webnovel

Ang Pagtutol sa Kasunduan ng Kasal

"Mahal na Ginoo!" salubong ni Milos pagkapasok lang ni Adonis sa loob ng silid.

Ito ang kanyang pinagkakatiwalaang kawal, ang kanyang kanang-kamay na subok ang kagitingan at katapatan sa kanya bilang anak ng datu ng Rabana.

Yumukod muna ito bago kinuha ang hinubad niyang mahabang damit, kulay puti iyon at hanggang binti ang haba, bukas ang dibdib at may pangtalukbong sa ulo sapagkat ayaw niyang malantad ang kanyang mukha sa karamihan lalo na't narito siya sa banyagang pulo ng Dumagit.

"Nasaan ang aking amang datu?" usisa niya sa lalaking itinuring na niyang kaibigan sa tagal ng paninilbihan nito sa kanya.

"Naroon sa silid tanggapan ng datu ng Dumagit kasama ang datu at anak nitong si Hagibis," kaswal na sagot ni Milos.

"Ang aking kapatid na dayang, siya'y saan naroon?" usisa niya habang nagsusuot ng kanggan, ang kasuotan sa pulo ng Dumagit. Kulay bughaw iyon, isang kamisang walang kowelyo at manggas. Lantad ang kanyang dibdib sa suot.

"Siya'y naroon sa mga kalahok sa paligsahan. Marahil ay gusto pa rin niyang maging alipin ang tinatawag nilang Bagani Agila."

Sandali siyang natahimik, nag-isip, pagkuwa'y inayos ang tindig saka nagsimulang maglakad palabas ng silid at tinungo ang tinutukoy ni Milos na silid-tanggapan ng datu ng Dumagit.

Sa bulwagan pa lang papunta sa silid na patutunguhan ay nakikita na niya ang dalawang datung nagpakaupo sa mga luklukan ng mga ito, ang datu ng Dumagit sa pinakauluhan ng silid habang ang kanyang ama'y sa gawing kanan nito, magkatulad na gawa sa matibay na kahoy ng yakal ang upuan at nakalilok sa bawat sulok niyon ang hugis ng ulo ng isang agila bilang isa sa mga diyos na sinasamba ng mga taga-Dumagit maliban sa buwan.

Sa harap ng dalawa'y nakaluhod ang isang lalaking hula niya'y si Hagibis, ang anak ni Datu Matulin.

Hindi pa man siya nakakapasok sa nakaladlad na silid at walang dahon ng pinto, dinig na niya ang malakas na tinig ni Datu Matulin.

Nakasunod lang sa kanyang likuran si Milos.

"Magtigil ka!" saway ng datu sa anak, natahimik lang nang pumasok siya.

"Magaling at ikaw na'y narito, Adonis. Marapat lamang na iyong mabatid ang pag-iisang dibdib ng iyong amang datu sa pinakamagandang binukot sa pulo ng Dumagit," nakangising bungad ng kanyang amang Datu Magtulis.

Yumukod muna siya rito bago tumango. Hindi na nakakagulat ang ganoong pahayag mula sa ama sapagkat hindi na halos mabilang ang mga aliping nagiging kabiyak nito ng dibdib subalit sila lang ni Luningning ang tanging supling hanggang ngayon.

Tumawa nang malakas ang ama nang makitang siya'ywalang anumang sumang-ayon sa gusto nitong mangyari.

Uupo na sana siya sa bakanteng luklukan sa tabi ng ama nang marinig ang panambitan ni Hagibis.

"Aking ama, hindi maaari ang iyong kautusan. Si Liwayway ay akin nang magiging kabiyak sa susunod na gabi, yaon ang iyong pangako sa akin at ito'y batid sa buong pulo ng Dumagit!" mariing tutol ng lalaki.

Napahinto siya bigla, salubong ang kilay na bumaling kay Hagibis, pagkuwa'y sa amang nagsalubong din ang kilay pagkarinig sa winika ng anak ng datu ng Dumagit.

Hindi maiwasang maningkit ng kanyang mga mata at tumiim ang bagang sa narinig.

Diyata't ang gustong maging kabiyak ng dibdib ng sariling ama'y ang binukot na kanyang nakatagpo sa kagubatan kanina lang! Liwayway pala ang ngalan ng huli. Ang sabi sa kanya'y Shine ang ngalan nito.

Ah, kahit ano pa'ng ngalan ng binukot na yaon, hindi ito maaaring makasal sa kahit kanino lalo na sa ama.

Subalit hindi pa rin siya nagpahalatang siya man ay tutol sa magaganap na kasiyahan, tumuloy siyang umupo sa bakanteng luklukan kasunod si Milos at nang makaupo na'y payak lang siyang tumingin sa anak ng datu ng Dumagit.

"Suwail! Hindi ba't sinabi na sa iyong ang pinakamagandang binukot sa pulong ito ay marapat lamang na maging kabiyak ng datu ng Rabana? Siya'y ating handog sa magiting na datu sa kanyang pagparito!" malakas na wika ni Datu Matulin.

Tumayo ang lalaki, bakas sa mukha ang pagtutol sa utos ng ama.

"Hindi maaari! Ako lamang ang maaring maging kabiyak ni Liwayway!" May paninindigan si sinabi nito, pagkuwa'y matalim na tumingin sa kanyang ama bago agad na tumalikod at mabibigat ang mga paang naglakad palabas ng silid.

"Lapastangan!" habol ni Datu Matulin pero hindi na ito nakinig pa subalit bago tuluyang nakalabas ay sumabad na ang kanyang ama.

"Ikaw ay aking bibigyan ng dalawang pagpipilian. Iyong ibibigay sa akin ang binukot na yaon o aking ipapapatay ang iyong magiting na Bagani Agila."

Kumuyom ang kanyang kamao sa narinig, nagtagis ang bagang ngunit hindi nagsalita, sa halip ay natuon ang pansin kay Hagibis na biglang humarap sa kanyang ama, sa mga mata nito'y naroon ang poot sa huli.

Hindi nakatiis si Datu Matulin, sinugod ang anak, binigyan ng isang suntok sa mukha dahilan upang mapasubsob ang lalaki sa sahig na tablang yari sa Narra.

Hindi mawala ang pagsasalubong ng kanyang mga kilay ngunit wala siyang balak na magsalita upang panigan ang kahit na sino sa mga naroon.

Mayroon siyang sariling balak, at iyo'y hindi maaring malantad sa kahit kanino man.

Matapos pagsalitaan ng masama ang binata ay bumalik si Datu Matulin, lumuhod bigla sa kanilang harapan.

Bahagya lang niya itong sinulyapan upang ipahalatang balewala sa kanya ang usapan ng lahat.

"Mahal na Datu Magtulis, paumanhin sa naging asal ng aking panganay na anak," wika nito sa tonong nagpapakumbaba patunay na kinikilala nitong datu ng buong kapuluan ng Rabana ang huli at ito'y isa lamang sa mga hamak nilang nasasakupan.

Hinayaan niya lang ang huling humalakhak nang malutong. Wala siyang balak na tutulan ang kanyang amang datu. Wala rin siyang balak na ito'y sawayin. Mas makabubuting mabatid nitong wala siyang pakialaman ano man ang gawin nito sa pulong iyon.

Ang mahalaga sa kanya'y ang paligsahan sa pagpili ng kanyang mga kawal sapagkat batid niyang nasa Dumagit ang pinakamagigiting na mga kawal at bagani sa buong kapuluan ng Rabana.

Próximo capítulo