webnovel

Alam Kong Hindi Mo Sinadya Na Banggain Siya

"Ako 'to, Miss Yu," sagot niya.

Nang marinig ni Yu Minmin ang boses ni Lin Che ay mabilis itong nagsalita, "Oh, ano ba'ng nangyari sa'yo, Lin Che? Kailangan nating mag-usap at humanda ka talaga sa akin. Bakit hindi mo sinagot ang mga tawag ko? Panay na ang tanong sa akin ng mga bossing at kung saan-saan na kita hinanap. Halos malibot ko na ang buong B District."

Napapikit ng mata si Lin Che habang pinakikinggan ang mahabang litanya ni Yu Minmin. Hinayaan niya muna itong matapos bago siya sumagot, "Muntik na akong mamatay kanina at ikaw ang dahilan!"

"Huh?" Napahinto si Yu Minmin.

"Ang tawag mo ang puno't dulo ng lahat. Nagmamaneho ako kanina nang tumawag ka at nang…"

Pahapyaw na ikinuwento ni Lin Che ang mga nangyari.

Hindi naman makapaniwala si Yu Minmin. "Totoo ba iyang sinasabi mo?" May halong lungkot sa kanyang boses. "Kailan ka pa natutong magdrive? Hindi ko alam na nagmamaneho ka pala nang tumawag ako. I'm sorry. Kumusta ka? Nasa hospital ka ba ngayon? Pupuntahan kita diyan. Ako na ang aako ng kasalanang ito. Kalimutan nalang muna natin ang tungkol sa party at bibigyan kita ng perang…"

Pinigilan ni Lin Che ang sasabihin pa nito. "Okay, okay. Hindi naman kita sinisisi eh. Hindi ka naman manghuhula para malaman mo kung anong ginagawa ko kanina. Ako ang may kasalanan kasi hindi ako nag-ingat. At isa pa, nag-aaral palang ako kaya nang marinig kong tumunog ang aking cellphone ay pinilit ko pa ring sagutin iyon kahit alam kong delikado."

"Oh siya sige. Ang labo mo talaga minsan. Eh, anong nangyari sa cellphone mo? Kaninong number 'to?"

"Cellphone ni Gu Jingze itong gamit ko," sagot ni Lin Che.

Sa kabilang linya ay napahigpit ang hawak ni Yu Minmin sa cellphone at hindi makapaniwalang tiningnan ang number. MAbabakas sa tono nito ang pagkabigla, "Kay… Kay Gu Jingze ang number na ito?"

"Oh, ba't ka sumisigaw? Balak mo bang sirain ang tainga ko?" Kinuskos ni Lin Che ang tainga.

"Totoo bang may number na ako ni Gu Jingze ngayon? Imposible! May number na ako ni Gu Jingze… Sa tingin mo ba, magkano kaya ang presyo ng number na ito? Okay na ba ang 200,000 sa bawat tao? Bibilhin kaya nila ito? Pero sabagay, sigurado akong bibilhin nila ito. Baka nga magkaroon pa ng mahabang pila para lang bilhin ito," hindi pa rin makapaniwala si Yu Minmin.

Mahina ang boses na tanong ni Lin Che, "Ibebenta mo ang… ano?"

"Pero siyempre, nagbibiro lang ako. Pero alam mo ba kung gaano kahalaga itong number ni Gu Jingze? Isi-save ko talaga ito pagkatapos nating mag-usap."

"Ah…" sagot ni Lin Che. "Hindi mo naman ito ibebenta talaga, hindi ba?"

"Siyempre, hindi! At kahit gustuhin ko man, kailangan ko pang papaniwalain ang mga tao sa akin. Kapag sinabi ko sa kanila na may number ako ni Gu Jingze, tiyak na iisipin agad nila na gawa-gawa ko lang ito o di kaya'y ibang tao ang may-ari nito. Sasabihin lang nila sa akin na niloloko lang sila," paliwanag ni Yu Minmin.

"Mabuti kung ganoon," pagkatapos ay sinabi ni Lin Che dito na kaunting gasgas lang ang natamo niya mula sa aksidente at makakauwi din naman agad siya. Sinabi din sa kanya ni Yu MInmin ang kanyang mga schedule kinabukasan. Inabisuhan nito si Lin Che na magpahinga at huwag masiyadong madaliin ang mga bagay-bagay.

Nang patayin ni Lin Che ang tawag, napansin niya na nakatitig sa kanya si Gu Jingze.

Nang makita nito na okay na siya ay sinabi sa kanya, "Dito ka matutulog sa hospital ngayong gabi."

"Hindi pwede. Tiningnan na ako ng doktor kanina at sinabing okay lang ako. Maingay dito. Hindi ako makakatulog nang maayos."

"Pwede tayong kumuha ng VIP room. Paano kung may mangyari sa'yo…"

"Pwede naman akong bumalik nalang dito. Gu Jingze, ayokong matulog dito. Gusto ko ng umuwi! Uwi na tayo…"

Nagmatigas lang si Gu Jingze. Hindi lang simpleng aksidente ang nangyari dito kanina.

Ngunit, nagpumilit pa rin si Lin Che. "Gusto ko ng umuwi sa tahanan natin, Gu Jingze. Masarap umuwi sa sariling tahanan at magagawa natin ang anumang gusto nating gawin. Nakakabagot dito."

Bahay natin…

May kakaibang hatid sa puso ni Gu Jingze ang mga salitang iyon.

Para sa kanya, ang ibig sabihin ng tahanan ay pamilya.

Pero ang maliit na tahanan na para sa kanilang dalawa… ni minsan ay hindi pa sumagi sa isip niya ang bagay na iyon.

Wala ng nagawa pa si Gu Jingze dahil sa pagmamakaawa ni Lin Che, "Oo na, sige. Uuwi na tayo. Uuwi na tayo at magpapahinga kaya wag ka ng makulit diyan."

"Yes, yes! Oo sige." Sumaludo pa si Lin Che dito. Napatawa naman si Gu Jingze at bahagyang naging kalmado ang kaninang matigas na ekspresyon.

Naglalakad na sila palabas nang biglang tumunog ang cellphone ni Gu Jingze. Tumatawag si Mo Huiling.

Nakita ni Lin Che ang pangalan sa screen. Nakatitig lang doon si Gu Jingze at parang walang balak na sagutin ito. Pero, napataas ang kilay ni Lin Che at nagtanong, "Hindi mo ba iyan sasagutin? Kapag ginawa mo iyan, manggagalaiti na naman sa galit si Miss Mo."

Ngayong napakalapit na nito sa kanila, paano kung bigla nalang itong sumugod sa bahay nila dahil sa sobrang galit?

Tiningnan ni Gu Jingze si Lin Che. Kapag hindi niya sinagot iyon ay baka isipin ni Lin Che na mayroon siyang itinatago dito, kaya mas mainam na sagutin niya nalang iyon.

Kaya sinagot na niya ang tawag.

Kaagad naman niyang narinig ang boses ni Mo Huiling. "Gu Jingze, kumusta? Nakita kong hinila nila ang kotse pabalik sa kalsada at pagkatapos nun ay wala na. Okay lang ba si Lin Che?"

Sagot niya, "Okay lang. Pauwi na kami ngayon ni Lin Che. Okay lang siya."

"Ah… Talaga? Mabuti naman. Nag-alala talaga ako nang bigla nalang wala ng balita tungkol kay Lin Che."

Bagamat sinasabi nito na napanatag ang kalooban, pakiramdam ni Gu Jingze ay parang nadismaya ito sa balita, marahil ay dahil sa mga sinabi nito kanina.

Alam niyang ayaw talaga nito kay Lin Che, pero hindi naman tama na ikatuwa nito na mapahamak ang tao. Kahit gaano pa kalaki ang galit nito dito, hindi pa rin siya sang-ayon na pangarapin nitong mamatay si Lin Che.

"Sige. Kung wala ka ng iba pang sasabihin, ibababa ko na 'to."

"Ano, Jingze, hindi ka ba pupunta dito sa hospital…" nag-aalangang tanong ni Mo Huiling.

Nagtatakang sumagot ng tanong si Gu Jingze, "Bakit nandiyan ka pa sa hospital?"

May pagmamakaawa sa boses ni Mo Huiling, "Naaksidente ako. Kaya siyempre, kailangan kong manatili pa dito para matingnan nila. Paano nalang kung may biglang mangyari sa akin ngayong gabi, hindi ba?"

Huminga nang malalim si Gu Jingze, "Ganoon ba, okay sige. Magpahinga ka na muna diyan. Hindi pa pwedeng iwan nang mag-isa si Lin Che kaya hindi ako makakapunta diyan."

"Ano?" Nabiglang tanong ni Mo Huiling.

"Mas malala ang aksidenteng kinasangkutan niya at muntikan na siyang mamatay. Okay? Ibababa ko na 'to."

Hindi na hinintay pa ni Gu Jingze na makasagot si Mo Huiling.

Hindi naman inaasahan ni Lin Che na sasabihin ni Gu Jingze iyon. "Hindi ba magagalit sayo si Miss Mo kung hindi mo siya pupuntahan ngayon doon?"

"Wala naman siyang dapat ikagalit. Nagasgasan lang nang kaunti ang tuhod niya. Wala namang dapat ipag-alala."

"Gasgas sa tuhod niya? Nang dahil ba sa akin?"

"Oo."

Muli siyang napatingin kay Gu Jingze, "Tiyak na sobra ang galit sa akin ni Miss Mo ngayon."

Naisip niya na baka nga masasama ang mga sinabi nito sa kanya dito kanina.

Sumagot si Gu Jingze, "Oo. Sinabi pa nga niya na sinadya mo siyang banggain."

Mahina ang boses na sumagot si Lin Che, "Ah… Siya ang tumakbo palapit sa akin, okay? Nabigla ako."

Tiningnan ni Gu Jingze ang mga sugat sa kanyang katawan at nagbuntung-hininga. "Sa una, gusto talaga kitang tanungin kung anong nangyari. Pero dahil nakita ko na kung paano mo sinaktan iyang sarili mo dahil sa driving skill na mayroon ka, hindi ko na pala kailangan pang magtanong."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

Mahinang kinuskos ni Gu Jingze ang ulo niya, "Ang ibig kong sabihin, dahil diyan sa level ng driving skills mo, alam ko na kaagad na hindi mo sinasadyang banggain siya!"

". . ."

Próximo capítulo