Napagpasyahan nina Armando at Caridad na manatili muna sa mansion. Kasalukuyan silang nasa sala nang biglang dumating sina Dr. Steve at Eduardo, kasunod ng pagdating nila ay ang pagpasok naman ni Cliff na humahangos pa dahil mukhang galing pa ito sa biyahe.
"Napabalik ako rito dahil sa nakita ko sa social media. Nasaan si Theo? Bakit nasa social media ang picture nila ni Tita na magkasama?" bungad ni Cliff.
Napatayo si Armando sa sofa. "Paanong nangyari 'yon?"
"Hindi ko rin po alam, Tito."
Nagsimulang makaramdam ng kaba ang lahat.
Sabado ng araw na iyon nang napagpasyahan nilang magkita-kita sa hotel sa Manila. Sa isang silid ay may napag-usapan silang lahat. Si Cliff na ang kasalukuyang namamahala sa LED Hotel sa Manila noon. Mula nang maging manager siya sa hotel, nagsimula rin ang pagpasok ng problema hindi lang dahil sa kawalang interes ni Cliff kundi dahil na rin sa wala talaga siyang talento. Marahil ang isa sa naging mali niya sa pagpapatakbo ay ang kawalan niya ng awtoridad sa hotel. Pakiramdam niya kasi ay bukod sa wala siyang tiwala sa sarili niya na magagawa niya, wala ring tiwala sa kanya ang mga tauhan nila kaya nga minsan ay hirap siyang mapasunod ang mga ito liban na lang kung idadawit niya ang pangalan ni tiyuhin na si Armando at doon ay makikita niya ang mga takot sa mga mata ng mga ito.
Marahil kaya nagagawa iyon ng mga tauhan nila sa kanya ay sa kakulangan niya rin ng experience o sa kanyang batang edad samantalang ang mga tauhan nila ay hamak na mas matatanda at maraming taglay na experience kumpara sa kanilang dalawa ni Theo. Bente pa lamang kasi siya noon nang isabak na siya roon. Pero kahit ganoon ay nilihim niya lamang ang pagtrato ng mga tauhan sa ama at tiyuhin dahil alam niyang sa kanya rin babalik ang sisi. Simula nga noon, paunti-unti nang bumagsak ang hotel sa Manila dahil sa kanyang poor management skills hanggang sa napagpasyahan ng kanyang tiyuhin at ama na pag-usapann ang tungkol doon. Syempre, katulad nga ng inasahan niya, nasa kanya ang sisi pero hinayaan niya lang.
"Ano na ang balak natin ngayon, Armando? Tutal, ikaw naman ang palaging magaling dito. Nasaan na ba ang anak mo? Ano'ng plano mo sa kanya nang makatulong naman sa atin?" wika ni Eduardo.
"I have a plan. But I need your cooperation. Dr. Steve, Cliff. Lahat kayo kailangan ko para mag-work 'to."
"Ano ba 'yon, mahal?" tanong ni Caridad.
"Mamaya sabihan mo si Rina na darating tayo bukas ng hapon," utos ni Armando kay Caridad. "Magkakaroon tayo ng salo-salo. Kailangan ko kayong lahat."
Sinabi ni Armando ang plano sa lahat na ikinagulat naman nina Caridad, Cliff at Dr. Steve.
"Mahal, hindi ko 'yan magagawa," tanggi ni Caridad. Ayaw niyang lokohin si Theo sapagkat minahal niya na rin ito bilang anak.
"Sir Armando, I think this is a bad idea. Baka lalo lamang lumala ang kondisyon ni Theo sa gagawin natin. He needs a family na mapagkakatiwalaan, and if he discovers our betrayal to him, baka mas lalo tayong mahirapan na kuhain ang loob niya," mahabang paliwanag ni Dr. Steve.
"Payag ako rito. Wala naman sigurong makakaalam kung walang magpapaalam," gatong ni Eduardo.
"Pero Dad. Kailangan ba na pwersahin natin si Theo? At isa pa, paano kung hindi tayo magtagumpay sa plano?" lintaya ni Cliff.
"I agree with Cliff, what if, we fail? Paano kung hindi siya kumagat," saad din ni Dr. Steve.
"That's final. I hope na maasahan ko kayo bukas. Hindi natin malalaman kung magsa-success 'to kung hindi natin susubukan."
Wala nang nagawa pa sina Cliff, Dr. Steve at Caridad sa huling sinabi ni Armando. Napakibit-balikat na lamang sila at nagtinginan sa isa't isa. At kinabukasan din ng hapon ng araw na iyon ay nagpunta nga sila sa mansion para sa isang salo-salo.
Si Caridad ang nag-inform kay Rina na darating sila. Siya rin ang nagpahanda sa babae ng mga pagkain kaya nga pagdating na pagdating nila sa mansion ay nakalatag na sa mesa ang iba't ibang putahe.
Nang nasa hapag na sila noon ay sinadya talaga ni Eduardo na galitin si Theo sapagkat kabisado nila ang pagiging magagalitin ng lalaki. Nandoon din si Dr. Steve at Caridad na kunwari ay umaawat subalit iisa lamang talaga ang layunin nila. Iyon ang kumagat ang lalaki sa kanilang plano. Nagtagumpay nga si Eduardo at napaalis si Theo sa hapag. Noong umakyat si Theo sa kuwarto nito, inutusan naman ni Caridad si Rina na kumuha ng tubig at iakyat sa silid ng lalaki. Matapos iyon ay umakyat naman si Caridad upang magkunwaring dinadamayan ang anak.
Samantala, noong nakahanda na ang tubig na iaakyat ni Rina ay dumating naman si Cliff sa kusina upang magpanggap na uutusan ang babae. Pinaayos nito sandali ang mesa na nagulo ni Theo at agad namang sinunod ng babae. Noong si Cliff na lang ang nasa kusina, nilagyan nito ng gamot ang inumin ni Theo upang makatulog ang lalaki. Ligtas naman ang pampatulog na iyon dahil pinagkatiwala na nila ang pagkuha noon kay Dr. Steve na may kaalaman sa mga ganoon. Palihim na inabot ni Dr. Steve ang pampatulog kay Cliff noong nagkakagulo na.
Eksato naman nang dumating si Rina ay natapos din ni Cliff ang task na nakatoka sa kanya. Ngumiti siya kay Rina na para bang walang nangyari at hinayaan na ang babae na dalhin ang tubig ni Theo sa taas.
Nagtagumpay si Caridad na pakalmahin ang anak. Nagawa niya ring ipainom sa lalaki ang tubig na may pampatulog katulad ng napag-usapan nila. Subalit kahit nagtagumpay siya sa malamisyon ng secret agent na binigay sa kanya, alangan pa rin siyang gawin ang plano dahil natatakot siyang baka lalo nilang masaktan si Theo.
Noong nakatulog na si Theo ay nagtulungan sina Cliff at Dr. Steve na tanggalan ang lalaki ng damit. Inayos nila ang pagkakahiga nito sa kama at saka kinumutan. Habang abala naman sila roon, abala rin sina Armando at Eduardo na kuhain ang atensyon ni Rina. Inuutusan nila ito ng kung ano-ano huwag lang matuon ang focus nito sa silid ni Theo dahil kung pupunta ito sa silid ng lalaki, mabibigo sila sa plano at baka magkabukingan pa. Kailangan din kasi nila si Rina sa planong iyon.
"Ayos na ba lahat?" tanong ni Cliff.
Tumango si Caridad at napilitang tumabi kay Theo sa kama. Kasama iyon sa orihinal nilang plano sapagkat hindi lingid sa kanilang lahat ang lihim na pagtingin ni Theo sa kanya. Hindi pa sana nila malalaman iyon noong nag-usap sila dahil tumangging magsalita si Dr. Steve, nadulas at nabanggit nito ang tungkol doon kaya nagkaroon sila ng idea at sa huli, nadaan nila sa pilit ang doktor kaya nakwento nito ang lahat-lahat ng tungkol kay Theo.
Nang nakaalis na sina Cliff at Dr. Steve sa silid ni Theo, inalis na rin ni Caridad ang suot na damit at tuluyan nang nahiga katabi ng anak. Sinikap niyang matulog kahit na ang totoo ay nagi-guilty na siya sa pinaggagagawa nila.
Kinabukasan ng gabing iyon, inutusan ni Armando si Rina na dalhan ng pagkain si Theo sa silid. Kasama iyon sa plano nila. Umalis na ang mag-amang sina Eduardo at Cliff. Tanging si Dr. Steve lang ang nagpaiwan dahil nangangamba talaga ang doktor sa kanyang pasyente.
Nang narinig na nga nila ang gulo sa taas ng silid. Dali-daling umakyat sina Armando at Dr. Steve sa silid ni Theo. Sa magkatulong na lakas ng dalawa ay nagawa nilang buksan ang nakasaradong pinto ng silid nito.
Pagkapasok nila ay tumambad sa kanila ang eksena na inasahan na talaga nilang mangyayari pero nagpatuloy pa rin sila sa pagpapanggap o pag-akto na sila ang nabiktima. Umiyak si Caridad gaya ng kailangan niyang ipakita sa lahat pero ang iyak na iyon ay may halong lungkot dahil sa masamang plano nila. Iyak na may halong pagkakonsensya.
Nagpanggap din si Armando na galit. Sinabihan niya ng masasakit na salita ang anak at pinagbuhatan ng kamay. Aminado naman si Armando na naging desperado siya ng araw na iyon at kahit pa maling desisyon ay pinatulan niya dahil iyon ang alam niyang makabubuti sa anak upang hindi ito manatiling nagkukulong sa mansion. Sa tingin niya rin ay iyon ang makabubuti sa hotel nila kung magtatagumpay silang palabasin ang lalaki.
"Walang hiya ka! Baliw ka na talaga!" sigaw ni Armando.
"Mr. Ledesma, kumalma kayo," awat din ni Dr. Steve dahil napansin niya na masyado nang napapalakas ang pananakit ni Armando sa anak na dapat ay isa lamang pagpapanggap. Masyado na nitong tinutotoo.
"Wala akong alam sa nangyari!"
"Halimaw ka! Dapat hindi na lang kita pinalaki. Kung alam ko lang ay sana hindi na kita binuhay pa. Wala kang kuwenta! Hinayaan na lang sana kita sa..." Hindi natuloy ni Armando ang sasabihin dahil napahawak ito sa noo at napaupo kaya agad na napalapit dito si Dr. Steve.
Hindi alam ni Dr. Steve kung kasama pa rin iyon sa pagpapanggap pero agad niyang nilapitan si Armando upang alalayan ito at upang makasiguro na ayos lamang ito.
"Dad!" agap din ni Theo sa ama.
"Mr. Ledesma!"
"Wala akong anak na baliw! Wala akong anak na halimaw!"
Inalalayan ni Dr. Steve si Armando samantalang sumunod naman sa kanila si Caridad at si Rina.
Nagbalik si Armando sa kasalukuyan matapos ang huling eksena na iyon kung saan matagumpay nga nilang napakagat si Theo sa kanilang plano. Napapayag nila itong tumulog sa pagmama-manage ng hotel hanggang sa tuluyan na itong lumabas ng mansion.
"Ano'ng nangyari? Paano nagkaroon ng ganoong picture sa social media?" tanong ni Armando.
Napatakip si Caridad ng bibig. "Ito na nga ba ang sinasabi ko. Kaya noong una pa lang hindi ko na gusto ang plano na 'to."
"Mag-isip nga kayo. Kung hindi natin ginawa 'yon, marahil nandito pa rin sa kulungan si Theo. Baka wala pa ring improvement sa kanya," saad naman ni Eduardo.
"Pero...pero kung hindi natin ginawa iyon, hindi mangyayari 'to," saad ni Cliff.
"Ano nang susunod na mangyayari? Paano na si Theo? Paano kung malaman niya?" sunod-sunod na tanong ni Caridad.
"Itigil n'yo na 'yan. Hindi malalaman ni Theo na may kinalaman tayo sa nangyari noon," wika naman ni Armando.
"Ano'ng malalaman ko?"
Napalingon ang lahat sa main doorway at nakita ng lahat si Theo na nakatayo at mukhang kanina pa nakikinig sa pinag-uusapan nila. Nanlaki ang mata ni Caridad, napangisi si Eduardo, napaatras nang bahagya si Cliff at napaayos naman ng upo si Armando.
Si Dr. Steve naman ay napasapo na lamang ng noo at iiling-iling na tumingin nang salitan sa kasama niya sa plano at sa pasyente na si Theo.
Hello mga ka-Encha! Thank you sa patuloy na pagsubaybay sa kwento ng pag-ibig nina Theo at Rina. Salamat din dahil hindi kayo nagsasawang suportahan si Theo at ang kanyang buhay.
Sa mga hindi pa po nakakabasa ng "Win Over Mr. Perfect" Completed na po ito sa Webnovel. Don't forget din po na i-rate ang bawat chapters kung nagustuhan ninyo.
Kita-kita rin tayo sa aking Facebook page. Anny Pelly. Salamat sa message ninyo sa akin doon kaya mas lalo akong ginaganahang magpatuloy sa pagsusulat.
I love you all and God bless.