webnovel

Napakatuso Talaga Ni Gu Jingze

Bumalik na si Lin Che sa kwarto at nagmamadaling pumasok sa banyo para maglinis ng sarili at pilit na tinanggal ang bakas ni Gu Jingze sa katawan.

Nakakainis talaga ang lalaking 'yon, mamatay na sana siya!

Bakit kasi napaka… napakatuso niya at nakakatukso?

Nakakahiya talaga…

Nang matapos na siyang maligo ay hinila niya ang kumot at isiniksik ang sarili sa ilalim nito. Nakakainis, nakakainis, nakakainis talaga ang Gu Jingzeng iyon!

Samantala, pagkatapos mag-ehersisyo ay naligo rin si Gu Jingze sa banyo ng gym.

Gumanda agad ang kanyang pakiramdam nang nagsimula ng bumuhos ang tubig sa kanyang katawan.

Kani-kanina lang ay damang-dama niya pa rin ang lambot ng katawan nito na para bang hawak niya pa rin ito sa kanyang mga palad.

Napakasarap sa pakiramdam ng sandalling iyon.

Napapikit siya, pero hindi pa rin siya magtagumpay na pakalmahin ang sariling katawan.

Pambihira!

Binuksan niya ang gripo dahil sa pagnanais na lamunin ng malamig na tubig ang nag-iinit niyang katawan…

Isang oras na ang nakalipas nang matapos siyang maligo at lumabas sa banyo.

Nagmamadali namang lumapit sa kanya si Qin Hao.

"Sir, hinahanap niyo po ako?"

Sinulyapan ito ni Gu Jingze, "Hindi ba't sinabi mo sa akin na nandoon sa airport si Qin Qing kanina?"

Nang marinig ang kanyang sinabi ay yumuko si Qin Hao. "Opo, Sir. Huwag ka na pong magalit. Si Mr.Qin at si Madam ay magka…"

Hindi na natapos ni Qin Hao ang sasabihin dahil malakas na ibinagsak ni Gu Jingze ang isang dokumento sa mesa.

Halata naman ang pagkabigla sa mukha ni Qin Hao at itinaas nito ang ulo, "Sir…"

"Wala lang 'to. Napakahusay ng ginawa mo ngayon," mapait na ngumiti si Gu Jingze at bahagyang nakabukas ang itaas na labi.

Pero ramdam ni Qin Hao na medyo malamig ang ngiting iyon.

"Malinis ho palagi ang aking trabaho lalo na po kung para sa inyo, sir. Maraming salamat ho sa papuri niyo, Sir. Mas lalo ko pa pong pagbubutihin ang aking trabaho," nakangiting sabi ni Qin Hao.

Sumagot si Gu Jingze, "At bilang isang gantimpala, sa tingin ko ay dapat muna kitang papagpahingain."

"Huh? Sir, napakabait niyo naman po. Ikaw…"

"Saktong-sakto lang talaga. Mayroon tayong problema sa isang factory sa Cambodia. Bakit kaya hindi ka na muna magpahinga at habang ginagawa mo iyon ay tingnan mo kung ano ang pwedeng gawin sa negosyo doon."

"Ah…"

Sir, sigurado ka bang gantimpala iyan?

"Makakaalis ka na. May ikokontak ako para mag-asikaso ng plane ticket mo. Kapag hindi mo naayos ang problema doon, huwag mo ng isipin pang bumalik dito," mas lalong lumapad ang ngiti ni Gu Jingze.

Muli niyang sinulyapan si Qin Hao, bumuntung-hininga, at lumabas mula sa gym.

Naiwan doon si Qin Hao na nagtatanong sa sarili.

"Sir… Ano po ba ang maling nagawa ko…"

Nang gabing iyon ay hindi natulog si Gu Jingze sa tabi ni Lin Che.

Naisip niya na kung doon siya sa tabi nito matutulog ay baka hindi niya kayaning makaharap ito at hindi siya makatulog nang maayos.

Samantala, mag-isang nakipaglaban si Lin Che sa napakahabang gabi bago ito tuluyang dalawin ng antok.

KInabukasan ay maagang umalis ng bahay si Gu Jingze. Si Lin Che naman ay nagising lang ng tumawag si Shen Youran.

"Wow! Paanong sa bahay ng ibang tao ako natulog kagabi?" tanong ni Shen Youran.

Sumagot ng tanong si Lin Che, "Sa bahay ng ibang tao ka natulog? Anong ibig mong sabihin?"

"Napakasungit niyang lalaki. Halos mamatay na ako sa sobrang takot. Akala ko ay may ibang nangyari kagabi."

Napaikot ng mata si Lin Che bago sumagot, "Ah, si Dr. Chen pala ang tinutukoy mo. Nakiusap ako sa kanya na ihatid ka sa bahay niyo. Anong problema? Wala namang masamang nangyari, tama ba ako?"

Sumagot ang kaibigan, "Siyempre naman wala! Paanong may mangyayari sa akin? Tatlong taon akong nag-aral ng taekwondo noh kaya walang sinumang lalaki ang mangangahas na galawin ako!"

"Tatlong taon sa taekwondo… pero white-belter ka pa rin."

". . ."

"Pero sino ba talaga ang lalaking iyon? Ginalit niya ako ng sobra-sobra tapos bigla lang akong iniwan!" tanong ni Shen Youran.

"Lasing ka kasi kagabi. MAbait na doktor iyon. Baka may nangyari sa bahay ninyo kaya napilitan siyang iuwi ka sa bahay niya. Okay, kung gising ka na, pupuntahan kita diyan. Kailangan nating mag-usap."

"Sige."

Hindi nagtagal ay nandoon na sila sa bahay ni Shen Youran.

Nakikitira pa rin si Shen Youran sa bahay ng mga magulang. Masaya ang mga ito nang makita nilang kasama ni Shen Youran si Lin Che na dumating ng bahay.

"Youran, malayo na ang narating ni Lin Che ngayon. Palagi ko siyang nakikita sa TV."

Mabubuting empleyado ang mga magulang ni Shen Youran. Hindi sila mahirap, pero hindi rin naman sila mayaman.

Maraming mga part-time jobs si Shen Youran sa abroad kaya natutustusan nito ang pag-aaral doon.

Buong pagmamalaki na hinila nito si Lin Che, "Aba siyempre, kaibigan ko yata 'to!"

Nang matapos silang magkumustahan ay nagmamadali na nitong hinila si Lin Che papasok sa loob ng bahay.

Nahihiyang tiningnan ni Lin Che si Shen Youran. "Ang totoo niyan, may nangyari sa akin nang mga panahong wala ka dito…"

Naisip ni Lin Che na mas makabubuti kung sabihin niya dito ang mga bagay-bagay dahil wala din namang saysay kung ililihim niya ang mga ito sa kaibigan.

"Anong nangyari?"

"Kasal na ako," sabi ni Lin Che.

"Huh?"

Halos mapatalon sa pagkabigla si Shen Youran.

Pinaupo ito ni Lin Che at ipinaliwanag ang sitwasyon sa pinakasimpleng paraan na alam niya.

Hindi makapagsalita si Shen Youran pagkatapos niyang magkwento. Malakas na hinila nito si Lin Che na para bang gusto siya nitong sakalin.

"Gu Jingze… Ang Pamilyang Gu. Lin Che, baliw ka na! Baliw! Baliw!"

Pero ang totoo, mas baliw pa ngang tingnan si Shen Youran dahil sa pagsisisigaw nito sa kwarto.

Napakalakas ng sigaw nito dahilan para marinig iyon ng mga magulang at kumatok sa pinto para kumustahin silang dalawa. Maya-maya pa'y humina na ang boses ni Shen Youran, pero seryoso ang mga matang tinitigan si Lin Che. "Kapita-pitagang Madam, ipagpatawad niyo po at walang alam ang inyong abang lingkod. Nawa'y maunawaan ninyo ang aking kapabayaan."

"Mamatay ka na."

"Pero… nakakabigla talaga. Paanong…"

Hindi alam ni Lin Che kung ano pa ang sasabihin, "Oo na, hindi ba't sinabi ko na sa iyo? May iba na siyang mahal; aksidente lang talaga na siya ang napainom ko ng gamot, kaya…"

"Napakatapang mo naman para maisipan mong painumin ng ganoong gamot ang isang Gu."

"Wala ako sa sarili ko nang gawin ko iyon. Sino ba naman kasing mag-aakala na makakaiwas pala si Gu Jingyu? Sinong mag-aakala na mapagkakamalan kong si Gu Jingyu si Gu Jingze? Si Gu Jingyu lang pala ang nagpa-book ng room na iyon pero ang kapatid niya ang natulog doon… Malaki ang nagastos ko noon para lang mapapayag ang mga staff ng hotel na gawin ko iyon. Sayang lang talaga ang pagod ko."

"Gaga. Mas malaki pa nga ang nakuha mo tapos tatawagin mo lang itong sayang? Napakaswerte mo nga eh! Hmph!"

Inirapan niya lang ito at naalala niya ang katusuhan ni Gu Jingze. "Hinahamon kita na ikaw mismo ang sumubok nito. Hindi mo kilala ang Gu Jingze na iyon… sobrang sama niya!"

Pagkatapos nilang mag-usap ay bumalik ng bahay si Lin Che dahil kailangan pa ni Shen Youran na maghanap ng trabaho.

Hindi niya inaasahan na si Gu Jingze kaagad ang bubungad sa kanya pagpasok niya palang.

Napakaelegante ng pagkakaupo nito sa isang sofa habang nakatingin sa kanya. Nahihiyang napatingin siya sa mahahaba nitong daliri.

Kahapon… kahapon…

Ginamit ng lalaking ito ang mga daliring iyon…

Naramdaman niyang nanigas ang kanyang katawan; parang may mali.

Samantala, tumingin sa kanya si Gu Jingze. "Mabuti naman at nandito ka na. Naisip ko na yayain kang kumain sa labas."

"Ah, a-ano kasi, hindi ako kakain ngayon. Mamaya nalang ako kakain."

Próximo capítulo