Alam ni Mo Huiling na magkasama sina Gu Jingze at Lin Che pero hindi nito pinansin si Lin Che at hinawakan ang braso ni Gu Jingze. "Jingze, bakit hindi mo ako pinuntahan kahapon? Malapit lang naman ang bahay ko kaya madali lang para sayo na bisitahin ako araw-araw."
Sinulyapan ni Gu Jingze si Lin Che at tahimik na inalis ang kamay ni Mo Huiling.
Pero hindi pumayag si Mo Huiling. Nakita nito na umiwas ng tingin si Lin Che kaya matagumpay itong ngumiti.
Napaikot ng mata si Lin Che. "Kung ganoon, mauna na kayo. Sa ibang kotse nalang ako sasakay."
"Eh, Lin Che…" Tinawag siya ni Gu Jingze pero tuluyan na siyang tumalikod at hindi na lumingon pa sa dalawa.
Hinila ni Mo Huiling si Gu Jingze. "Okay lang iyan, Jingze. Hayaan mo nalang siya. Marami pa namang kotse na pwede niyang masakyan."
Napahinto si Gu Jingze at nilingon si Mo Huiling.
Simula nang lumipat ito dito ay palagi nalang itong nanggugulo sa kanila. Hindi pwedeng magpatuloy ang ganito.
Nagpasya siya na tuldukan na ang problemang ito.
Kaya, tumango siya at sinabing, "Sumakay ka na. Kailangan nating mag-usap."
Nang mauna ng pumasok si Gu Jingze sa sasakyan ay masaya ring sumunod si Mo Huiling.
Nasa loob na sila ng kotse. Panay pa rin ang dikit ni Mo Huiling kay Gu Jingze.
Tiningnan ito ni Gu Jingze at pagkatapos ay umiwas. Sinabi niya dito, "Huiling, ilang beses ko ng sinabi sa'yo na may asawa na ako. Hindi na katulad ng dati ang relasyon ko sa'yo!"
"Pero hindi mo naman mahal iyang asawa mo! Ako ang mahal mo!"
"Huiling! Asawa ko siya. Paano ka nakapagsasalita nang ganyan sa kanya?"
"Ano… Jingze, hindi ka ganito sa akin dati. Hindi ka ganito makipag-usap sa akin noon!" Nagmamakaawang sagot ni Mo Huiling.
Seryoso ang tingin ni Gu Jingze. "At hindi ka rin ganito kababa dati!"
"Ano…" Umiwas ng tingin si Mo Huiling.
Alam niyang seryoso na si Gu Jingze kaya itinikom na niya ang bibig. Napakagat nalang siya ng labi habang nakaupo doon at iniisip kung ano ang gagawin.
Hindi siya ganito dati.
At wala pang Lin Che noon.
Ang Gu Jingze noon ay hindi kailanman nakikipag-usap sa ibang babae. Kahit na palagi itong abala sa trabaho noon, kahit na isang linggo pa silang hindi magkita noon, hindi niya naramdaman na maling magpakababad ito sa trabaho. Okay lang sa kanya kahit ganito ito basta ang mahalaga ay nagbibigay pa rin ito ng panahon sa kanya. Okay lang sa kanya ang ganoon.
Pero ngayon, magkasama na sa iisang bubong sina Gu Jingze at Lin Che. Araw-araw ng magkasama ang dalawa. Ngayon niya lang napagtanto na marami naman pala ang oras ni Gu Jingze. Dahil kung hindi, paano naman nito nagagawang samahan si Lin Che araw-araw?
Dati, napakahaba ng pag-iintindi niya kay Gu Jingze kaya kahit minsan ay hindi niya ito inistorbo. Pero itong Lin Che na ito, napakatuso talaga. Sigurado siya na lagi itong nakadikit kay Gu Jingze kaya palagi ring magkasama ang mga ito.
Iyan ang dahilan kaya gusto din niyang dumikit lalo kay Gu Jingze.
"Jingze, nagkakaganito lang naman ako dahil natatakot akong mawala ka sa'kin…"
"Huiling, bakit ayaw mong magising… Wala na tayo. Kaibigan lang ang turing ko sa'yo… Ikaw… Hindi tama na palagi kang nakadikit sa akin."
Hindi makapaniwala si Mo Huiling, "Pero sinabi ko rin sa'yo dati na maghihintay ako! Hihintayin ko ang araw na maghihiwalay na kayo at kapag dumating na ang araw na iyon, magsisimula tayo ulit."
"Hindi kita mapipigilan kung gusto mo talagang maghintay, pero nasabi ko na ang gusto kong sabihin. Kung talagang gusto mo pa ring gawin iyan, wala na akong magagawa pa. Ang masasabi ko nalang ay…" Tiningnan ni Gu Jingze si Mo Huiling. "Hindi ko kayang sirain ang pagsasama namin ni Lin Che kaya hindi ko nagugustuhan itong ginagawa mo. Huiling, umuwi ka na sa inyo. Tumigil ka na!"
"Ano… ano…" Nagpapaunahan sa pagpatak ang mga luha sa mata ni Mo Huiling. "Hindi. Hindi ako babalik sa amin, Jingze. Hindi mo ako mapipilit na umuwi sa amin. At hindi mo rin ako mapipilit na huwag kang hintayin. Bahay ko na iyon; bakit naman ako aalis? Hindi ko ba pwedeng bilhin iyon gamit ang sarili kong pera? Gusto ko ang lugar na ito at nagagandahan ako rito. Ilang milyon ang ibinayad ko dito. Bakit kailangan kong umalis?!"
Walang ganang tiningnan ni Gu Jingze si Mo Huiling, "Kung magpupumilit ka sa gusto mo, bahala ka."
Nagmamatigas pa rin si Mo Huiling. Nakapagpasya na siya na hinding-hindi siya aalis doon kahit na mamatay pa siya.
Gusto niyang manatili doon dahil gusto niyang makasama si Gu Jingze. Kahit alam niyang walang mangyayari kina Gu Jingze at Lin Che, ayaw niyang makampante dahil alam niyang may binabalak ang babaeng iyon para lang makuha ang loob ni Gu Jingze.
Nang makarating na sila sa kompanya ay naghiwalay na silang dalawa.
Sinundan ng tingin ni Gu Jingze ang pag-alis ni Mo Huiling. Pagkatapos ay sinabi niya sa assistant na nasa tabi niya, "Ano ang kalagayan doon sa villa ni Huiling? May alam ka ba?"
"Opo, Sir."
"Sa palagay ko ay hindi siya kusang aalis doon. Mag-isip ka ng paraan para siya na mismo ang lumisan sa lugar na iyon."
"Opo…"
Ayaw niyang gawin iyon kay Mo Huiling. Alam niyang sensitibo at pihikan ang babaeng ito. Pero, nagpapanggap pa rin ito na hindi nito naiitindihan ang mga sinasabi niya. Kaya wala na siyang ibang choice kundi ang gumawa na ng ibang paraan.
Hindi niya inaasahan na ganoon pala katigas ng ulo ni Mo Huiling at wala itong balak na umalis sa lugar na iyon.
Nang makarating na sa kanyang opisina si Gu Jingze at nag-iisip-isip muna ito nang ilang sandali. Maya-maya ay tinawagan nito si Lin Che sa cellphone.
Agad namang sumagot si Lin Che. Nakarating na din ito sa kompanya, pero mukhang hindi maganda ang tono ng pagsasalita nito.
"Bakit nandiyan ka na kaagad? Akala ko ay maglalakad-lakad muna kayong dalawa ni Miss Mo."
"Lin Che, hindi nalang magtatagal at aalis na siya doon. Hindi ako papayag na palagi nalang niya tayong guguluhin."
Napahinto si Lin Che bago nagtanong, "Bakit naman siya aalis? Hindi ba't maganda namang malapit siya doon?"
Nagtanong din si Gu Jingze, "Sigurado ka bang ayos lang na malapit siya sa atin?"
"Oo naman! Hindi ba't maganda iyon para sa inyong dalawa?" Sagot ni Lin Che habang hinihipan ang kanyang mga kuko.
Huminga nang malalim si Gu Jingze, "Pero palagi niya tayong iniistorbo."
"Ano?" Parang mali ang narinig ni Lin Che.
Pero nagpatuloy si Gu Jingze, "Hindi ko sisirain ang pagsasama nating ito, kaya… ayokong ipagpatuloy pa ang anumang mayroon sa amin dati. Huwag kang mag-alala. Uuwi na siya sa kanila."
Pagkatapos nitong magsalita ay pinatay na ang cellphone.
Hindi pa rin makapaniwala si Lin Che. Hindi niya pa masiyadong natatanggap sa isip ang sinabi ni Gu Jingze. Hawak niya pa rin ang cellphone at huminga nang malalim. Maya-maya'y inuntog niya ang ulo sa mesa. Huwag mong bigyan ng ibang kahulugan ang sinabi niya, Lin Che. Ang ibig lang nitong sabihin ay hindi nito sisirain ang kontrata nila bilang mag-asawa. Matuwid na lalaki ito kaya ayaw nitong magkaroon ng ibang babae habang kasal pa sila. Iyon lang ang ibig nitong sabihin.
Pumasok na siya sa loob at kasama niya si Yu Minmin.
Nagsalita ito, "Tamang-tama. Nandito na ang sasakyan para sa mga crew. Ngayon ang araw ng reality show na sasalihan mo. Nakapaghanda ka na ba?"
Ngumiti siya dito, "Hm. Nakahanda na ako."
Sumagot si Yu Minmin. "Kaya mo iyan. Magpakatotoo ka lang sa sarili mo."
"Oo nga pala. Sino-sino pa ba ang ibang kasali?"
Naalala niya ang sinabi noong isang araw ni Gu Jingyu.
Sumagot si Yu Minmin, "Sa tingin ko'y kaibigan mo siya. Sinabi rin ng kabila na kilala ka nila."
"Huh? Talaga? Sino kaya? Kaunti lang naman ang kakilala ko."
"Malalaman mo din iyan kapag nandoon ka na. Hindi rin naman sinabi sa amin ng show; ang sabi lang nila ay mga baguhang artista ang mga dadalo."