webnovel

Jin (Chapter 25)

"DIN, a-anong ginawa mo?" tanong ni Jin. Parang sasabog na ang kanyang dibdib no'n sa sobrang kaba.

Nakaupo lang sa sulok ang kanyang kambal yakap ang mga tuhod. Nanginginig ito at animo'y wala sa sariling katinuan.

Para siyang ipinako sa kinatatayuan. Hindi niya alam ang gagawin nang mga sandaling iyon. Panay ang lunok niya ng laway. Parang nagpapaligsahan ang kanyang mga luha sa pagbagsak. Hindi siya makapaniwalang makakaya ni Din na gawin ang karumal-dumal na pagpaslang sa kanyang mga kaibigan.

Parehong naliligo sa dugo ang dalawa at tadtad ng saksak ang hubo't hubad na mga katawan gamit ang binasag na bote ng Emperador. Pinutol rin ng kanyang kambal ang ari ni Kurt at hiniwa ang bibig ni Angelie na halos umabot na sa mga tenga nito.

"Kasalanan mo ang lahat ng 'to, Jin," garalgal ang boses na sabi Din. Hindi ito makatingin sa kanya. Patuloy ang panginginig nito.

Napanganga siya sa sinabi ng kanyang kambal. "Din, pinatay mo sila, paanong naging kasalanan ko 'yon?" halos hindi na lumalabas ang kanyang boses no'n.

"Kung pinagbigyan mo lang sana ako, hindi ko 'to magagawa sa kanila," tugon ni Din.

Napatingin ito sa kanya. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Nanayo ang kanyang mga balahibo no'n. Hindi na talaga niya kilala si Din nang mga oras na 'yon. Animo'y si Satanas ang kaharap niya.

"Din, magkapatid tayo. Putang ina naman, e," humihikbi niyang turan.

"Wala akong pakialam kung magkapatid tayo, Jin."

Tumayo si Din. Ngumiti ito sa kanya na dahilan nang kanyang panginginig. Natatakot siya sa ngiting iyon ng kanyang kambal. Pakiramdam niya no'n ay siya naman ang papaslangin nito.

"Siyanga pala, Jin. Pakiligpit na lang ang mga kaibigan mo," tumitig ito sa kanya nang matiim, "Nakakapagod magligpit ng patay, e. At saka ikaw naman ngayon kasi ako ang nagligpit ng bangkay ni Rain..."

"Ano?" putol niya sa sinabi nito. Mas lalo siyang kinilabutan no'n.

"Oh, bakit ka nagulat, Jin? Tama ang narinig mo. Pinatay ko rin si Rain at kasalanan mo pa rin 'yon. Sa harap ko pa mismo nagpachupa ka sa baklang 'yon. Nararapat lang na mamatay siya, Jin. Narinig mo ako? Nararapat siyang mamatay at hindi lang siya. Marami pang mamamatay, Jin. At lahat ng iyon ay kasalanan mo!" Pagkasabi no'n ay umalis na si Din at naiwan siyang parang sasabog na. Hindi talaga niya alam ang gagawin no'n.

Dahan-dahan siyang napaluhod sa lupa. Tumangis siya nang husto. "Diyos ko!" sabi niya habang pinagmamasdan ang nagkalasog-lasog na katawan nina Kurt at Angelie.

Biglang kumulog nang malakas. Ilang sandali lang ay bumagsak na ang ulan. Sa lakas no'n ay kaagad din siyang nabasa. Lalo siyang nanginig sa takot. Panay rin ang kidlat. Pero may bahagi pa rin ng utak niya no'n na gumana pa. Nag-isip siya ng gagawin.

Naisip niyang magsumbong sa mga pulis pero bigla ring nagbago ang kanyang isipan. Hindi niya kayang ipakulong si Din. Hindi niya kaya. Iyak siya nang iyak at panay ang dasal.

"Angelie, Kurt, sorry sa ginawa ng kapatid ko sa inyo," mahina niyang sabi.

May naisip siyang gagawin. Tumayo siya at kinuha ang pala sa lalagyan. Kaagad siyang naghanap ng puwesto na puwedeng gumawa ng hukay. Doon niya ililibing sina Angelie at Kurt. May naisip na rin siyang idadahilan kung sakaling hanapin na ang dalawa. Alam niyang maraming saksi na nag-inuman sila. Basang-basa na siya ng ulan nang mga sandaling iyon.

Naisip niyang doon gumawa ng hukay malapit sa mga puno ng saging. Hindi pa rin niya napatahan ang sarili no'n. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Kaagad nga siyang gumawa ng hukay na kasya ang laki para sa mga kaibigan.

Nang matapos ay muli na niyang binalikan sina Kurt at Angelie. Una niyang binuhat si Angelie. Panay ang dasal niya no'n. Dahan-dahan pa niyang inilagay sa hukay ang dalaga at humingi ulit siya ng tawad. Pagkatapos ay si Kurt naman ang inilagay niya roon. Pati mga kasuotan ng dalawa ay isinama niya sa hukay.

Sobrang bigat ng pakiramdam ni Jin. Ang tagal na ng pinagsamahan nila ni Kurt at hayun nga, wala ng buhay at kinitil pa ng mismong kambal niya.

"Patawarin mo ako, tol. Hintayin mo na lang ako sa kabilang buhay. Magtatagay pa rin tayo," sabi niyang halos hindi na talaga lumalabas ang boses. Pilit pa siyang ngumiti no'n.

Ang sunod niyang ginawa ay naghubo't hubad siya. Marami ng dugo sa kanyang kasuotan. Ayaw niyang mag-iwan ng anumang ebidensiya kaya kailangan ding mailibing ang mga iyon. Bigla niyang naisip ang mga isinuot ni Din. Naalala niyang maraming dugo ang nagkalat doon kaya kailangan niya ring mailigpit.

Pumasok sa isipan niya ang basag na boteng ginamit ng kanyang kambal sa pagpaslang. Kailangan niya ring malibing ang mga iyon kaya kaagad niyang binalikan.

Matapos niyang mailibing ang lahat ng kailangang mailibing ay itinumba niya ang tatlong puno ng saging para matakpan iyon at hindi na mapansin pa. Hindi naman masyadong nagpupunta sa likod ng bahay ang kanyang mga magulang kaya hindi na mag-uusisa ang mga ito tungkol sa mga natumbang puno ng saging.

Binalikan din niya ang puwesto. Buti na lamang at malakas ang ulan kaya kampante siyang wala ng maiiwang bakas ng dugo roon.

Naligo siya sa balon. Panay na ang kanyang sinok dahil sa kakaiyak. Napatingin siya sa bintana ng kwarto ni Din. Napamura siya dahil naroon pa rin ang kanyang kambal at pinagmamasdan siya habang naliligo. Pero hindi na niya ito pinansin. Nilinis niyang mabuti ang kanyang katawan.

Gusto niyang magsisigaw nang mga sandaling iyon pero hindi niya magawa. Pakiramdam niya no'n ay nasa mundo na siya ng mga demonyo. Hindi pa rin niya lubos maisip kung bakit nangyayari ang lahat ng mga iyon sa buhay niya. Hindi niya matanggap na pinapahirapan siya ng sariling kapatid. Panay ang tanong niya sa Panginoon kung bakit. Pero kahit labis ang poot at galit niya para kay Din ay ayaw niya pa ring gumawa ng hakbang na ikakapahamak nito.

Bigla niyang naisip ang tungkol sa pagpatay ni Din kay Rain. Mas lalo siyang napatangis. Napakabata pa nito para mamatay nang maaga. Napatanong siya sa isipan no'n kung paano rin kaya pinaslang ni Din ang kawawa nilang kapitbahay at kung nasaan na kaya ang bangkay nito.

Hindi niya alam kung ilan pa ang magbubuwis ng buhay kapalit ng isang bagay na hindi niya kayang ibigay sa kanyang kambal. Kailangan na talaga niyang umalis at lumayo kay Din sa lalong madaling panahon.

Próximo capítulo