webnovel

Lab

Chapter 3. Lab

     

     

(Nine Years Ago...)

   

    

"THIS is really an achievement, Kanon! Grade nine ka pa lang pero ikaw ang napiling leader ng cheering squad natin!" Masayang puri kay Kanon ng isa niyang kaklase. Break time nila at nagkumpulan ang mga ito sa pwesto niya. In-announce na kasi ang bagong leader ng cheering squad ng eskwelahan nila nang araw na iyon. Last week naganap ang auditions na mga member lang ng squad ang pwedeng mag-audition para sa pwesto.

"Nagkataon lang na mula lower grade ang kukuhaning leader ngayong taon, nag-audition ako, tapos nakuha."

"That's why it's already an achievement! Ang dami n'yo kayang nag-audition."

Parang nakikiliti ang tainga't puso niya sa mga papuring naririnig mula sa mga kaklase nang mag-ugungan ang mga ito kung paanong napakaganda ng performance niya noong audition.

"Ang galing mo sa balance! Nadale mo roon kasi iyong mga kasabayan mo sa audition, wala niyon. O kinulang."

"True! Pang-pro na ang level mo, Kanon."

"S-salamat."

"Ilibre mo naman kami!"

Napanguso siya. "Gusto n'yo lang yata ng libre," biro niya.

Bahagya siyang tinampal ng isa sa mga kaklase niyang nagkukumpulan sa pwesto niya. "Sino ba namang tatanggi sa libre?"

Nagtawanan sila at binawi naman ng mga ito ang biro tungkol sa libre. Gayunpama'y dumiretso sila sa school café para makakain ng snacks. Sa huli ay nagkanya-kanyang bayad sila dahil sa katwiran na pare-pareho silang estudyante.

"Okay lang naman na manlibre ako ngayon, paminsan-minsan lang naman," bulalas niya nang makapwesto na sila sa isang mahabang mesa.

"Ano ka ba! Alam naming yayamanin ka, pero 'tsaka mo na kami ilibre. Kapag nag-champion ang cheering squad natin ngayong taon," anang isa niyang kaklase.

Everything went smoothly until the Athletic Meet. Sadly, they weren't able to secure the championship trophy because the other school got it. Pero okey naman na dahil first placer sila. Not bad. Babawi na lang sila sa mga susunod na taon.

The only thing that she didn't really like was the crowd linking her to one of her schoolmates in St. Benedict, the school where she attended elementary. Kaya nga siya nag-transfer ng eskwelahan noon dahil na-link din siya sa kaklase't kaibigan niyang may lahing Hapon na si Daisuke. Idagdag pa na pinagtibay nito ang usap-usapan nang magtapat ito sa kanya't magsabing liligawan siya. Mabuti na lamang at graduating na sila noon kaya kaagad din niyang napapayag ang mga magulang na lumipat ng paaralan. Idinahilan na lamang niya na gusto niya ng bagong environment at mas maliit na school. Though, Gonzalez wasn't small, it wasn't as big as St. Benedict's. Sakto lang.

On her tenth grade, she continued participating in cheering squad. Pinaghahandaan nila nang husto ang Athletic Meet para mabawi ang tropeo. Pero mukhang hindi pa rin nila masusungkit iyon lalo na nang mapanood nila ang performances ng mga taga-ibang paaralan at nakita kung gaanong mas gumaling ang mga ito kumpara noong nakaraang taon. Aminado silang magagaling sila pero may kulang pa.

"Bumawi na lang tayo sa ball games," anang isa niyang ka-team.

Lulugmu-lugmong umupo sila sa bleachers kung saan sila nakapwesto. Pero nabalik din kaagad ang sigla nila nang malamangan ng kupunan nila ang kalaban.

Bahagya siyang tinapik ni Luna, ang ka-eskwela niya't kaibigan nang humupa ang cheer.

"Nakatitig na naman sa iyo si Ram!" She was pertaining to her ex-classmate from St. Benedict as well. Last year pa nagsimula ng ugungan tungkol sa may gusto raw sa kanya si Ram dahil sa panaka-nakang pagtitig nito sa kanya sa tuwing may laro ang mga ito. Noong una ay hindi naman niya pinapansin, pero dahil sa parating sinasabi sa kanya, kalaunan ay napansin na rin niya ito. Pakiramdam nga niya'y may gusto na rin siya kay Ram.

Napanguso siya at bahagyang inipit ang takas na buhok sa kanyang tainga. Sana pala ay hindi na lang siya nagtanggal ng ponytail kanina. Baka mamaya, sabog-sabog pala ang hanggang likod niyang buhok. Kompiyansya naman siya na makintab iyon pero dahil sa ilang oras na pagkakatali, baka wavy na iyon at hindi bumagay sa kanya. Magmukha pa siyang bruha sa harap ng crush niya.

Wala sa sariling napalingon siya sa bleachers ng mga taga-kabila kung saan nakaupo ang ibang players. Napakurap-kurap siya nang mapansin ang mga matatalim na tingin sa kanya ni Dice. Bigla ay sininok siya.

Bakit ganito? Pakiramdam ko, may ginawa akong masama sa kanya.

"Okay ka lang?" si Luna ulit.

Mabilis siyang tumango at uminom ng tubig pero kasabay niyon ay nasamid ulit siya.

Hinagod-hagod ng kanyang kaibigan ang kanyang likuran.

"Okay na ako." Sininok ulit siya. "'Labas lang ako saglit nang makalanghap ng sariwang hangin."

"As if sariwa ang hangin sa labas," segunda naman nito at umiling-iling.

Bago lumabas ay dumiretso siya sa ladies' room na nasa gymnasium ng St. Benedict, kung saan ginanap ang game nang araw na iyon. She immediately fixed her hair. Inipon niya iyon sa kanang bahagi at b-in-raid. Ginamit niya ang taling pinang-ponytail niya kanina.

Nagpasya siyang huwag nang ituloy ang panonood ng game. Maghahanap na lamang siya ng bilihan ng malamig na inumin at mag-i-stay roon ng mga ilang minuto. She then remembered the café so she went there. Naalala niya kasi bigla ang paborito niyang lemonade na sine-serve doon. Iyon ang isa sa na-miss niya sa rating paaralan.

Wala pang sampung minuto siyang nakapwesto sa upuan pero may mangilan-ngilang nakakilala sa kanya at bumati. Sanay siyang mabati. Bukod sa lumaki sa maykayang pamilya, ay masasabi niyang sikat siya noong elementarya siya roon. Kabi-kabilaang dance competitions kasi ang sinalihan niya, at mga slogan making contests, painting o sketching. Masasabi niyang may talento siya sa pagguhit. Kaya nga ba pinag-iisipan niya kung kukuha ba siya ng art-related course kapag nag-college na siya.

Nabaling ang atensyon niya nang mapansing may naka-jersey na nakatayo sa may harapan niya. Pigil-hiningang tumitig siya sa mukhang mamahaling basketball shoes nito. Pamilyar sa kanya iyon lalo pa't kani-kanina lang ay natitigan niya ang maysuot ng mga iyon sa kabilang bleachers. Nang mag-angat ng tingin ay hindi siya nagkamali ng hinala.

"Dice...?"

"Kumusta na?" He then smiled until his eyes became chinky, and her heart almost melted. Bakit ganoon lagi ang epekto nito sa kanya sa tuwing ngingiti ito?

"May game kayo, hindi ba?"

"Mananalo naman kami kahit hindi ako maglaro."

"Yabang," pabulong na biro niya. Pero sa natatandaan niya ay lamang sila ng limang puntos bago siya umalis sa covered court.

"Can I sit here?"

Awtomatikong napalingon siya sa bakanteng upuan sa tapat niya at tumango. Kaagad naman itong pumwesto roon.

"O-order muna pala ako. May gusto ka bang kainin?"

Umiling siya. "Nauhaw lang ako kaya bumili ako nito." She glanced at her lemonade. She wasn't sure why she's feeling nervous but she managed to sound okay.

"I'll be right back, then."

Nag-angat uli siya ng tingin at tumitig sa likod ni Dice. Malaki na ang pinagbago nito. Noong grade six sila ay mahahalata nang may katangkaran ito, na mas na-emphasize na ngayong nasa tenth grade na sila. Mukhang lumapad din ang likod nito, siguro'y batak sa pag-e-ensayo sa pagba-basketball.

Parang napansin naman nitong may nakatitig dito at bumaling ito sa gilid, pagkuwa'y sa kanya. Natataranta siyang uminom, halos masamid pa nga siya dahil sa mabilis na paraan ng pag-inom niya.

He chuckled lightly as he was watching her drink her lemonade from the glass. Pakiramdam niya ay pinamulahan siya ng pisngi. Bakit ba ganoon?

Napaiwas siya ng tingin at dahan-dahang ibinaba ang baso nang maalalang may straw nga pala ang iniinuman niya.

 

"Bumili ako ng cupcake, mukhang nakakapagod iyong ginawa ninyo kanina," pagbibigay-alam kay Kanon ni Dice nang makabalik ito. May bitbit itong tray at gaya nga ng sinabi nito ay mayroong dalawang red velvet cupcakes na nandoon.

"Okay lang. Salamat na rin."

Umupo na ito at inilapit sa kanya ang platito ng cupcake. Wala sa sariling napatitig lang siya sa ginagawa nito at hindi namalayan ang bulung-bulungan sa paligid.

"Kumain ka na," anito.

Tumango siya. Pero halos mapangalahatian pa lang niya ang cupcake ay ayaw na niya.

"Ubusin mo na."

Umiling siya at bahagyang yumuko. Sasabihin ba niyang hindi talaga niya gusto ang red velvet? Bago pa makapagsalita ay kinuha nito ang cupcake na tira niya 'tsaka inisang subo. Literal na napamaang siya nang titigan ito at ngingiti-ngiting ngumunguya.

"I hope you don't mind. Nabitin kasi ako."

"Do you like red velvet?"

Ngumuya pa ito at lumunok. Pagkatapos ay umiling.

"Then... why did you eat my... l-leftover?"

Para itong natauhan. Bahagya pang nautal nang magsimulang magsalita. "Uh, k-kasi, sabi ng lola ko, masama ang magtira ng pagkain."

"Kahit ibang tao ako?"

"Hindi ka naman ibang tao sa akin," he murmured.

"Ano 'kamo?"

"Dapat kasi huwag ka nang magtira ng pagkain sa suaunod. Hindi por que lumaki kang sagana kayo sa mga kinakain, okey lang ang magtira ng pagkain."

She was taken aback with what he'd said. Para siyang batang sinesermunan nito. Laglag ang balikat niya't hindi na napigilang mapasimangot.

Ito nama'y napakurap-kurap nang mapagtanto ang mga sinabi.

"Ayaw ko kasi talaga ng red velvet. Kumain lang ako kasi nahihiya ako sa iyo kung tatanggi ako," amin niya, kumikibot-kibot ang labi pagkatapos.

Napaiwas siya ng tingin para hindi nito mapansin ang pamumuo ng kanyang luha. Dahil lumaki nga sa layaw at kasaganaan, idagdag pa na solong anak, ay hindi siya talagang napagalitan ninoman sa kanilang pamilya. Hindi siya sanay na masigawan o mapagsabihan.

Dahil na rin sa pag-iwas niya ng tingin ay roon lang niya namalayan na sa kanila nakatutok ang atensyon ng karamihan. Tumayo siya at hindi na nagpaalam pa kay Dice nang umalis siya roon.

"Sila ba?"

"Akala ko ba si Ram ang gusto ni Kanon?"

"Gaga, 'kita mo namang sila ang magkasama ngayon."

"Baka naman may relasyon na talaga sila noon pa?"

"Kaya ba nag-transfer si Kanon para paglayuin silang dalawa kasi nga bata pa?"

Ilan lang ang mga iyon sa mga bulung-bulungang narinig niya bago tuluyang makalabas ng café.

Hindi na rin siya bumalik sa bleachers at nagpasundo na sa driver.

"Maaga ho ka yatang umuwi?" salubong nito nang makasakay siya sa sasakyan.

"Hindi lang maganda ang pakiramdam ko, Manong."

Kinabukasan ay sa eskwelahan naman nila ang venue ng mga games kaya hindi na niya inaagahan ang pag-alis.

"Bakit nawala ka na lang bigla kahapon?" tanong sa kanya ng isa niyang kaklase.

"Totoo ba iyong tsismis na pinaiyak ka ni Dice?"

Hindi siya sumagot.

"Mga tsismosa talaga kayo," si Luna iyon. "Pero, totoo nga ba?" baling naman nito sa kanya.

"H-hindi," kaila niya.

"Sabi ko na, eh. 'Tsaka hindi papatol si Kanon sa babaerong iyon, 'no!"

"Bakit parang affected ka? At ang dami mong alam kay Dice, ah?" tanong ni Luna sa kasamahan niya sa cheering squad na bigla na lang sumabad sa usapan.

"Ah, eh, w-wala. Nakita ko lang kasi na may kasama siyang ibang babae na naman kanina. Nakaakbay siya roon."

Wala sa loob na tumango siya.

True to that girl's words, may babae ngang nakalingkis kay Dice. Mukhang taga-St. Vincent kung pagbabasehan ang suot na jersey.

Iiling-iling na sinundan ni Luna ng tingin ang dalawa 'tsaka bumulong sa kanya. Hindi nito maaaring lakasan ang boses dahil ilang dipa lang ang layo ng mga ito sa kanila.

"Grabe, bihira na lang yata talaga ang mga gwapong hindi palikero."

Nagkibit-balikat siya. Parang tukso namang nahagip niya ng tingin ang pasimpleng pagpisil ni Dice sa braso ng babaeng kasama nito.

"Ang manyak."

"Anong sinabi mo?" gulat na tanong ni Luna.

"Ha? Alin?"

"I think I heard you say 'manyak'."

Maging siya ay natigilan.

Napailing naman si Luna. "Maybe I was just hearing things. I know you. Hindi ka magsasalita ng mga words na palagay mo ay negative ang meaning."

"Hindi naman, 'uy."

"'Ku! I doubt if you can curse."

"I can!"

"Sige nga?"

Napalunok siya. Madali lang naman iyon, hindi ba?

"Ano?"

"Sandali lang kasi!"

"Bibilang ako ng tatlo."

Napalingon siya kay Dice na nakatingin yata sa banda nila.

"Isa... Dalawa..."

"Oo, ito na nga!" She glanced at Luna and back at Dice. Nakatingin pa rin ito sa banda nila. Sinamaan niya ito ng tingin at bumusangot.

"Tat—"

"Ang pangit-pangit mo! Tubuan ka sana ng malaking tigyawat na may nana sa makinis mong mukha!" Mas lalong sumama ang tingin niya nang ngisihan lang siya ni Dice. Or maybe she was just imagining things. Ibinalik niya ang atensyon sa kaibigan.

Luna's fingers froze at the third count. Napanganga ito, mukhang may gustong sabihin pero hindi makaapuhap ng salita.

Ilang saglit pa ay nagtawanan ang mga nasa tabi nila.

"Iyon na iyon?" kantiyaw isa.

Iiling-iling naman si Luna. "Grabe. Akala ko pa naman kung ano na ang sasabihin mo dahil iyong itsura mo, parang magmumura ka na ng isangdaang 'pakyu' at 'pu—

"Ssh!" awat niya. Ayaw talaga niyang nakakarinig ng mura noon pa man. Lalo na iyong mga malulutong na mura. Kasehodang Ingles o Español pa iyon.

"Wala, eh, baby girl talaga natin itong si Kanon," kantiyaw pa ng isa sa mga kaklase nila.

She just bit her lower lip and eventually laughed with them. Kahit ang totoo ay hindi naman talaga siya natatawa o natutuwa na may babaeng kasa-kasama si Dice.

"Luna, pinapatawag ka ni Ms. Howard."

"Ha? Bakit daw?" tanong nito sa senior nilang tumawag dito.

"Hindi ko alam. Puntahan mo na lang sa faculty. Sasamahan kita."

Napansin niyang bahagyang napapitlag ang kanyang kaibigan.  Nangunot naman ang kanyang noo. Bakit kailangang samahan pa ito?

"Brb," ani Luna sa kanya na ang ibig sabihin ay 'be right back'.

She nodded but something was really bothering her. Sinundan niya ng tingin ang dalawa at napansing iba ang daang tinahak ng mga ito.

Wala sa sariling tumayo siya at namalayan na lang niyang sinusundan niya ang dalawa. Medyo malayo ang mga ito sa kanya at hindi naman mapapansing sumusunod siya. Nagtaka siya nang lumiko ang mga ito sa hallway kung nasaan ang mga classroom ng mga seventh grade na hindi naman ginagamit dahil walang klase.

Sinundan muna niya ng tingin kung saan nagbanda ang mga ito. Makalipas lamang ng humigit-kumulang limang minuto ay nagpasya na siyang sundan ulit ang mga ito.

"Bakit ba? Akala ko ba, pinapatawag ako ni Ms. Howard?" Dinig niyang iritadong tanong ni Luna.

Magkakilala ba ang dalawa? Because her friend sounded really casual to him.

Hinila lang ito ng senior nila at pumasok sa isa pang pinto kung nasaan ang science laboratory na para sa mga seventh grade.

Kinakabahang pumasok siya sa silid at nanlaki ang mga mata nang pagkasilip niya sa siwang ay nakaupo na sa isang bakanteng mesa si Luna. Akmang lalapit siya nang may humigit sa kanya at isinandig siya sa pader, sa gilid lang ng pinto. Her shriek was then drowned by Luna's weird tone of voice.

Próximo capítulo