webnovel

Salamin - Chapter 23

Hindi pa lumilipas ang isang sandali at tumawag agad sa akin si Alice.

"Jasper, you should've accepted the offer! It's for your own good and I'm just concerned sa condition mo. It's the best thing I wanted to happen to you sa lahat ng kabutihang ipinakita mo sa akin. My parent's may have already killed me kung natulad ako kay Randy na uulit sa school." ang pagpupumilit niyang halata sa kanyang boses na walang pag-asang mapilit ako.

"Alice, kilala mo ko. Kung ayaw ko, ayaw ko. Hindi ko pa masasabi dahilan ngayon pero lubos talaga ako nagpapasalamat sa lahat. Napakabuti niyong mga kaibigan. Sapat na sa akin ang kalagayan ko ngayon. Hindi ko rin alam kung paano ako makikisama at mamumuhay na tulad ng sa inyo. Lumaking dukha ako't gusto kong umunlad sa sarili kong sikap tulad ng pangako ko kay nanay." ang pagpapalagay ko sa kanyang pinaiiral ang aking pride.

"Okay. I understand. Please keep this a secret from my boyfriend. It's going to be a surprise sana pero sabi ni tita they'll still wait for your answer and hope you'd reconsider their offer." ang habilin niya at ibinaba na ang kanyang tawag.

Lumipas ang bakasyon at nakatugtog rin kami sa ibang mga baranggay sa Las Pinas bilang resulta ng madalas naming pag-eensayo sa banda.

Hindi na ako humihiling ng malaking pera sa pagsali bukod sa ako'y lubos nang nahihiya sa kanilang lahat ay wala na rin akong dahilan upang mangailangan ng malaking halaga.

Sapat na ang ibibigay sa akin ni Mariah kung tutuusin sa pangaraw-araw kong gastusin sa pagbalik eskwela.

Parang nakikitira na lang ako sa ate ko mula nang umalis ako sa bahay at dahil sa nabago ng lubusan ang aking tahanan, ni isang bahagi nito ay walang nagpapaalala sa akin ng nakaraan maliban lang sa paligid kung saan ito nakatirik.

May dalawang palapag na ito ngayon kung saan bilyaran ang nasa ibaba at computershop naman ang nasa ikawlawang palapag. Wala na ang bakas ng tuluyang ginibang tahanang aking kinalakhan. Kasamang nabaon ang ala-ala ng aking pamilyang magkakasama na marahil ngayon sa isang masayang lugar. Nagbabantay pa rin sa akin.

Hindi ko pa rin maiwasang lumuha sa tuwing naaalala ko ang aking pamilya. Hindi ko mapigilan ang tumangis sa mga sandaling nahihirapan ako sa buhay na walang kapamilya. Pakiramdam ko ngayon, hinaharap ko na ang buhay ng mag-isa. Wala nang magulang na matutuwa sa aking mga natatamasa sa pag-aaral. Wala nang makikinig ng aking mga pinagdaraanan sa aking paglaki. Walang inang makikinig sa bahagi ng kwento ng aking buhay na akala ko'y aking nilihim sa kanya.

Ang aking pag-ibig ngayon, nasa iisang tao na lang. Si Rodel, na malayo mula sa aking tabi. Bagama't nakakausap ay wala pa rin akong mabigyan ng aking mga yakap at halik. Ganun din ang aking pangungulila na sana'y naibabalik niya sa akin. Tanging sa pakikipagchat ko na lang nailalabas at nararamdaman ang mga bagay na sana'y nagiging usapan namin ni Rodel bagaman alam ko sa aking sarili na puro pakikipaglaro lang ang aking ginagawa sa aking mga kausap.

Ang mundo ko'y puno na lang ng mga kaibigan, ang mga nariyan sa aking tabi sa kung ano man ang aking haharapin kahit na isa sa kanila ay mas matindi pa ang pangangailangan sa akin. Isang dahilan kung bakit nilalayo ko na ang aking sarili sa kanila ng paunti-unti. Sa mga nangyari sa akin nitong huli ay natanggap ko nang ako'y may kambal na kamalasan. Ayaw ko na may madamay pa. Ako na lang. Kahit alam kong mapapansin nila, pilit kong ginawa ang panlalamig sa aking pakikisama sa kanila.

Si Randy sa isang banda ay hindi ko masyado kinakausap. Nahihiya ako sa kanyang lubos sa mga nangyari sa pamamahay ni Mariah. Hindi ko alam kung sino ang dapat kong kampihan sa kanila. Higit sa lahat, sobra na ang nagawa niya sa akin at natatakot ako sa mga pwedeng maging kapalit nito. Ganyan naman silang mga mayayaman, kayang paikutin ang mundo ayon sa kanilang nais.

Biyernes, unang linggo ng aming pasukan sa San Beda at karamihan ay naka P.E. uniform pa. Sa pamiyar na mga silid-aralan kasama ko nang nakaupo ang magsing-irog kong mga kaibigan.

Katatapos lang ng aming huling klase at tulad ng dati ay hindi pa rin kami umaalis sa aming mga upuan. Naglabasan na ang aming mga kamag-aral subalit natira kami dahil sa ako'y di pa rin natatapos sumulat. Ang dalawa nama'y hinihintay ako habang naglalampungan. Hindi ko na iniintindi ang sa kanila sapagkat bukod sa nakakainggit ay pinipilit kong manabik lalo kay Rodel.

"Jasper, we still have practice for the band after this. Bukas na ng gabi ang show." ang pangungulit sa akin ni Alice sabay tawa habang kinikiliti siya sa tagiliran ng nanglalambing na si Randy.

"Saglit na lang. Kayo rin naman makikinabang dito sa sinusulat kong ito eh." ang sagot kong di lumilingon sa kanila't patuloy lang sa pagsusulat ng aming lecture kanina ayon sa aking pagkakaunawa.

"Tol, ano? Ready ka ba sa P.E. natin ulit? Kanina buti na lang nakatakas ka kay sir sa excuse mo." ang tanong sa akin ni Randy na sinabayan ng pagtawa ni Alice.

"Baka ibagsak ko na lang yung subject na iyon. Utak lang ang mayroon ako alam niyo naman yun pagdating sa palakasan hindi niyo na ako maaasahan. Patayin niyo na lang ako kung gusto niyo." ang sagot ko sa kanya.

"Relax tol, basketball lang yon. Kung gusto mo, ako naman ang coach mo para sa P.E. natin may kaya ka na sa paglalaro. Make Rodel proud by playing his game." ang alok niya sa akin sa matagal na panahon ay parang bumabalik na yung dating usapan naming nawala.

"Takot ka ba na baka hindi na kita turuan kasi tuwing practice na lang natin ako nagpapakita tapos hindi ako nagpapatagal pag katapos? Sorry tol, busy lang ako sa social life ko ngayon." ang sagot kong pikon sa kayabangang mayroon siya na sa mga anumang oras ay ilalabas nanaman niya tulad ng dati. Humalakhak si Alice ng malakas sa aking sinabi na parang si Kris Aquino lang.

"Friend, you call chatting your social life?! Come on! Please help yourself! Huwag ganon! Dami mo na nakaEB tapos niloloko mo lang sila kasi may Rodel ka na. Ano ba ginagawa mo sa buhay mo, friend?!" ang sinabi sa akin ni Alice na hindi ko sinagot.

"Hindi naman sa ganoon, Jasper. Gusto ko lang tumulong din sa iyo. Ikaw ang utak at ako naman ang lakas. Sayang kung babagsak ka at sa P.E. pa." ang sagot niyang nagmamalaki at tumawa si Alice matapos niya itong marinig.

"Babe, di bagay. Sa atin lang yun. Ako si Maganda at ikaw si Makisig!" ang kinikilig na sinabi niya sabay halik kay Randy.

"Bahala kayo sa buhay niyo. Maghanap nga kayo ng kuwarto at dun kayo magchukchakan! Patapos na rin itong sinusulat ko huwag kayong mag-alala." ang naiirita kong bulyaw sa kanila.

"Wala lang boyfriend mo dito para ka nang manang. Friend, relax! Inom tayo later if you want." ang panlalambing na malasakit sa akin ni Alice.

"Ayoko, gusto ko matulog ng maaga at may babasahin pa ako mamaya sa bahay." ang sagot ko sa kanya.

"Dami mong excuses. Sige na, ikaw na ang laging busy sa atin." ang sagot niya sabay tayo sa kanyang upuan upang mag-ayos na sila ni Randy ng kanilang gamit.

Saktong katatapos ko lang din magsulat kaya't nakahabol pa ako sa kanila sa pag-aayos. Habang naglalakad palabas ng silid ay nagpadala ako ng text message kay Rodel upang ipaalam lang sa kanya ang aking lagay bagaman sa mga oras na iyon na hapon sa atin ay mag-uumaga pa lamang sa kanila. Kahit sa gabi ko na lang natatanggap ang mensahe niya katag tulog ako ay ayos na rin sa akin, Tila pasko ang bawat gabi para sa akin dahil sa inaasahan kong makabasa tuwing paggising ng mga mensahe galing kay Rodel. Kung minsan, natataon na gising kaming pareho kaya't nakapaguusap kami ng saglit.

Agad kaming tumungo sa studio sa bahay ni Randy sakay sa bagong kotse ni Alice upang mag-ensayo kasama ang dalawang kapalit ng mga umalis sa banda. Tulad ng kinagawian, seryoso ang lahat sa kanilang ginagawa. Masasabi mong dibdiban na ang aming ginagawa sa larangan ng pagtugtog at pag-awit.

Sa gabing ito ay masyado kaming natagalan sa pag-eensayo dahil sa pressure na nalalapit na ang aming paglabas muli. Nakakalikom na kami ng magandang halaga at may isang maliit na pre-school na naipatayo ang aming nalikom at sa mismong baranggay ko ito itinayo.

"Sige guys, una na kami! Alice, pasabay naman kami palabas ng village." ang wika ng aming drummer na nahihiya.

"Sure manure. Ingat lang sa baggage ha, baka magasgasan si Posh." ang maarteng sagot niya habang siya'y nagliligpit ng kanyang base guitar.

"Jasper, pwede ako na lang maghatid sa iyo? Need you to teach me sa Algebra ulit eh. Nakalimutan ko na iyon." ang nahihiya niya sa aking sinabi na nagpainit ng kaunti ng aking ulo sapagkat may balak sana akong dumeretso sa computer shop para makipagchat.

"Tsk! Kailangan ba talaga, Randy? Pwede bukas na lang after ng palabas natin? May gagawin sana ako ngayong gabi eh." ang naiirita kong sagot sa kanya na napansin naman ni Alice kaya't siya'y napasimangot.

"Guys, mauna na kayo sa car. I need to speak with the boys." ang wika ni Alice upang hindi nila marinig ang aming pag-uusapan bagama't sa mga narinig na ng aming mga bagong kasamahan ay alam na nilang kailangan nilang hindi makinig.

Matapos lumabas ang dalawa ay hinabol ni Alice ang mga ito ng tingin sa labas ng pinto habang ako'y abalang nag-aayos ng piyesa ng aking tinutugtog at si Randy nama'y isinasara na ang zipper ng lalagyan ng kanyang electric guitar.

"Jasper, please. Alam mo naman medyo mas mahina pa sa akin si Randy ko kaya kailangan niya. I went through it all kaya nakalamang na ako sa kanya. Please think of him like me nung una tayong nagkakilala. He just don't have a study habit like I learned from you." ang pakiusap niya sa akin para kay Randy. Bumuhos ang aking luha ng hindi ko inaasahan nang biglang may lumabas sa aking dibdib na nakatagong poot na akin palang kinimkim.

"Alam mo ba kung bakit ayaw ko?! Kasi hindi ko maikakailang galit siya sa mga kauri ko. Kung di niyo ko kilala at di ako matalino, baka isa na ako sa mga pinagtitripan ng boyfriend mo noon na nanonood sa kanila habang naglalaro sila ng basketball. Ngayong alam mo na Randy kung ano ako, hindi ko na alam kung paano makikitungo sa iyo." ang nanginginig kong sinabi sa kanilang dalawa habang ipinupukpok ang folder ng aking piyesa sa nakabukas pa rin na keyboards.

Natulala silang dalawa sa aking mga sinabi at nanatiling nakatingin lang sa akin ang kanilang mga gulat na mga mata.

"Pangalawa, masyado nang magulo buhay ko ngayon hindi ko alam kung saan ako magsisimula! Sinagot ko na si Rodel pero parang wala lang din. Sa bawat araw na lumilipas parang halos hindi na kami magkausap man lang! Sobrang nangungulila na ako sa kanya at naiinggit ako pag nakikita ko kayong dalawa. Patawarin niyo ko pero ngayon ko lang dinadanas kasi lahat ng ito." ang dagdag ko pa sabay bitiw ng aking hawak at bumagsak ito sa sahig.

Lumapit sa akin agad si Alice at hinaplos ang aking lukuran habang ako'y humahagulgol sa pag-iyak.

"Pangatlo, wala na akong pamilya kung di ko uunahin ang sarili ko paano na ako? Hindi ko na alam gagawin ko ngayon! Alice, Randy, gulong gulo na ako sa sarili ko at sa buhay ko gusto ko muna mapag-isa pero hindi ko alam kung dapat kong gawin ito. Pakiramdam ko nag-iisa na ako sa mundo. Marami akong pinagdaanan pero ngayong wala na ang nanay ko hindi ko alam kung kakayanin ko pa ang mga susunod na dadaan sa buhay ko." habang pinupunasan ko ng mariin ang aking mga mata mula sa mga luhang pumupuno sa aking namumula nang mukha.

"Malaki ang utang na loob ko sa inyo lalong lalo na sa iyo Randy. Napakabait niyo sa akin kaya't hiyang hiya na ako. Tapos hinipuan ka pa ni Mariah sa bahay nila nung unang gabi ng pasiyam ni ina. Hindi ko alam kung kanino ako dapat magalit kung pareho kayong naging mabuti sa akin. Sinisisi ko sarili ko sa lahat dahil parang puro kamalasan na lang nangyayari sa akin at sa mga taong nakapaligid sa akin. Pakiramdam ko wala akong magawa kaya ayoko nang kumilos pa. Kahit ang tumulong ayoko na rin." ang huli kong dinagdag sa aking mga sinabi na pinakinggan naman nilang maigi.

"Oh my dear friend, Jasper. You've taken too much burden in you. Nagkimkim ka na masyado sa sarili mo ayan nagbreakdown ka na tuloy. Mauuwi yan sa depression sige ka. We've talked almost everything under the sun na bakla ka tapos eto hindi man lang natin pinag-usapan. Nga pala, malalagutan sa akin yang Mariah na yan sasabunutan ko yun kaya itago mo siya sa panigin ko kundi maghahalo ang balat sa tinalupan." ang pabiro niyang pahabol sa akin pilit akong pinatatawa.

"Wala kasi. Alice, hindi ko kasi tipo yung kung kani-kanino na lang sinasabi yung problema ko. Isa pa, you're a jolly diva kaya't hindi ko maiiisip na may tenga ka para sa ganung mga bagay kung kailangan ko man may mapagsabihan. Lahat kayo, may sariling mga problema at ayaw kong dumagdag pa sa iniisip ninyo." ang sagot ko sa kanyang kunwari'y nagmamaktol na bata.

"That's what friends are for, Jasper. You know naman na I'm different from our classmates na babae. Don't blame yourself na. Ikaw na nga itong kinukulit kong ampunin nila ti..." at naputol si Alice sa kanyang sasabihin nang maaalalang hindi alam ni Randy ang tungkol dito. Agad nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkabiglang marinig ang kanyang sarili at agad na tinapik ang kanyang mga bibig. Nagulat naman akong buhay pa rin pala ang pakiusap sa akin ng ina ni Randy.

Ilang araw ko itong pinag-iisipan bagama't magandang pagkakataon iyon para sa akin na gugustuhin rin ng aking namayapang pamilya para sa akin. Pinipigilan lang ako ng aking damdamin bagama't takot din akong pumasok sa mundo ng mga tulad nilang may kaya.

"Sino aampon kay Jasper?!" habang tuwang-tuwa ang walang kaalam-alam na si Randy.

"Wala na yun, yung taga DSWD sana pero... Yaan mo na iyon babe!" ang palusot ni Alice.

"Goind back to you, Jasper. Tama na ang drama. Kaya mo yan at di ka nag-iisa." ang agad na pagpapalagay sa akin ni Alice upang umiwas na ng tuluyan usapin tungkol sa aampon sa akin.

"Sige na nga, pero uwi muna ako sa bahay para makapagpalit. Nangangati na ako sa jogging pants ko. Matagal ko na kasi hindi nasuot buong bakasyon kinapitan na yata ng mga surot sa aparador sa bahay ni Mariah." pagpayag kong may pilit na mga ngiti.

"Babe, can you take him? I really need to catch on my beauty sleep for tomorrow's performance." ang pakiusap niya kay Randy sabay tango lang nito sa kaniya tila nanatiling nag-iisip tungkol sa kung sino ang aampon sa akin.

"Beauty sleep ka pa rin? Tugtog at kanta natin papanoorin nila hindi yung kagandahan mo." ang pang-aasar ko sa kanya.

"Wala akong boses kaya hinihila ko na lang audience sa itsura ko no. Huwag ka ngan epal, Jasper." ang naasar niyang sagot sa akin na aming tinawanan ni Randy.

Nagpaalam na si Alice agad sapagkat naghihintay na at marahil ay inip na ang dalawa naming nakikisabay sa kanya sa paglabas ng village sapagkat malapit lang sa gate ng Ayala Alabang ang tahanan nila Alice.

Kami ni Randy ay naiwang hindi nag-uusap habang nagliligpit. Ako'y nagiisip ng malalim at siya'y ganun rin ngunit magkaiba ang aming mga dalahin sa mga oras na iyon.

"Jasper, tara na. Daan na muna tayo sa inyo. Hintayin na lang kita dun sa kanto niyo ha? Ayokong makita si Mariah eh. Pasensiya na kung naging ganun pala ang lahat sa iyo. Sorry, kung tinamaan ka. Pasensiya pero hindi ko rin kayang patawarin si Mariah sa ginawa niya sa akin. Nabastos kasi ako." ang nahihiya niyang pambasag katahimikan sa pagitan namin.

"Okay lang. Nauunawaan ko. Sorry din ha? Umabot pa sa ganito. Pero bakit ako napatawad mo kahit wala akong patunay na hindi kita ginagapang nung umagang magising ka na nakapatong kamay ko sa ano mo?" ang sagot kong may paabol na pabirong tanong habang natatawang pigil na inaayos ang cover ng keyboards.

"Mas mukhang katiwa-tiwala ka naman kasi Jasper sa itsura mo pa lang. May kredibilidad ka at wala sa itsura mo yung gagawa ng ganun? Kung ginagapang mo nga ako nun, hindi ka ba natuwa alam mo na kung gaano ito kalaki at gaano ito katigas tuwing umaga?" ang pilyo niyang sagot sa akin.

"Sira ka talaga, Randy. Prang sinabi mong mukhang manyak si Mariah. May kailangan ka lang sa akin kaya mo nasasabi yan." ang pabiro kong sagot sa kanya na sinimangutan naman niya.

"Sorry na." ang panunuyo ko sa kanya matapos ang ilang saglit na katahimikan ngunit hindi niya ako sinagot.

Nangnatapos kami ay binitbit ko na ang aking mga gamit at nang makita niya na ako'y nakapag-ayos na ay pinasunod na lang niya ako tungo sa kanyang kotse. Hindi kami nag-usap hanggang sa makarating kami sa kanto ng aming lugar.

Bumaba ako ng kotse ngunit bago ko pa ito maisara ay agad itong pinigil ni Randy.

"Bilisan mo ha? Dun na tayo kumain sa bahay. Kung gusto mo magshower dun na lang din. Magpalit ka na lang ng pambahay ha?" ang pahabol na pautos na mga tanong niya sabay sara ng pinto ng hindi pinakikinggan ang aking sasabihin.

"Galit nga ang kumag." ang wika ko sa aking isipan sa pagkabigla sa kanyang ginawa.

Habang ako'y naglalakad pauwi sa madilim na eskinita ay nakunsensiya ako sa aking mga nasabi kay Randy.

"Nagtampo na yata si Randy sa akin. Ayaw naman niyang tanggapin paumanhin ko. Nakakainis naman! Kanina ang ayos na ngayon eto nanaman per ako na talaga ang dahilan." ang inis kong sinabi sa aking sarili.

Sa di kalayuan ay naririnig ko na ang malakas na ingay ng videoke at ang kagimbalgimbal na boses ng kumakantang si Mariah na pilit inaabot at ginagaya ang awitin ni Regine Velasquez na "Dadalhin".

Napatakip ako ng aking mga tenga habang ako'y palapit na sa tahanan ni Mariah. Sa mismong tarangkahan ay dama ko ang dagundong ng ingay ng videoke sa aking balat at dibdib. Parang kukong kumakamot sa blackboard ang boses ng aking kaibigan na pumupunit sa mga pilit nang itinatagong mga tenga gamit ang aking mga palad.

"Mariah! Ano ba?! Gabi na! Magpatulog ka naman ng mga kapitbahay!" ang sigaw ko habang ako'y naglalakad papasok sa pintuan ng bahay at magkasalubong ang mga kilay sa pagkarindi.

Inabutan kong nakakandong si Mariah kay Abet at tila silang dalawa ay lasing na. Si Abet ay nakahandusay na nakasandal sa sofa habang nagyoyosi at kalong ang lahat ng bigat ni Mariah.

"Kadiri. Buti hindi nalulumpo boyfriend nito." ang sabi ko sa aking sarili habang pinanonood sila. Napalingon si Mariah sa aking banda ng maramdaman ang aking pagdating.

"Ay! Andiyan ka na pala! Kumain ka na! Nagtira kami ng ulam at kanin sa hapag. Sali ka sa amin kung gusto mo." ang lalasing-lasing na bati niya sa akin habang ako'y napapakamot sa aking leeg na pinakikinggan siya.

"Buti na lang na doon ako kina Randy ngayon. Para pag balik ko mamaya tumba na mga ito." ang sabi ko sa aking sarili habang tumatango at may pilit na ngiting ipinapakita kay Mariah habang siya'y nagsasalita.

Agad kong ibinaba ang aking mga gamit sa aking silid bago maghilamos. Sa pagmamadali ay nakalimutan kong alisin ang aking brief at nakapagbuhos na ako ng tatlong beses ng tubig sa aking buong katawan bago ko pa ito mapansin. Bukas pa lang ako maglalaba ng aking maruming damit at nabasa ko pa ang huli kong panloob na salawal. Hindi ko na lang napigilang umiling ng paulit-ulit sinisisi ang aking sarili habang nililinis ang aking sarili.

Wala akong nagawa kundi ang magsuot ng pambahay na natira sa aking cabinet nang ako'y magbihis.

Padaan na ako sa sala upang umalis. Hindi ko napigilan ang aking sariling takpan muli ang aking tenga sa lakas ng ingay at alingawngaw ng karimarimarim na tinig ni Mariah na inaawit naman ang isa pang kanta ni Regina Encarnacion Ansong Velasquez na "On The Wings Of Love".

"Hoy! Bakit nagtatakip ka ng tenga?! Kaw bata ka maganda naman boses ko ha!" ang bulyaw ni Mariah sa akin habang nakatapat ang mikropono sa kanyang bibig matapos akong mapuna.

"Malakas lang masyado yung volume. Sige lang kanta ka lang. Maganda boses mo pero hinaan mo yung volume basag kasi yung tunog di na yata kaya ng speakers." ang palusot ko.

"Ah ganun ba? Yaan mo na yan! Maganda naman ang boses ko eh." ang sagot niya't di ko napigilang ngumiti sa tuwa na naloko ko siya.

Nagmadali na akong lumabas upang makatikim na ng katahimikan at matunton na agad ng kanina pa marahil naiinis na si Randy.

Binuksan ko ang pinto ng kanyang kotse at umupo sa kanyang tabi. Hindi niya ako nilingon at nang maisara ko na ang pinto ay agad niyang pinatakbo ang kotse. Halata sa kanya ang pagkainip at pagmamadali dahil sa mabilis niyang pinaandar ang kanyang kotse tungo sa kanila. Hindi kami nag-usap buong biyahe.

Pag pasok sa kanyang silid ay hindi ko na napigilan ang aking sariling makunsensiya. Tumungo siya sa kanyang aklatan at ako naman'y naupo sa ibabaw ng kanyang kama.

"Randy... Sorry." ang nahihiya kong sinabi sa kanya habang nakatingin sa sahig at nakayuko ngunit hindi siya sumagot.

Dama ko na lang ang kanyang paglapit sa akin hanggang sa makita ko ang kanyang mga paa't nayapak na sa aking tinititigan. Pabagsak niyang ihinagis ang kanyang mga aklat sa aking tabi na kumuha ng aking pansin.

"Galit talaga ito sa akin." ang nasabi ko sa aking sarili habang tinitignan ang binagsak niyang mga aklat.

"Hmph! Tatampo ako sa iyo." ang sagot niyang parang bata at napatingin ako sa kanya dala ang lungkot sa aking mga tingin na sana'y patawarin niya ako.

"Sorry na tol. Ano gusto mo? Kahit ano gagawin ko." ang pagsusumamo ko sa kanya.

Próximo capítulo