NILUKOB ng kaba at pag-aalinlangan si Jane nang makarating siya sa club na kinaroroonan ni Charlie. Sa totoo lang ay hindi pa siya nakakapasok sa ganoong lugar sa buong buhay niya. Pero gusto niya talagang makita si Charlie. Lalo na at hindi pa rin niya nakalilimutan ang sinabi ng binata kanina nang magkausap sila sa cell phone.
"Maybe I'm not the kind of man you want to marry." May kung ano sa tono ng boses ni Charlie nang sabihin iyon na nagdulot ng kurot sa puso ni Jane. Marahil imahinasyon lang niya, pero nang sabihin iyon ng binata, pakiramdam niya ay hindi lang siya ang kinukumbinsi nito. Para bang kinukumbinsi rin nito ang sarili. Kaya naglakas-loob siyang magboluntaryong puntahan si Charlie.
Medyo nag-alangan lang si Jane nang malapit na siya sa entrada ng club at makita ang mga taong papasok at palabas. Mga babaeng napakasikip at napakaiksi ng mga suot, mga lalaking pormang-porma at may ilan din na mukhang mga galing sa opisina. Napatingin tuloy siya sa kanyang suot��skinny jeans at long-sleeved blouse. Pero hindi ko naman kasi alam kung ano ang isusuot. Napabuntong-hininga siya at kinuha ang cell phone upang i-text si Charlie at sabihing naroon na siya.
Wala pang limang minuto, nakita na ni Jane ang paglabas ni Charlie mula sa club. Nang mapatingin sa kanya ang binata ay ngumiti siya at bahagya pang kumaway. Mabilis na lumapit ito sa kanya at pinasadahan siya ng tingin bago tumango at tumingin sa mukha niya. "Good."
Kumunot ang kanyang noo. "Good what?"
"Your outfit," sagot ni Charlie, pagkatapos ay hinawakan ang kanyang siko at iginiya na siya papasok sa club.
Lalong kumunot ang noo ni Jane. Good? Paanong naging "good" ang outfit niya kung kahit saan siya tumingin sa madilim na interior ng club ay halatang hindi bagay ang ayos niya sa suot ng mga babae roon?
Napasinghap siya nang mabangga sa katawan ng ilang mga tao roon, dahilan kaya nabitawan ni Charlie ang kanyang braso. "Ah!" Tumingala siya upang tingnan sana ang binata pero dahil madilim at nabangga na naman siya ng mga tao ay napaatras siya palayo. Bakit ba ang dami-daming tao sa lugar na ito? At nasaan na si Charlie?
"Hi, Miss! Wanna dance?" biglang sabi ng lalaki na umiindak habang lumalapit sa kanya.
Umatras siya at napangiwi. "No, thanks."
Subalit hindi umalis ang lalaki at nadagdagan pa ng dalawa. Nailang na si Jane at muli na sanang tatanggi nang maramdaman ang brasong umakbay sa kanya. Nanuot sa kanyang ilong ang pamilyar na amoy ni Charlie.
"She's with me," seryoso at malamig na sabi ng binata.
Mukhang umepekto iyon dahil lumayo ang mga lalaking nagyayaya kay Jane. Nakahinga siya nang maluwag at tiningala si Charlie. "Thank you."
Humugot ng malalim na hininga ang binata at nakaakbay pa rin sa kanya na hinila siya upang muli silang maglakad. "Ito ang sinasabi ko sa `yong mangyayari. There are men who are going to try to pick you up. To think na ganyan pa lang ang suot mo, ha? More revealing than that at tiyak na mapapaaway ako for the first time in a very long time. Nasa VIP lounge ang mga kaibigan ko," sabi ni Charlie malapit sa kanyang tainga upang marahil ay marinig niya ang sinasabi nito sa kabila ng ingay.
Iyon ang unang beses na ganoon sila kalapit sa isa't isa na halos maramdaman ni Jane ang init ng hininga ng binata sa kanyang mukha. May init na humaplos sa kanyang puso, hindi lamang dahil sa pagkakalapit nila kundi dahil din sa sinabi nito.
Arogante ang paraan niya ng pagsasalita pero nag-aalala talaga siya para sa akin.
Napangiti na siya at hinayaan si Charlie na akayin siya patungo sa parte ng club na mas kaunti na ang tao kaysa kanina. Nang hindi na sila nababangga ng kung sino-sino ay lumuwag na ang pagkakaakbay ng binata sa kanya hanggang tuluyan nang alisin ang braso sa mga balikat niya.
Subalit bago pa makaramdam ng pagkadismaya ay napakurap na si Jane dahil naramdaman niyang hinawakan ni Charlie ang isang kamay niya. He grasped her hand so possessively that it made her heart jump. Nang tingalain niya ang mukha ng binata ay hindi naman nagbago ang ekspresyon sa mukha nito. Imahinasyon ko lang siguro.
Nawala ang atensiyon niya kay Charlie nang makalapit sila sa isang grupo na binubuo ng dalawang lalaki at tatlong babae. Kilala niya ang dalawang lalaki dahil madalas niyang makita ang mga ito noong nasa kolehiyo siya na kasama ni Charlie. Ang alam niya, may isa pang barkada ang binata noon pero mukhang wala roon. Nakatingin sa kanila ang grupo. Parang may asidong dumaan sa sikmura ni Jane nang makita ang matalim na tingin sa kanya ng dalawang babae. Hindi pa man ay alam na niya kung bakit. Si Charlie. Kaibigan din ba ng binata ang mga babae o doon lang nito nakilala?
"This is Jane," pakilala ng binata sa kanya.
Ngumiti at tumayo ang isa sa mga lalaki at inilahad ang kamay. "Hi! Nakilala ka rin namin sa wakas, Jane. I'm Ross. Charlie and I have been friends since college."
Tinanggap niya ang pakikipagkamay ni Ross. "Alam ko."
Umangat ang mga kilay ng lalaki kasabay ng pagbitaw sa kamay niya. "Alam mo?"
Nag-init ang mukha ni Jane nang mapagtanto ang sinabi. Napasulyap siya kay Charlie na nakaangat ang gilid ng mga labi at may amusement sa mga mata habang nakatingin sa kanya.
"You are too honest," matipid na komento nito.
Nag-iwas siya ng tingin kay Charlie dahil baka lalong mahalata ng mga kaibigan nito ang damdamin niya. Ang kaso, nang makita ang ngiti ni Ross, napagtanto niyang huli na ang lahat. Hindi ako honest, 'Obvious' is more like it, naisip ni Jane at saka napabuntong-hininga. Sunod na lumapit sa kanya si Jay at nakipagkamay rin. Subalit hindi tulad ni Ross na amusement ang nasa mga mata, pagtataka ang nakita niya sa mga mata ni Jay. Lalo na nang sumulyap ang lalaki kay Charlie.
"Hello, Jane. Ano'ng gusto mong inumin? I'll order," sabi pa ni Jay.
Ngumiti siya. "Iyong hindi masyadong ma-alcohol."
The women snickered. Pero hindi na lang niya iyon pinansin. Hindi ipinakilala ni Charlie sa kanya ang mga babae, ibig sabihin ay hindi talaga kaibigan ng binata ang mga ito. Sa katunayan, inakay pa nga siya ni Charlie paupo sa dulong bahagi na pinakamalayo sa mga babae. Pagkatapos ay umupo ito sa tabi niya.
"So, this is what I do when I'm free," sabi ni Charlie na hindi inaalis ang pagkakatitig sa mukha niya na para bang binabasa ang kanyang reaksiyon.
Sa halip na sumagot agad, iginala muna ni Jane ang tingin sa paligid. "Nakakapag-relax ka sa ganitong ingay?" mayamaya ay tanong niya.
Nahigit niya ang hininga nang ilapit ni Charlie ang mukha nito sa tainga niya at bumulong. "Nope. The relaxing part is what comes after."
Natigilan si Jane at napagtanto kung ano ang sinasabi ni Charlie. Of course. Women. Tiningala niya ang binata na seryosong nakamasid sa kanya. Inipon niya ang lakas ng loob bago nagsalita. "Pero hindi mo na iyon gagawin, hindi ba?"
Ilang sandaling nagtama ang kanilang mga mata bago nag-iwas ng tingin si Charlie. "At least for two months."
May kumurot sa puso ni Jane at inalis ang tingin sa mukha ng binata. Pasimple niyang ikinuyom ang mga kamay na nasa kandungan. "Oh… Okay," nasabi na lang niya. Balak pa rin niya akong iwan after two months. Hindi bale, pangatlong pagkikita pa lang naman namin ito. May oras pa ako.
Kaya lang, tuwing naririnig ni Jane mula sa binata na hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman nito para sa kanya ay hindi pa rin niya maiwasang masaktan. Pasimple siyang huminga nang malalim.
Naramdaman ni Jane na na-tense si Charlie sa tabi niya at lumingon sa kanya. Bigla ay natakot siya na makita ng binata ang ekspresyon sa kanyang mukha. Tila may sasabihin si Charlie pero bigla siyang tumayo. Pilit niyang pinakaswal ang sarili at nakangiting tumingin sa binata. "Pupunta lang ako sa restroom."
Tumayo si Charlie kaya nagkalapit ang kanilang mga mukha. "Sasamahan kita."
Napatitig si Jane sa mukha ng binata. Hindi niya alam kung dahil lamang sa maharot na mga ilaw sa club, pero parang may nakita siyang guilt expression sa mukha nito.
Marahan siyang umiling at hindi pinalis ang ngiti. "Huwag na. Kaya ko naman sigurong mahanap ang restroom nang mag-isa. Stay here."
Kumunot ang noo ni Charlie at mukhang igigiit ang gusto pero tumalikod na siya at naglakad palayo. Napalis ang ngiti sa kanyang mga labi at napabuntong-hininga.