webnovel

IV

Maliwanag na ang paligid nang magising si Maia at nang makita ang silid na kinaroroonan niya ay napabuntong-hininga siya.

Nandito pa rin talaga siya sa mundong ito...

Isang mundong nabasa niya lamang sa isang journal.

Isang mundo kung saan ang katawang kumukulong sa kaniya ay nakatakda ring mamatay.

Bumangon siya at ipinatong ang kaliwang kamay sa noo. 𝘈𝘯𝘰 𝘣𝘢 𝘪𝘵𝘰? 𝘐𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘭𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘣𝘪𝘳𝘰?

Hindi niya tuloy maiwasang maisip kung ano ang mauunang mangyari sa kaniya; iyong mamatay katulad sa nakasulat o ang tuluyan siyang mabaliw?

Sumandal siya sa ulunan ng kama. Ngunit kung iisipin, lahat naman ng tao ay nakatakdang mamatay. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit tila ay mararanasan niya iyon muli.

Huminga siya ng malalim at pumikit. Lumipas ang ilang sandali ng katahimikan sa kaniyang isip at paligid bago magkaroon muli ng ingay. 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢... 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘣𝘢?

Unti-unting luminaw ang mga alaala ng nakaraan ni Malika sa isip ni Maia, na tila ba isa itong maikling senaryo na nagmula sa isang pelikula.

Batang alipin si Malika noon na natagpuan ng Punong Lakambini sa isang gubat. At sa kabutihan ng puso ng Mahal na Lakambini, dagdag pa na may anak rin ito na halos kaedad ni Malika, ay hindi ito nagdalawang-isip na tulungan at sa huli ay ampunin ang kaawa-awang bata.

Noong una ay maayos ang lahat. Akala ng batang babae, na noon ay nasa walong taong gulang pa lamang, ay nakahanap na siya ng pamilya. Ngunit nang yumao ang Punong Lakambini, nalaman niyang mali ang pag-iisip na iyon. Nagbago ang pakikitungo ng mga taga-silbi sa kaniya, marahil ay hindi tanggap na ang kanilang pinagsisilbihan ay isang hamak na alipin.

At nang mawala ang tunay na anak na babae ng pamilyang kumupkop sa kaniya dahil sa isang kaguluhan, siya ang sinisi. Lalong lumala ang masamang pakikitungo sa kaniya ng mga taga-silbi, habang ang mga maginoo ng pamilya ay walang alam o kaya ay nagbulag-bulagan.

Iniwan siya sa abandonadong palasyo, na tila ay ipinararamdam at ipinapamukha sa kaniya na hindi siya bahagi ng pamilya. Ang mga pagkaing hinihahain sa kaniya ay mga gulay at prutas na halos pabulok na, mga karneng kakapiranggot at hilaw, at mga inuming hindi na lang ginawang tubig dahil wala rin namang mga lasa. At ang taga-silbing binigay sa kaniya ay isang alipin rin na katulad niya.

Sa mundong ito, ang mga maaari lamang magsilbi ng direkta sa mga maginoo ay ang mga taong nagmula sa malalayang tao. Isang malaking insulto kung isang hamak na alipin ang magiging tagapag-silbi ng isang kagalang-galang na tao. At dahil alipin lamang si Malika, tama lang na alipin din ang magsilbi sa kaniya.

Ang ganoong pag-trato sa kaniya ay tinanggap niya dahil ano ba naman ang kaniyang dapat asahan, hindi ba?

Isa siyang estranghero... isang basurang kinaawaan kaya ay pinulot at nang nawala ang taong pumulot sa kaniya, walang dahilan ang mga ito na tulungan siya o kahit ay tignan man lamang.

Alam ni Malika iyon. Ngunit hindi nito maalis ang pagnanais na magkaroon ng isang pamilya...

Dumilat si Maia nang marinig ang mahinang pagbukas ng pinto. Tahimik na pumasok si Mindy ngunit nang makita siya nitong nakaupo ay tila lumiwanag ang mukha nito.

"Binibini?!" Halos patakbo itong lumapit sa kama at umupo sa sahig na ang mga binti at paa nito ay nasa ilalim ng mga hita nito. "M-Mabuti po at gising na kayo. Nag-alala po ako. Hindi ko po alam ang aking gagawin kapag hindi pa rin po kayo nagising ngayon."

Umayos si Maia ng upo. Sa totoo lang, kung siya ang tatanungin, mas mabuti nga siguro kung hindi nalang siya nagising.

"Bakit? Ano ba'ng nangyari?" tanong niya kahit wala naman talaga siyang interes. Sa lahat ng nangyari, wala na sigurong makakapagpapabigla sa kaniya. May mas lalala pa ba sa kababalaghang napunta siya sa loob ng isang journal?

Mas napukaw pa ng lalamunan ni Malika ang atensyon niya. Hindi na ito makirot at nawala na rin ang paos.

"B-Binibini, tatlong araw po kayong natulog..."

Sa kabila ng una niyang nasabi, nakuha niyon ang interes niya at tinitigan niya si Mindy. "Oh?"

"Tatlong araw na po ang lumipas simula nang makita ko po kayong nakahiga sa silid-aklatan, Binibini." Nangilid ang mga luha nito. "Akala ko po noong una ay ayos lang po kayo sapagkat kayo ay nagising pa at kinailangan lamang po na kayo ay alalayan patungo dito sa inyong silid ngunit... ngunit kinabukasan po ay hindi na kayo nagising. S-Salamat at nagising na po kayo, Binibini." Bahagya itong huminto at huminga ng malalim na tila ay nagpipigil ng pagluha bago yumuko. "At nais ko pong humingi ng paumanhin sapagkat naisip ko na pong humingi ng tulong sa kabila ng utos niyo na huwag gagawin iyon."

𝘏𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘩𝘪𝘩𝘪𝘯𝘨𝘪 𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘭𝘰𝘯𝘨?

Kumunot ang noo ni Maia sa sinabi nito ngunit mas nangibabaw sa kaniya ang katotohanan na nakayuko na naman ito sa direksyon niya. "M-Mindy, hindi mo kailangang yumuko. Iangat mo ang iyong ulo."

Suminghot si Mindy kasabay ng pag-ayos nito ng upo. May kalungkutan at kaba sa mukha nito. "M-Maaari po bang magsalita ng malaya ang taga-silbing ito, Mahal na Binibini?"

Marahan siyang tumango sa kabila ng paglipad ng kaniyang isip dahil sa sinabi nito.

Bahagyang yumuko si Mindy bago nagsalita, "Binibini, kung inyo pong mamarapatin, maaari niyo po bang pagnilayan ang pagpapatingin sa manggagamot?"

Binaling ni Maia ang tingin sa harap nang tila ay may nagbukas ng ilaw sa madilim na sulok ng kaniyang isip. 𝘈𝘩... 𝘐𝘺𝘰𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘪𝘯𝘶𝘵𝘶𝘬𝘰𝘺 𝘯𝘪𝘵𝘰.

𝘛𝘢𝘮𝘢... Ang pagkapayat at pagkaputla ng katawan ni Malika ay hindi lang dahil sa walang kasusta-sustansiyang kinakain nito. May karamdaman itong iniinda.

Sumasakit ang ulo at dibdib nito dalawa hanggang tatlong beses kada buwan, ilang taon na rin ang nakalilipas...

Napatigil siya. Hindi ba ganoon na ganoon din ang naranasan niya nitong nakaraang araw? Ang pinagkaiba lang ay mas malala ang mga nangyari sa kaniya.

Hindi niya tuloy maiwasang maisip na maaaring lumala ang mga sintomas ni Malika dahil may ibang tao sa katawan nito. At kung ganoon, kailangan niyang makaalis sa katawang ito sa lalong madaling panahon. Dahil kung hindi, maaaring ikapahamak pa ito ni Malika na tunay na may-ari ng katawang ito.

Nakalulungkot lang na kahit umalis siya sa katawang ito ay may tiyansa pa rin na mamatay ito dahil iyon ang wakas ng kuwento.

Lumukot ang mukha niya at pagkatapos ay umiling siya upang alisin ang trahedyang iyon sa kaniyang isip. Marahil ay makabubuti nga kung hihingi na siya ng tulong sa mga dalubhasa sa mundong ito. "Mindy, may mapagkakatiwa...la..an..."

Napahinto si Maia sa pagsasalita nang mapukaw ang kaniyang atensyon ng isang maliit na aklat na nakapatong sa mesa ng mala-salang bahagi ng silid na ito na nasa tapat lamang ng kamang inuupuan niya. Ngunit alam niyang hindi aklat iyon kundi isang talaarawan.

Panandaliang kumirot ang ulo ni Maia at pagkalipas niyon ay naalala niya na mahilig magsulat si Malika patungkol sa naging araw nito. Nilingon niya ang tukador kung nasaan nakatago ang iba pang mga talaarawan ni Malika, may kaba sa dibdib niya na hindi niya maipaliwanag.

"Mindy, maaaring pakikuha mo muna ako ng makakain at pagkatapos ay pakihanda mo na rin ang aking pampaligo?"

Katahimikan ang sumagot sa kaniya kaya ibinalik niya ang tingin niya kay Mindy at ang ekspresyon nito ay mukha ng isang taong nabigla.

Kumunot ang noo niya. "Mindy?"

Ilang beses itong kumurap-kurap bago yumuko. "M-Masusunod po, Mahal na Binibini."

Agad itong tumayo ngunit palabas na ito ng pinto nang huminto ito at muling humarap sa kaniya. Nagtatakang tinignan ito ni Maia. "May problema ba?"

Huminga ito ng malalim, ang mukha nito ay hindi niya makita dahil sa pagkakayuko nito. "W-Wala po, Binibini, ngunit..." Lalong lumalim ang pagkakayuko nito. "Ang mga bagay po na sinabi ng taga-silbing ito kanina, sana po ay inyong mapag-isipan, Mahal na Binibini."

Malungkot na ngumiti si Maia. Sa maikling oras na nakausap niya si Mindy at sa tulong na rin ng mga alaala na mayroon si Malika dito, masasabi niya na tunay ang pagmamalasakit nito kay Malika sa kabila ng pagiging masungit at maldita ng amo nito. "Pag-iisipan ko ng mabuti ang iyong sinabi, Mindy. Maraming salamat sa iyong pag-aalala."

Gulat na itinaas ni Mindy ang mukha nito. "A-Ang... Ang taga-silbi pong ito ang nagpapasalamat, Mahal na Binibini! Kung inyo pong mamarapatin..."

Mabilis na yumuko muli ito at ganoon din kabilis lumabas ng silid. Naiwan si Maia na nagtataka sa ikinilos nito ngunit agad din siyang nakabawi at lahat ng ekspresyon sa mukha niya ay naglaho.

Marahan niyang itinapak ang paa sa sahig ngunit nang mapansing hindi na ito masyadong kumikirot ay agad siyang tumayo at tinungo ang munting mesa. Kinuha niya ang talaarawan bago umupo sa isa sa mga kanape. Binuklat niya ito sa pinakahuling pahina, ang araw bago malaglag sa kabayo si Malika.

𝘕𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘢𝘳𝘢𝘸, 𝘵𝘪𝘭𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘶𝘭𝘰 𝘢𝘵 𝘥𝘪𝘣𝘥𝘪𝘣 𝘢𝘺 𝘶𝘯𝘵𝘪-𝘶𝘯𝘵𝘪 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘥𝘪𝘯𝘶𝘥𝘶𝘳𝘰𝘨. 𝘔𝘶𝘬𝘩𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘳𝘢𝘸 𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘭𝘪𝘴𝘢𝘯 𝘴𝘢 𝘮𝘶𝘯𝘥𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰 𝘢𝘺 𝘯𝘢𝘭𝘢𝘭𝘢𝘱𝘪𝘵 𝘯𝘢, 𝘢𝘵 𝘮𝘢𝘢𝘢𝘳𝘪𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰 𝘯𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘯𝘢𝘩𝘰𝘯 𝘶𝘱𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘪𝘯 𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘱𝘪𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘰𝘵𝘰𝘩𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘺𝘰𝘯. 𝘚𝘶𝘣𝘢𝘭𝘪𝘵, 𝘯𝘢𝘱𝘢𝘬𝘢𝘩𝘪𝘳𝘢𝘱 𝘨𝘢𝘸𝘪𝘯.

𝘎𝘢𝘯𝘪𝘵𝘰 𝘯𝘨𝘢 𝘣𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘬𝘪𝘳𝘢𝘮𝘥𝘢𝘮 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘭𝘢𝘭𝘢𝘱𝘪𝘵 𝘯𝘨 𝘭𝘶𝘮𝘪𝘴𝘢𝘯? 𝘚𝘢𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵 katawatawa.

𝘈𝘯𝘨 𝘮𝘶𝘯𝘥𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰 𝘢𝘺 𝘯𝘢𝘱𝘢𝘬𝘢𝘭𝘶𝘱𝘪𝘵. 𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘵𝘢𝘯𝘥𝘢𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘢𝘯𝘥𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘭𝘢𝘢𝘭𝘢. 𝘈𝘯𝘨 𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵 𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘱𝘢𝘭𝘪𝘨𝘪𝘥 𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘪𝘯 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘺 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘯𝘢𝘪𝘴 𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘪𝘯. 𝘕𝘢 𝘵𝘪𝘭𝘢 𝘣𝘢'𝘺 𝘪𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘯𝘪𝘭𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘢𝘳𝘢𝘱𝘢𝘵-𝘥𝘢𝘱𝘢𝘵 𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭𝘪𝘯.

𝘛𝘢𝘮𝘢... 𝘕𝘪 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘨𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘵𝘪𝘯𝘶𝘳𝘪𝘯𝘨 𝘯𝘢 𝘵𝘢𝘰 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘢𝘰 𝘴𝘢 𝘮𝘶𝘯𝘥𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰. 𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘪𝘯 𝘯𝘢 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘯𝘴𝘪𝘯-𝘱𝘢𝘯𝘴𝘪𝘯, 𝘵𝘪𝘭𝘢 𝘢𝘬𝘰'𝘺 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬akadiring 𝘴𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘰 𝘥𝘶𝘮𝘪.

𝘈𝘩... 𝘛𝘶𝘯𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘯𝘨𝘬𝘰𝘵...

𝘚𝘢𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵 𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘭𝘪𝘵 𝘴𝘢 aking 𝘥𝘪𝘣𝘥𝘪𝘣 𝘢𝘺 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘱𝘢 𝘯𝘢𝘪𝘭𝘢𝘭𝘢𝘣𝘢𝘴. 𝘈𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘩𝘪𝘩𝘪𝘨𝘢𝘯𝘵𝘪 𝘢𝘺 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘰 𝘱𝘢 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘬𝘢𝘮𝘵𝘢𝘯. 𝘕𝘢𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘯𝘨𝘬𝘰𝘵 𝘯𝘢 𝘭𝘪𝘭𝘪𝘴𝘢𝘯𝘪𝘯 𝘬𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘶𝘯𝘥𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰 𝘯𝘢 aking 𝘯𝘢𝘭𝘢𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘯𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘺𝘰𝘯 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘨𝘥𝘪𝘥𝘪𝘸𝘢𝘯𝘨.

𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘣𝘢𝘭𝘪𝘬 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘪𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵𝘪 𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢...

𝘚𝘶𝘣𝘢𝘭𝘪𝘵 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘯𝘢 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘢𝘨𝘢𝘸𝘢 𝘳𝘰𝘰𝘯. 𝘔𝘢𝘳𝘢𝘩𝘪𝘭 𝘪𝘵𝘰 𝘯𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘰𝘳𝘢𝘴 𝘱𝘢𝘳𝘢 𝘴𝘢 𝘴𝘶𝘴𝘶𝘯𝘰𝘥 𝘯𝘢 𝘩𝘢𝘬𝘣𝘢𝘯𝘨...

𝘚𝘪𝘯𝘰 𝘣𝘢 𝘢𝘯𝘨 aking unang 𝘪𝘴𝘢𝘴𝘢𝘮𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘮𝘱𝘺𝘦𝘳𝘯𝘰?

Próximo capítulo