webnovel

Kabanata IV: Agresyon — Ikalawang Parte

Ang unang naisip ni Wei WuXian ay nagkaroon ng problema sa flag formation na inayos ng mga binata.

Kailangang may ibayong pag-iingat na gamitin ang mga imbensyon niya. Kung hindi, may delubyong mangyayari. Ito ang dahilan kung bakit niya siniguradong walang mali at tama ang pagkakaguhit sa mga bandila.

Hinayaan ni Wei WuXian na kaladkarin siya ng mga pares ng malalaking kamay upang hindi na niya kailangan maglakad mag-isa at mahirapan.

Ang Silangang Bulwagan ay napupuno ng mga tao, mas matao pa kumpara kahapon. Lahat ng mga tagapagsilbi at mga kamag-anak ay naroroon. Ang ilan ay nakapantulog pa at hindi pa nakakapagsuklay, ngunit lahat sila ay nababakasan ng takot. Nakahilata si Madam Mo sa kaniyang silya, wari'y kakagising lang mula sa pagkakahimatay. Maluha-luha pa ang kaniyang mga mata at may bakas din ng mga luha sa kaniyang mukha. Ngunit nang kaladkarin si Wei WuXian papasok, ang nagdadalamhati niyang tingin ay naging mapoot.

Isang hugis-taong bagay ang nakalatag sa sahig, natatakpan ng puting tela at mukha lamang ang kita. Madilim ang mga ekspresyon na sinasayasat nila Lan SiZhui ang sitwasyon, nagdi-diskurso sa mahinang boses. Umabot kay Wei WuXian ang kanilang pag-uusap.

"... Kulang tatlong minuto pa lang ang nakalipas simula nang matagpuan ang bangkay?"

"Matapos supilin ang mga naglalakad na bangkay, agad kaming pumunta sa Silangang Bakuran mula sa Kanluran, at nakita namin ang bangkay sa pasilyo."

Tila ang hugis-taong bagay sa sahig ay si Mo ZiYuan. Sinulyapan ito ni Wei WuXian at hindi niya mapigilang tingnan ito muli.

Mukhang si Mo ZiYuan ang bangkay sa ilang aspeto, pero parang hindi rin siya sa ilang dako. Kahit ang pagmumukha ng bangkay na ito ay halatang pag-aari ng kaniyang hamak na pinsan, lubog ang mga pisngi, luwa ang mga mata, at kulubot ang balat. Kumpara sa batang Mo ZiYuan bago ito, para siyang tumanda nang maraming dekada. Mahahalata ring parang sinipsip ang kaniyang dugo't laman hanggang sa naging na lamang siyang buto't balat. Kung noon ay nakasusuya ang pagmumukha ni Mo ZiYuan, ngayon naman ay nakasusuklam ang bangkay niya.

Habang sinasayasat ni Wei WuXian ang bangkay, bigla siyang sinugod ni Madam Mo habang hawak ang isang punyal. Dahil maliksi, agad na naagaw ni Lan SiZhui ang punyal. Bago pa man siya makapagsalita, sinigiwan siya ni Madam Mo, "Masalimuot na namatay ang anak ko! Pinanghihiganti ko lang s'ya! Bakit mo 'ko pinpigilan?!"

Muling nagtago si Wei WuXian sa likuran ni Lan SiZhui at nagsalita, "Anong kinalaman ko sa pagkamatay ng anak mo?"

Kahapon, nasaksihan ni Lan SiZhui ang eksenang ginawa ni Wei WuXian sa Silangang Bulwagan. Idagdag pa ang mga grabeng usap-usapan mula sa ibang tao, hindi niya mapigilan kundi makaramdam ng awa para sa mga may kapansanan at kampihan ito, "Madam Mo, base po sa kondisyon ng anak niyo, ang diwa at laman niya ay pilit na inilabas mula sa katawan niya. Nangangahulugan lamang po na pinatay siya ng mga masasamang nilalang, hindi po ng taong 'to."

Napasinghal si Madam Mo, "Wala kang alam! Isang kultibador ang ama ng baliw na 'yan. Siguradong natuto siya ng mga demonikong mahika mula sa taong 'yon!"

Napalingon si Lan SiZhui para tingnan ang nagpapanggap na maluwag-ang-turnilyo-sa-utak na si Wei WuXian at muling nagsalita, "Uhm, Madam, wala pong ebidensya kaya..."

"Nasa anak ko ang ebidensya!" Tinuro ni Madam Mo ang bangkay sa sahig, "Kayo mismo ang tumingin! Ang bangkay mismo ni A-Yuan ang tumuturo sa salarin!"

Hindi kailangan ang tulong ng ibang tao, kusang tinanggal ni Wei WuXian ang puting tela na tumatakip sa bangkay. Mapapansing mayroong nawawala sa katawan ni Mo ZiYuan.

Ang kaliwa nitong braso, putol mula sa balikat, ay nawawala!

Madam Mo, "Nakikita niyo 'to? Narinig niyo naman ang sinabi ng baliw na 'yan, 'di ba?  Sinabi niyang kung hahawakan ulit ni A-Yuan ang mga kagamitan niya, puputulin niya ang kamay ng anak ko!" Matapos ang bugso ng emosyon, napatakip siya ng mukha at humikbi, "... Ang kawawang A-Yuan... Kahit wala naman talaga siyang ginawa, hindi lamang siya napagbintangan, kundi pinatay pa... Wala na sa katinuan ang baliw na  `yan."

Wala sa katinuan!

Maraming taon na ang lumipas mula nang huli niyang marinig ang mga salitang ito upang ilarawan siya, kaya nakakatawa na lang ito kung pakikinggan. Tinuro ni Wei WuXian ang sarili, pero walang salita ang nanggaling sa kaniya. Hindi niya alam kung siya itong may sakit o si Madam Mo.

Noong kabataan niya ay madalas siyang magsalita ng mga bagay tungkol sa paglipol ng mga pamilya't angkan, pagpaslang ng milyong-milyong tao, paglikha ng rumaragasang ilog ng dugo, at iba pang malulupit na mga gawain. Pero madalas ay wala naman katotohanan ang mga salitang iyon. Kung totoong ginawa niya ang mga bagay na 'yon, matagal na sana niyang pinaghaharian ang mundo ng kultibasyon.

Hindi totoong intensyon ni Madam Mo paghigantian ang anak, nais lamang niyang ibuhos sa kung sino ang kaniyang poot at pighati.

Hindi pinansin ni Wei WuXian ang ginang. Panandalian siyang nag-isip at pagkatapos ay pinasok ang kaniyang kamay sa manggas ni Mo ZiYuan. Sandali siyang kumapkap sa loob at may nilabas na kung ano, agad niya itong niladlad. Sa kaniyang pagkagulat, isa itong Phantom Attraction Flag.

Pagdaka ay napagtanto na niya kung ano ang nangyayari. Napabulong siya, 'Talagang mangyayari 'to sa kan'ya!'

Nang makita nila Lan SiZhui ang bagay na nanggaling sa manggas ni Mo ZiYuan, naintindihan din nila ang sitwasyon. Kung ikokonekta ito sa gulong nangyari kahapon, malalaman na kaagad ang dahilan. Kahapon, labis na napahiya si Mo ZiYuan dahil sa kabaliwan ni Mo XuanYu at dahil sa pagkasuklam niya rito, nagkaroon siya ng pagnanais na maghiganti. Samantala, buong araw naglibot sa labas si Mo XuanYu kaya pinlano na lamang niyang maghiganti sa gabi, sa pagbabalik nito.

Nang sumapit ang dilim, palihim siyang lumabas at nakita ang mga Phantom Attraction Flag sa mga pader nang dumaan siya sa Kanlurang Bakuran. Kahit paulit-ulit siyang sinabihan na huwag lumabas o lumapit sa Kanlurang Bakuran, at lalong dapat lumayo mula sa itim na mga banderang ito, inakala ni Mo ZiYuan na ang mga babalang ito ay para lamang mapigilan ang mga taong nakawin ang mga mahahalagang sandata na ito.

Wala siyang idea tungkol sa panganib na dulot ng mga Phantom Attraction Flag, o kapag hinawakan niya ito, magiging siyang buhay na target. Nasanay siyang ninanakaw ang mga talismans at mga mahihiwagang kagamitan ng kaniyang pinsan at muli na namang nangati ang kaniyang palad— gusto niyang kunin ang mga bihirang mga gamit tulad nito at hindi siya susuko hanggang hindi niya ito nakukuha. Kaya nang makahanap siya ng tamang tiyempo — nang nilulupil ng grupo ang mga naglalakad na bangkay — palihim siyang kumuha ng isa.

Mayroong anim na bandila ang flag formation, kung saan ang lima ay nasa Kanlurang Bakuran, at ang mga binatang Lan bilang mga pain. Samantala, lahat sila ay may dalang mga pananggang kagamitan, at kahit isang bandila lang ang kinuha ni Mo ZiYuan, wala siyang kahit anong kagamitan bilang proteksyon. Madalas na pagsamantalahan ang mga mahihina kaya natural lamang na lumapit sa kaniya ang mga masasamang nilalang. Kung mga naglalakad na bangkay lamang ang mga ito, hindi iyon malaking problema. Kahit na makagat siya ay may pag-asa pa rin siyang mabuhay at maaari pa itong malunasan. Sa kasamaang palad, aksidenteng mas malala pa sa naglalakad na bangkay ang naakit ng Phantom Attraction Flag. Ang misteryosong nilalang ang pumatay kay Mo ZiYuan at ang kumuha sa braso nito!

Inangat ni Wei WuXian ang kaniyang braso. Tama siya, isa sa kaniyang mga hiwa ay gumaling na. Mukhang sinwerte siya — siya ang kinilalang pumaslang kay Mo ZiYuan ayon sa kontrata.

Alam ni Madam Mo ang mga pagkakamali ng anak, ngunit hindi siya handang aminin na si Mo ZiYuan mismo ang nagdulot ng sarili niyang kamatayan. Dahil sa pagkabalisa at galit, dumampot siya ng tasa at binato sa direksyon ni Wei WuXian, "Kung hindi mo siya pinagbintangan sa harap ng maraming tao kahapon, sa palagay mo ba ay lalabas siya nang hating gabi? Kasalanan mo lahat 'to, putangina ka!"

Nakita itong parating ni Wei WuXian at umilag.

Sunod, hinarap ni Madam Mo sina Lan SiZhui at sinigawan ang mga ito, "At kayo! Mga wala kayong kuwenta! Nagkukultibasyon kayo at nagtataboy ng masasamang espirito, pero hindi niyo man lang kayang protektahan ang anak ko! Bata pa si A-Yuan!"

Kahit ang mga binatang ito ay musmos pa lamang. Wala pa silang sapat na karanasan para malaman kung anong mali sa lugar, kaya nakokosensya sila sa kawalan nila ng kakayahang madetekta ang masidhing nilalang. Matapos ang walang katarungang sermon ni Madam Mo, lahat sila ay kulay asul na ang mga mukha. Lumaki sila sa prominenteng pamilya kaya walang sinuman ang nagtangkang tratuhin sila nang ganito. Istrikto ang Sektang GusuLan sa lahat ng disipulo nito, pinagbabawalan ang karahasan laban sa mga mahihina, lalo na ang kawalan ng respeto. Kaya kahit naaapi na sila, kailangan nilang tiisin ito kahit na nandidilim na ang kanilang mga mukha.

Ngunit hindi na ito kayang matiis ni Wei WuXian, at naisip, 'Maraming taon na ang nakalipas, pero pareho pa rin ang mga kaugalian ng mga Lan. Anong kwenta ng tinatawag nilang "pagpipigil"? Mabuti pa, panoorin niyo 'ko!'

Malakas siyang dumura at nagsalita, "Sino-sino sa palagay mo ang mga pinagbubuntungan mo? Sa palagay mo ba ay mga alipin mo sila? Nanggaling sila sa malayo at nagtaboy ng mga masasamang espirito nang walang hinihinging kapalit. May utang na loob ba sila sa'yo? Ilang taon na ba anak mo? Hindi naman siguro bababa sa disi-syete ang edad niya, kaya paano pa siyang maituturing na 'bata'? Gaano ba siya kailangang maging bata para maintindihan niya ang simpleng lengguwahe? Hindi ba't paulit-ulit nilang sinabi na huwag hawakan ang kahit ano sa pormasyon at huwag lumapit sa Kanlurang Bakuran? Kusang pumuslit ang anak mo. Sinong may kasalanan? Ako o siya?"

Nagpakawala ng buntong-hininga sina Lan JingYi, hindi na madilim ang kanilang mga ekspresyon. Labis na hinagpis at poot ang nararamdaman ni Madam Mo, wala siyang ibang maisip kundi ang salitang "kamatayan." Hindi ang sarili niyang kamatayan para makasama niya ang anak, kundi ang kamatayan ng lahat ng tao sa mundo, lalo na ang mga nasa harap niya.

Madalas niyang utusan ang asawa, kaya sinabi niya rito, "Papasukin mo lahat ng tao rito!"

Ngunit nakatulala lamang ang asawa niya. Maaaring dahil sa trauma gawa nang pagkamatay ng nag-iisang nitong anak, maging ang itulak ang sarili nitong asawa ay nagawa nito. Nagulat si Madam Mo at sumalampak sa sahig.

Noon, hindi na kailangan pang iangat ni Madam Mo ang kamay, itataas niya lamang ang kaniyang tono at agad na siyang susundin ng asawa. Ngayon, paanong nagawa ito ng asawa niya?

Takot na takot ang lahat ng tagapagsilbi. Tinulungan ni A-Ding na tumayo si Madam Mo na may nakakatakot na ekspresyon.

Nanginginig na hinawakan ni Madam Mo ang dibdib at nagwika gamit ang nanginginig na boses, "Ikaw... Ikaw... Ikaw, lumayas ka rin sa paningin ko!"

Mukhang walang narinig ang asawa niya.

Ilang beses tinapunan ng tingin ni A-Ding si A-Tong, at agad namang tinulungan ni A-Tong palabas ang kaniyang master. Nagkakagulo ang lahat sa Silangang Bulwagan. Nang nakita ni Wei WuXian na nanahimik na ang pamilya, nais niyang siyasatan muli ang bangkay. Ngunit bago pa man siya magkaroon ng pagkakataong tingnan muli ito, isa na namang nakakapanindig-balahibong sigaw ang kaniyang narinig. Nanggaling ito sa bakuran.

Lahat ng tao sa bulawagan ay dali-daling tumakbo palabas. Sa Silangang Bakuran, may dalawang nangingisay na katawan sa lupa. Ang una ay si A-Tong, buhay pa, na nakahandusay sa sahig. Ang isa ay kulubot at tuyong katawan, parang sinipsip lahat ng dugo't laman. Nawawala ang kaliwang bisig ngunit walang dugo ang makikita. Ang kondisyon ng bangkay na ito ay katulad ng kay Mo ZiYuan.

Kanina'y umalis sa pagkakasuporta ni A-Ding si Madam Mo ngunit nang makita niya ang bangkay na nasa lupa, nanlaki ang kaniyang mga mata at nawalan ng lakas, pagkatapos ay nahimatay. Sakto namang si Wei WuXian ang nasa tabi niya at sinalo siya, ngunit ipinasa rin sa paparating na A-Ding.

Tiningnan ni Wei WuXian ang kaniyang kanang braso, isa sa mga sugat ay naghilom na.

Ilang segundo pa lamang ang nakakalipas nang lumabas sila mula sa bulwagan, ni hindi pa nakakalampas sa Silangang Bakuran, ngunit heto at agad nilang nasaksihan ang malagim na pagkamatay ng asawa ni Madam Mo. Namutla sina Lan SiZhui, Lan JingYi, at ang iba pa. Si Lan SiZhui ang unang kumalma at tinanong ang nakahandusay na si A-Tong, "Nakita mo ba kung ano 'yon?"

Halos mamatay sa takot si A-Tong, hindi makapagsalita. Kahit ilang beses tinanong ay hindi pa rin siya makasagot. Paulit-ulit lamang itong umiling. Nag-uumpisa nang mabalisa si Lan SiZhui. Inutusan niya ang isang disipulo na ipasok ito, matapos ay tinanong niya si Lan JingYi, "Ipinadala mo na ba ang hudyat?"

Sumagot si Lan JingYi, "Oo, pero walang nakatatanda ang pwedeng tumulong sa  'tin sa lugar na 'to. Hindi iikli ng isang oras ang kailangan bago sila makarating dito. Ano nang gagawin natin? Ni hindi man lang natin alam kung ano 'to."

Imposibleng basta na lamang silang umalis, lalo na sa ganitong kritikal na sitwasyon. Kung ang mga disipulo ng isang angkan ay sarili lamang ang nasa isip, magdudulot ito ng kahihiyan sa buong angkan at mawawalan din sila ng mukhang maihaharap. Hindi rin pwedeng umalis ang mga tao sa pamilyang Mo dahil maaaring isa sa kanila ang salarin, kaya walang mabuting idudulot ang pag-alis. Buong tapang na utos ni Lan SiZhui, "Hihintayin natin ang tulong!"

Ngayong naipadala na ang senyales ng paghingi nila ng tulong, siguradong may ibang kultibador ang darating para tumulong. Upang mapigilan ang paglala ng sitwasyon, kailangang magtago ni Wei WuXian at lumayo. Hindi niya alam kung anong mangyayari kapag nagkataong kilala siya ng mga kultibador na darating.

Ngunit dahil sa sumpa, hindi muna siya pwedeng umalis ng nayon ng Mo. Isa pang bagay na kailangan niyang ikonsidera ay ang nilalang na pumaslang na ng dalawang tao sa loob lamang ng maikling panahon, ibig sabihin lang nito ay masyado itong malisyoso. Kung aalis siya ngayon, baka sa oras na dumating ang tulong ay tambak na ng mga bangkay na nawalan ng kaliwang braso ang mga daanan, baka pati na rin ang ilang kamag-anak na mga disipulo ng angkan ng GusuLan ay wala nang buhay sa oras na iyon.

Matapos ang ilang sandaling pag-iisip, sinabihan ni Wei WuXian ang sarili, 'Tapusin mo na 'to ka 'gad.'

+++

T/N:

Grandmaster of Cultivation (Mo Dao Zu Shi) ang pinaka una kong Chinese Xianxia novel na nabasa. Wala rin akong ka-ide-idea about cultivation and stuff, sa totoo lang. So, 'eto ay ilang mga punto para lalo niyong maintindihan ang settings:

+ Cultivation +

A Taoist concept where humans can extend their lifespan through a set of cultivation arts.

Paraan din ito upang palakasin ang sarili ("cultivating" the power inside ourselves).

Sa mga kultibasyong nobela, age doesn't matter because one can look youthful with an age of around a hundred.

+ Chinese houses +

Parang katulad sa mga K-drama, hiwa-hiwalay din ang mga silid ng mga traditional Chinese homes. Kaya kung mapapansin, may Kanluran at Silangang Bulwagan at Bakuran.

I just felt the need to note it kasi sobrang confuse din ako noong una, being someone who doesn't know anything about Chinese stuff.

Próximo capítulo