Nasa kalagitnaan ako ng pagpirma at pagbabasa sa ilang mga report ng bigla akong lukubin ng hindi maipaliwanag na kaba at takot. Wala sa sariling napahinto ako sa ginagawa at nasapo ang dibdib dahil sa lakas ng kabog niyon.
At dahil wala naman akong ibang maisip na dahilan ay isa-isa kong tinawagan ang mga kapatid ko upang alamin ang lagay ng mga ito. Na pare-pareho namang nasa maayos na kalagayan at nagtataka kung bakit ako nagkakagano'n.
Halos maestatwa ako sa kinauupuan ko ng mapagtanto ang dahilan ng hindi maipaliwanag na kaba at takot na nararamdaman ko.
"Alexander!"
"Liane!" Bulalas ko at mabilis na napatayo dahil sa pag-alingawngaw ng isang sigaw na nagmumula sa stock room.
At halos wala sa sariling tinakbo ang direksyong iyon. Nang matanaw ko ang nakasarang pinto ay hindi na ako nagdalawang-isip na banggain iyon para lang makapasok agad sa loob. Wala na akong pakialam kung maraming makarinig at makakita sa ginawa ko, ang mahalaga ay mapuntahan ko agad si Liane.
Nagtuloy ako sa likurang bahagi ng stock room ng hindi ko siya makita sa bukana. At halos magdilim ang paningin ko ng tumambad sa akin ang hindi kaaya-ayang eksena.
Kaya hindi ko na napigilang sumigaw at mabilis na lumapit sa mga ito at walang sabi-sabing hinila ang pangahas na lalaki at ibinalibag sa mga kahong nakasalansan sa direksyon ng pinto.