TAPOS na silang kumain ng dinner. Si Nato na ang nagpresintang maghugas ng pinagkainan kaya iniwan na nila ito roon. Si Naneth ay tumambay muna sa sala at piniling manood ng isang teleserye. Si Apollo ay mahihiga na raw kaya nauna na itong umakyat. Sumunod din si Nazmiya. Inaatake na naman kasi siya ng sakit ng puson. Nahiga agad siya at pabaluktot ang paghiga. Papikit pa lang ay may kumatok na sa pintuan. Mahina lang naman iyon at hindi na nasundan pero bumangon pa rin siya dahil alam niyang hindi iyon si Naneth. Sa marahang mga hakbang ay narating din niya ang pinto at nabungaran ang bagong ligong si Apollo.
"Pahingi ako ng ano, 'yong ano..." ang salitang hindi nito maituloy-tuloy. Sumilip muna ito sa hagdan bago muling humarap sa kanya. "A-alam mo na 'yon."
Natawa siya. Hindi nga lang niya katulad ng normal na tawa dahil may bubulwak kung gagawin niya iyon. Isang pinakaayaw niya kapag buwanang dalaw.
"Nasa closet. May drawer diyan. Unang layer," aniyang itinuro ang lalagyan niya ng damit.
Tumuloy na nga si Apollo sa loob. Naghalungkat ito roon at nahanap nga ang unang drawer. "Bakit ka naligo? Bawal di ba?" usisa niyang lumapit na rito.
"Warm naman ang tubig na ipinampaligo ko. Ayoko ng malansa," pagtatapat nito at ipinakita ang dalawang pads sa kanya. "I think it's enough for the whole night. Thanks," at saka dire-diretsong lumabas.
"Apollo, saglit!" nang makalabas na ito ay pigil niya.
"Bakit? Gusto mo ng ginger tea?" Sumilip pa ang ulo nito at tila naaliw pa ng mga sandaling iyon.
"Yes, please." Hindi naman talaga iyon sasabihin niya pero dahil babalik pa naman ito ay iyon muna.
"Got it! Wait mo ako, okay?"
Nakangiti siyang bumalik ng higaan. Nagtalukbong lang siya nang kumot nang makarinig ng mga yabag.
"Miya... tulog ka na? Hindi mo ako hinintay."
Narinig niya ang paglapag ng tasa sa side table. At pagkatapos naramdaman niyang ang pag-upo nito sa kama niya.
"Hey, Miya huwag kang magtulug-tulugan. Alam kong gising ka pa. Mag-usap tayo. Huwag kang magkunwaring wala kang alam sa pagkatao ko. Kahit man lang malaman ko kung naiilang ka ba o hindi."
Napabangon siya. Ang bagay na iiniwasan niyang pag-usapan ay ito na mismo ang kusang nagbukas.
"Inaalam mo kung naiilang ako? Para sabihin ko sa 'yo, hindi kita itinuring na babae kahit na nalaman ko na ang totoo. Sa washroom. Kanina. Ano naman? Kahit ganyan ang nakasanayan mo wala akong pakialam doon."
"Pero matagal ko kayong niloko. Hindi ka ba nagagalit?"
Umiling siya. "Bakit naman ako magagalit? Ipagpalagay nating may alam din ang magkapatid sa tingin ko ay tulad ko rin silang hindi ka huhusgahan. At isa pa, para sa akin isa ka sa pinakaguwapong--- oh God!"
"T-talaga?"
Sunud-sunod ang pagtango ni Nazmiya. "At... gusto kita sa kung ano ka. Wala akong pakialam kung mas malaki boobs mo o lalaki ang gender na gamit mo. Gusto kita dahil ikaw si Apollo. Gusto kita bilang ikaw!"
Nagpigil ng ngiti si Apollo. Tumayo ito at tinakbo ang pinto dahilan para sumimangot si Nazmiya.
"Ang daya naman! Ang dami ko nang sinabi tapos---" nahinto siya sa pagsasalita kasi narinig niya ang pag-click ng seradura.
"Dito ako matutulog ngayon."
Sumampa ito sa kama niya at humiga sa kabilang side.
Sa ginawi nitong iyon para siyang kinapos ng hininga. Napagdiskitahan tuloy niya ang hinanda nitong tsaa. Sunud-sunod iyong nilagok hanggang maubos. Pagsulyap niya ay nakapikit na si Apollo.
Paano niya kaya ito ipapaliwanag kay Naneth? Mariin niyang nakagat ang ibabang labi. Kilala niya pa naman ang ugali ng kaibigan. Mag-uusisa ito nang todo hanggang sa magkuwento siya. Pero aaminin niyang sa mga sandaling iyon ay masarap sa pakiramdam na si Apollo naman ang katabi niya ngayong gabi.
NAKARIRINDING katok ang nagpagising kina Apollo at Nazmiya. Sabay silang nag-check ng oras sa selpon at nang makitang alas otso na ng umaga ay natataranta silang bumangon. Nagtulungang ayusin ang higaan. Pinantay. Saka parehong uminat papuntang pinto. Gulat na mukha ng magkapatid ang nabungaran nila. Si Naneth ay agad hinila si Nazmiya at in-examine ng tingin. Si Nato naman ay matatalim ang titig na ipinukol kay Apollo.
"Anong ginawa mo kay Miya?"
Napakamot sa batok si Apollo. "Ano bang iniisip mo? Parehong kaming dinudugo," patay-malisyang sagot nito at pumasok na sa sariling silid.
Napatiim-bagang na lang si Nato.
"Neth! Maniwala ka. Wala kaming ginawa."
"Natulog lang? Magdamag iyon. Nakatulog lang ako sa sofa kaya di ko ako nakabalik sa kuwarto natin."
Napakamot sa ulo si Nato. Para kasi nitong nililitis ang babaeng itinatangi kaya naman pumagitna na siya. "Neth, tama na, may bisita siya. Sige na, Miya gawin mo na ang dapat gawin kasi may naghihintay sa 'yo sa baba."
Masunuring tumango si Nazmiya. Bumalik na siya kuwarto at pagkalabas ay bagong suklay na. Wala na roon ang magkapatid. Ang nakaawang na lang na pintuan ng silid ni Apollo ang umagaw ng pansin niya. At mula roon naririnig niya ang lagaslas ng tubig. Balak niya sanang sumilip pero nagpigil. May tao pa kasi siyang kailangang harapin.
"Miss Nazzy!" bati ng unipormadong lalaki.
"Secretary Khan, what are you doing here?"
"I stop by just to inform you about this house."
"Sana itinawag na lang ni Mommy," aniya. Limang oras din kasi ang pagitan ng Turkey sa Pinas kaya nasabi niya iyon.
"So, what about it?"
"This place is already yours."
Nanlaki ang mata niya. "Really?"
Tumango ang lalaki at inabot pa itong maliit na notebook sa kanya. Hindi niya mapigil ang mapangiti nang mapagtantong passbook iyon. May nakaipit pang atm card at sticky note.
Nazzy,
Do you like my surprise? Isa ang dad mo sa investor ng ipapatayong resort kaya noong nagpatawag ng board meeting naisali ko sa usapan iyang bahay. Stay in touch.
Love,
Mom
Tinupi niya iyon at ibinulsa. Pinigil niyang huwag tumili. Masayang-masaya siya.
"By the way, Miss Nazzy. Can I go now? I have a flight at nine o 'clock?"
Nakangiti siyang tumango. "Okay, Mr. Hardworking. Thanks for the good news."
Sumaludo lang ito sa kanya na ikinatawa niya.
"Ako nang maghahatid sa kanya, Miya," sulpot ni Nato na tinanguan naman niya.
Pagkaupo niya ay doon siya nagpapadyak sa sobrang tuwa. Pinaghalik-halik pa niya ang passbook at atm card.
"You are easy to please, huh." Si Apollo iyon. Bagong ligo.
"Naligo ka na naman!"
"A, maghahanda na pala ako ng agahan," pag-iwas nito at mabilis nakaalis sa harap niya.
Ilang sandali lang humabol na siya rito.