano pang nilalang na maaring kauri ng mga makakalaban nila.

Sa paglalim ng gabi ay nakarinig sila ng tila tunog ng plawta ang humahalo sa hangin. Nakakahalina ang musikang iyon na tila ba ipinaghehele sila pareho. Kung hindi lang dahil sa kanilang mga bakod at podee ay kanina pa lamang ay tumba na sila. Naging alerto silang dalawa at inilibot nila sa paligid ang kanilang mga paningin.

Walang anu-ano'y biglang tumilapon si Isagani nang napakalayo at sumubasob ito sa lupa. Nakarinig sila ng tawanan na tila ba umiikot sa buong paligid. Malakas na ang ikatlong mata nila ngunit sa pagkakataong iyon ay wala silang nakikita. Ni anino ng mga nilalang ay hindi nila maaninag. Nagmistula siyang mga ordinaryong tao nang mga sandaling iyon.

Nanggigigil na tumayo si Isaganiat ipinagpag ang kanyang damit, ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay muli siyang sumubasob sa lupa.

Dahil dito ay inilabas na ni Mina ang Palakol ni Mapulon upang magbigay liwanag sa kanilang nabubulagang mga mata. Sa kanyang pagwasiwas ng palakol sa hangin ay nagpakawala siya ng mga usal na siyang makakabasag sa anumang sabulag ng kanilang mga kalaban.

Sa pagkabasag ng sabulag ay doon nila nasipat ang mga nilalang na dahan-dahang gumagapang sa lupa na animoy mga ahas. Nagliliwanag ang mga dilaw nitong mga mata sa dilim.

Nagkunwari namang walang nakikita su Mina at bahagyang dumaan sa mga ito papalapit kay Isagani. Pinaglaho niya ang palakol at kinuha ang latigong nakapulupot sa kanyang tadyang.

"Nakikita mo sila?" Mahinang tanong ni Mina sa binata

"Oo." Pabulong na tugon ng binata.

Naglapat ang kanilang mga likod, habang pinagmamasdan nila ang mga nilalang na unti-unting pumapalibot sa kanila. Maigi nilang tinitigan ang mga ito habang inihahanda ng palihim ang kanilang mga latigo.

Nang akmang susugurin na sila ng mga ito ay mabilis naman nilang inihambalos dito ang kanilang mga latigo. Sa pagdampi ng latigo sa balat ng mga nilalang ay napasigaw ang mga ito. Nakakabingi ang mga tinig nito na animoy mga pusang binanlian ng mainit na tubig.

Nakipagbuno sila sa mga nilalang at halos umabot din iyon ng ilang minuti bago nila napatumba ang mga ito. Nasa anim na nilalang ang umatake sa kanila ng gabing iyon. Nang tumahimik na ang paligid ay sinipat-sipat ni Mina ang katawan ng isang nilalang. Napakakintab ng balat nito na kasing puti na ng puti ng nilagang itlog ng manok. Para bang walang dugo ang dumadaloy sa mga ito. Kulay berde din ang mga dugo nito na aakalain mong gawa sa dinurog na halamang gamot. Hindi naman nila mawari kung anong klaseng nilalang ang mga ito.

Maging ang matandang ermetanyo na si Karyo ay hindi rin masagot ang kanilang mga katanungan.

"Mina, hindi mga aswang ang mga nilalang na iyan. Bagkus yan ay mga malignong may dugong diwata. " Wika ni Mapulon sa kanyang isipan.

"Matagal nang panahon ang lumipas simula ng sumibol ang kanilang lahi. Kakaunti lamang sila kung kaya't hindi ko lubos akalain na ang mga ito ang lukusob at mambibiktima sa mga tao. " Wika ni Mapulon.

Ayon pa sa diwata ng panahon. Hindi mapanakit ang mga nilalang na ito at hindi rin ito kumakain ng laman ng tao. Natural sa mga ito na kumain ng halamang gamot at mga prutas na siyang makukuha lamang sa kagubatan. Ang ipinagtataka niya ay kung ano ang nagtulak sa mga ito na gumawa ng karumal dumal na gawaing iyon. Ang pagpatay ng mga tao ay lubos na ipinagbabawal sa kanilang mga uri dahil magdudulot iyon ang kapangipangilabot na sumpa sa kanilang mga katawan. Hindi man ngayon ay paunti-unting kakainin ng sumpa ang kanilang mga katawan. Mawawala ang pagiging banal ng kanilang mga kaluluwa at kapag sila ay lumisan ay tutupukin sila sa apoy ng impyerno.

Dahil sa sinabing ito ni Mapulon ay muling sumagi sa isip niya ang nangyari sa mga Marindaga at ang babaeng paulit-ulit na dumadalaw sa kanyang panaginip.

"Hindi kaya kagagawan pa rin ito ng babaeng minsang nakita ni Jun? At ang babaeng iyon ang tinutukoy ni Agla na siyang nakatakas sa kaniyang pagkakakulong sa mundo ng mga itim na engkanto?"

"Maaari." Tugon lang ni Isagani. Maging siya kasi ay naririnig niya ang boses ng diwata kung kaya alam din niya ang mga bagay na pinag-uusapan ng mga ito.

Habang nag-iisip ay biglang gumalaw ang isa sa mga nilalang na napatumba nila. Humawak ito ng mahigpit sa braso ni Mina bago magsalita nang salitang halos hindi maintindihan ni Mina. Iba ang linguaheng ginagamit nito at iba rin ito sa mga lenguaheng ginagamit ng mga engkanto. Kung hindi lang dahil sa tulong ni Mapulon ay hindi niya magagawang intindihin iyon.

Ayon sa nilalang, tahimik silang namumuhay sa kagubatan ng Siranggaya. Bago sila atakihin ng mga aswang at mga engkantong itim. Isang babae ang namumuno sa kanila. Nakasuot ito ng itim na damit at ang mukha naman nito ay natatakpan ng itim na belo. Dinakip nila at inalipin ang kanilang mga uri nang labag sa kanilang mga loob. Ang tumatayong Pinuno nila at walang awa nilang pinaslang dahil tumanggi ito sa kanilang mga nais. Wala na silang nagawa dahil hindi nila kayang labanan ang mga ito. Silang anim na lamang ang siyang natitira sa kanilang uri. Sa kanilang paglisan ay doon din mawawakasan ang pag-iral ng kanilang mga uri. Lubos silang nagsisisi na sa kahulihulihan ay nagawa nilang labagin ang isang batas na ipinataw sa kanila ng bathala. Puno ng pagsisisi ang nilalang na iyon. Nagtatangis ito na tila ba sa pagtangis lamang niya maiibsan ang sakit na kanyang nararamdaman.

Doon sin napatunayan ni Mina na likas na mabuti ang mga nilalang na ito. Katulad ng mga Marindaga, hindi nananakit ang mga iti kapag hindi sila naaagrabyado. Sa pagkamatay ng nilalang ay lalong tumindi ang galit na kanyang nararamdaman sa babaeng iyon kahit hindi paman sila nagtatagpo. Kayrami nang nilalang ang kanyang pinahirapan at pilit na pinapagawa ng kasalanan kahit labag ito sa kani-kanilang kalooban.

Doon din niya napagdesisyunan na muli siyang maglalakbay uoang hanapin ang babaeng iyon at wakasan ang kasamaan nito.

"Sasama ka ba Isagani?" Tanong niya sa binata. Napangiti naman si Isagani at tumango bilang pagsang-ayon.

"Kahit saan ka magpunta, kahit hindi mo pa sabihin, sasama ako. Alam mo iyan." Wika ng binata na lubos na ikinatuwa ni Mina. Alam niya kasing totoo ang tinuran nito.

Matapos ang tagpong iyon ay binigyan nila ng maayos na libing ang mga nilalang na iyon sa gitna ng kagubatan. Nag-alay din ng dasal si Mina uoang makatawid ng maayos ang mga kaluluwa nito at hindi sila mapunta sa impyerno. Mahigit tatlong oras din ang ginawa niyang panalangin habang nakaluhod sa harap ng puntod nito. Iika-ika naman siyang umuwi dahil sa sugat na kanyang natamo sa pagluhod sa lupa. Ganoon pa man ay hindi niya ito ininda at patuloy lamang siya sa kanyang paglalakad pauwi sa kanilang bahay. Nang makita naman ito ni Isagani ay mabilis niya inalalayan ang dalaga at binuhat na ito patungo sa loob ng bahay nila.

Próximo capítulo