webnovel

Ako Na Ang Bahala Sa Kanila

Humagikhik si Lin Youcai, "Lin Che, alam mo, pansamantalang aliw lang ang mga ganitong nararamdaman ng isang lalaki. Lalo na sa harap ng isang babae. Hindi magtatagal ay magsasawa rin siya, lalo na at si Gu Jingze iyan. Ginagawa ko lang ito dahil iniisip ko ang sitwasyon ninyong dalawa. Nag-aalala ako na baka mawala na ang pagkagustong nararamdaman niya sayo at bigla ka nalang iwan. Kung magkagayun, payagan mo din ang kapatid mo… na makalapit sa kanya, nang sa gayun ay maprotektahan niya din ang anumang nasa iyo ngayon…"

Hindi gaanong malinaw ang mga salitang binibitawan ni Lin Youcai. Pero, pagkatapos ng ilang sandaling pag-iisip ay naunawaan din ni Lin Che ang ibig nitong sabihin.

"Papa, anong ibig mong sabihin? Gusto mong… si Lin Yu… na… ano'ng tingin mo kay Gu Jingze ha?!"

Nahihiya din si Lin Youcai. Pero, si Lin Yu ang anak niya na mas malapit sa kanya. Hindi naman kasi niya maaasahan si Lin Che nang kagaya ni Lin Yu. Kung kaya, gagawin niya ang lahat para magkaroon ng magandang kapares ang paboritong anak.

Pumihit si Lin Che at akma ng umalis. Pero agad siyang napahinto sa sinabi ni Lin Youcai, "Lin Che, bakit ba napaka-makasarili mo?"

"Makasarili ako?"

"Oo. Ayaw mong makaranas ng ganitong karangyaan ang kapatid mo, di ba? Kung ganun, gusto mong ikaw lang ang magiging masagana kaya hindi mo na iniisip ang pamilya mo!"

Pakiramdam talaga ni Lin Che ay wala ng mas sasahol pa sa karumihan ng pag-iisip ng sarili niyang ama.

Samantala, sa loob ng bahay…

Nakita ni Lin Yu na tuluyan ng nakalabas ang dalawa.

Sinulyapan niya ang direksyong kinaroroonan ni Gu Jingze at makikita sa kanyang mata ang labis na paghanga sa lalaki.

Kahit na unang kita niya palang kay Gu Jingze at hindi niya pa ito gaanong kilala, kahit sino naman ang nasa posisyon niya ngayon ay mahihirapan ding pigilan ang sarili na mahulog dito!

Tiningnan niya ang makisig nitong pigura. Bakit napakakisig nitong tingnan? Napakahirap para sa kanya na ialis ang mga mata doon.

Napakaganda nga talaga ng lahi ng mga Gu. Hindi nakapagtataka na nakalikha ng isang malaki at bigating artista ang pamilya sa katawan ni Gu Jingyu. At ang Gu Jingze na ito na bagama't bihira lang makita sa publiko ay kakaiba din ang taglay na karisma.

Sinadyang hilain ni Lin Yu ang itaas na parte ng kanyang damit para lumantad ang umbok ng kanyang dibdib. Tumingin siya kay Gu Jingze at sinabi, "President Gu, sobrang laki talaga nitong bahay mo. At napakaganda din."

Nang marinig ni Gu Jingze ang nang-aakit at mahinhing boses ng babaeng kaharap ay iniangat niya ang ulo at saglit na sinulyapan ito. "Talaga?"

"Oo, naiinggit nga ako kay Lin Che dahil nakatira siya sa ganito kagandang bahay," sagot ni Lin Yu.

Bahagyang napataas ang kilay ni Gu Jingze at tiningnan si Lin Yu.

"President Gu, pati ang security system niyo dito, nakakamangha talaga. Kanina nang sinusubukan kong pumasok dito, pinigilan talaga nila ako at hinila ang damit kaya napunit tuloy ang suot ko."

Pagkasabi niya nito ay muli niyang hinila pababa ang damit dahilan para lalo iyong mapunit.

Ganunpaman, kahit mukhang nakatingin sa dikreksyon niya si Gu Jingze ay parang wala ang atensyon nito sa kanya.

Nanlulumong napaisip si Lin Yu, hindi ba nito nakikita ang dibdib niya?

Maganda ang kanyang katawan. Hindi naman pangit ang lahi ng mga Lin eh. Isang patunay si Lin Che na talaga namang lumaking magandang babae. Kung kaya, mataas din ang tingin ni Lin Yu sa pigura niya at sa kanyang mukha.

Ibinaba ni Gu Jingze ang hawak na tasa at tumuwid ng tingin. Walang interes ang kanyang tono nang sabihin niyang, "Trabaho nila yun. Hindi sila pwedeng magtiwala nang basta-basta. Sana naman ay maunawaan mo iyan."

Bumagsak ang ekspresyon ng mukha ni Lin Yu.

Sa isip ay sinasabi niyang, nakakabagot namang kasama itong si Gu Jingze.

Naisip din niya na baka kulang pa ang ginagawa niya dito. Walang inahin na umiiwas kapag palay na ang lumalapit. Ganun din ang mga lalaki. Hindi nila kayang iwasan ang tukso kapag babae na ang lumalapit.

Dahan-dahan siyang tumayo at naglakad palapit kay Gu Jingze, "President Gu, pasensya na pero hindi ko basta nalang palalagpasin ito. Nasira nila ang damit ko kaya kailangang may gawin ka bilang pambawi man lang."

Pero napansin niyang naningkit ang mga mata ni Gu Jingze. Bago pa man siya makalapit dito ay ilang kalalakihan ang mabilis na nagpalibot sa kanya at sabay-sabay siyang itinulak pabagsak sa sahig.

Ang kaninang malambing na boses ni Lin Yu ay napalitan ng impit na pag-aray. Labis ang kanyang pagkagulat at kaba habang ang kanyang mukha ay nakasubsob sa sahig. Hindi siya makagalaw dahil sa ginagawang pagsubsob sa kanya ng mga guard. Ilang sandali pa ang lumipas bago niya napagtanto kung gaano kapangit ang hitsura niya ngayon. Ngayon lang siya nakaranas na makaramdam ng matinding kahihiyan at napasambit na sana ay hindi na lang siya nagpunta sa lugar na ito.

"Bitiwan niyo nga ako… sino ba kayo ha? Ano… Bakit niyo ginagawa sa akin ito?" Nagpumilit siyang makabangon at makakalas pero mukhang hindi babae ang tingin sa kanya ng mga taong iyon. Hindi siya pinakawalan at patuloy lang na isinubsob ang kanyang mukha sa sahig sa kabila ng kanyang pagpupumiglas.

Noon din ay pumasok na sina Lin Youcai at Lin Che.

Agad namang nawalan ng kulay ang mukha ni Lin Youcai nang makita ang kalagayan ng anak.

Kahit kailan talaga ay palagi nalang siyang binibigo ni Lin Yu. Bakit ba napakapalpak nito…

Natatarantang nagsalita si Lin Youcai, "President Gu, President Gu, maawa po kayo. Bakit ganito ang kalagayan ng aking anak na si Lin Yu?"

Sinulyapan ni Lin Che ang kapatid at parang naunawaan agad niya ang nangyari. Muli niya itong pinasadahan ng tingin bago naglakad papunta sa tabi ni Gu Jingze.

Habang nakatingin sa kanyang mga tauhan ay kalmado at komportableng iniangat ni Gu Jingze ang kamay at sinabi, "Ano'ng ginagawa ninyo? Bitawan niyo siya. Ngayon mismo."

Doon lang binitiwan ng mga lalaki si Lin Yu na sobrang kaawa-awa ang hitsura.

Bahagyang ngumiti si Gu Jingze. Bagama't humihingi siya ng paumanhin, walang kahit katiting na pagsisisi na makikita sa kanyang mukha at tono ng pagsasalita.

"Pasensya na kayo. Masyado lang talagang mahigpit ang security sa bahay na ito. Maliban sa mga taong kilala at pamilyar na sa kanila, sadyang ganito na talaga sila sa tuwing may lumalapit na hindi tagarito. Maraming beses ko na silang pinagsabihan pero hindi talaga nila maiwasan paminsan-minsan."

Makikita ang kahihiyan sa mukha ni Lin Youcai habang tinutulungan si Lin Yu sa pagtayo. Samantala, sising-sisi si Lin Yu na nagpunta pa siya rito. Hindi na niya magawang iangat ang ulo para tumingin sa kanila at hiyang-hiya na nakatungo lang.

"Tama nga naman na tiyakin munang ligtas ang pamamahay. Mas mahalaga naman talaga ang kaligtasan ng mga nandito. Kaya walang masama sa paghihigpit. Tama namang gawin iyan," walang choice na wika ni Lin Youcai.

Inalalayan niya si Lin Yu at pasimpleng tumingin kay Lin Che. Mahirap na kung magsasalita pa siya. Ang tanging magagawa niya lang ay isumpa ito sa kanyang puso. Mas lalo ng tumataas ang tingin sa sarili ng walang-utang-na-loob na babaeng ito!

At isa itong malaking traydor. Wala na rin itong pakialam sa kanila ngayon.

Ngumiti siya at sinabing, "Kung ganun, tutal eh wala naman na tayong ibang pag-uusapan pa at panatag na rin naman ang kalooban namin na maganda na ang buhay ni Lin Che dito, hindi na ho namin kayo iistorbohin nang mas matagal, President Gu. Mauna na kami sa pag-uwi."

Ngumiti rin naman si Gu Jingze at sumagot, "Oh siya, sige. May iba pa rin kasi kaming ginagawa ni Lin Che ngayon. Hindi na rin namin kayo pipigilan sa pag-alis."

Sa huling pagkakataon ay masama ang tinging sinulyapan ni Lin Youcai si Lin Che bago tumalikod at tuluyan ng umalis.

Nang makalabas na sila ay naiinis na iwinaksi ni Lin Yu ang kamay ng ama. "Alam mo, ikaw ang may kasalanan ng lahat ng 'to! Pinilit mo pa kasi akong sumama sa'yo eh! Tingnan mo, nakita mo naman diba kung ano ang nangyari?!"

Naiinis din si Lin Youcai dahil sa kapalpakang ginawa nito. "Tumigil ka na. Ikaw ang may kasalanan dahil hindi mo ginamit nang maayos ang pagkakataong ibinigay sa'yo. Pero may nakita ka bang mga pahiwatig? Kung interesado sa'yo ang isang lalaki, kahit na hindi ito nagpapahalata, mapapansin at mararamdaman mo pa rin yun."

"Iyan pa rin ang iniisip mo? Sa tingin ko'y hindi mangyayari iyan. Hindi nga niya ako sinulyapan man lang eh. Hmph."

"Ikaw'ng bata ka, anong imposible ang sinasabi mo? Eh bakit sila ni Lin Che…"

"Lin Che… Lin Che, sa tingin mo ba'y ka-level ko iyang Lin Che na iyan? Baka nasa kay Gu Jingze ang problema. Dahil kung hindi, paanong mas nagustuhan niya pa si Lin Che kaysa sa akin?!"

Nilingon niya ang mataas at malawak na lugar na iyon. Nang muli niyang maisip na sa loob nito nakatira si Lin Che ay hindi niya mapigilang magalit.

Pero ano bang magagawa niya kung sobrang ilap ng Gu Jingze'ng iyon?

Sa loob.

Nang makita niyang nakaalis na ang ama ay naiinis na nagsalita si Lin Che. "Wala talagang hiya sa katawan ang dalawang iyon."

"Tama na. Nakaalis na sila. Hayaan mo nalang din sila," sabi ni Gu Jingze.

Nahihiya naman si Lin Che dahil sa pagsasayang ng oras ni Gu Jingze.

"Pasensya ka na kung kinailangan mo pang magpunta rito para lang ayusin ang kalat na ito."

"Sa susunod, kailangang sabihin mo sa akin kaagad." Marahang hinaplos ni Gu Jingze ang kanyang ilong. "Dahil sa kukote mong yan, tiyak na hindi mo kakayaning ayusin ang ganitong mga bagay. Mas mabuti nang ako nalang ang humarap sa mga ganitong problema."

Próximo capítulo