"Dayang Liwayway!" muling tawag sa kanya.
Sandali siyang natahimik, pinakinggan kung saan nagmumula ang boses at kung sino ang may-ari niyon.
"Dayang, narito ako sa silong," anang boses.
"Makisig! Ikaw 'yan?" kumpirma niya, lumuhod na sa pinagmumulan ng boses.
"Ako nga! Huwag mong apakan ang tabla nang madali kong maitulak paitaas," utos sa kanya.
'Yun nga ang ginawa niya, lumayo siya kunti sa dalawang tabla habang itinataas ang mga iyon ng binatang alipin, pinagkasya ang katawan sa butas nang matanggal na ang mga iyon at sandaling inilagay sa tabi.
"Makisig, paano kang nakasunod rito?" usisa niya pero ang mga mata'y maluha-luha sa tuwa.
"Halika, itatakas kita. Hindi ka maaring makipag-isang dibdib kay Datu Magtulis. Hindi iyon ang kanyang pakay, mahal na Dayang," nagmamadali nitong sambit, hindi pinansin ang kanyang sinabi.
"Ha? Ano'ng ibig mong sabihin?" takang tanong niya, nalito sa sinabi nito.
Tumingin muna ito sa paligid at senigurong walang makaririnig sa kanila. Nakadamit pa rin itong pambabae ngunit wala na ang sumbrerong nakatakip sa mukha.
"Nakausap ko si Agila kanina lang, inutusan niya akong itakas ka mula rito kasama si Inang Mayumi," pagbabalita ni Makisig, ngunit hindi tumitingin sa kanya kundi sa labas ng pinto.
Napatingin tuloy siya roon at tuluyang nang napalapit at idinikit ang tenga sa dingding na nipa nang marinig ang dalawang boses ng mga lalaking nag-uusap sa may pinto ng silid.
"Iyong iutos sa ibang kawal ang paghahanda para sa magaganap na ritwal sa pangatlong gabi ng kabilugan ng buwan kung saan iaalay ang lahat ng mga kawal ng Dumagit. Ang datu lamang at kanyang anak ang ititira at gagawing alipin ng Mahal na Datu Magtulis," mariing utos ng isa sa kasama nitong kawal.
Napanganga siya sa pagkagimbal, biglang naitakip ang kamay sa bibig nang hindi mapasigaw sa narinig, pagkuwa'y nahihintakutang bumaling kay Makisig na hindi makatingin sa kanya.
"Masusunod, mahal na pinuno," sagot ng isang kawal sa nag-utos.
Saka lang niya narinig ang yapak ng mga paang papalayo sa kanyang kinaroroonan.
"Makisig, merun kang hindi sinasabi sa akin," usig niya sa alipin.
Umiwas agad ito ng tingin, kunwari ay inayos ang tablang tinanggal kanina.
Lumapit siya rito, hinablot ang kamay upang tumayo at humarap sa kanya, gano'n nga ang nangyari, napilitan itong humarap sa kanya nang makatayo.
"Ipagpaumanhin ng inyong kamahalan, subalit ang utos sa akin ni Agila'y itakas ka sa lugar na ito. Tanging iyon lamang ang aking susundin," matigas na sambit nito.
"At si Agila, paano siya?" aburido niyang tanong.
Sa halip na sumagot ay yumuko ito na lalo lang niyang ikinainis sabay bitaw sa pagkakahawak sa braso nito at ilang beses na umiling.
"Hindi! Hindi ako aalis rito hangga't hindi ko naisasama si Agila!" maawtoridad niyang wika.
Doon lang nag-angat ng mukha si Makisig.
"Subalit, Mahal na Dayang-" tutol nito.
"Shut up!" hiyaw niya, dahilan upang matahimik bigla ang alipin.
Matagal na katahimikan ang namayani sa kanila habang siya'y nagpaparuo't parito sa kaiisip kung ano'ng sunod nilang gagawin. Hindi siya papayag sa kagimbal-gimbal na plano ni Datu Magtulis sa buong Dumagit. Kailangan niyang makagawa ng paraan para mailigtas ang mga kalalakihan doon lalo na si Agila.
Halos sampung minuto marahil ang dumaan bago siya huminto sa paglalakad at humarap sa aliping nakayuko pa rin nang mga sandaling iyon.
"Umalis ka na rito, Makisig. Ihanda mo ang gagamitin nating bangka sa pag-alis sa lugar na ito. Bukas nang gabi, pagkatapos kong iligtas si Agila, tatakas na tayo rito," sa wakas ay utos niya.
Nagliwanag naman agad ang mukha ng binata, nakangiti nang bumaling sa kanya.
"Nakahanda na ang bangka sa lihim nating lagusan," anang alipin, kung saang lagusan iyon ay hindi niya alam pero tumango pa rin siya.
Muli siyang nagparuo't parito habang nag-iisip, maya-maya'y humarap na uli sa binata.
"Bigyan mo ako ng kutsilyo na magagamit ko para iligtas ang sarili ko mula sa mga kalaban," utos niya ngunit sa halip na kutsilyo'y isang pouch ang ibinigay ni Makisig sa kanya.
"Ano 'to?"
"Iyan ang aking bagong gawang sandata," may pagmamalaking sagot ng huli saka ipinasok ang kamay sa loob ng pouch at kumuha ng laman niyon, ipinakita sa kanya.
Kunut-noo pa ring pinagmasdan niya ang kulay dilaw na tila pulbos, pinung-pino iyon.
"Asupre!" bulalas niya.
"Ihagis mo lang ito sa mukha ng iyong kalaban at maari siyang mabulag dahil dito," nakangising saad ng binata.
Napangisi na rin siya. Hindi niya alam kung pure na sulfur o may inihalo ang binata roon pero kung totoo ang sinabi nito, pwede niya iyong magamit sa oras ng pangangailangan.
Ibinuhol niya ang tali ng pouch at isiniksik sa kanyang beywang, ngunit maya-maya'y muli niya iyong inilabas at tinanggal ang pagkakabuhol saka itinali sa garter upang madali niyang makuha ang laman niyon kung sakali.
"Saan ka nakakuha ng asupre?" curious niyang tanong.
"Marami iyan sa yungib kung saan tayo madalas magpunta. Naroon din ang aking mga sibat na may nakalagay na lason sa bawat dulo at kampilan na kagagawa ko lang bago magkabilugan ng buwan," kwento nito.
Sandali siyang nag-isip kung ano'ng sinasabi nitong kampilan pero nang maalalang mga sandata ang topic nila'y napangisi siya uli, hindi napigilang pumalakpak.
"Wow, isa kang inventor, Makisig! Magaling, marami akong matututunan sa'yo," sambit niya.
Ngunit bigla itong natahimik, pinatigil din siya sa pagsasalita habang nakatingin sa nakapinid na pinto ng silid.
"May parating! Madali, ayusin natin ang tabla." Agad itong kumilos para sana ayusin ng tablang ginalaw kanina pero bahagya niya itong itinulak.
"Lumabas ka muna. Kaya ko'ng sarili ko, umalis ka na't iligtas mo muna si Ina at hintayin niyo kami ni Agila sa lagusan," utos niya.
Kahit napipilita'y sumunod na lang ito sa gusto niyang mangyari.
Bago nakapasok ang panauhin ay nakaupo na siya pasandal sa dingding paharap mismo sa pinto, kunwari ay takot na takot. Ibinalik din niya sa ulo ang kanina'y suot na sumbrero. Kung sino man ang papasok na iyo'y hindi siya nito basta mahahawakan lalo at nasa dulo siya ng silid.
Pero nang maisip na baka bumalik si Miko upang kausapin siya'y agad siyang napatayo ngunit nakaramdam bigla ng takot pagkakita sa tatlong kawal na sa naglalakihang mga braso at kamachuhan, kahit seguro marunong siya sa martial arts ay hindi matitinag ang mga ito sa sobrang titigas ng mga katawan.
Napasandal siya lalo sa dingding na gawa sa nipa ngunit hindi siya nakapalag nang sabay na hablutin ng dalawang kawal ang kanyang magkabilang kamay.
"Bitiwan niyo 'ko! Saan niyo 'ko dadalhin! Bitiwan niyo ako sabi!" paulit-ulit niyang hiyaw ngunit walang may balak magsalita sa mga ito habang hila siya palabas ng silid hanggang makalabas ng bahay na iyon at binagtas ang masukal na bukana ng gubat.
Lalo siyang nakaramdam ng takot nang wala man lang siyang marinig na huni ng kulisap at alitaptap sa buong paligid, ang nagsisilbi lang tanglaw sa kanilang daraanan ay ang liwanag na nagmumula sa malaking buwan.
Nagsimulang manlamig ang kanyang mga kamay sa takot na bumalot sa kanyang katawan habang papalapit sila sa lugar kung saan siya dadalhin ng mga kawal.
At nang tuluyan na silang makarating sa pakay na lugar ay biglang nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkagimbal.
"Oh my!" bulalas niya.