webnovel

Gala Gala din (Part 1)

Ilang beses akong napahikab dahil sa sobrang aga ng aming pag-alis at dahil sa epekto ng kape kagabi. Halos magdamag ata kaming nagkwentuhan ni Igo. Mga ala una na ng madaling araw itong nakauwi at pagkatapos ay sinabihan ako na aalis kami ng alas singko y media ng madaling araw dahil may pupuntahan kami na as usual ayaw na naman niya sabihin kung saan. Ang tanging sinabi lang nito ay magdala ng goggles o kaya snorkeling gear. Mukhang maglalangoy ata kami bakit kailangan pang ilihim e katapat naman namin ay dagat na?

Nandito kami sa bangka ni Kuya Tony. Parang napapapikit ako lalo na't dumadaan ang hangin sa aking mukha. Hindi rin kasi ako agad nakatulog kagabi. Madami din akong nalaman tungkol kay Igo lalo na tungkol sa pagkabata nito ngunit parang bitin ang oras. Ang dami ko pang gustong itanong sa kanya. Ang dami kong gustong ikwento pero yung pinakagusto kong malaman niya ay hindi pa ako handa na sabihin sa kanya kahit ba medyo napapalapit na kami sa isa't isa.

Hindi ko maiwasan ang mapayuko sa sobrang antok. Gusto ko pang matulog. Kasalanan ko kasi bakit nag-aya pa akong magkape kung kailan gabi na. Nagising ako bigla nang biglang hinawakan ni Igo ang mukha ko at inilagay sa balikat nya ang aking ulo. Nakaalalay ang kamay niya sa aking pisngi para isiguro na hindi ito dadausdos patalikod o pababa. Sinilip ko si Igo at nakita ko na deretso lang ang tingin nito. Ibinaba ko ang aking tingin at sinimulang pumikit. Hindi ko alam kung makakatulog ba ako sa ginawang ito ni Igo. Hindi naman sa hindi ako kumportable pero dahil siguro ito ang unang beses na nakasandal ako sa kanyang balikat. Hindi ko na rin namalayan na nakatulog din pala ako.

•••

Hindi ko din alam bakit ko ginawa iyon. Siguro ay gusto kong makatulog ng maayos si Carly. Sana ay hindi siya mailang sa akin pagkatapos nito. Kaya minabuti ko na lang na tumingin ng deretso at pakalmahin ang mabilis na tibok ng aking puso. Buti na lang ay nandito lang siya sa aking balikat kung malapit pa sa aking dibdib ay baka maramdaman niya ang bilis na tibok nito.

Hindi ko inaasahan ang kwentuhan namin kagabi pero masaya ako dahil pakiramdam ko ay napapalapit na talaga ako sa kanya. Ang dami ko pa sanang gustong ikwento pero kulang ang oras. Kailan niya kaya ikukwento sa akin kung ano talaga ang pinagdaanan niya? Hindi kasi mawala sa isip ko yung mga katagang 'baka mag-iba ang tingin mo sa akin.' Masyadong matalinghaga at mukhang masyadong malalim ang sugat niya kaya hirap siyang ikuwento ito.

Naramdaman ko ang bigat ng ulo ni Carly sa aking balikat mukhang nakatulog na nga ito. Kaya mas siniguro ko ang pag-alalay sa kanyang ulo para hindi naman malaglag ito patalikod o pababa. Pinipilit kong gisingin ang sarili ko pero parang nakakaantok ang tunog ng hangin. Halos hindi ako nakatulog kanina dahil inayos ko pa ang mga dadalhin namin para sa biglaang lakad na ito. Buti na lang ay walang lakad si Kuya Tony at naabisuhan ko pa kahapon bago kami nakipaglaro sa mga bata. Hindi naman siguro masama kung iidlip ako kahit kaunti.

Sa muli kong pagdilat ay nakita ko na ang papalapit na isla. Puti ang buhangin nito at may mga iba't ibang uri ng puno na nagpapaberde dito. Nakasandal na pala ang ulo ko kay Carly kaya dahan dahan ko itong inangat para hindi siya magising pero umangat din ang ulo nito pagkatapos.

"Kanina ka pa gising?" Nahihiya akong tanong. Baka nabigatan ito sa akin o kaya baka ngalay na ang leeg nito. Napabalikwas na lang ako ng tingin.

Natawa ito ng bahagya at sinabing, "Ang sarap kasi ng tulog mo eh. Tsaka alam kong kasalanan ng kape ko yan kaya ka puyat." Sa totoo lang masyado akong excited kaya hindi ako nakatulog masyado. Pero sige isisi na lang sa kape muna.

"Wow!" Bulalas nito lalo na't mas malapit na kami sa isla. Alam ko namang magugustuhan niya ito. Nang makadaong na kami ay nauna na akong bumaba para maalalayan ito. Inilapag na namin sa mga barong barong ang mga gamit at pagkain namin.

"Lagi ka bang nagpupunta dito Igo?" Tanong niya sa akin.

"Mga ilang beses na din lalo na kapag gusto kong kumuha ng litrato." Tugon ko sa kanya. Siyempre ngayon gusto ko na din siyang kuhanan ng litrato.

"Ahh..." habang inaayos nito ang mga gamit namin sa lamesa. "Sayang hindi ko dinala ang phone ko. Ang ganda pa naman ng view dito." Panghihinayang nito. Kinuha ko ang waterproof camera ko sa bag at kinuhanan ito. "Smile!" Sabi ko sa kanya na ikinangiti naman nito at kinuhanan ko siyang muli ng litrato. Lumapit ito sa akin para tingnan ang kuha niya sa aking camera. Umupo ito sa aking tabi at sobrang lapit sa akin. Hinawakan nito ang camera sa aking mga kamay at ipinihit ang next button nito.

"Ang gaganda naman ng mga kuha mo." Papuri nito sa akin habang patuloy ito sa pagpihit ng next button. "Kulang na lang ay model" suhestyon nito. Oo dahil ikaw ang gagawin kong model. Tumigil na ito at tumanaw sa dagat. Mukhang lumilipad na naman ang isip nito at sana hindi papunta kay Harris. Pagkaraan ng ilang sandali ay sumandal ito sa mga kawayan na nasa likuran nito at pumikit.

"Gusto mong umidlip? Tanong ko sa kanya.

"Hindi... natutuwa lang ako kasi nakakarelax dito." Tugon nito habang nanatili itong nakapikit at mukhang kumportable na sa kanyang pagkakasandal. Dumilat ito at lumingon sa akin. Nahuli niya akong nakatitig sa kanya.

"Salamat Igo at dinala mo ako dito..." aniya na nakangiti sa akin. Nakita ko din ang ngiti sa mga mata nito na bihira ko lamang masilayan. Sana laging ganito ang kanyang ngiti umaabot sa kanyang mga mata.

"Walang anuman" tugon ko sa kanya.

Di ba sabi ko naman sa kanya gagawa kami ng masayang memories sa loob ng pitong araw...

May limang araw pa ako kasama na ang ngayon...

Itutuloy...

04-20-2018

Próximo capítulo