webnovel

Chapter 46: Breaking the rule

AZINE'S POV

"At ituturing niya na lang daw isang panaginip ang lahat simula ng nagkakilala kayong dalawa. Bro, 'yan ang huling sinabi sa akin ni Luna." Hindi ko maintindihan kung ano ang mararamdaman ko sa mga narinig ko mula kay Sky. Pare-pareho kaming natahimik. Ang alam ko lang ngayon nasasaktan ako. Kung sana may chance akong makausap si Luna kaya lang ay hindi pwede.

"Azine, maiwan ka muna namin may sundo lang kami ni Sky," paalam ni Cloud.

"Sige lang, bro." Nagkasenyasan pa ang dalawa at saka umalis na. Alam ko naman na gusto lang din nila akong mapag-isa at makapag-isip. Gustong-gusto ko talagang makausap si Luna.

Totoo bang ayaw niya na akong makita? Napahid ko ang luhang bumagsak sa aking pisngi. Ginagawa ko ang lahat para makabalik ako sa katawan ko pero kung wala din si Luna ano pa'ng silbi ng pagsasakripisyo ko?

"Azine." Napatayo ako at nagbigay galang kay San Pedro na na sa harapan ko na pala.

"Ano ang dinaramdan ng 'yong puso, Azine?"

"San Pedro, patawad po sa aking kahinaan."

"Hindi matatawag na kahinaan ang umiyak dahil sa babaeng iyong iniibig, Azine. Nami-miss mo na ba siya?"

"Ayaw niya na po akong makita, San Pedro. Gustong-gusto ko siyang makausap kaya lang ay hindi maari dahil malalabag ko ang kautusan. Sana lang hindi ko na ho muna ginusto na mabuhay pang muli kung mapapalayo naman ako sa kaniya ng ganito. Hindi ko na rin po alam ang nararamdaman ko."

"Sinusubok kang mabuti ng ating Panginoon, Azine. Alam kong mahirap ang mawalay sa taong iyong minamahal subalit gaya ng paulit-ulit kong sinasabi kailangan mong magtiis." Kailangan ko na namang magtiis. Hindi ko alam na ang buwan pala ay parang katumbas ng taon. Hindi ako makapaghintay. Nagpatuloy si San Pedro.

"Tandaan mo ang sasabihin ko, Azine. Mas makapangyarihan pa rin ang dikta ng puso at ang mga kaya nitong gawin kaysa sa iniisip ng utak at sinasabi ng bibig."

Dapat ko bang paniwalaan ang mga sinabi ni Luna o sinabi niya lang 'yon dahil nagtatampo siya sa akin? Galit kaya siya sa akin o nagsiselos siya kay Maxine?

"Madalas ang salita ng mga tao ay sadyang mapanakit kaya mainam na ang mga kilos nila ang 'yong paniwalaan. Anuman ang masasakit na namumutawi sa kanilang bibig kung iba ang dikta ng puso, iba ang ikikilos ng kanilang katawan. Azine, nawa'y naunawaan mo ang aking mga sinabi. Humayo ka at maging mas matatag pa. Malalagpasan mo rin ang lahat ng ito. Hanggang sa muli." Umalis na si San Pedro at naiwan akong nabigyan ng kunting pag-asa.

Magtitiwala pa rin ako sa'yo, Luna. Baka nga nasabi mo lang 'yon dala ng pagtatampo mo sa akin.

LUNA'S POV

"Nagpunta talaga dito si Arif?" si Paulo na nakaupo sa may harap bulaklak. Kanina pa tinatanong 'yan ni Paulo. Si Je naman ay nakatahimik lang at nagsi-cellphone habang nakahiga dito sa tabi ko. Nakasandal naman ako sa uluhan kasi nahihilo pa rin ako. Kakatapos lang nila akong pakainin ng tanghalian at painumin ng gamot.

"Oo na nga eh paulit-ulit talaga, Paula?" si Je.

"Tingnan niyo may evidence na agad." Ipinakita niya sa amin ang picture pala ni Arif mula sa page habang bitbit ang mga dalang pagkain at prutas kanina papunta na dito sa dorm. Aawardan ko na talaga ang mga reporter kuno na 'yan. Lahat na lang walang pinalampas na eksena.

"Oo nga, ano? Eh, bakit pinaalis mo agad, bakla?" Muling bumalik sa pagkakahiga si Je.

"Ano pa'ng gagawin no'n dito eh narito naman na kayong dalawa?"

"Kahit na, ano. Sana na-chika ko man lang si papa Arif."

"Huwag ka na ngang umeksena, bakla ka talaga." Natawa ako kay Je.

"Hmm... alam ko na kung bakit hindi mo masyadong ini-entertain si papa Arif. Kasi sa may-ari ng mahiwagang bulaklak na 'to ka in love, di ba?" Hindi kaagad ako nakasagot. Natigilan naman si Je sa pagsi-cellphone at tiningnan ng masama si Paulo.

"Nakalimutan ko lang isuli sa kaniya 'yan." Totoong nakalimutan kong ipasauli kay Sky ang bulaklak na 'to. Magkikita pa naman siguro kaming dalawa para maipabalik ko sa kaniya 'to. Hindi ko na lang pinansin ang senyasan nilang dalawa.

"Bakit, break na kayo ng tuluyan?"

"Hindi ka titigil bakla o lalagyan ko ng packing tape 'yang bibig mo?" si Je.

"Bakit ba nagtatanong lang naman ako eh. Curious lang ako kasi hindi ko man lang alam kung ano ba ang itsura ni Azine."

"Ako na ang magsasabi sa'yo na sobrang gwapo niya." sagot na rin ni Je. Hindi kasi titigil 'tong si Paulo sa katatanong hanggat may mga gusto siyang malaman.

"Palagay ko nga rin pero mas gagwapo pa ba siya kay papa Arif ko?"

"Kumusta na pala kayo ni Azine, Luna?" seryosong tanong ni Je na itinabi na ang cellphone.

"Wala namang meron sa amin ni Azine. Naghihintay lang siya ng pagkakataon para tuluyang makabalik sa katawan niya. At isa pa matagal na kaming walang komunikasyon ni Azine." Natahimik silang dalawa.

"Okay ka lang ba, bakla? Alam mo kahit hindi ka magsalita ramdam namin na malungkot ka, 'day. Miss mo na si Azine, ano?" Hindi talaga ako makapagtago ng nararamdaman sa kanilang dalawa.

"May chance ba sa'yo si Arif, Luna?" Napatingin ako kay Jedda.

"Alam naman natin na type ka ni Arif kaya sakali man na magtapat na siya sa'yo may pag-asa ba 'yong tao?" dugsong pa ni Je. Hindi kaagad ako nakasagot pero sa isa lang ako sigurado.

"Hindi ko alam." Kailangan ko pang malaman ang buong pagkatao ni Arif.

"Paano kung balikan ka ni Azine tutal wala pa naman kayong maayos na pag-uusap?" tanong ni Paulo. Tiningnan ko sila.

"Gusto ko na munang matulog." Nagkatinginan ang dalawa at saka nagpaalam na sa akin. Tinanaw ko 'yong bulaklak at saka napahinga ng malalim.

Ni hindi nga siya nagpapakita sa akin eh.

KINABUKASAN pumasok na ako dahil kaya ko naman na. Marami ko rin kasing subject ngayon. Kasabay ko si Paulo papasok pero nagkahiwalay na kami kanina. Ngayon ay naglalakad na ako papunta sa may prod. Doon kasi kami magkaklase ngayong first subject.

Malapit na ako sa may prod nang may nakita akong bata na kaluluwa hindi kalayuan. Nakatayo ito malapit sa may maliit na tulay dito sa mini. Nakatanaw siya sa akin at masamang nakatingin. Nakatingin lang din ako sa kaniya. Nangunot ang noo ko nang maya-maya ay senyasan niya ako na lumapit sa kaniya. Sinunod naman ng paa ko ang batang lalaki. Narinig ko na may tumawag sa akin pero hindi ko ito nilingon. Tuloy-tuloy lang ako sa paglakad papalapit sa bata na mataman pa ring nakatingin sa akin. Nang medyo malapit na ako sa kaniya ay bigla niya akong tinalikuran at naglakad papalayo. Nangunot ang noo ko pero sinundan ko na lang siya. Tumuloy siya papunta sa may swimming pool sa kabilang side nitong mini. Walang tao dito ngayon. Walang tubig 'yong pool kasi nilalamnan lang 'to kapag gagamitin. Malalim din ito kung susukatin hindi ko nga lang alam ang saktong sukat.

Nagpalinga-linga ako at hinanap 'yong bata pero hindi ko siya nakita. Nagpunta pa ako mas malapit sa may pool at nahinto dito sa may gilid niyon.

"Saan na 'yon nagpunta?" Maya-maya may naramdaman akong malakas na energy mula sa likuran ko. Saktong palingon sana ako nang maramdaman ko na may biglang tumulak sa akin papunta dito da pool.

"LUNA!" sigaw nila. Palaglag na ako sa pool nang may parang ilaw na humatak sa akin paitaas. Ibinaba niya ako sa gilid ulit ng pool Hindi ko siya nakita dahil hindi ito nag-anyong tao pero pakiramdam ko siya si...

"A-Azine?" Nanginginig ko pang tawag sa kaniya. Bigla rin kasing nawala ang liwanag nang maibaba niya ako sa gilid.

"Luna!" Napatingin ako sa nagsilapitan na sina Je at Liezel. Hindi ko nabanggit na magaling na siya ngayon.

"Diyos ko! Ano 'yong nangyari kanina?" takot at nag-aalalang tanong ni Je.

"Akala namin mahuhulog ka na mabuti na lang may... may tumulong sa'yo." si Liezel.

"O-Okay lang ako," nanginginig ko ring sagot. Muntik na ako doon. May biglang tumighim kaya pare-pareho kaming napatingin dito. Hindi ko mawari kung saan siya nanggaling.

"Ano'ng ginagawa ni Viel dito?" tanong ni Je.

"Hindi ko naman siya napansin kanina," naguguluhang sabat ni Liezel. Ako rin hindi ko rin siya nakita dito kanina. Napatingin siya sa amin at lumapit. Hindi pa rin ako nakakatayo dahil nanginginig pa ang mga tuhod ko.

"Ano'ng ginagawa niyong tatlo dito, okay lang kayo?" Halatang hindi naman sinsero ang pagkakasabi niya.

"Kanina ka pa ba dito, Viel?" tanong ko.

"Hindi naman kadaraan ko lang dito. Luna," Lumapit siya sa akin at inilahad ang kamay sa harap ko.

"Tulungan na kitang tumayo." Nagkatinginan lang sina Je at Liezel samantalang ako ay nakatingin lang kay Viel. Simula noong nakaraan napapansin ko na parang may kakaiba sa kaniya hindi ko lang alam kung ano.

"Kaya na namin siyang tulungan." Itinayo nila akong dalawa.

"Tara na." Tiningnan ko si Viel habang inilalayo nila akong dalawa.

Coincidence lang ba na nado'n si Viel?

AZINE'S POV

Wala kaming imikan nina Sky at Cloud habang pabalik sa Paraiso at kahit ngayong nakarating na kami. Biglang sumulpot si San Pedro na inaasahan ko na rin. Nagbigay galang kami sa kaniya at saka napatungo na lang.

"Alam mo kung ano ang konsikuwensya ng iyong ginawa, Azine. Nilabag mo ang isa sa mga utos na mahigpit kong ipinagbabawal sa iyo upang ikaw ay muling makabalik sa iyong katawan."

"Alam kong nagkamali po ako, San Pedro, pero alam kong mauunawaan ako ng Panginoon. Iniligtas ko lang si..."

"Isang tao. Kung gayong batid mo ang iyong pagkakamali kailangan mong humarap sa mga taga-hatol. Cloud, ihatid niyo si Grim Reaper Azine sa Purgatoryo ngayon din. Susunod na lamang ako sa inyo."

"San Pedro..."

"Ngayon din." Hindi na naituloy ni Cloud ang sasabihin. Napatingin sila sa akin.

LUNA'S POV

Tiningnan ko sina Jedda, Paulo at Liezel na walang imikan. Narito kami sa shed sa may tapat ng IT building. Napatungo ako.

"Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa sinabi niyong dalawa," basag ni Paulo sa katahimikan.

"Luna, ano ba talaga'ng nangyari kanina?" interesadong tanong ni Je.

"Papasok na ako nang may nakita akong isang batang multo tapos sinundan ko siya hanggang sa makarating ako sa may pool. Tapos bigla na lang may tumulak sa akin."

"Sino?" si Paulo.

"Nasa may tapat ka na ng prod nang tawagin ka namin ni Liezel pero hindi mo kami pinansin at tuloy-tuloy ka lang sa paglalakad kaya naisip naming sundan ka. Hanggang sa makita ka nga namin sa may pool pero saktong nakita ka namin na mahuhulog na sana," paliwanag ni Je.

"Pero..." Napatingin kami kay Liezel. "Hindi namin nakita kung sino ang tumulak sa'yo. Wala naman kasing ibang tao do'n, di ba?" pagpapatuloy niya.

"Maliban kay... Viel." si Je.

"Ibig sabihin posibleng si Viel ang tumulak sa'yo, bakla?" nagugulumihanang tanong ni Paulo.

"Hindi pa naman tayo sigurado eh. Malay niyo baka kaluluwa na may galit sa akin ang may gawa no'n," depensa ko.

"Sana nga kaluluwa pero kung si Viel GGSS uubusin ko talaga buhok no'ng chaka na 'yon," naiiritang sabat ni Paulo.

"Pero sino 'yong nagligtas sa'yo, Luna? Alam niyo kanina lang talaga ako nakakita ng live na gano'ng eksena." si Liezel.

Sino nga kaya siya?

"Si Azine ba, Luna?" Napatingin ako kay Je.

"Ay! In fairness, 'yong jowa mong multo ang nagligtas sa'yo." Binatukan ni Je si Paulo. Naguluhan naman si Liezel.

"Sinong Azine?" tanong niya.

"Ah! Kaibigan ni Luna," sagot ni Je. Napatango-tango lang naman siya.

"Hindi ko rin kung sino ang nagligtas sa akin." Natahimik na lang sila.

CLOUD'S POV

Pagbalik ko dito sa Paraiso naratnan ko pa rin si Sky.

"Ano na ang mangyayari?" nag-aalalang tanong nito.

"Hindi ko rin alam." Napabuntong-hininga siya.

"Dahil sa pagmamahal niya kay Luna sinayang niya ang pagkakataon niyang mabuhay muli. Alam naman natin kung ano ang ipaparusa kay Azine."

"Kausapin kaya natin ulit si San Pedro?"

"Para saan pa? Wala na rin siyang magagawa dahil nasa Purgatoryo na si Azine at nililitis." Napasalampak siya ng opo. Maya-maya bigla siyang napatayo na parang may naisip na ideya.

"Aalis muna ako."

"Saan ka pupunta?" Para kasing nababasa ko na siya.

"Kakausapin ko si Luna."

"Huwag mong gagawin 'yan, Sky."

"Kailangan ko siyang makausap. Bro, kung hindi kayang lumayo ni Azine kay Luna eh di si Luna ang palayuin natin kay Azine."

"Kabaliwan 'yan. At ano'ng dahilan ang sasabihin mo kay Luna, aber? Mas lalo mo lang paguguluhin ang sitwasyon."

"At ano tutunganga na lang ba tayo at walang gagawin para tulungan si Azine. Basta, kakausapin ko si Luna huwag kang mag-alala hindi ko naman sasabihin sa kaniya ang tungkol kay Azine." Naglaho na agad siya at malamang kay Luna ang punta nito.

SKY'S POV

Nakita ko si Luna sa isang shed kasama ang mga kaibigan niya. Nagulat siya nang makita ako kaya napatayo pa siya.

"Sky." Nagsitayuan ang tatlong kasama niya at tumago sa kaniyang likuran. Takot na takot pa ang mga ito.

"Luna, sino na naman ang kinakausap mo?" tanong nitong bakla na sa palagay ko ay si Paulo.

"Guys, kinikilabutan ako," sabat nitong isang babae na kaklase ni Luna.

"Sinong Sky, Luna? Bago mong friend na multo?" tanong ni Jedda. Kilala ko naman siya kasi palagi siyang kasama ni Luna.

"Grim Reaper siya," mahinang sagot ni Luna sa mga kasama.

"G-Grim Reaper? 'Yan ba 'yong... kumukuha ng kaluluwa?" takot na tanong nitong isang babae.

"Oo."

"Alis na ako, Luna." Nagtatakbo na si Jedda at ang kasama nilang babae. Napatingin ako kay Paulo na nanginginig pa.

"L-Luna, baka magalit sa akin 'yan tapos k-kunin ang kaluluwa ko. Babush!" Isang iglap lang nawala na siya sa paningin ko. Napailing na lang ako.

"Ano'ng ginagawa mo dito, Sky?" Napalapit ako sa may tapat ni Luna at naupo. Naupo na rin siya habang nakatingin pa rin sa akin.

"Luna..."

"Si Azine ba ang nagligtas sa akin kanina?" tanong niya bago ko pa maituloy ang sasabihin ko.

"Oo." Hinintay ko ang reaksyon niya. Bahagya siyang napangiti.

"Akala ko nakalimutan niya na ako. Nasaan si Azine ngayon, Sky?" Hindi kaagad ako nakasagot. Nawala naman ang ngiti sa labi ni Luna.

"Bakit... may hindi ba magandang nangyari?" Wala akong reaksyon.

"Luna, alam kong mahal mo si Azine kaya kung maari sana la..."

"Sky." Napatingin kami sa biglang sumulpot sa gilid ko.

"Cloud." si Luna na napatayo pa. Tiningnan niya muna ako saka kay Luna.

"Umalis na tayo, Sky."

"Sandali, ano ba'ng problema? Nararamdaman kong may itinatago kayo sa akin. May kinalaman ba 'to sa nangyari kanina?" Napatingin lang saglit sa akin si Cloud saka sinagot si Luna.

"Mas mabuti ng hindi mo alam, Luna."

"Gusto kong malaman," agad-agad na sabi ni Luna at medyo lumapit pa kay Cloud.

"Ano ba ang dapat kong malaman? Kung may problema man gusto kong tumulong." Walang sumagot kaagad sa aming dalawa ni Cloud.

"Hindi ka nakakatulong, Luna, lalo na kay Azine." Napatingin ako kay Cloud. Grabe naman 'yong sinabi niya. Napatingin ako kay Luna na natigilan din.

"Umalis na tayo, Sky." Naglaho na agad si Cloud. Hindi pa rin kumikibo si Luna. Naglaho na rin ako. Sinundan ko si Cloud na nagtuloy sa Paraiso.

"Nasaktan mo yata si Luna sa sinabi mo, bro." Hindi ako nilingon ni Cloud.

"Mas mabuti na 'yon kaysa naman magtanong pa siya ng kung anu-ano tungkol sa nangyayari kay Azine." Napabuntong-hininga na lang ako.

Alam kong nasaktan si Luna.

LUNA'S POV

Nakalipas na yata ang isang minuto ay nakatayo pa rin ako at hindi makakibo.

"Hindi ka nakakatulong, Luna, lalo na kay Azine."

Alam kong prangka si Cloud at nasaktan ako sa pagkakasabi niyang 'yon.

Hindi ako nakakatulong kay Azine?

Naramdaman kong may ilang butil ng luha ang bumagsak sa aking pisngi. Damang-dama ko 'yong sakit sa sinabi niya.

"Hey, Luna." Napatingin ako kay Arif na nakangunot-noo. Mas lumapit pa siya sa akin.

"Why are you crying?" Agad niyang pinahid ang nabasa kong pisngi. Mas naiyak naman ako lalo.

"It's okay, I'm here. Don't cry, Luna. I'm here, okay?" Namalayan ko na lang na niyakap niya na pala ako. Hindi ko na pinakailaman ang paligid kahit alam ko na marami ang nakatingin sa amin ngayon. Basta mabigat lang talaga ang pakiramdam ko ngayon at gusto kong umiyak.

Pabigat lang ba ako kay Azine?

__________________________________________________

Oh? Ang sad naman ngayon nadala ako😔

See you next chapter...

💙💙💙

Próximo capítulo