webnovel

Last Chapter

Kinabukasan ng gabi...

Kinatok ni Eirin ang pinto ng silid ni Isagani. "Isagani, papasok ako ng iyong silid." paalam niya at binuksan na ang pinto nito. Naglakad siya palapit dito at ito naman ay nakatalikod ng higa. "Isagani..." tawag niya rito ngunit hindi ito umimik.

Batid niyang hindi ito tulog at halatang nagmumukmok lamang. Umupo siya sa bandang likuran nito at hinawakan ang braso nito. "Isagani batid kong pagiging makasarili ang hihilingin ko sa iyo na ito... ngunit maaari mo ba akong samahan sa may Sentro? May selebrasyong magaganap doon at nais kong matunghayan ang pagtugtog ng mga babaeng Gisune. Isa pa'y napakatagal na rin nang magkasama tayo sa ganoong kaganapan kaya hiling ko ay mapagbigyan mo ako."

Hindi ito gumalaw sa pagkakahiga. Akala niya ay hindi siya nito papansinin ngunit nagsalita rin ito ilang saglit lamang. "Paumanhin Eirin ngunit hindi maganda ang aking pakiramdam." matipid na pagtanggi nito.

Napahinga naman siya nang malalim. "Naiintindihan ko. Kung gayon ay ako na lamang ang mag-isang pupunta roon." malungkot na sabi niya at tatayo na sana nang lingunin siya nito nang kaunti.

"Tumakas ka lamang ba sa inyo?"

Nahihiyang napangiti naman siya. "Ganoon na nga."

Ito naman ang napahinga nang malalim at napilitang bumangon na ng higa. "Ihahatid na kita pauwi." Tumayo na ito kaya napatingala siya rito.

Walang emosyon ang mukha nitong inalok ang kamay sa kaniya para tulungan siyang makatayo. Napangiti naman siya at ibinigay na ang kaniyang kamay rito.

* * *

Naglalakad na sila pabalik ng bahay nila Eirin nang masalubong nila ang ilang mga babae at lalaking batang Gisune na nakasuot ng magaganda at makukulay na kasuotan. Nakapinta ang masasayang ngiti sa mga ito na halatang nasasabik sa kung saan man tutungo.

Napatigil sa paglalakad si Eirin at napasunod ang tingin niya sa mga ito. "Siguradong pupunta sila sa Sentro upang sumali sa selebrasyon doon." bakas ang inggit sa kaniyang tinig. "Masayang-masaya talaga ako na kahit nagkaroon ng magkasunod na pag-atake sa ating bayan ay mabilis naman ang pagbangon at pagiging masigla muli ng mga Gisune. Salamat Isagani dahil sa pagsasakripisyo mo ng iyong kasayahan para lamang protektahan kami. Maraming-maraming salamat talaga." Yumuko pa siya kay Gani sa lubos na pagpapasalamat.

Hindi naman ito kaagad umimik ngunit hinawakan nito ang braso niya kaya napaangat muli ang tingin niya rito. "Saglit lamang tayo sa Sentro tapos ay ihahatid na kita sa inyo." Wala pa ring emosyon sa mukha nito.

Kahit na ganoon ay lubos siyang natuwa dahil napapayag na rin niya ito sa wakas kaya sinsero siyang ngumiti rito. "Salamat Isagani."

Naglakad na sila pareho patungo ng Sentro gaya ng kaniyang hiling.

Pagkarating nila ng Sentro, tila walang nangyaring pagsalakay sa kanilang bayan sa ganda ng pagkakadisensyo sa lugar. Maraming mga Gisune ang nakasuot ng makukulay na kasuotan at mga nakaayos. Marami sa mga ito ay mayroong hawak na pakahon ang hugis na makukulay at nagliliwanag ang loob. Dahil sa mga iyon ay mas lalong gumaganda at sumisigla ang paligid.

"Ang ganda..." namamanghang sabi ni Eirin nang mapagmasdan ang paligid. Nasasabik na naglakad ito palapit sa isang tindahan ng makukulay na kahong maliwanag at agad naman niya itong sinundan dahil nag-aalala siya na baka kung anong mangyari rito.

Napansin niya na sumisigla na ang katawan nito na kinakaya na nitong maglakad nang walang alalay. Lagi na kasi itong naglalakad-lakad sa pagbisita sa kaniya noong wala pa siyang malay at dahil doon ay lumalakas na ang katawan nito.

Nang makalapit na siya rito ay kausap nito ang nagbibili ng makukulay na pailaw. "Kapag humiling kayo nang buong puso sa liwanag na nililikha ng bagay na ito at inyo itong pinalipad sa kalangitan, maaaring magkaroon ng katuparan ang inyong hiniling," wika niyon at labis naman na natuwa si Eirin sa nalaman.

Dahil doon ay bumili ito ng dalawa at hindi na niya nagawang pigilan pa. Ibinigay nito ang isa sa kaniya na kulay puti at ang hawak naman nito ay kulay dilaw. "Isagani, nais mo bang subukan natin kung tunay na matutupad ang ating hiling sa nagliliwanag na ito?"

Napatingin lamang siya sa ibinigay nitong hawak niya at nagdadalawang-isip siya dahil batid niya na hindi naman totoo ang sinabi ng binilhan nito rito.

"Susubukan lamang naman natin. Wala namang mawawala kung gagawin natin, hindi ba? Ano ang ating malay at magkatotoo ang sasabihin natin dito?" nakangiting kumbinsi nito sa kaniya.

Sikretong napahinga siya nang malalim at tumango na lamang bilang pagpayag muli sa nais nito.

Dahil doon ay tuwang-tuwa naman siya nitong isinama sa lugar kung saan pinakakawalan ng ibang mga Gisune ang nagliliwanag na bagay na iyon at doon ay isinagawa na nila ang paghiling. Bago niya gawin iyon ay tiningnan niya muna ang hawak niya. Naisip niya na tama naman si Eirin. Wala namang mawawala sa kaniya kung susubukan niya kaya ipinikit na niya ang mga mata niya. "Sana, dumating na ang araw na magkita na muli kami ni Queen." buong puso niyang hiling saka nagmulat na ng mga mata at pinakawalan na ang hawak niya. Unti-unti namang lumipad iyon sa kalangitan.

Namangha pa siya dahil napakaraming makukulay na ganoon ang nagliliwanag sa kalangitan dahil sa pagpapakawala sa mga iyon ng ibang mga Gisuneng naroroon.

"Sana ay magkatotoo ang hiling ni Isagani... Pakiusap."

Napatingin siya sa katabi niyang si Eirin na taimtim na humiling. Nagmulat na rin ito ng mga mata at pinakawalan na rin nito ang maliwanag na hawak habang may sinserong ngiti sa mga labi nito.

Nakatingin lamang siya rito nang...

🎶🎶🎶

Nagsimulang tumugtog ang pinakapaborito niyang kanta kaya nakuha kaagad niyon ang kaniyang atensyon at hinahanap kung saan iyon nanggagaling.

Sa hindi kalayuan, doon niya natanaw ang mga tumutugtog na mga babaeng Gisune. Dahil sa pagkakarinig sa kantang iyon na dahilan kung bakit niya nakilala si Queen, mas lalo siyang nakaramdam ng pangungulila para rito kaya nang naramdaman niya ang nagbabadya niyang mga luha ay naisip na niyang yayayain nang maihatid si Eirin pauwi upang makaalis na sila sa lugar na iyon ngunit...

"Gani!" tawag sa kaniya ng isang boses na hinding-hindi malilimutan ng isip at puso niya kahit kailan.

Napalingon siya dahil doon at nang makita na ang babaeng pinangungulilaan niya nang lubos sa nakalipas na ilang buwan ay unti-unting nanlaki ang mga mata niya at bigla ring bumilis ang pintig ng puso niya. Sa bilis niyon ay tila hindi na siya makahinga lalo na at unti-unti na ring umaaapaw ang masasayang emosyon sa dibdib niya. "Q-queen?..."

Nakatingin din si Queen sa kaniya na halatang paiyak na sa lubos na saya sa pagkakita sa kaniyang muli. Napakaganda ng kasuotan nito. Kulay mapusyaw na rosas ang damit nito pang-itaas at pula naman ang mahabang palda na katulad ng kasuotan ng mga Gisune. May mga palamuti rin sa buhok nito na lalong nagparikit dito.

"Q-queen..." Nagbabadya na ang mga luha sa mga mata niya at lalapitan na sana niya ito ngunit natigilan siya nang maalala ang ginawa ni Rio sa kaniya nitong nakaraang gabi lamang kaya hindi niya na itinuloy ang paglapit dito. Ang pangungulila sa mukha niya ay unti-unting napalitan ng galit sa naalala. "ZARIONE! Hindi ka ba titigil sa ginagawa mong ito sa akin?!" galit na galit na sigaw niya rito kaya napatingin sa kanila ang mga Gisune sa paligid.

"Pero---"

"Akala mo ba ay nakakatuwa ang iyong ginagawa?!" naglandas na sa kaniyang pisngi ang kaniyang mga luha dahil sa sobrang inis. "Oo! Nais na nais ko nang makita si Queen... ngunit ang tunay na siya ang gusto kong makita! Ang tunay na siya ang gusto kong makausap at makasama kaya tigilan mo na ang panggagaya sa kaniyang anyo dahil hindi mo ako mapapasaya sa iyong ginagawa!" Halos mapigtal na ang litid niya sa leeg sa lakas ng sigaw niya na iyon. Nagtatagis ang mga bagang na tinalikuran niya na ito at maglalakad na sana paalis doon nang harangin siya ng isang paslit kaya napatingin siya rito.

Tumingala ito sa kaniya na may kinakain pang isang matamis na tinapay at tinaasan pa siya ng isang kilay nito. "Ako na naman ang iyong sinisisi Gani gayung nanahimik akong kumakain lamang nito!" mataray na sabi nito at ipinakita pa sa kaniya ang kinakain kaya nanlaki ang mga mata niya at sunod naman ay nangunot ang noo dahil nasa tunay na nito itong anyo. Iyon ay bilang si Zarione Cygnus.

Lumapit naman sa kanila at tumabi rito ang pinakamatandang Gisune sa kanilang bayan na si Sreimi. "Ako ang magpapatunay na kanina ko pa kasama ang apo kong ito Ginoong Isagani." Ngumiti ito sa kaniya at bakas sa mga mata na masayang-masaya ito para sa kaniya.

"N-ngunit..." Hindi pa rin masundan ng isipan niya ang nangyayari nang...

🎶 Sa hindi inaasahang... pagtatagpo ng mga mundo

Sa pagkakarinig ng tinig na iyon ay kumabog muli nang malakas ang dibdib niya na sa iisang tao niya lamang nararamdaman kaya napalingon muli siya kay Queen na inaakala niyang si Rio. Kumakanta na ito at lumapit din dito ang mga babaeng Gisune manunugtog habang sinusuportahan ito ng musika.

🎶Mayro'ng minsan lang na nagdugtong

Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatulala lamang dito at sa tinig nito na naririnig niya sa kasalukuyan, hinding-hindi niya na masasabi pa na hindi ito ang babaeng pinakamamahal niya. "Queen..." Naglandas muli sa magkabila niyang pisngi ang kaniyang mga luha habang hindi pa rin lubos na makapaniwala sa nangyayari.

Naalala niyang muli ang unang beses na nakilala niya ito.

Ang pinakaunang pagkakataon na narinig niya ang napakagandang tinig nito... kaya nang masira ay lubos na humanap siya ng paraan upang maibalik muli.

🎶'Di pa ba sapat ang sakit na dinanas

Na hinding-hindi ko ipararanas sa'yo?🎶

At ngayong naririnig na niya sa wakas, walang-wala iyong pagbabago... dahil napakaganda pa rin niyon sa kaniyang pandinig.

🎶Ibinubunyag ka ng iyong mga mata

Sumisigaw ng pagsinta 🎶

Nang makabawi na sa wakas... "QUEEN!" sobrang lumuluha nang tawag niya rito at agad nang tumakbo para mayakap muli ito.

Sinalubong naman siya nito ng yakap habang walang tigil na rin ang mga luha nito at nang magtagpo na sila sa bisig ng isa't isa ay nagpalakpakan ang mga Gisune sa paligid dahil sa tuwa para sa kanila. Patuloy naman sa pagtugtog ang mga babaeng Gisune.

"Q-queen... Hindi na ba talaga isang kasinungalingan ang lahat?... Tunay ba talagang ikaw na ito? Tama na ba talagang umasa na ako nang lubos na naririto ka na at yakap ko ngayon?" Ang bilis-bilis ng tibok ng puso niya sa pananabik at lubos niyang hinihiling na hindi na matapos ang sandali na iyon. Ang higpit din ng yakap niya rito na kung maaari lamang ay hindi niya na ito pakawalan pa.

Hinaplos naman nito ang buhok niya nang masuyo at natawa pa ito kahit walang awat ang mga luha dahil sa sunod-sunod niyang mga tanong na iyon. "Ako na nga talaga 'to Gani... Miss na miss na kita na hindi ko kayang maghintay ng panibagong kalahating taon para magkita ulit tayo."

Dahil sa sinabi nito ay may nabuong tanong sa isip niya kaya humiwalay siya saglit dito. "Ngunit papaanong nakapunta ka rito gayung nabasag na ang kwintas na ipinagawa ko noon para sa iyo na daan pabalik dito sa Sargus?"

Ngumiti naman ito at itinuro ang panibagong kwintas na suot nito. Kamukha iyon ng ibinigay niya noon. "Ibinigay sa'kin 'to ni Leigh no'ng magkita na kami sa mortal world."

Napatingin naman siya roon at nang hawakan niya iyon ay nakita niya na nakaukit doon ang buong pangalan nito. *Queenzie Ruiz.

*** ~Queen~

Nakatitig lang ako sa kwintas na hawak ko.

*"Pinag-isipan kong mabuti kung ano ang dapat kong gawin para magkita ulit kayong dalawa ni Gani at ito ang naisip ko," sabi ni Leigh at kinuha ang kamay ko saka inilagay roon ang isang bagay. Pagkatingin ko, isang kwintas 'yon na pamilyar sa'kin. "Siguradong magagalit sya sa'kin dahil nangako ako sa kaniya na isasama ko siya pabalik dito pero hindi pa talaga kaya ng katawan niya kaya naisip ko na kung hindi siya makapunta rito, ikaw ang babalik doon. Ligtas na rin naman sa Sargus dahil nagawa nang matalo ang pinuno ng mga Mostro kung saan laging umaatake ang mga 'yon kaya hindi na madadamay ang Leibnis."

May kumatok sa pinto kaya napabalik ako sa realidad at napatungo dahil ayokong ipakita kahit kanino ang hilam sa luhang mga mata ko.

Umupo sa tabi ko si Kuya Marco at isinandal niya ang ulo ko sa balikat niya nang marahan. Hinaplos niya rin ang buhok ko nang masuyo na parang alam niya na may pinagdadaanan talaga ako. "Anong desisyon mo Queen?"

Nanlaki ang mga mata ko at napatingin kaagad ako sa kaniya. Hindi agad ako nakaimik dahil binabasa ko pa kung talagang seryoso siya at wala namang bahid ng pagdududa sa mukha niya. "N-naniniwala ka sa mga narinig mo sa'min kuya? Hindi ka ba nawi-wierd-an kahit parang pangfantasy movie 'yung pinag-uusapan namin kanina?"

Napakamot naman siya ng ulo niya. "Well, para nga talagang pangfantasy movie and I find it really hard to follow the story and yet to believe pero hinding-hindi ko naman pagdududahan ang isang bagay lalo na kung sa'yo mismo galing." nakangiti niya nang sabi.

Dahil doon, nagsimula na namang mamuo ang mga luha sa mga mata ko at niyakap ko siya. "K-kuya... miss na miss ko na siya... Noong mga oras na nakikipaglaban siya para sa buhay niya, ni wala man lang ako sa tabi niya para samahan siya. G-gustong-gusto ko na siyang makita kuya. I miss him so much..." sobrang umiiyak na sabi ko sa kaniya at napakapit ako nang mahigpit sa damit niya.

Niyakap niya ako pabalik at hinagod ang likod ko para pakalmahin ako. "Ayoko mang mapahamak ka sa lugar na sinasabi n'yo pero kung doon mo naman matatagpuan ang kasiyahan mo, papayagan kita. Kung pwede nga lang kitang samahan, gagawin ko pero mukhang hindi naman ako makakarating sa lugar na 'yon base sa mga narinig ko sa inyo kanina."

Napatingin ulit ako sa kaniya. "K-kuya..."

Nginitian niya ako at pinunasan ang mga luha ko gamit ang hinlalaki niya. "Basta, siguraduhin mo lang na babalik ka nang ligtas. Ayokong pagsisisihan ko 'tong naging desisyon ko na 'to Queen kaya ipangako mo na uuwi ka nang buo at walang ni isang galos. Okay?"

Tumango-tango naman ako. "Oo kuya. I promise."

"Good. Hindi ko man kilala 'yang Gani na nagpapaiyak sa'yo nang gan'yan ngayon pero nakikita ko naman kung gaano siya kabuting tao sa lalim ng nararamdaman mo para sa kaniya. H'wag mong kalilimutang ipakilala siya sa'min nila Mom at Dad."

Niyakap ko ulit siya nang mahigpit. "Thank you kuya. Maraming salamat talaga." ***

"Doon ko na ginamit ang kwintas na 'to para makabalik dito noong isang araw." pagtatapos ko ng kwento ko kay Gani kung paano ko nagawang makapunta rito.

Mas lalo namang nangunot ang noo. "Noong isang araw ka pa nakabalik dito ngunit bakit ngayon ka lamang nagpakita sa akin?"

Napakamot naman ako sa ulo ko at hindi ko alam kung paano ko i-eexplain sa kaniya.

Doon na lumapit sa'min ang kararating pa lang na sila Hilva at ang iba pang servants niya. "Iyon Ginoo ay dahil ikaw ay na sa paglalakbay pa galing ng lagusan ng Sphnx at nang makauwi ka na ay sinubukan naman naming sabihin sa iyo ang pagdating ni binibining Queen. Kung iyo pang natatandaan kahapon noong nasa tapat tayo ng iyong silid, pinaalis mo kami kaya naisip na lamang namin na surpresahin ka nang ganito." Nakasuot din sila ng magaganda at makukulay na damit.

Halatang maraming gustong itanong pa si Gani pero sa sobrang dami ay ni hindi niya alam kung ano ang uunahin.

Lumapit din sa'min sila Inang Sreimi, Eirin at Rio. "Naaalala mo ba noong nagalit ka sa'kin malapit sa paliguan ng iyong tahanan?" paalala ni Rio sa kaniya.

"O-oo... Iyon ay dahil nagpanggap ka na si Queen." litong-litong sagot niya.

Napaikot ang mata nito sa pagmamaldita. "Kaya ko lamang naman ginawa iyon ay dahil muntikan mo nang buksan ang pinto ng paliguan kung nasaan itong si Queen. Iyon ang naisip kong paraan upang pigilan ka... kaya sana ay... mapatawad mo ako." hindi makatingin nito na pagsosorry.

Hindi pa rin makapaniwala si Gani sa mga nalalaman. "K-kaya pala amoy na amoy roon ang halimuyak ng mga bulaklak na ginagamit noon ni Hilva sa iyong paliligo." wala sa sarili niyang sabi.

Hindi ko na natiis at hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi saka iniharap ko 'yon sa'kin. Tiningnan kong mabuti ang features ng mukha niya na napakatagal kong hinintay na makita ulit. "Tiniis ko na hindi muna magpakita sa'yo no'n para lang matupad ang surpresa namin sa'yo na 'to na. Gusto ko na ngang lumabas no'ng nililiguan ako dahil naririnig ko kayo ni Rio sa labas pero pinigilan ko lang talaga ang sarili ko. Worth it naman ang ginawa ko dahil ngayon, nasurprise kita."

Unti-unti na siyang napangiti at hinawakan ang parehong kamay ko na nasa pisngi niya saka pumikit na halatang nilalasap ang sandaling ito. "Maraming-maraming salamat Queen dahil pinili mong bumalik dito. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon na hindi na natin kailangang maghintay muli ng kalahating taon, magkita lamang muli. Salamat talaga Queen." Nagmulat na siya at hinalikan ang kamay ko na 'yon at tinitigan ako nang matiim.

Ang lakas-lakas ng tibok ng puso ko dahil sa pangingislap ng mga mata niya habang nakatitig sa'kin at ang sumunod na nangyari ay isa rin sa pinakanamiss ko sa'ming dalawa.

Inilapat niya ang mga labi niya sa mga labi ko at sa paghihinang ng mga 'to sa mga oras na 'to, ramdam na ramdam namin sa isa't isa ang pangungulila at pagmamahal namin na pinalakas lalo ng matagal na pagkakahiwalay namin.

Naghiyawan ang mga Gisune sa kilig at saya para sa'ming dalawa pero wala kaming pakialam kahit live na live pa ang PDA namin. Para ngang unting-unting nawawala ang mga nasa paligid at kami na lang ang natira sa mundo. Ang mga hiyawan nila kasabay ang tugtog ng mga babaeng Gisune ang naging background music namin. Sobra lang talaga naming namiss ang isa't isa na bawat segundong dumadaan ay gusto naming punuin na magkasama kami bilang pagbawi.

Nang makuntento na kami pareho ay agad naman kaming nagyakap dahil sa sobrang saya namin. Sobrang lawak ng ngiti ko at ito na siguro ang pinakamasayang ngiting nagawa ko sa buong buhay ko.

Habang nakayakap pa rin ako kay Gani ay napatingin ako kina Eirin, Rio at kina Hilva. Ngumiti sa'kin sila Eirin at Hilva na halatang masaya para sa'min ni Gani. Si Rio naman, tinarayan lang ako sa pag-irap sa'kin pero ngumiti rin naman siya bilang pagbibigay ng blessing niya.

Napangiti rin ako sa kanila nang bigla akong buhatin ni Gani habang yakap niya pa rin ako kaya napatili ako at iniikot niya ang sarili niya kasama ako.

Tawa siya nang tawa dahil sa pagkagulat ko kaya napatawa na rin ako at nang ibaba niya na ako, muli niyang pinaghinang ang mga labi namin.

Ito na talaga ang pinakamasayang araw ng buhay ko... at masasabi ko rin...

...na pati ng buhay niya.

Next is the Epilogue

Próximo capítulo