webnovel

Kabanata 11

-------------------Mayo 31, 1895------------------

Tahimik at palihim kong tinitigan ngayon ang nakangiting mukha ni Georgina na nakaharap sa aming lahat. Isang ngiti na buhay na buhay na tila walang iniindang suliranin. ngunit tila hindi napapansin ng iba ang galos at pasa niya sa mukha na tinakpan lamang ng makapal na kolorete.

"Mabuti naman at ikaw ay napadalaw rito, hija," wika ni Don Faustino.

Narito kami ngayon sa salas, kmi rin ay pinahintulutan ng gobernadorcillo na magpahinga muna at makipagkwentuhan kay Georgina na nawalay sa amin ng mahigit isang buwan.

"Oo nga po, e," tugon niya. Iginala niya ang kanyang mga mata hanggang sa mapadpad ito sa akin. Ang magandang ngiti na kanyang suot-suot kanina ay unti-unting nawawala at napalitan ng isang simpleng ngiti. Ang kanyang mga mata ay tila nangungusap na para bang sinasabing 'mag-usap tayo mamaya.'

Ako ay napatingin sa ibaba nang putulin niya ang aming pagtitinginan. Dahan-dahang sumisibol ang kaba sa aking dibdib nang makita ako ang sapatos ng isang guardia sibil na kasama ni Georgina bilang tagapagbantay.

Napailing na lamang ako sa aking naiisip. Sadyang sinisiguro ng heneral na iyon na hindi makatatakas ang babaeng kanyang inaapi.

"Anak, nais mo bang kumain? Ipaghahanda kita," turan ni Ginang Josefa. Hindi maikakaila sa kanyang mukha ang matinding pangungulila sa bugtong na anak na kanyang pinagkakaingat-ingatan ngunit pinagbubuhatan lamang ng kamay ng heneral.

"Hindi na ho, Ina, busog pa naman po ako. Ito nga po pala ako ay may dalang munting regalo para sa iyo. Iyan po ay gawa ko." Kinuha niya mula sa kanyang maliit na lalagyan ang isang pulseras na yari sa makapal-kapal na sinulid na pinaghalong kulay lila (violet) at puti. "Ito po ay aking tinahi. Mabuti nga po at natapos ko kahapon." Sinuot niya ito sa kanang pulsuhan ng kanyang ina at niyakap nang mahigpit.

Tumulo ang luha ng mayordoma pagkayakap sa kanya ngunit hindi mawawala ang matamis na ngiti. "Naibigan ko ang iyong regalo, anak. Maraming salamat." Humiwalay siya rito sa pagkakayakap. "Akala mo ba ikaw lamang ang may regalo?" Inilabas nito ang isang maliit na kahon na naglalaman ng koloreteng ipinag-utos niya sa akin noon.

natatawa namang tinanggap ito ni Georgina habang tumutulo ang luha. "Anak mo nga akong tunay, Ina. Batid mo kung ano talaga ang aking hilig. May idadagdag na naman ako nito sa aking koleksyon! Mas lalo akong gaganda at baka sa susunod na araw o buwan ikaw ay magkaroon na ng apo, Ina! Haha!" Humlakhak ito tulad ng kanyang kinaugalian. Malakas na halos umalingawngaw na sa salas. Maging ang iba ay napatawa na rin sa kanyang biro maliban lamang sa akin.

"Bakit, Georgina, ikaw ba ay may napupusuan na sa palasyo ni Heneral Cinco?" Halatang umuususyo ang tinig ni Magdalena na kinagat naman ng aking mga kasama. Sila ay tila kinikilig sa kanilang naiisip.

"O baka naman ay nagkakamabutihan na kayo ng heneral?" segunda naman ni Cloreta.

Ang malakas na tawa ni Georgina ay dahan-dahang nawala at napaitan ng isang malungkot na ngiti. "H-Hindi. Nagkakamali kayo ng iniisip. W-Walang namamagitan sa amin." Napadako sa akin ang kanyang tingin at napansin ko ang pamumula ng kanyang mga mata.

Talagang imposible ang kanilang iniisip. walang puso at hindi tao ang heneral na iyon s akanyng ginawa sa aking kasama. Kung mayroon lamang akong lakas na loob na sabihin kay Don Faustino ang lahat baka sakaling matulungan niya ito. Ako ay napalingon kay Don Faustino na nakikipag-usap sa mga guardia sibil na kasama ni Georgina.

"Hinaan niyo ang inyong mga tinig baka kayo ay marinig ng mga guardia sibil. Malaking kalapastangan ang inyong mga sinambit. Maaari pa kaying mapahamak o mas katakot-takot ay patayin," suway ng mayordoma sa kanila.

"Hindi naman sila nakakaintindi ng ating salita, Ginang Josefa, kaya ayos lamang po iyon. Bueno, Georgina, ikaw ba ay may nobyo na roon?"

"Ano ba ang inyong mga sinasabi? Maghulos-dili nga kayo. Trabaho ang tungkulin roon ng aking anak hindi ang paghahanap ng kasintahan."

Ako ay muling tumingin sa kanila. Tumamihik sila kasabay ng mahina nilang pagtawa at pagsulyap sa isa't isa. Samantala, tumabi naman sa akin si GeorginA at ngumiti. "Ano na, Emilia? Kumusta ka na?" Pilit niyang pinapasigla ang kanyang tinig dahil batid niyang mayroong nakikinig at nanonood sa kanya.

"Ayos lamang. Humihinga pa naman." Mabuti naman at hanggang ngayon ay humihinga ka pa rin, Georgina. Hindi mawala sa aking isipan ang tinuran ng mayordoma kanina. Ako ay nakakaramdam ng takot na baka isang araw ay hindi magdalawang-isip na patayin siya ng heneral.

Naramdaman ko ang pangangalabit sa akin ng lalaking nasa aking likuran. Si Ginoong Severino.

"Pamilyar ba sa iyo ang mukha ng isang guardia sibil na nasa gilid ng pinto?" bulong niya. "Hindi ba't iyon ang lalaking nagbuhat sa iyo ng kamay?" Palihim niyang itinuro ito kaya't aking tinitigan.

"Bakit, Emilia? Ikaw ay pinagbuhatan ng kamay ng guardia sibil? Kailan?" mahinang tanong ni Georgina sa akin. "Ginoo, bakit ano pong nangyari?"

"Oo noong araw ng pista. Nakita ko na lamang na siya ay sinakal ng guardia sibil na iyan. Sarap ngang suntukin, e, ngunit ayaw ko lamang ng gulo lalo na't tauhan siya ni Heneral Cinco."

"Mga walang puso talaga," nanggagalaiting sagot niya.

"Sigurado ka bang ayos ka lamang doon? Hindi ka ba nila sinasaktan? Kung mayroon ka mang problema huwag kang magdalawang-isip na padalhan ako ng liham dahil hindi rin ako magdadalawang-isip na ikaw ay tulungan, Georgina."

"M-Maraming salamat po, Ginoong Severino."

"Walang anuman. Pamilya tayo rito."

Ako ay muling lumingon kay Georgina na ngayo'y nakangiti habang namumula ang mga mata. Nang mapansin niyang ako ay nakatingin sa kanya, siya rin ay tumingin sa akin at binigyan ako ng isang ngiti.

****

"Sa ikalawang palapag, sa bandang kanan narito ang pinto na nasa bandang dulo na maaari niyong pasukin na hindi kayo makikita ng mga tao. Pagkalabas ninyo, bubungad sa inyo ang isang mahaba-habang pasilyo at ang ikalawa sa pinakahuling silid, doon ako ipinapasok ng mga guardia sibil matapos kong sumayaw," paliwanag niya sa akin kasabay ng pagguhit upang ilarawan ang istruktura ng bahay-aliwan na aking pinuntahan noong mga nakaraang linggo.

"Sa ikalawang beses na pagbilog ng buwan, ako ay pupunta roon upang tulungan ka," sambit ko. Hindi ko pa maaaring sabihin sa kanya ang kabuuan ng plano.

"Itago mo ito upang maging gabay mo. Natatakot ako para sa iyo, Emilia." Kumukurap habang nangingilid ang mga luha ang kanyang mga mata. Hinawakan niya rin nang mahigpit ang aking kamay at sandaling lumingon sa paligid. "Mabuti na lamang at nakausap kita ng tayong dalawa lang. Natatakot ako sa maaaring kahihinatnan nitong ating plano, Emilia. Paano kung ikaw ay mapahamak at patayin ng heneral na iyon?"

"Hindi ako makapapayag na mangyari iyon."

"Mag-iingat ka. Ipangako mo sa akin."

Ako ay ngumiti at pinisil ang kanyang mga kamay. "Pangako."

"Hali na. Baka sila ay magtaka kung bakit ang tagal nating nawala."

Tumayo ako at dahan-dahan siyang inalalayan paalis dito sa aking paboritong hardin sa likod ng hacienda. Dito namin pinag-usapan kung paano ako makakapasok at makakalabas sa mansion ng heneral kapag siya ay nakuha ko na.

Pinakita niya rin sa akin ang iilan niyang mga pasa at galos sa iba't ibang parte ng kanyang katawan na kanyang natamo sa loob ng isang buwan niyang pananatili roon. Unang araw pa lamang niya pala ay pinagbuhatan na kaagad siya ng kamay ngunit hindi gawa ng heneral kundi gawa ng isa sa kanyang tauhan.

"Bueno hija, maraming salamat sa iyong pagdalaw. Nawa'y makita ka namin sa susunod na buwan," pagpapaalam ni Don Faustino kasabay ng isang tango.

"Maraming salamat po, Don Faustino. Maraming salamat sa inyong lahat."

"Anak, hihintayin kitang muli rito at ipaghahanda kita ng paborito mong sinigang." Tumulo ang luha ni Ginang Josefa pagkayakap niya sa kanyang anak.

"Makakaasa po kayo, Ina. Mahal na mahal po kita.

"Muchas gracias por cuidar a Georgina. Envía mis saludos a General Cinco. (Thank you so much for taking care of Georgina. Send my regards to Heneral Cinco)," dagdag pa ng gobernadorcillo sa mga guardia sibil ngayo'y nakayuko upang magbigay-galang.

"Se lo haremos saber, Señor Faustino. Gracias. (We'll let him know, Sir. Thank you.)

Isa-isa kaming ginawaran ni Georgina ng yakap at pagdating sa akin ay tumitig muna siya sandali. "Aasahan kita sa panahong iyon, Emilia."

"Hindi kita bibiguin."

Sinundan namin siya ng tingin pagkalabas niya sa mansion hanggang sa tuluyan na silang makaalis. Naging tahimik ang aking mga kasama at nagsibalik na kami sa aming mga gawain.

Ako ay napabuga ng hangin. Nawa'y maging matagumpay ang aking misyon, ang aming misyon. Hindi kita bibiguin, Georgina.

------------------Hunyo, 10, 1895-----------------

"Maraming salamat, Ginoong Agapito," sambit ko matapos niyang magsibak ng kahoy upang panggatong bukas ng umaga rito sa labas ng kusina.

"Walang anuman, Binibining Emilia. Para sa iyo."

Napangiti na lamang ako nang siya ay ngumiti sa akin. Tahimik kong ibinigay sa kanya ang isang malambot na bimpo.

"Ano ito?"

"Pangpunas mo sa iyong pawis."

Mas lalo namang lumapad ang kanyang ngiti na ikinasingkit ng kanyang mga mata. Salamat sa gasera na nasa aming tabi, kitang-kita ko ngayon ang paraan ng kanyang pagtingin sa akin. "Para sa akin? Ang busilak naman ng iyong puso, Binibini. Napakaalaga mo naman. Baka ako ay mahulog sa iyo, ha?"

Napailing na lamang ako sa kanyang biro. Kung si Ginoong Severino ay nasa kanyang posisyon, hindi rin ako magdadalawang-isip na gawin iyon sa kanya. "Diyan ka lamang, ikukuha lang kita ng iyong maiinom."

"Salamat, Ma---"

Hindi ko na narinig pa ang kanyang sinabi dahil napunta ang aking atensyon sa malakas na hagikhik at pagtuturuan ng mga taong nakasilip ngayon.

"Para kayong mga daga nagtatago sa maliit na butas," saad ko nang ako ay makadaan sa kanilang harapan. Nasa pintuan lamang sila at nakikiususyo sa aming dalawa.

Isa-isa naman silang nagsitayuan nang maayos kasabay ng pag-ayos sa kanilang sarili.

"May namamagitan na sa inyo ni Ginoong Agapito, ano? Aminin!" wika ni Merlita kasabay ng pagsundot sa aking tagiliran.

"Manahimik nga kayo," suway ko at sila'y nilagpasan. Naramdaman ko namang sila ay sumunod sa akin at tumabi pa. Kung ano-ano ang kanilang iniisip. Dahil sa tinulungan lang, mayroon nang namamagitan agad?

"Tunay na maginoo si Ginoong Agapito. Nais ko siyang mapasaakin kahit na mali," segunda naman ni Magdalena na malungkot na tinig habang may papikit-pikit pa ng kanyang mga mata.

"Si Gascar ayaw mong mapasaiyo? Tiyak akong magugustuhan niya iyon," natatawang sambit ni Cloreta na ikinasimangot niya.

"Ayaw ko sa kanya. Nais ko ang mga tipo ni Ginoong Agapito at Ginoong Severino." Bumaling siya sa akin kasabay ng pagpadyak ng paa. "Ang swerte naman ninyo ni Binibining Floriana. Nasa inyo ang nais kong maging nobyo."

"Hindi ko nobyo si Agapito. Tapos ang usapan."

"Akin na lamang si Ginoong Agapito, Emilia. Sa iyo na lamang si Gascar."

"Ibigay mo kay Merlita," sagot ko at humarap sa kanya. "Hindi ba't ikaw ay naghahanap ng mapapangasawa? Ito na ang iyong pagkakataon mo." Nais kong matawa nang umasim ang kanyang mukha at dahan-dahang umiling.

"Pwede naman ngunit mahilig sa babae. Hindi siya magiging tapat sa akin. Baka sa unang araw pa lamang ng aming kasal agad siyang magtutungo sa kinaroroonan ni Magdalena upang ako ay pagtaksilan." Hindi ko alam kung siya ba ay nagbibiro lamang o totoo na ang kanyang sinabi. May pagtango pang nalalaman.

"Ako pa ay dinamay mo."

Ako ay napakibit-balikat na lamang ay iniwan na silang tatlo roon habang dala-dala ang isang baso ng tubig para kay Agapito.

Siya ay aking naabutan na nililigpit ang maliliit na piraso ng kahoy at iniipon sa isang tabi.

"Ginoo, ito o,"

Siya ay tumigil at humarap sa akin. Nagpunas pa siya ng kanyang kamay gamit ang kanyang barong tagalog bago tanggapin ang baso. "Maraming salamat, Binibining Emilia." Halos isang lagok lamang marahil ang kanyang ginawa at agad niya itong naubos.

"Nais mong dagdagan ko pa?"

"Hindi na. Niligpit ko na ang mga kalat upang wala ka ng gawin."

"Salamat. Ipaghahanda lamang kita ng mainit na tubig para sa iyong pangligo." Akmang ako'y aalis na sana nang hawakan niya ang aking kamay. "Emilia, may nais sana akong sabihin sa iyo."

Kumunot ang aking noo nang aking mapansin ang mariin niyang paglunok na tila ba nahihirapan at kinakabahan. "Ano iyon? Wala naman siguro siyang iniindang sakit sa kanyang katawan? "Ikaw ba ay may sakit?"

"A, w-wala wala." Umiling pa siya ng ilang beses at napayuko. Dahan-dahan niya ring binitiwan ang aking kamay at nilagay ang mga ito sa kanyang likuran. "Wala pala akong sasabihin." Nag-angat siya ng kanyang mukha at nag-alay ng isang ngiti.

Ngunit hindi ako naniniwala. Aking nararamdaman na mayroon siyang nais sabihin sa akin ngunit mas pinili niya na lamang na itago ito. Kung ano man iyon ay hahayaan ko na lamang. Marahil, hindi pa siya handa.

"O sige ako ay mag-iinit na ng tubig." Habang abala sa palikuran si Agapito, ako ay umakyat sa ikalawang palapag upang silipin kung naroon ba si Ginoong Severino. Matapos ang ilang katok ay narinig ko siyang nagsalita.

"Pasok." Gawain niyang magbukas ng pinto sa tuwing may kumakatok sa kanyang silid ngunit ngayon ay iba.

Nakita ko siyang nakahiga, nakapikit ang mga mata at nakabagsak ang kamay sa kama at katapat nito ang isang papel na nasa papag. Kunot-noo kong pinulot ang papel at nanliit ang aking mga mata nang mapagtanto kong liham ito na mula sa kanyang nobya.

Ano ba ang nangyayari sa iyo, Severino? Hindi ito ang unang beses na ikaw ay hindi sumupot sa ating usapan. Ikaw ba ay mayroong problema? Maaari mo namang sabihin sa akin, nobya mo ako. May karapatan din akong malaman kung ano ang nangyayari sa iyo. Si Emilia ba? Si Emilia ba ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan?

Floriana

Nang mabasa ko ang aking pangalan, biglang tumibok ang aking puso. Sinubukan ko pang kumurap ng ilang beses nagbabakasakali na ako ay namalik-mata lamang ngunit hindi. Tunay ngang narito ang aking pangalan. Bakit ako nasama? Ano ang aking ginawa? Sila ba ay mayroong hindi pagkakaintindihan at ako ang kanyang sinisisi? Bigla kong nabitiwan ang liham nang mapansin kong siya ay dumilat.

"Emilia, ikaw pala," mahinang sambit niya at tumingin sa ibaba. "Patawad kung mayroong nakakakalat" sabay pulot niya rito, tinupi at inipit sa kanyang libro na nakapatong sa maliit na mesa. "Hindi ka man lang nagsalita. Akala ko si Agapito ang kumatok kaya hindi kita pinagbuksan."

"A-Ayos po lamang."

"Masama ba ang iyong pakiramdam? Bakit ikaw ay nauutal?" Bumangon pa siya upang ilapat ang kanyang palad sa aking noo na nagbigay na naman sa akin ng kakaibang sensayon. Tilang may kuryenteng dumaan sa aking katawan kasabay ng mas malakas na tibok ng aking puso. "Ikaw ay namumutla. Ayos ka lamang ba? Maupo ka muna."

Hindi na ako nakatanggi pa ng dahan-dahan niya akong paupuin sa kanyang malambot na higaan. Nais kong magtanong ngunit tila umurong ang aking dila. Nais kong umalis ngunit nanghihina ang aking katawan.

"Ano na naman ba ang ginawa mo ngayong araw at ikaw ay namumutla? Nasobrahan ka na naman sa iyong trabaho, Emilia."

Hindi naman sa ganoon. Mas naging madali at magaan nga ang aking gawain dahil ako ay tinulungan ni Agapito. Ngunit laking pasasalamat ko rin na hindi niya nalaman na nabasa ko ang liham. Sana pala hindi ko na pinulot upang hindi ako nagkakaganito.

"Emilia, nais mo bang mahiga sandali hangga't hindi pa dumadating si Agapito upang ikaw ay makapagpahinga?"

Si Emilia ba? Si Emilia ba ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan?

Si Emilia ba? Si Emilia ba ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan?

Hindi ko batid kung bakit ako naaapektuhan ng sobra sa aking nabasa. Pwede namang balewalain ko na lamang kung aking nanaisin ngunit hindi, e. Hindi iyon ang sinasabi ng aking puso. Hindi napapalagay ang aking isipan hangga't hindi ko nalalaman ang aking sala. Tatanungin ko ba siya o hahayaan ko na lamang ito? Baka isa lamang itong hindi pagkakaunawaan sa maliit na bagay at kailangan lamang palagpasin?

"Ako ba ay naririnig mo, Emilia?"

"H-Ha?" Nanumbalik lamang ako sa aking ulirat nang maramdaman ko ang kanyang kamay sa aking balikat.

"Wala ka sa iyong sarili? May ginawa bang masama sa iyo si Agapito?"

"H-Ha, w-wala. Hindi naman niya iyon magagawa sa akin." Agad akong tumayo nang siya ay umupo sa aking tabi. "M-Mauuna na po ako, Ginoong Severino." Saktong pagtalikod ko ay siyang paghawak niya sa aking kamay.

"Ako ba ay iyong iniiwasan, Emilia?"

"H-Hindi po. Wala po akong dahilan upang ikaw ay aking iwasan." Hindi ko batid kung bakit niya iyon naisip. Hindi nga sumagi sa aking isipan ang bagay na iyon ngunit dahil sa aking nabasa ngayon, maaari ngang umiwas muna ako sa kanya.

"Bakit pakiramdam ko ang layo ng loob mo sa akin?" Guni-guni ko lamang ba ito o may malungkot ang kanyang tinig? Aking naramdaman ang mahina niyang pagpisil sa aking kamay.

Sinubukan ko itong bawiin ngunit mas lalo niya lamang ito hinihigpitan. "G-Ginoo, baka po biglang bumukas ang pinto makita pa po tayo ni Agapito." Iniisip ko pa lamang na biglang bubukas ang pinto at papasok si Agapiyo ay nais ko nang mawalan ng malay. Ayaw kong makita niya kami sa ganitong sitwasyon.

Binitiwan niya ang aking kamay at naglakad palapit sa pinto. Narinig ko na lamang ang mahinang tunog saka siya muling humarap at ngumiti. "Sinarado ko na. Hindi na muna siya makakapasok upang makapag-usap tayo."

"Ano?" Siya ay marahan kong hinawi para tignan kung totoo ba ang kanyang sinambit. Totoo nga. "Bakit mo sinarado? Maghihinala siya sa atin at iisipan niyang tayo ay mayroong ginagawang masama." Bahagya pang tumaas ang aking tinig at akmang hahawiin na siya upang buksan ito ngunit inilagay niya ang kanyang dalawang braso at inilupot sa aking baywang.

"Wala ka bang tiwala sa akin, Emilia?" mahinang bulong niya sa aking tainga na nagpatindig ng aking balahibo sa mukha. "Sa tingin mo ba ay gagawa ako ng iyong ikakapahamak?"

"H-Hindi n-naman." Pigil-hininga akong napakapit sa kanyang balikat nang mas lalo niyang higpitan ang pagkakahawak sa akin. "M-Mali itong ginagawa mo, S-Severino. H-Hindi mo alam ang iyong ginagawa."

"Tama ka hindi ko nga alam ang aking ginagawa. Hindi ko alam kung bakit ganito ang aking nararamdaman para sa iyo, E-Emilia." Inilagay niya ang kanyang ulo sa aking balikat at rinig ko ang lalim ng kanyang buntong-hininga.

"Bawal itong ginagawa natin, Ginoong Severino. Ako po ay aalis na---"

"Bawal ngunit masarap sa pakiramdam."

Napakurap at nakaawang pa ang aking bibig. Ano ang kanyang ibig sabihin? Ano ba ang kanyang sinasabi?

"Hindi ba pwedeng manatili muna tayo sa ganitong posisyon kahit ilang minuto muna?" Dahan-dahan niyang inangat ang kanyang ulo at tumitig sa akin. "Hindi ko batid kung bakit ako nangungulila sa iyo. Araw-araw naman kitang nakikita ngunit pakiramdam ko'y ang layo mo sa akin."

"Bakit? Ano ba sa tingin mo ang iyong ginagawa, Ginoong Severino? Hindi kita maintindihan." Hindi ko rin batid kung bakit ako naiiyak. Ngayon pa nag-iinit ang aking mata ngayong kami ay magkaharap na. Ano rin ba ang nangyayari sa iyo, Emilia?

"Hindi ko batid kung anong nangyayari, Emilia, ngunit isa lamang ang aking nasisiguro..." Tumigil siya saglit at hinawakan ang magkabilang pisngi at idinikit ang ilong niya sa akin. "Masaya ako kapag kasama kita at ako'y nasasaktan kapag may kasama kang iba."

"Na-Nasasaktan?" kunot-noong tanong ko na saktong pagtulo ng aking luha at itinulak siya nang malakas. "Naririnig mo ba ang iyong sarili, Severino? Ikaw ay nasasaktan sa tuwing nakikita mong ako ay may kasamang iba at masaya ka na kasama mo ako? Hindi ba't malaking kataksilan iyan sa iyong kasintahan na siyang iyong mapapangasawa?" Napahawak ako a aking dibdib nang maramdaman kong ito ay kumirot nang makita kong tumulo ang kanyang luha. "Personal mo lamang akong tagapangalaga, Ginoong Severino, hindi maaari ang iyong sinasabi. Guni-guni mo lamang iyan. Noong si Georgina ang nasa aking posisyon, nakaramdam ka rin ba ng ganyan, Ginoo?"

Nakaawang lamang ang kanyang bibig ngunit walang lumalabas na kahit isang salita. Nakayuko siya habang patuloy sa pag-agos ang kanyang luha.

"Ano? Ikaw ay hindi makasagot kase tama ang aking sinambit? Guni-guni mo lamang i---"

"Kung guni-guni ko lamang bakit ako nasasaktan?" tanong niya nang siya ay tumingin sa akin habang nakaturo sa kanyang dibdib at makailang beses itong tinuturo. "Bakit ako sinasaksak ng paulit-ulit sa aking dibdib? Bakit masaya ako kapag kasama kita? Bakit ikaw ay aking hinahanap-hanap sa tuwing hindi ka nakikita ng aking mga mata? Bakit ako umiiyak ngayon kung hindi ito totoo, E-Emilia?"

Dahan-dahang umatras hanggang maramdaman ko na lamang ang matigas na higaan at marahang napaupo. Ako ay nanghihina. Ang aking mga kamay at tuhod ay nanginginig. Hindi ako makahinga sa sobrang bilis ng pagtibok ng aking puso. Paulit-ulit akong umiiling at nananalangin na sana ay panaginip lamang ang lahat.

"Emilia, bakit?" Naramdaman ko na siya ay nakaluhod sa aking harapan habang siya ay nakahawak sa aking mga kamay. "Hindi ko batid kung paano nangyari. Hindi ko masagot ang iyong mga katanungan dahil maging ako ay naguguluhan. Posible bang ako ay mahulog sa ibang babae habang ako ay may kasintahan? Ilang araw ko ng iniisip ang sagot sa katanungan na iyan. Matagal ko na itong nararamdaman ngunit nanahimik lamang ako. Emilia, ako ay tao rin lamang na umaabot sa aking hangganan. Hindi ko na kayang itago ito lalo na't batid kong may mali ng nangyayari sa akin. Mali ngunit masarap. Mali ngunit masaya.

Umiling akong muli, bumitiw sa kanyang pagkakahawak at tumayo. "Kapag mali, mali. Huwag mo ng ipilit. Kung ano man ang iyong nararamdaman, kalimutan mo na iyan. Hindi ko masusuklian ang iyong ibibigay kaya't huwag ka ng magtangka. Ako ay aalis na. Paalam, Ginoong Severino."

"Severino, maaari mo bang buksan ang pinto?"

Napalaki ang aking mga mata nang marinig ko ang kanyang tinig. Kanina pa ba siya nariyan? Narinig ba niya lahat ang aming napag-usapan?

"A-Ano ang ating gagawin? Paano ako makakalabas rito?" mahinang tanong ko sabay lingon sa kanya.

Tumayo siya at hinawakan ang aking kanang kamay. "Ito ay delikado ngunit batid kong epektibo. Dito ka sa bintana dumaan. Mag-iingat ka lamang."

"Severino, nariyan ka ba?"

"Sandali lamang, Agapito, ako ay may inaayos pa."

Hindi na ako nagsalita pa at ako ay dahan-dahang umakyat. Bago ako tuluyang makalayo narinig ko siyang nagsalita kaya ako ay muling lumingon sa kanya.

"Mag-iingat ka, Emilia. Patawad sa aking kapangahasan."

"Kalimutan na lamang natin ang nangyari. Kalimutan mo na lamang ang iyong nararamdaman. Nakasisiguro akong mawawala rin iyan bukas." Ako ay tumalikod at dahan-dahang humakbang papalayo. Muling tumulo ang luha ang aking nang marinig ko ang kanyang tinig sa aking isipan.

"Bakit ako umiiyak ngayon kung hindi ito totoo, E-Emilia?"

Ako ay napangiti ng mapait. Hindi ko rin batid kung bakit ako umiiyak ngayon, Severino.

-------------------Hunyo 14, 1895-----------------

Apat na araw na ang nakalilipas mula ng mangyari ang tagpong iyon. Apat na araw na rin kaming hindi nag-uusap ni Ginoong Severino. Malaki ang nagbago iyon lamang ang aking masasabi. Nagagawa ko lang siyang kausapin kapag siya ay aking tinatanong at sa tuwing ako ay inuutusan. Hindi na niya ako pinapansin kahit pagsulyap man lang.

Inaamin kong ako ay nasasaktan dahil parang hindi na niya ako kilala ngunit mas mabuti na rin ito dahil walang lugar ang pag-ibig sa akin. Kailangan naming mabuhay ni Delilah kaya nararapat lamang na mas pagbutihin ko ito.

Kasalukuyan siyang nag-aayos ngayon dahil siya ay bibisita sa pamamahay ng kanyang nobya ngayong hapon. Inutusan pa niya akong bumili ng pinakamahal na bulaklak sa bayan kaninang umaga bilang pangregalo.

"Handa na ba ang karwahe, Emilia?" rinig kong tanong niya nang siya ay makababa mula sa kanyang silid habang nakatingin lamang ng diretso sa daan.

"Opo, Ginoong Severino."

"Salamat." Ang lamig ng kanyang tinig. Parang hindi na niya ako nakikita. Tila ako ay naging hangin na lamang sa kanyang paningin. Ngunit ito naman ang aking nais mangyari hindi ba? Hindi ba't dapat ako ay maging masaya? Ngunit bakit kabaligtaran niyon ang aking nararamdaman? Mabilis kong pinunasan ang aking luha nang marinig ko ang paparating na yabag.

"Nakaalis na siya, Binibining Emilia?" rinig kong tanong ni Agapito. "Maaari mo ba akong samahan sa bayan? Ako ay may bibilhin lamang sana."

"Paumanhin, Ginoong Agapito, ngunit marami pa akong gagawin. Sa susunod na araw na lamang maaari ba?" saka ako humarap sa kanya.

"A, s-sige. Patawad kung ako ay nakakaabala sa iyo, Binibining Emilia."

Tanging ngiti na lamang ang aking itinugon at iniwan ko na siyang mag-isa roon. Ako ay nanghihina. Tila pasan ko ang mundo sa bigat ng aking nararamdaman. Tanggapin mo iyan, Emilia, ito naman ang iyong gusto. Sinunod niya lamang ang iyong sinabi.

"Ina, bakit po ako nasasaktan? Bakit po ako lumuluha ngayon?" bulong ko habang nakatingala sa kahel na kalangitan. Kasabay ng lungkot na aking nararamdaman ay siyang pag-ihip ng hangin nang malakas. "Ina, m-masakit." Ako'y napapikit at hinayaan ko na lamang na tumulo ang aking luha. Wala rin namang ibang tao rito sa hardin kaya't ayos lamang kung ako ay humagulhol ngayon.

Nais ko lamang ngayon ay yakap ng isang ina. Nasaksihan ko noong araw na unang nasaktan sa pag-ibig si Georgina, siya ay sinamahan ni Ginang Josefa at pinatahan. Iyon din ang nais ko ngayon ngunit batid kong kahit kailan ay hindi ko na mararamdamang muli.

Ako ay napamulat ng mata na saktong pagdaan ng mga ibong malayang lumilipad at naglilikha ng ibon sa himpapawid. "Pag-ibig po ba ang tawag dito, Ina? Masakit po pala ano?" Kung naririto lamang sana kayo, marahil ako ay mayroong makakausap. Hindi ko batid kung ano ng dapat kong gawin, kung ano ang tama ngunit ayaw ko ring magsisi sa huli.

"Nawa'y magparamdam po kayo sa aking panaginip at sabihin sa akin ang nararapat kong gawin. Sa punto pong ito, ikaw lamang po ang maaaring makatulong sa akin."

Basang-basa ng luha ang aking pisngi. Ngayon na lamang ako umiyak nang ganito mula nang yumao ang aking mga magulang. Hindi ko akalain na ako ay tatamaan. Sa lahat ba naman ng lalaki rito sa mundo, bakit sa taong may iba ng nagmamay-ari? Bakit hindi na lamang sa iba para naman ako ay walang pinoproblema?

Ipinilig ko ang aking ulo sa aking ng naiisip. Mali. Mali ito. Trabaho ang dahilan kung bakit ako naririto. Kailangan kong kalimutan kung ano man ang nararamdaman kong ito. Marahil ay nadala lamang ako ng aking emosyon lalo na't unang beses itong nangyari sa akin. Oo tama ako ay nadala lamang. Wala akong nararamdaman para sa kanya. Wala. Huwag kang magpapadala sa kanyang mabubulaklak na salita. Bitag lamang niya iyon upang ikaw ay mahulog, Emilia.

-----------------Hunyo, 20, 1895-----------------

"Ginoong Severino, ipinapatawag na po kayo ng iyong ina. Kakain po," mahinang sambit ko nang makita siyang natutulog sa kanyang higaan. Ano bang ginawa niya at tila siya ay pagod na pagod?

Wala pa akong nakukuhang tugon mula sa kanya nang ako ay pumasok dito kanina. Kahit ni isang ungol o 'oo' man lang ay wala rin.

"Gising po ba kayo, Ginoo?" Bahagya ko siyang niyugyog upang magising ngunit wala pa rin.

Alas-otso na ng umaga at ngayon lamang siya nagkaganito. Ano bang ginawa niya noong nakaraang gabi?

"Nais niyo po bang dalhin ko na lamang ang pagkain dito sa iyong silid?" Akmang aalis na sana ako dahil hindi siya nagsasalita, ako ay napahinto nang marinig ang kanyang tinig.

"Bababa na ako. Salamat. Makakaalis ka na." Hindi pa rin nagbabago ang kanyang posisyon nakatakip ng unan ang kanyang mukha at nakatagilid kaya siya ay nakatalikod mula sa akin.

"S-Sige po."

"Ginoong Severino, kamoteng kahoy po pangmeryenda," wika ko at inilapag sa mesa ang isang plato ng kamoteng kahoy. "Nais niyo po ba ng tsaa?"

"Hindi na," tugon niya habang nagbabasa ng libro.

Siya ay aking pinagmasdan sandali. Lumilipad ang knyang buhok dahil sa malakas na hangin dito sa kanyang balkonahe sa loob ng kanyang silid, tahimik na nagbabasa at seryoso ang mukha habang nakaupo. Ilang araw ko na ring hindi nasisilayan ang kanyang magandang ngiti kaya't kahit ilang linggo na ang nakalilipas mula nang mangyari iyon, pakiramdam ko ay kahapon lamang ang lahat.

"Ikaw ba ay may kailangan pa? Kung wala na, maaari ka ng umalis."

Napakurap na lamang ako nang marinig ko iyon at tumingala sandali dahil aking nararamdaman ang pagbabadyang pagtulo ng aking luha. "Ma-Masusunod po, G-Ginoong Severino."

Wala na akong natanggap na sagot mula sa kanya nang ako ay tumalikod. Tanging kalampag na lamang ng kutsara ang aking naririnig. Muli, isang butil na naman ng kuha ang kumawala sa aking mata paglabas ko ng kanyang silid. Hindi ko batid ngunit ako'y umaasa na kakausapin niya ako bago ako tuluyang makalayo ngunit napatawa na lamang ako nang mapait. Umaasa ka pang mangyayari iyon, Emilia?

------------

<3~

Próximo capítulo