webnovel

31 Days With Angelica: 2.3

DUMATING ang ika-sampung araw. Umuulan nang malakas at hindi makauwi si Romeo dahil naiwan niya ang kanyang payong mabuti na lang at may dala si Angelica.

"Mister, sabay na tayo!" aya ni Angelica kay Romeo.

Binuklat niya ang dalang payong saka pinasilong si Romeo. No'ng una'y nahihiya pang tanggapin ng binata ang anyaya ni Angelica. Pero dahil napapansin niya ang lalong paglakas ng ulan wala na rin itong nagawa kundi ang sumukob sa payong. Si Romeo ang humawak ng payong, halos magkadikit ang kanilang braso.

Heto na naman ang pamumula ni Romeo. Hindi siya mapalagay tuwing nakakatabi niya si Angelica.

"Kinuha mo ba 'tong payong sa bahay?" tanong ni Romeo, pamilyar sa kanya ang desensyo ng payong.

"Oo, alam ko kasi na uulan kaya kinuha ko muna itong payong."

"T-Talaga?"

"Mister…"

Biglang napaigtad si Romeo sa ginawang pagsandal ni Angelica sa kanyang braso. "A-Ano'ng ginagawa mo?!"

"Huh? Nilalamig po kasi ako," malambing na bulong ni Angelica. Isinuot niya ang kamay niya't ikinulong ang braso ni Romeo sa kanyang dibdib. "Hayan, mainit na!" inosenteng sambit ni Angelica.

Parang gusto nang kumawala ng puso ni Romeo sa sobrang ingay nito sa loob. Sa isip niya'y pwede na siyang atakihin sa sobrang lambing ni Angelica. Napakainosente pa ng anghel na parang walang muwang sa paligid.

"Hindi mo dapat ginagawa 'yan!"

"Ang alin?" inosenteng taka ni Angelica.

"Tch!" Natamihik na lang si Romeo, hahaba pa kasi at baka hindi lang maintindihan ni Angelica.

Napatingin na lamang si Romeo kay Angelica nang may pagtataka. Bumabalik si Angelica sa pagiging anghel tuwing nasa bahay na sila. Nagkakatawang tao lamang ito tuwing papasok sa eskuwelahan. Pakiramdam ni Romeo may roommate siya sa sarili niyang kuwarto.

Sa kanilang paglalakad pauwi biglang lumakas ang ulan sinamahan pa nito nang malakas na bugso ng hangin. Mabilis na napakubli ang dalawa sa pinakamalapit na waiting shed sa kanto. Walang ibang tao roon kundi silang dalawa lang, napansin ni Romeo ang basang uniporme ni Angelica.

"Isuot mo muna 'tong polo ko, medyo nabasa nang kaunti." Tinanggal ni Romeo ang polo shirt niya saka ibinigay kay Angelica.

"S-Salamat," nahihiyang sagot ng anghel.

Naging tahimik ang paligid parang may kung anong nagpatigil ng ingay ng ulan. Ang tanging naririnig ngayon ni Romeo ay ang kakaibang pintig ng puso niya. Maya't maya rin ang sulyap ni Romeo sa katabing anghel. Habang tumatagal nararamdaman niyang nahuhulog ang puso ni kay Angelica.

Naging tahimik at malungkot ang pag-ihip ng hangin.

"A-Angelica, bakit nagkatawang tao ka't pumasok sa school ko?" biglang tanong ni Romeo kay Angelica.

Napatingin si Angelica sa kanya, tinitigan niya si Romeo saka nginitian. "Naramdaman ko na parang may kailangan akong gawin sa school mo at isa pa kailangan kitang sundan saan ka man magtungo! Hangga't narito ako sa tabi mo hinding-hindi ko hahayaang mag-isa ka, Mister!"

Napakunot-noo si Romeo. "Sinabi nang huwag mo kong tawaging mister!" Isang mahabang buntong-hininga ang ginawa ni Romeo bago tumakbo sa ulanan.

"Gamitin mo na 'yang payong pauwi, tatakbo na lang ako!" sigaw nito bago tuluyang tumakbo nang mabilis.

Kaagad namang binuklat ni Angelica ang payong at sinundan si Romeo. Biglang nahinto sandali si Romeo nang lingunin niya si Angelica, tila nagbago ang paligid at ang mga butil ng ulan ay nagmistulang talulot ng rosas na bumabagsak sa langit. Sa wari ni Romeo'y narinig na niya ang tinig ni Angelica noon.

"Mister! Hindi ka dapat nagpapaulan! Magkakasakit ka n'yan!" Pinayungang muli ni Angelica si Romeo nang mahabol niya ang binatang nakatayo at nakatitig sa kanya.

***

ILANG araw nang napapansin ni Lola Pasing ang apong si Romeo na madalas matulog sa sahig na sinapinan ng manipis na banig. Madalas din nitong mapansin na napaparami ang pagkaing dinadala nito sa kuwarto. Nawiwirduhan na ang matanda sa kakaibang kinikilos ng apo. Kinagabihan araw ng Linggo umalis ang matanda bumisita ito sa isang kakilala. Nang umuwi ito mula sa mahabang araw, kaagad hinanap ni Lola Pasing si Romeo. Nakaupo si Romeo sa hapagkainan, may mabangong naamoy ang matanda.

"Aba apo, ikaw yata ang nagluto ngayon?" takang tanong ng matanda.

"Ah, eh… ginugutom na po kasi ako Lola, kumain na rin po kayo."

Nilagyan ni Romeo ng plato ang puwesto ng matanda sa mesa at doon silang dalawa kumain nang sabay.

"Siya nga pala, galing ako sa bahay ng mga—"

"La! Ayoko ko pong marinig!" Binilisan ni Romeo ang pagkain saka siya kumuha ng isa pang plato na may lamang kanin at mangkok na may ulam. Umakyat si Romeo sa itaas at naiwan ang lola niya sa hapagkainan.

Gumuhit ang lungkot sa mga mata ng matanda habang pinagmamasdang umakyat si Romeo sa hagdan. Hindi pa rin nito makalimutan ang nangyari sa kanyang mga magulang. Ang sunog na nagpabago hindi lang sa mukha ni Romeo, maging sa buhay nilang maglola.

***

SA loob ng kuwarto ni Romeo, abala namang kumakain si Angelica. Mayamaya'y napansin nito ang lungkot sa mukha ng binata. Sa ilang araw na pananatili ni Angelica sa tabi ni Romeo natuklasan nitong sinisisi ng binata ang sarili niya sa pagkamatay ng mga magulang nito. Pinagmasdan ni Angelica si Romeo habang nakadungaw ito sa bintana, malungkot na tinititigan ang langit.

"Sampung taong gulang ako noon nang magkaroon ng malaking sunog sa dati naming tinitirahan…"

Sa hindi malamang dahilan biglang napakwento si Romeo, ramdam niyang kailangan niyang may sabihin sa kasama niyang anghel.

Muli siyang nagpatuloy habang tahimik na nakikinig si Angelica. "Nagsimula ang sunog sa likurang bahay mabilis itong kumalat hanggang makarating sa mga bahay na nasa unahan. Mahimbing ang tulog naming mag-anak nang maamoy ni Papa na parang may nasusunog. Ginising niya kami't mabilis naman kaming nakalabas. Rinig na rinig ko ang mga taong nagkakagulo dahil nais pa nilang isalba ang mga gamit nila ang iba nama'y umiiyak na lamang habang pinapanuod na nilalamon ng apoy ang bahay nila."

Sandaling natigil si Romeo, tinabihan niya si Angelica sa kama't naupo rito. "Nakarinig ako ng ingay, tinig ng batang babaeng humihingi ng tulong sa katabing bahay. Hindi pa man tuluyang natutupok ang bahay na 'yon, hindi ko alam parang may sumapi sa katawan ko't bigla akong kumilos nang hindi nagdadalawang isip. Sinundan ako nila Mama at Papa at sa ikalawang palapag natagpuan namin ang batang babae. Takot na takot siya kaya hindi siya makalabas at wala ring makarinig ng tinig niya. Palabas na sana kami nang biglang lumakas ang hangin at tuloy-tuloy nang nilamon ang kabahayan ng apoy. Gumawa nang paraan ang mga magulang ko para makalabas kaming dalawa. Kinarga ko ang batang babae hanggang makarating kami sa isang kwarto't doon binasag ni Papa ang bintana't sumigaw nang sumigaw hanggang sa makita kami ng mga bombero't kaagad kami tinulungan. Nagawa nilang akyatin at iligtas kami ng batang babae nang biglang may pumutok sa loob ng bahay at agad na nagbagsakan ang mga gamit sa loob nito, sa lakas ng pagsabog may tumilapon pang bagay na tumama sa mukha ko kaya bahagyang nasunog ito."

"A-Ang mama at papa mo hindi na nakaligtas?" mahinang tanong ni Angelica.

Umiling si Romeo bilang sagot, huminga nang malalim saka iniyuko't itinago ang may pilat na parte ng mukha. "Habang buhay kong dadalhin ang peklat na 'to, ito ang magpapaalala sa akin nang ginawa ko, kung hindi sana ako nagpakabayani't hindi lumusob sa bahay upang iligtas ang batang 'yon, sana…sana buhay pa sila Mama't Papa!" sising-sising wika ni Romeo.

Isang malambot na kamay ang humawak sa pisngi ni Romeo. Itinaas ni Angelica ang mukha ng binata sa harapan niya kung saan nakatayo ang anghel at pinagmamasdan siya. Isang mainit na palad ang nakadampi sa itinatagong pilat ni Romeo.

"Hindi mo kasalanan, may dahilan ang Panginoon kung bakit ikaw lang ang tanging nakarinig sa tinig ng batang 'yon. Ginawa ng mga magulang mo ang lahat para iligtas kayo, hindi mo dapat sisihin ang sarili mo!"

"Pero…" Kagat-labing natigil si Romeo.

Lumiwanag ang paligid ni Romeo, isang mainit na yakap ang hinandog ni Angelica para sa kanya. Ikinampay ni Angelica ang dalawang pakpak niya't iginapos sa katawan ni Romeo. Lalong nakadagdag ng init sa pakiramdam nang maamoy ng binata ang napakabangong halimuyak na nanggagaling sa pakpak ni Angelica. Hindi napigilan ni Romeo ang kanyang sarili't tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. Kusang kumilos ang mga kamay ng binata't sinuklian niya ang yakap ni Angelica.

"Huwag mong isara ang puso mo, Mister," malumanay na bulong ni Angelica.

"Angelica…"

Dahan-dahang napapikit si Romeo, naging panatag ang kalooban ng binata't tuluyan nang nakatulog sa bisig ni Angelica.

Próximo capítulo