webnovel

Kabanata 12

"Parang biglaan naman yata," sambit ni Savannah habang naglalakad kami sa mall. Kumibit-balikat lamang ako at kinain ang ice cream cone na hawak-hawak ko.

"Wala lang, nabitin kasi ako sa unang date natin. Parang gusto kong magkaroon ng part two," nakangiting sabi ko. Hindi ako sanay sa tinatawag nilang flirting, feeling ko magmumukha lang akong manyak kapag nag-wink pa ako sa kanya, kaya hindi ko na lang ginawa.

Tumawa nang mahina si Savannah at hinampas niya ang braso ko. "Hindi mo na nga ako tine-text..."

"Sorry, tambak ang trabaho." pagsisinungaling ko.

Hindi ka rin naman hypocrite, 'no? Nagagalit ka kay Charleston dahil nagsinungaling siya pero nagsisinungaling ka rin pala, bulong sa akin ng konsensiya ko. Na-imagine ko pa nga ang pagngisi nito sa akin habang tinutulak ko ito sa pinakalikod ng utak ko.

"Naiintindihan ko naman, okay lang 'yon." Ngumiti siya sa 'kin at bigla akong nakaramdam ng guilt hindi lang sa pagsisinungaling ko, ngunit sa paggamit ko sa kanya upang maaliw ang sarili ko– para mawala sa utak ko si Charleston. Pathetic.

Tumigil si Savannah sa paglalakad nang may nadaanan kaming tarpaulin na naga-advertise ng isang bagong labas na movie. Napatigil na rin ako at tiningnan ko ang tarp.

"Gusto mo bang panoorin 'yan?" pagtatanong ko. 'Final Gun-shot' ang title ng palabas.

"Oo. Napanood ko yung trailer and napansin kong napakaganda ng plot," sagot niya. Tumango ako at nagsimulang maglakad papunta sa escalator– papunta sa third floor kung nasaan ang sinehan.

"Saan ka pupunta?" tanong ni Savannah. Sumakay na ako sa escalator at sumunod siya. Tumawa ako nang mahina.

"Sa sinehan, akala ko ba gusto mong manood?"

"Hindi ko alam na manonood talaga tayo..."

"Manonood tayo. Treat ko."

Ngumiti siya sa 'kin nang malapad. "Salamat!" masayang wika ni Savannah sa 'kin.

Ngumiti ako pabalik at maingat na naglakad paalis ng escalator pagdating namin sa third floor. Tahimik kaming naglakad papunta sa ticket booth.

"Tungkol saan ba 'yang movie na 'yan?" tanong ko habang nasa pila na kami.

"Yung bida... si Emerson– isa sa mga pinakamagaling na assassin sa Pilipinas. Palagi siyang hina-hire ng mga mayayaman na tao para ipatumba yung mga kaaway nila," Pagku-kuwento niya. "Tapos, nakilala niya si Diana, yung leading lady. They fall in love."

"Anong nangyari pagkatapos? 'And they lived happily ever after' ba?" tanong ko muli.

"Hindi ko alam, basta ang alam ko lang, nilihim ni Emerson kay Diana ang kaniyang pagiging assassin. Normally, nagalit si Diana. I mean, magagalit ka naman talaga kapag nagsinungaling ang taong mahal mo, hindi ba?" pahayag niya.

Napalunok ako ng sarili kong laway. Ang sitwasyon nila Emerson at Diana ay halos kapareha ng nangyayari sa amin ni Charleston ngayon. Ang pagkakaiba nga lang, hindi kami nagmamahalan katulad ng mga karakter sa 'Final Gun-shot.'

Hindi nga ba? tanong sa akin ng konsensiya kong graduate ng BS major in epal-ing. Hindi ko alam ang isasagot sa tanong nito.

"Kapag ikaw si Diana, anong gagawin mo?" mahinang tanong ko. Narinig kong huminga muna nang malalim si Savannah bago siya sumagot.

"Alam mo, kapag in-love ang isang tao, they tend to do some stupid things para lang hindi sila mawalay sa kanilang minamahal. Magagalit ako, pero mapapatawad ko rin naman siguro siya. Maiintindihan kong ginawa niya lang 'yon dahil sa pagmamahal niya sa 'kin. Love can easily replace anger. 'Yon ang pinapaniwalaan ko," sagot ni Savannah habang nakatingin siya sa malayo, parang may iniisip yata.

Love can easily replace anger bulong ko sa sarili ko. Sa sobrang lalim ng pag-iisip ko ay hindi ko napansing kami na pala ang susunod na bibili, buti na lamang at kinurot ako ni Savannah sa braso upang magising ako mula sa pagkalutang ko.

Hindi ko rin napanood ng maayos ang palabas na iyon dahil lutang pa rin ako kahit nang pumasok na kami at nakaupo sa sinehan. Hindi ko nga namalayang nag-roll na pala ang credits, at hindi ko rin napansing umiiyak na pala ang babaeng katabi ko.

"Oh, okay ka lang?" tanong ko nang bumukas ang mga ilaw. Tumango lang si Savannah habang may mga dumadausdos pa ring mga luha sa kanyang mga pisngi. Agad ko naman siyang inabutan ng panyo.

"Okay lang ako.. nakaka-touch lang naman kasi.." Tumigil siya sa pagsasalita upang suminga sa panyo ko. Pinigilan ko ang sarili kong mandiri. Ang ganda pa naman ng disenyo ng panyo kong iyon, tapos dudumihan niya lang ng uhog niya. "Until the end, pinaglaban siya ni Emerson, tapos..."

"Shh, tama na 'yan. Palabas lang 'tong pinanood natin, hindi ito totoo. Gawa-gawa lang," wika ko habang natatawa.

"Alam ko! Nakaka-touch lang kasi. Sana, ako na lang si Diana..." Nagbumuntong-hininga si Savannah.

"Sigurado naman akong mahahanap mo rin ang Emerson mo," nakangiting wika ko. Tumingin sa 'kin si Savannah habang pinupunasan niya ang mga natira niyang mga luha.

"Nahanap ko na. Pero sa tingin ko, hindi naman ako ang Diana niya," malungkot na turan niya.

Hindi ko maiwan-iwan si Savannah kaya hinatid ko na lamang siya sa bahay nila. Kapag naglakad ako pauwi mula sa bahay nila, madadaanan ko ang playground na ilang beses naming pinagtambayan ni Charleston. Napagdesisyunan kong umupo muna sa isang bench– bench na lagi naming inuupuan upang mag-isip-isip. Baka masagasaan lang ako ng tricycle kung lutang pa rin ako kapag naglakad na ako pauwi.

Tumingala ako at tumingin sa langit. Kulay asul pa rin ito, ngunit may mga nakikita akong mga itim na ulap, na nagpapakita na baka biglang umulan mamaya. Naaalala ko siya– Si Charleston na may mga matang kasing-kulay ng langit at buhok na mas maitim pa kaysa sa uling. Ang kanyang masayang aura tuwing siya'y nangungulit, ang kanyang kalungkutan kapag nababanggit mo ang kanyang pamilya at ang mga luhang kumawala mula sa kanyang mga mata nang itinulak ko siya palayo...

Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko kay Charleston. Kapag nasa tabi ko siya, iba ang saya na nadarama ko. Hindi ito kapantay ng saya na nadadama ko tuwing kasama ko ang pamilya ko, si Savannah, o kahit ang saya ko tuwing mataas ang bayad sa 'kin tuwing nagi-illustrate ako. Ibang-iba ang sayang ito, at hindi ko maipaliwanag.

Sinipa ko ang isang maliit na bato malapit sa paa ko. Babalik pa kaya si Charleston? Siguro hindi na, ako kasi mismo ang nag-utos sa kanya na lumayo siya sa 'kin. May parte sa akin na ayaw na siyang bumalik dahil sa nagawa niya, ngunit sa kaloob-looban ko'y may isang maliit na parte na gusto siyang bumalik– na nangungulila sa kanya.

Sa totoo lang, natatakot ako. Natatakot na akong magtiwala sa kanya. Natatakot akong masaktan muli. Ngunit, kapag naalala ko ang Charleston na walang hinangad kung hindi maranasan ang magmahal at mahalin, tila nawawala ang takot kong iyon.

"I want to be a mortal, Michael. I want to experience love. I want to be able to grow old with someone."

Parang nag-play-back sa utak ko ang boses ni Charleston habang sinasabi niya iyon. Naalala ko ang seryoso niyang mukha at ang boses niyang puno ng sinseridad.

Naghalo-halo na ang mga emosyon ko ngunit nangibabaw ang takot at ang emptiness na nararamdaman ko ngayon. Nasanay ako na palagi akong may nararamdamang kakaiba, na parang may palaging nakatitig sa 'kin, na parang may nagi-stalk sa 'kin at parang may sumusunod sa 'kin kung saan man ako pumupunta.

Ngunit wala na, dahil sa isang lihim na nabunyag at sa isang hindi nakontrol na galit– umalis na siya. Pina-alis ko na siya. At wala akong ideya kung kailan siya babalik... kung babalik man siya.

Mukhang napansin ng kalangitan ang pagkabalisa ko ngayon. Biglang kumulog ng malakas at nagsimula nang umulan. Hindi ako tumakbo palayo upang makauwi agad, at hindi rin ako naghanap ng masisilungan. Hinayaan ko lang na mabasa ang buong katawan ko. Hindi ko na namalayan na kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagbuhos ng mga luha ko mula sa aking mga mata.

Siguro hindi ang ibang tao, kung hindi ang aking sariling emosyon ang hindi ko dapat pagkatiwalaan. Love can easily replace anger.

Próximo capítulo