Bahagyang nagitla si Lin Che sa narinig. Sa isip niya ay napatanong siya nang lihim, nalaman na ba nito ang tungkol sa nararamdaman niya para dito noon?
"Ano… bakit bigla mong natanong?"
"Wala naman. Pakiramdam ko lang kasi ay masyado tayong magkalapit sa isa't-isa noon. Araw-araw tayong magkasama. Pero bakit hindi ka man lang nagkagusto sa akin?"
Tinitigan ni Lin Che ang mukha ni Qin Qing. Bumalik siya sa panahong tinutukoy nito. Totoo ngang magkalapit sila nang sobra noon bilang magkaibigan at magkaklase, pero sa huli, hindi sila ang nagkatuluyan.
Dahil nakilala nito si Lin Li.
"Kung bibigyan mo lang ako ng pagkakataong bumalik sa nakaraan, baka siguro nga ay umamin ako sa'yo," nakangiting sabi ni Lin Che.
Pero ang malungkot lang ay masyado siyang mahina at api nang panahong iyon. Mula sa simula hanggang sa huli ay hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin at ilabas ang kanyang nararamdaman.
Kaagad namang nagliwanag ang mata ni Qin Qing.
At siya namang paghalakhak ni Lin Che.
"Teka lang, masyado yata kitang pinakaba sa sinabi ko. Nagbibiro lang ako. Sa tingin ko'y kaya hindi ako nagkagusto sayo dahil nga parang hindi tama. Ganunpaman, hindi ba't mas maganda nga ang kinalabasan ngayon? Kayo ni Lin Li ang nagkatuluyan at mula sa pagiging magkaklase ay magka-pamilya na tayo ngayon."
Pero, nadismaya naman si Qin Qing. Muli niyang tinitigan si Lin Che. Talaga bang hindi ito nagkaroon ng pagtingin sa kanya?
Nilalaro-laro ni Lin Che ang kanyang buhok at masayang nakangiti habang ang mga mata'y nakatingin sa ibaba. Ang ganung simpleng kilos niya'y naghatid ng kakaibang kislot sa puso ni Qin Qing.
Nagpaalam na si Lin Che dito. "Oh, pano, mauna na ako sa'yo. May gagawin pa kasi ako."
Tumango naman si Qin Qing. Habang pinapanood niya ang pag-alis ni Lin Che ay hindi niya maiwasang isipin na si Gu Jingze ang pupuntahan nito ngayon. Sa kanyang puso ay nakaramdam siya ng kaunting galit.
Pero, parang biglang gusto niyang gawin ang ibinubulong ng kanyang isip. Gusto niyang agawin si Lin Che mula kay Gu Jingze.
Pero paano niya maaagaw si Lin Che mula sa makapangyarihang tao na si Gu Jingze?
Napailing siya sa naisip. Bakit kailangang si Gu Jingze pa? Kung ibang lalaki lang sana ay kayang-kaya niyang gawin iyon. Pero nagkataong si Gu Jingze nga ang karibal niya, si Gu Jingze na walang sinuman ang makakatalo, sa kayamanan man o sa kakayahan.
Nang sandaling iyon ay may nakita siyang isang bagay na biglang nahulog mula sa itaas. Kasalukuyan itong pabagsak sa kinatatayuan ni Lin Che. Nakatayo ito sa entrance at nakatingin lang sa unahan at hindi alintana ang nasa paligid niya…
"Lin Che, umalis ka diyan!"
Palinga-linga pa rin si Lin Che pero wala pa rin siyang nakikitang bakas ni Gu Jingze. Maya-maya lang ay narinig niya ang malakas na pagsigaw ni Qin Qing mula sa likuran niya kaya kaagad siyang napalingon.
Saktong paglingon niya'y nakita niya ang malaking katawan ni Qin Qing na humahangos papunta sa kanya. Bago pa man siya makakilos ay bumangga na ito sa kanyang katawan at pabagsak silang natumba sa sahig.
Biglang nagdilim ang isip ni Lin Che. Nang bahagyang luminaw na ang kanyang isip ay naramdaman niya ang mabigat na katawan ni Qin Qing na nakapatong sa kanya.
Nanlalaki ang kanyang mga mata lalo na ng makita niya ang nagkalat na mga bubog ng salamin na bumagsak mula sa itaas. Durog at pino ang mga iyon, at nagkalat sa sahig pati na rin sa katawan ni Qin Qing.
Wala namang tumama sa kanya dahil nga naitulak agad siya nito.
"Tulong… Iligtas niyo siya…"
Hindi na siya nag-isip pa. Agad niyang niyakap si Qin Qing at nagsimulang sumigaw para humingi ng tulong.
Samantala, sa kabilang banda.
Matagal nang naghihintay si Gu Jingze sa entrance pero hindi niya pa rin nakikita si Lin Che.
Hindi niya alam kung saan na naman nagpunta ang babaeng iyon.
Kinuha niya ang cellphone at sinubukang tawagan si Lin Che, pero pinatayan lang siya ng cellphone nito.
Pambihira talaga oo. May nangyari na naman ba dito?
Samantala…
Sobra-sobra ang pag-aalala sa mukha ni Lin Che habang tinitingnan si Qin Qing na inililipat sa hospital bed. Habang walang malay na nakahiga ay isa-isang tinatanggal ng doktor ang mga bubog ng salamin mula sa katawan nito.
Basang-basa sa dugo ang damit nito. Sobrang nakakatakot tingnan.
Narinig niyang tumutunog ang cellphone niya kanina pero bago pa man niya makuha iyon ay naramdaman niya ang mahigpit na paghawak ni Qin Qing sa kamay niya.
Wala siyang nagawa kundi ang patayin ang cellphone dahil patuloy pa rin ang pagtunog nito.
Magulo ang kanyang puso habang pinagmamasdan ang kalagayan ni Qin Qing. Hindi niya inaasahan na sasaluhin nito ang ganung trahedya para sa kanya. Sa puso niya ay nakakaramdam siya ng guilt at lungkot. Bakit niya ginawa iyon? Tiyak na nasaktan ito nang sobra.
Nakaparada pa rin ang kotse ni Gu Jingze sa labas ng mall. Nang makita ng kanyang bodyguard na nasa loob si Gu Jingze ay lumapit ito at sinabing, "Hindi po kasama ng Madam ang kanyang staff nang umalis ito kanina. Mag-isa lang po siyang nagtungo sa entrance dahil mayroon daw siyang hihintayin doon. Pero batay po sa narinig ko, kasama pong lumabas ng Madam ang Second Young Master ng mga Qin."
Ang Second Young Master ng mga Qin…
Si Qin Qing?
Kaagad na sumeryoso ang kanyang mukha. Kinabahan naman ang bodyguard at nagtanong, "Sir, kung ganun, ano pong…"
"Babalik na tayo."
Gumuhit ng linya ang labi ni Gu Jingze at sumenyas para sarhan ang bintana ng sasakyan.
Dahan-dahang isinara ang bintana.
Nagsalita ang driver, "sir, sa kabila ho tayo dadaan ngayon. Pansamantala daw munang isinara ang front road dahil may nahulog daw po kanina mula sa itaas at may isang sugatan dahil sa nangyari."
"Hm."
Kahit na aling daanan ang tahakin nila, wala siyang pakialam basta't ang gusto niya lang ngayon ay ang makauwi na.
Sa hospital.
Iniisip pa rin ni Lin Che ang paulit-ulit na pagtawag kanina ni Gu Jingze. Dahil sa sobrang pagkataranta kanina ay hindi na siya nakapag-isip nang maayos at hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang sitwasyon kaya hindi niya sinagot ang tawag nito. Napansin niya na mukhang maayos na ang kalagayan ni Qin Qing. Nakahiga pa rin ito sa kama. Nakapagpalit na ito ng damit, nakainom na ng gamot at may ilan pang nakakabit dito na mga tubo. Nakaligtas na ito sa tiyak na kapahamakan. Kung kaya kinuha niya ang kanyang cellphone.
Pero, bago pa man siya makatawag ay narinig niyang nag-ingay si Qin Qing mula sa loob. "Lin Che? Lin Che?"
Nag-aalangang ibinaba nalang niya ulit ang cellphone at lumapit dito.
"Qin Qing, kumusta? May masakit ba sa'yo?"
Biglang hinawakan ni Qin Qing ang kanyang kamay.
Bahagya pa rin siyang naiilang. Pero kanina paman nang ginagamot pa ito ng mga doktor ay nakahawak lang ito sa kanyang kamay. Baka dahil lang sa hapdi na dulot ng mga sugat nito; kahit sino naman kasi ay mas mapapanatag kapag may kasama kang isang tao na malapit sa'yo.
Tiningnan siya ni Qin Qing. "Hwag kang umalis."
"Oo na, oo na. Hindi ako aalis, Qin Qing. Anong number ninyo sa bahay? Kailangan ko silang tawagan. Hindi pa masyadong maayos ang lagay mo ngayon. Hindi pa natin alam kung may impeksyon ba sa'yo? Nandito tayo sa City Hospital pero hindi ito ang pinakamagandang hospital dito sa atin. Gusto mo bang tawagan ang pamilya mo para sila na ang bahala kung ano ang dapat gawin?"
"Hindi. Gusto lang kitang makasama dito."
". . ." Hindi agad nakuha ni Lin Che ang ibig sabihin nito. "Pero nandito naman ako ah."
"Hindi, Lin Che… Gusto kong… gusto kong ikaw lang ang makasama ko dito."
". . ." Nanigas ang puso ni Lin Che. Napatingin siya dito, "Qin Qing, anong…"
Hinigpitan lalo ni Qin Qing ang paghawak sa kamay niya. "Lin Che, bigla akong nagkaroon ng lakas ng loob kanina. Pakiramdam ko ay kaya kong gawin ang lahat para sa'yo. Normal lang ba ito o hindi?"
Kaagad namang nataranta si Lin Che, "Ano'ng pinagsasabi mo…"
Muling nagsalita si Qin Qing, "Alam kong mali na ngayon ko sinasabi ito sa'yo. Pero Lin Che, parang gusto kong magsisi. Sana pala ay mas naging mabuti pa ako sa'yo noon. Nang sa gayon, hindi ka sana… hindi mo sana nakilala si Gu Jingze."
Tuluyan na ngang naguguluhan si Lin Che kaya mabilis niyang inalis ang kamay ni Qin Qing na nakahawak pa rin sa kanya.
Bumuga ng hangin si Qin Qing at habang nakatingin kay Lin Che, "Ikaw…"
Alam ni Lin Che sa sarili niya na nagkaroon siya ng lihim na damdamin kay Qin Qing sa loob ng napakahabang panahon.
Pero, hindi niya malaman kung paano mag-rereact sa bigla nitong pag-amin sa kanya ngayon. Hindi rin niya maunawaan kung bakit wala man lang siyang naramdamang kasiyahan nang marinig niya ang mga sinabi nito.
Tunay ngang isang malaking entablado ng mga sayang na pagkakataon ang panahon ng ating kabataan. Nauunawaan at napapagtanto mo lang ang kahalagahan ng pagkakataong iyon kapag lumipas na at huli na ang lahat.
At kagaya ng sitwasyon nila ngayon, wala ng natitirang saya o galak para sa mga puso nila. Sa halip ay pagkataranta at kaguluhan ng isip ang hatid sa kanila. "Qin Qing… may Lin Li ka na. Fiancé ka ng kapatid ko. Ilang araw na lang at magiging magka-mag-anak na tayo."
Parang kinurot ang puso ni Qin Qing. Malabo at magulo ang takbo ng isip niya. "Akala ko talaga ay may damdamin ka rin para sa akin noon, kahit kaunti man lang. Totoo bang hindi mo ako nagustuhan kahit noon pa man?"
Tutal eh pinalagpas na niya ang pagkakataong ibinigay sa kanya, marahil ay mas makabubuti para sa kanya na huwag ng bawiin pa ang desisyong ginawa niya.
Kaya, umiling si Lin Che. "Hindi. Kahit minsan ay hindi ako nagkagusto sa'yo."
Nanlumo ang mukha ni Qin Qing. Nang maalala niya si Gu Jingze ay napatango siya at pilit na tinatanggap sa kanyang puso na hinding-hindi niya ito kayang tapatan kahit saan mang aspeto ng buhay nila.